Monday, May 10, 2010

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 2

9:15 am
Sa wakas ay nakita ko rin ang pangalang "Baltazar". Lima pala ang nakarehistro doon. Kaso, walang "Danilo". Problema yan!

Ilang beses naming tinignan ang listahan. Pati na nga sa listahang may markang D-E-F-G ay tinignan na rin namin, baka may "Danilo" doon. Pero wala talaga ang pangalan ko.

Marami ring ganoon ang sitwasyon. May isang guro doon na nagsabing magpunta raw kami sa COMELEC, sa munisipyo, at doon magtanong kung may record kami.

Ayan, mukha talagang uuwi na ako.

"Sasamahan ko kayo doon," sabi ng isang titser na nagprisinta.

Parang ayaw pa akong pauwiin.

Pumunta kami sa Barangay Hall upang magpalista bago sumakay sa sasakyan ng barangay.

9:30 am
Sumakay kami sa isang sasakyan ng pulis, 'yung open na open sa likod, at nakaupo kami sa magkabilang bench.

"Ano ba namang sasakyan ito. Nakakahiya! Sana, walang makakita sa akin sa opisina," wika ng isang babae. 'Di ko naman nakita kung sino 'yung nagsasalita, pero, alam ko, wala kaming nakasabay na maganda. Feeling n'ya siguro'y para s'yang isang kriminal na nahuli.

Hindi ko naman problema 'yun. Ang inaalala ko lang, baka isipin ng mga kalaban ni meyor na mga supporters n'ya kami at kami'y ma-ambush.

9:40 am
Nakarating kami sa munisipyo ng Las Piñas. Marami-rami na ring tao ang naroon.

May isang mesa sa labas ng opisina ang inuupuan ng ilang tao. Sa mesa ay may mga maliliit na papel kung saan doon mo isusulat ang iyong pangalan, prisinto, cluster, at polling place. Siyempre, hindi ko matandaan 'yung huling dalawa.

Pagka-fill up ng papel, ibibigay ito sa COMELEC, na nasa loob ng isang maliit na kwarto.

Pero, sa totoo lang, naisip ko lang ito. Wala naman kasing nagsasabi kung ano ang dapat namin gawin. Buti na lang nga't tama ang naisip ko.

Maraming nais magbigay ng papel at nagsisiksikan sa pintuan ng opisina.

Meron na ring mga nauna sa amin at naghihintay na lang ng resulta. Pero, naroon pa rin sila sa bungad, kaya kumpulan sa pinto.

"Gumawa po tayo ng dalawang pila para maging maayos ang pag-asikaso sa inyo," sigaw ng isang pulis, mula sa loob ng kwarto.

Kaso, maraming ayaw makinig. Palibhasa, naroon na sila sa may pinto, at kung pipila pa sila ay malalayo sila.

Meron namang mga gumawa na ng pila, at kasama ako doon. 'Yun nga lang, iisang pila lang ang nagawa.

"Dalawang pila lang po," sabi muli ng pulis.

Hindi na nadagdagan 'yung isang pila; ayaw tuminag ng mga taong malapit sa pinto.

"Dalawang pila po. Hindi po kayo maaasikaso hangga't hindi kayo nakapila."

"Unahin n'yo na kaming nakapila para mapilitang pumila rin ang iba," sagot ko naman.

"Gumawa po tayo ng dalawang pila," sigaw pa rin ng pulis.

Hindi ko alam kung hindi n'ya ako narinig o hindi n'ya naintindihan ang logic ng sinabi ko.

Sa medyo malayong lugar, may mga pulis na nakaupo lamang, tinitignan kami. Siguro, hindi nakatiis 'yung isa't lumapit sa amin.

"Pila lang po tayo," sabi n'ya.

"Kayo na lang po ang mag-ayos ng pila. Wala kasing gagawa n'yan kung hahayaan n'yo na kami-kami lang," sabi ko naman.

Lumakad-lakad ang pulis. "Pila lang po tayo."

Bingi ba ang mga pulis sa Las Piñas? Mahina ba ang boses ko? O ayaw lang nilang umaksyon?

Kung hindi lang ako mahiyain, ako na ang mag-aayos ng pila.

"Dapat kasi kunin na lang nila 'yung mga papel, tapos tatawagin na lang 'pag tapos na, para hindi nagkakagulo d'yan sa may pinto," wika ng isang nakatayong naghihintay na lang. Maaga s'ya kaya't naipasa na n'ya ang kanyang papel. 'Yun nga lang, medyo matagal na s'yang naghihintay.

Siguro, may nakarinig sa kanya. Isang nakapila ang itinaas ang kamay at maya-maya'y ipinasa na ng iba ang kanilang papel sa kanya. S'yempre, may I abot na rin ako. Tapos, kanyang ibinigay sa loob ang mga ito.

Ayan, eh, 'di, nakaalis din ako sa pila at nakapaghanap ng mauupuan.

Mangilan-ngilan lang ay may mga taong tinawag na. May isang lalaking pumunta sa pinto, tapos umalis, umiiling-iling.

"'Di raw ako pwedeng bumoto," sabi n'ya sa walang partikular na kausap.

"Bakit daw?" tanong ng isang babae.

"Wala daw ang record ko."

"Bakit daw wala?"

"Walang sinabi."

"Aba, dapat sabihin nila! Karapatan mo ang bumoto." Siguro, kung sa babae nangyari ito, nilusob na n'ya 'yung taga-COMELEC.

"Kelan kayo huling bumoto?" Tanong ni girl.

"Noong para sa Barangay Chairman." (Kelan kaya 'yun?) May ipinakita pa s'yang voter's ID.

"Uuwi na lang ako," sabi n'ya.

Dapat 'ata sinundan ko na lang s'ya.

10:05 am
"Baltazar!" sigaw ng pulis na nagpapapila sa amin.

"Baltazar!" sigaw ko, patakbong palapit sa kanya. Baka kung kanino pa mapapunta ang aking papel.

"Pwede ka na raw bumoto."

Ibinigay n'ya ang munti kong papel na may nakasulat na hindi ko maintindihan ang ibig sabihin.

Ganoon lang ba 'yun? Ni walang pirma.

Naisip ko, kung mandadaya ako, maaari ko lang palang mag-fill up ng maraming papel, tapos sulatan ko ng tulad ng nakasulat ng sa akin. Tapos, ipakita ko lang ito sa prisinto at makakaboto na ako.


Parang may mali.

Nakita ko 'yung gurong sinamahan kami, at sinabing hintayin na namin ang iba pa naming kasamahan.

10:45 am
Kay tagal ko na ring naghihintay. Baka abutin pa ako ng pananghalian, kaya ipinasya ko nang umalis sa munisipyo. Hindi ko makita 'yung gurong kasama namin kanina para magpaalam.

Madali lang naman bumalik sa eskuwelahang aking pagbobotohan. Pitong piso lang ang pasahe. Pero, hindi rin ako nakasakay agad. Kakaunti lang ang nag-bi-biyahe patungog Pulang-Lupa.

11:00 am
Nakarating din ako sa paaralan. Nagpunta ako sa aking prisinto at pumila.

Dalawang pintuan ang kuwarto ng prisinto. May nakatayong poll watcher sa tig-isang pinto.

"Saan po ba ang pila para sa prisintong ito?", aking tanong.

"Hindi ko po alam."

"Para saan itong pilang ito?", sabay turo sa pila sa harapan n'ya.

"Yan siguro."

"Eh, 'yung pila sa kabilang kuwarto, saan ang pila?"

"Hindi ko rin alam."

Teka, teka, teka. Hindi n'ya 'ata gusto ang mga sagot n'ya. Para saan ba s'ya? Display? Hindi naman s'ya gwapo.

Tinanong ko 'yung nasa kabilang pinto, "Saan po 'yung pila para sa prisintong ito?"

"'Yan," sabay turo sa pilang nasa harapan n'ya.

"Saan 'yung pila para sa kabilang kuwarto?"

"Yan din."

"Paano malalaman noong nakapila kung papasok na s'ya sa kuwartong ito o hihintayin pa n'ya ang nasa harap n'ya kung saan ito papasok?"

Hindi na s'ya sumagot. Marahil, hindi n'ya naintindihan ang tanong ko. Tumalikod na lang s'ya na wari'y busy.

Iisa nga lang ang pila ng dalawang kuwarto. Hindi mo alam kung saang kuwarto ang iyong sinusundan. Maluwag pa naman 'yung aming prisinto at sa kabila'y masikip. Paano ko malalaman na pwede na pala akong pumasok sa aming kuwarto kung 'yung kasunod ko ay nasa labas pa?

Hirap initindihin. 'Ika nga ni Yul Brynner sa The King And I, "It's a puzzlement!"

E-2-2-loy

No comments:

Post a Comment