Saturday, September 18, 2010

Lotto

Nangangailangan ako ng malaking pera ngayon. Kay laki na ng utang ko sa credit cards. Ibinebenta rin ang bahay na aming inuupahan, at gusto ko itong bilhin.

Kaya, naman, minsang nagpunta kami ni Bunso sa SM, naisip kong tumaya kami sa lotto.

Alam n'yo, malakas si Bunso sa Itaas. Kapag kami'y naghahanap ng mapaparadahan, sasabihin ko s'yang magdasal s'ya para makahanap kami. Sure enough, makakakita kami agad, at sa magandang pwesto pa.

Madasalin at malakas ang faith ni Bunso sa Diyos. Sa katunayan, may pamantayan na siya sa lalaking mapapangasawa n'ya: dapat ay may pananalig ang lalaki sa Diyos.

Kaya naman naisip kong tumaya sa Lotto at s'ya ang pipili ng mga numero. Baka sakaling manalo kami't matanggal na ang lahat ng aking mga problema.

Kaya't nang sinabi kong tataya kami sa Lotto, sumagot s'ya na aking ikinabigla.

"When did you start doing that?"

Siyempre, hindi ako nakasagot. Kay tagal na rin nang tumaya ako sa Lotto, at 'yun at isang numero lang. Alam ko rin namang hindi mananalo 'yun kasi panay petsa ng aming mga birthdays, kaya't walang numerong lalampas sa trenta'y uno.

Ang ginawa ko na lang ay tanungin s'ya kung gusto n'yang tumaya. Tumanggi s'ya. Kaya naisip ko na sa ibang paraan na lang ako hahanap ng pera.

Napag-isip-isip ko, ano kaya kung pinilit kong tumaya noong araw na 'yun? Tapos matalo. Eh, 'di, na-reinforce lang na hindi talaga wise ang magsugal. Kaso, alam na n'ya 'yun. Bakit kailangan pang ipakita sa kanya?

Ang iniisip ko ngayon ay paano kung manalo ako? Maganda ba 'yun?

Parang hindi. Kasi, anong value ang maiituro ko sa aking anak kung sakali ngang manalo ako? Na ang tagumpay ay isang tsamba lamang, na kailangan mo lang maging masuwerte upang makuha mo ang iyong gusto, at hindi mo na kailangang pagtrabahuhan ito? Na pera ang makaka-solve ng lahat ng iyong problema? Na OK lang magsugal kahit na alam mong ang iyong tsansang manalo ay mas maliit pa kesa tamaan ka ng kidlat maka-limang beses, sa iisang lugar?

Buti na lang at kasama ko si Bunso noong araw na 'yun. Siya ang aking anghel para ipaalala sa akin na hindi maganda, at hindi tama, ang tumaya sa Lotto.

Sayang din naman 'yung isandaang pisong balak ko sanang gastusin. Isang linggong meryenda na rin 'yun.

No comments:

Post a Comment