Kung minsan, gusto ko na ang maging bingi, lalo na ngayong ala-una ng madaling araw at ang kapitbahay ko ay maingay na kumakanta ng "Bikining Itim". Okay lang sana kung Sabado o Linggo ngayon, pero Huwebes pa lang at gigising ako maya-maya ng alas-kwatro para mag-ayos at pumasok sa opisina.
Kung ako man ay maging bingi, hindi lang ang sintunadong kapitbahay ang hindi ko maririnig, kun'di pati na ang pagbubunganga ng isa pang kapitbahay na madalas mag-away, ang pagbubusina ng drayber sa aking likod pagkatapos na pagkatapos magpalit ang traffic light sa berde, at ang malakas na stereo ng nagdadaang motorsiklo, tricycle, o kotseng may drayber na nagpapapansin. Hindi ko na rin maririnig ang mga awitin ni Willie Revillame, ang pagsagot ni Manny Pacquiao sa nag-i-interview sa kanya pagkatapos ng kanyang panalo, ang mga pasabog ni Boy Abunda, at ang mga reklamo ni Miriam Defensor-Santiago.
'Ika nga ni Ka Freddie, "Mapalad ka o kaibigan, napakaingay ng mundo / Sa isang binging katulad mo, walang ingay, walang gulo."
Siyempre, malungkot din ang maging bingi. Hindi ko na rin maririnig ang halakhak ng isang sanggol, ang mga musika nina Bach, Beethoven, at Ryan Cayabyab, at ang "I love you" ng aking asawa't mga anak.
Ang pagkawala raw ng pandinig ang pinakamasaklap na pagkawala ng isa sa mga senses. Kung mabulag ang isang tao, magagamit pa n'ya ang sense of touch para "makakita". Kung mapipi nama'y makakapag-sign language pa siya. Pero, 'pag nabingi, ano ang kanyang ipapalit upang ma-enjoy n'ya ang theme song nilang mag-asawa?
Marahil, hindi na ko dapat magreklamo, kahit na ikatlong "My Way" na ang aking narinig buhat pa kanina. Pasalamat ako't nakakarinig pa ako. Tutal, paminsan-minsan lang naman magwala ang aking kapitbahay.
Ngayon, kung hindi sila nag-iisip o kaya'y wala silang pakialam na nakakabulahaw na sila, bahala na ang Diyos. Siguro, may lugar sa Impiyerno na kahit na mamaos-maos na sa lakas ng kanilang pagkanta, ang makukuha nilang iskor ay isa pa ring malaking itlog.
Basta ako, kailangan ko na'ng matulog at magpahinga, para makakuha ng sapat na lakas. Mamayang hapon, sa Christmas Party sa'ming opisina, babanat ako ng Hagibis.
No comments:
Post a Comment