Monday, January 13, 2014

Malas

Dapat, mag-ingat ang mga tao ngayon,  ang pinakamalas na araw sa ating henerasyon. Mauulit lang ito sa susunod na sandaang taon.

Samahan mo pa ng oras ngayon,  limang beses na kamalasan 'yan.

Buti na lang at hindi pumatak sa Biyernes, kun'di'y hindi na ako babangon sa higaan.

Bakit nga ba malas ang numerong trese?  Kasi, si Kristo at ang Kanyang apostoles ay may bilang na trese?  At malas din ang Biyernes dahil 'yun ang araw ng Kanyang kamatayan?

At kaya ba malas ang magpa-Kodak ng tatlo, na mapapahamak daw ang nasa gitna, ay dahil si Kristo ay ipinako sa krus sa gitna ng dalawang kriminal?

Kung ganoon, maswerte ang nasa kanan (nasa kaliwa, kung titignan mo sa camera, cellphone, o tablet).  At least, mapupunta 'yun sa paraiso.

Patay nga lang din s'ya.

Hindi man ako nag-pu-feng shui, naniniwala pa rin ako sa mga "malas" at "swerte".  Meron talagang mga pagkakataong may mga pahirap na dumarating sa ating buhay, kahit wala tayong kasalanan.  Ang sinasabi ko na lang, "Ganoon, eh.  Malas ko lang."

Pero, ang paniniwala ko, hinahayaan ng D'yos na mangyari sa akin ito dahil meron S'yang plano.

Hindi ito isang wishful thinking o blind faith
.  Kasi, pagkatapos ng ilang taon, kung babalikan ko ang nangyaring kamalasan sa akin, parang mas bumuti pa ang buhay ko dahil sa mga pangyayaring iyon.
'Ika nga ni Babbie Mason:

"God is too wise to be mistaken.
God is too good to be unkind.
So when you don't understand,
When you don't see His plan,
When you can't trace His hand,
Trust His Heart.
"
Ganoon din ang sinabi ng aking Lolo Kiko:

"Datapuwa't sino ang tatakok kaya
sa mahal Mong lihim, Diyos na dakila?
Walang nangyayari sa balat ng lupa,
'Di may kagalingang Iyong ninanasa."

Abutan man ako ng malas, o abutan man ng s'werte ngayong araw na ito, basta ang alam ko'y kasama ko ang Diyos.

Thursday, January 9, 2014

Tutoring and Bonding Time

Nanaginip ako kagabi na nasa isa raw akong maliit na grupo ng mga kalalakihan.  Ang isa sa amin ay may hawak na banduria, tumutugtog ng "Show Me A Smile" ng APO, at ang isa ay may hawak na gitara, accompaniment ng banduria.  Kasama din namin si Jim Paredes.

Amateurish ang pagtugtog, masyadong mabilis, at walang feelings, 'ika nga.

Biglang tumayo at umalis si Jim, kasama ang isa pang lalaki.  Tapos, nandun na silang dalawa sa isang stage, si Jim ay may dalang banduria at ang kasama naman n'ya'y may gitara.

Tumugtog si Jim ng ilang nota ng "Show Me A Smile" at huminto.  Maganda s'yempre ang kanyang pagtugtog.  Napaka-professional.  Mabagal, at kahit na maikli lang ang kanyang tinugtog, damang-dama mo ang feelings ng kanta.

Huminto si Jim dahil nais n'yang sumunod sa kanya ang unang nag-ba-banduria.  Hindi nagmamayabang o naiinis ang taga-APO, sa halip ay parang matiyagang tinuturuan n'ya 'yung mama.

Nang hindi sumunod ang tinuturuan, tumugtog naman ang kasama ni Jim.  Napakaganda rin ng pagtugtog n'ya.

Tapos, nagising na ako.

Pinag-trip-an ko naman ang panaginip ko.  Sabi ko,  "Dear God, ano ang ibig sabihin ng panaginig kong ito?"

Biglang naalala ko:  kagabi'y tinuruan ko si Bunso sa Math, limits ang pinag-aaralan nila.

Ako ang tutor ni Bunso, sa Math, Science, English, Pilipino, Art, at halos sa lahat na ng subjects.

Madalas nag-aaway kami.  Nagbabangayan.  Makailan beses ko na s'yang napalo.  May mga pagkakataon na inihahagis ko ang kanyang libro, pero hindi naman sa kanya.  Minsan, pinupunit ko pa ang kanyang ginawa, na sabi naman n'yang ayaw na ayaw n'yang ginagawa ko 'yun.

Ilan taon na rin akong nagtuturo sa kanya, mula pa nang bigyan siya ng homework ng titser, halos sampung taon na ang nakakaraan.  Pero, mas madalas na kami'y nagkakasigawan kesa nagkakaturuan.

Kung naman hindi s'ya inaantok, madali n'yang naiintindihan ang topic, at kung magkagayon, mabilis ang aming pag-aaral.  At sa mga pagkakataong ito, nagkukuwento s'ya sa akin, tungkol sa mga nangyayari sa kanya sa school, tungkol sa mga kaibigan, at tungkol sa kanyang mga pangarap.

Naisip ko tuloy na nagiging bonding time na rin namin ang paggawa ng homework.

Tapos, naisip ko rin na malapit nang magtapos ng high school si Bunso.  Marahil, pagdating ng College, mangilan-ngilan na lang ang pagkakataong matulungan ko s'ya.

At kung hindi na s'ya magpaturo, magkakaroon pa kaya s'ya ng oras sa akin upang magkwento?

Naalala ko tuloy 'yung aking panaginip.  Matiyagang nagturo si Jim dahil gusto n'yang matuto 'yung aming kasamahan.

Dapat, ganoon din ang aking ginawa kay Bunso.  Hindi dapat naging mabilis ang pag-init ng aking ulo.  Mas nakinig pa dapat ako.  Mas naging matiyaga pa sana ako.

Parang si Jim sa aking panaginip.

Marahil, mga isa o dalawang taon na lang kaming magtuturuan.  Mabilis lumipas 'yun.  Sana, maraming oras pa na kami ay mag-"bonding".  Pero, pipilitin ko na laging masaya ang mga oras naming magkasama.

At nang sa ganoon, hindi lang sa kanta ang "Show Me A Smile".

Ngingiti kami t'wing maaalala namin ang mga panahong gumagawa kami ng homework.

Sunday, January 5, 2014

New Year's Resolution 2014 (Part 1)

Limang araw na ang nakakalipas since New Year, at ngayon pa lang ako gagawa ng aking New Year's Resolution.  Huli man daw at magaling, huli pa rin.

Pero, bago ako gumawa ng listahan, tinignan ko muna: Ano nga ba talaga ang New Year's Resolution?  At saan pa ako maghahanap kun'di sa pinaka-authoritative na source of information:  ang Wikipedia.

Sabi doon, ang New Year's Resolution ay isang pangako para sa self-improvement o "something slightly nice."

Sa totoo lang, hindi ko masyadong naintindihan 'yung "something slightly nice".

Pero ang talagang totoo, hindi ko s'ya nainitindihan.

Marami na rin akong nababasang mga New Year's Resolution, kung minsan umaabot ng dalawampung pangako.  May iba pa nga d'yan, nag-re-recommend ng New Year's Resolution para sa ibang tao, lalong-lalo na para sa Presidente o para sa mga artista.

Ang success rate naman ay hindi lalampas ng 25%.

Kaya hindi ako gagawa ng sampung resolutions sa taong ito.  Isa nga lang, napapako pa.  Tatlo na lang ang aking gagawin.  Mag-succeed man ako sa isa, mas mataas na ang success rate ko sa average.

Ang una kong kong ipinapangako ay mag-po-post ako dito at least twice a month.  Magsusulat ako sa una't ikatlong linggo ng buwan.

Ngayon, para matupad ko agad ang aking unang resolution, itututuloy ko ang topic na 'to sa ibang post.

Kaya, abangan ang susunod na kabanata.

Nawa'y maging blessed ang taong 2014 sa inyo.