Wednesday, April 1, 2015

Getsemane

"... and his sweat was like drops of blood falling to the ground." - Lk 22:44

Ang isa sa mga hindi ko maintindihang pangyayari sa Bibliya ay ang paghihinagpis ni Hesus habang nagdarasal S'ya sa Getsemane.  Sa sobrang lungkot, ang Kanyang pawis ay pumatak na parang dugo.

Waw! Sobrang tense n'un.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit gan'un ang naging reaksyon ni Hesus.  Bakit parang sobra-sobra naman 'ata ang Kanyang kalungkutan.

Una, matagal na naman N'yang alam na mangyayari ito, marahil mula pa nang kinain ni Adan ang prutas.  Kaya, sigurado akong mentally prepared S'ya.

Ikalawa, alam naman din N'ya na hindi magtatagal ang Kanyang paghihirap.  Sabihin na nating magsisimula ito ng alas-sais ng umaga, magtatapos ng alas-tres ng hapon.  Wala pang beinte-kuwatro oras ang Kanyang magiging pagdurusa.  Mas matagal pa nga marahil ang paghihirap ng isang taong may sakit, tulad ng isang may stage four cancer, o 'yung babaeng may labindalawang taon nang dinurugo (Mk 5:25).

At sigurado akong mas matagal pa ang pagdurusa ng isang empleyadong may palpak na bossing.

Ikatlo, hindi naman siguro mababa ang pain threshold ni Hesus, although, tingin ko, hindi naman S'ya nandaya at gumamit ng mga meditation techniques para hindi maramdaman ang sakit.

Ikaapat, naniniwala rin naman S'yang bubuhayin S'ya muli ng Ama, kaya hindi S'ya natatakot mamatay.

At panghuli, bago pa man S'ya hinalikan ni Hudas, alam na ni Hesus na luluwalhatiin S'ya ng Ama.  Kay gandang incentive noon.

Kaya, sa palagay ko, walang dahilan upang malungkot si Hesus sa nalalapit na pagdurusa.

So, ano ang dahilan at sobra-sobra ang Kanyang paghihinagpis?

Isang umaga, nakikinig ako sa DZFE 97.8, "The Master's Touch" habang nagmamaneho papuntang opisina.  Napakinggan ko si Dr. Harold Sala sa kanyang programang Guidelines.  Sabi ni Dr. Sala, kaya daw masyadong nalungkot si Hesus sa Getsemane ay dahil mawawalay S'ya sa Ama.

Makes sense.

Para nga namang dalawang magkasintahang tunay na nagmamahalan at ayaw magkahiwalay kahit ilang sandali lamang.

Paano pa kaya ang mag-Ama? Sa umaga nag-uusap na Sila, tapos sa gabi pumupunta pa si Hesus sa bundok para mas intimate ang Kanilang pag-uusap. 

Tapos, ngayon, magkakalayo Sila ng tatlong araw?

Sa mga taong nagmamahalan, matagal 'yun.

At sa mga taong sobrang nagmamahalan, sobrang matagal 'yun.

Lalo tuloy akong napabilib sa Ama at kay Hesus; isang napakalaking sakripisyo ang ginawa Nila.

At sa anong dahilan?

Para tayong mga makasalanan, tayong mga masasama, tayong mga walang utang na loob, ay maligtas sa kamatayan.

At bakit?

Dahil mahal na mahal Nila tayo.

Waw!  Hebi, men!

Kailangang pagnilay-nilayin ko pa ito.

Pero, naganap na 'yun.  Done deal 'ika nga.

Ngayon, ang tanong, ano ang tugon natin sa pagmamahal na ito?

No comments:

Post a Comment