Sunday, September 29, 2019

Thought Experiment

Isang water jug ang give-away sa aming huling High School reunion (not in the picture).  Biglang may naisip akong thought experiment: kung lagyan ko ng tubig ang jug, tapos isara ko ng mabuti, at inalog ko ito ng inalog, dahil sa transfer of energy iinit ang tubig hanggang ito ay kumulo.

'Yun ang theory.

Tapos, naisip ko:  Ano kaya kung ang mga bansang US of A, Tsina, at, siyempre, Pilipinas ay isinagawa ang eksperimentong ito.  Hindi ko alam kung gaano katagal o kabilis ang pag-alog nito, pero ilan kayang tao ang kinakailangan upang mapakulo ang tubig sa jug?

'Eto ang mga sagot ko:

Sa US of A:
  • Tanong:  Ilang TNT'ng Pinoy ang kailangan upang alugin ang water jug hanggang kumulo ang tubig?
    Sagot:  Isa.  Mataas 'ata ang OT pay sa abroad.

  • Tanong:  Ilang Mexikano ang kailangan upang pakuluin ang tubig?
    Sagot:  Wala.  Ipinagbawal na ni Trump ang magtrabaho ang mga Mexikano sa US.

  • Tanong:  Ilang puti ang kailangan?
    Sagot:  Wala.  Para lang daw sa mga Mexikano ang trabahong iyon.

  • Tanong:  Ilang blonde ang kailangan?
    Sagot:  100.  Isa ang hahawak sa jug at 99 ang aalog sa kanya.

  • Tanong:  Ilang gay ang kailangan?
    Sumunod na tanong:  Nasan 'yung jug?
Sa China naman:
  • Tanong:  Ilang Tsino sa mainland ang kailangan upang alugin ang jug?
    Sagot:  Dalawa.  Isang taga-alog at isang taga-hawak ng bayoneta.

  • Tanong: Ilang Tsino sa West Philippine Sea ang kailangan?
    Sagot:  Wala.  Hahayaan nila ang mga Pinoy na alugin ang jug, at tapos ay kukunin nila ito 'pag kumulo na ang tubig.  Sila naman daw ang may-ari ng jug.
At, siyempre, hindi pahuhuli ang mga Pinoy:
  • Tanong:  Ilang cabinet secretaries ang kailangan?
    Sagot:  Wala.  Hindi nga nila alam paano patakbuhin ang kanilang departamento, 'yun pa kayang pag-alog ng jug?

  • Tanong:  Ilang DDS?
    Sagot:  Kahit isa lang.  Subukan mong pahawak sa DDS kung hindi kumulo agad ang dugo mo.

  • Tanong:  Ilang preso na nakagawa ng heinous crime ang kailangan?
    Sagot:  Marami.  Ang pag-alog daw ng water jug ay isang sign of good conduct.

    Kaso nga lang, disqualified sila sa pag-alog ng jug.

  • Tanong:  Ilang Millennials?
    Sagot:  Baka wala.  Hindi nga nila pinaniniwalaan 'yung mga atrocities na nangyari noong Martial Law, 'eto pa kayang thought experiment lang?

  • Tanong:  Ilang Du30 Finger ang kailangan upang alugin ang water jug hanggang kumulo ang nilalamang tubig?
    Sagot:  Wala.  Pero, "P#@!, ipinapangako ko, in 3 months lang, kukulo ang tubig.  Kung hindi, I shall resign."

Sunday, March 3, 2019

Respeto

Praise no one before he speaks, for it is then that people are tested. - Sirach 27:7

Si Du30 Finger talaga ang una naming choice para sa pagka-presidente.  Sabi ko, naayos naman n'ya ang Davao.  Baka sakali, maayos n'ya ang bansa.

Nawalan na ako ng gana nang ikinuwento n'ya na minura n'ya ang Papa dahil sa trapik.  Proud pa s'ya nang isinasalaysay n'ya ito.

Hindi naman dahil sa ako'y Katoliko, pero kung basta ganun-ganoon lang maaaring n'yang murahin and isa sa pinakarerespetong tao sa mundo, ibig sabihin ay walang s'yang nirerespeto.

At sa isang taong may makapangyarihan, napaka-delikado noon.

Dapat Mayor Muna


Naulit pa ito nang sinabi ng ngayo'y panggulo na "dapat mayor muna ang nauna" kay Jacqueline Hamill.

Hindi lang n'ya binastos ang patay, pati ang kanyang pagkababae ay binastos din.

At hindi dahilan na "ganoon talaga ang mga lalaki magsalita".

Ang tunay na lalaki, may respeto.  Gentleman 'ika nga.

From The Fullness Of The Heart


Ang (tunay) na Panginoon na ang nagsalita:  [K]ung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi."- Lucas 6:45

Hindi ko naman sinasabi na kung masama ang lumalabas sa bibig ng isang tao, masama na 'yung taong 'yun.  Tanging Diyos lamang talaga ang nakakakaalam kung anong klaseng tao s'ya.

Pero, ang sabi sa Bibliya:  Huwag mo munang pupurihin ang isang tao hanggang hindi nagsasalita, sapagkat doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso't diwa. - Sir 27:7

Sa Darating Na Eleksyon


Hindi ko ibinoto si Du30 Finger dahil sa mga salitang nanggaling sa bibig n'ya.  At hindi naman ako nagsisisi.

Sa darating na eleksyon, ganoon din ang gagawin ko.  Pakikinggan kong mabuti ang mga sinasabi ng mga kumakandidato, 'di lamang tungkol sa kampanya, kun'di pati na rin sa mga ordinaryong kuwento ng buhay.

At, hindi ko iboboto ang:
  1. nagsasabing sila ay para kay Panggulong Du30 Finger (Bakit, hindi ba sila para sa mamamayan?);
  2. ayaw makipag-debate (Paano ko sila makikilala?);
  3. sinabing masama para sa mga Pinoy ang sobrang demokrasya (Martial Law, okay?);
  4. nais ibalik ang Death Penalty (Para maging legal ang Operation Tokhang?);
  5. nag-premature campaigning ('Di pa nga nananalo, nandadaya na.); at,
  6. ang may apelyidong Marcos, Enrile, Revilla, o Ejercito.

Monday, February 25, 2019

Sino Ang Panginoon Mo?

Minsan, napadpad ako sa Facebook homepage ng isang taga-DDS.Ito 'yung tungkol sa sinabi ni Jay Sonza na napaka-dramatic daw ni Maria Ressa.

Grabe, daming comments.  Ang masaklap noon, damang-dama mo ang galit ng mga nakasulat.

"Kapal ng mukha n'ya."

"Ipakulong 'yan, p#!@ng !n@ng 'yan!"

"Dapat, ipapatay 'yan."

Pero, s'yempre, hindi naman nanggaling sa vacuum ang mga 'yan.  Kelan lang, 'yung panggulo nila, sinabing holdapin daw ang mga obispo, at patayin kung lumaban.

Marami pa tulad n'yan ang sinabi n'ya, kahit noon pa.

Si Hesus Ang Nag-sermon

Ibang-iba naman 'yung napakinggan ng mga nagmisa noong nakaraang Linggo.

"[I]bigin ninyo ang inyong kaaway, at gawan ninyo ng kabutihan ang namumuhi sa inyo. Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo, at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo." - Lukas 6:27-28

Sabi ng pari na nag-misa sa amin, hindi na raw n'ya kailangang mag-homily pa.  Si Hesus na mismo ang nagsasalita. 

Hindi Lang Pang-Katoliko...

At dahil galing ang mga salita kay Hesus, hindi masasabing ang mga binasa noong Linggo ay pang-Katoliko lamang.  Pare-pareho naman ang sinasabi ng kapitulo sais, bersikulo bente-siyete hanggang bente-otso ni San Lukas, kahit ano pa ang Bibliya mo: Katoliko, Protestante, o kahit na pang-INC.

Samakatuwid, ang sinabi ni Hesus ay para sa pangkalahatan, o para sa mga naniniwala sa Kanya.

'Yun marahil ang key doon.  

Kalimutan mo na ang mga pari, mga obispo, ang Papa.  Tignan mo lang si Hesus.

S'ya ba ang tunay mong Panginoon?

Kung ganoon, bakit ka galit na galit sa mga taong wala namang ginawa sa 'yo?

Bakit tumatawa ka pa kapag binabastos ang isang babae?

Bakit gusto mong ipapatay ang mga taong makasalanan?

May eleks'yon o wala, kailangang mamili ka:

Sino nga ba ang Panginoon mo?

Sunday, February 17, 2019

Top Five New Names ng Ating Bansa

Kamakailan lang, nag-suggest si DU30 Finger na palitan ang pangalan ng ating pinakamamahal na bansa.  Wala nga lang s'yang originality dahil ang gusto n'yang pangalan ay iminungkahi na rin ng dati ring panggulo, si the Unreal McCoy.

Hindi naman sa inaayawan ko ang suggestion, pero, dahil tayo ay nasa isang demokrasya at wala sa isang diktadura.... Teka, mali 'ata ako ng bansa.

Ne-waze, ang gusto ko lang sana ay dumami ang mga suggestions para makapili tayo ng pinakamagandang pangalan.  Brainstorming baga, kung saan isinasaad na "quantity breeds quality".

At kung ang akala ninyo ang pinagsasasabi ko ay tungkol sa pag-aalaga ng manok na pansabong, 'wag nyo nang ituloy ang pagbabasa at baka sumakit lang ang ulo n'yo.

Kung kaya, maliban sa "Maharlika", narito ang aking mga mungkahing bagong pangalan ng ating republika:

Number 5:  Maalikaya
Mga Misis, kung natawa si Mister dito, magduda na kayo.

Number 4:  Republika ng Cronus
At ang tawag sa mga mamamayan nito ay Cronies.

Number 3: Republika ng Independyenteng Pilipinas
Ang isang impetus upang palitan ang pangalan ay dahil nanggaling daw ito sa pangalan ng isang Kastilang hari, at ang salitang "Pilipinas" ay may connotation na colony pa rin tayo ng EspaƱa (yung bansa, hindi 'yung kalye).  Eh, 'di, lagyan natin ng salitang Independyente upang ipakita sa buong mundo na malaya na tayo.  (Malapit na nga lang mamatay.)

Number 2:  Hacienda Pilipinas
'Ika nga ni Brother Bo, and Pilipinas ay isang napakalaking Hacienda dahil lagi na lang tayong umaasa sa haciendero (presidente) upang lutasin ang ating mga problema.

At ang Number 1 na bagong pangalan ng Pilipinas:  Feilubin, province of China.