Sunday, June 1, 2008

Pambansang Araw ng Watawat

Ika-27 ng Mayo, 2008.  Nakapila ako sa Immigration ng US of A, nagtatangkang mabigyan ng pahintulot na makuha ko ang aking mga checked-in baggages at makasakay ng taksi sa labas.  Ito ang ikatlong pagkakataong makapasok sa bansang ito sa loob ng dalawang buwan.  Inuulit ko, hindi po ako isang government employee; ako po ay isang hamak na empleyado ng isang airline.  Ang naunang dalawang punta ko'y dahil sa trabaho.  Ngayon nama'y dahil sa bakasyon.

Mahaba ang pila ngayon.  Sa paghihintay, lumingon-lingon ako sa paligid-ligid, upang makakita ng kung anu-ano'ng kanais-nais na tanawin.  Napansin ko ang naglalakihang mga watawat (bandera, flag, atb.) ng Amerika na nakasabit.  Dahil malayo pa ako sa Immigration Officer, at na-coach ko na ang aking mga anak kung ano ang sasabihin sa kanya, naisipan kong pag-aralan ang watawat.  Labintatlong stripes meron, na sumasagisag sa labintatlong colonial mentalities, este, colonial states pala.  Limampung estrelya (stars), na sumasagisag sa limampung states ng United of America.  Kay ganda ng pagkakaayos ng mga estrelya: may limang linyang tig-anim na estrelya, at apat na linya na tig-lima.  Kung kaya ang suma-total ay 5 x 6 + 4 x 5 = (using MDAS) 30 + 20 = 50.  Malinis ang pagkaayos, horizontally and diagonally.

Bigla ko tuloy naisip: kaya siguro hindi magiging state ang Pilipinas.  Paano pa maiaayos ang mga estrelya?  Pero, knowing the Pinoys, sigurado ako na i-i-insist ng mga ito na dapat laging may estrelya sa flagpole.  Kun'di naman, may isang malaking estrelya sa ginta ng mga stripes.  Pero meron na ring mga solusyon kung magdadagdag ng estados ang Unidos.  Nandoon na nga sa Wikipedia, eh.

Naisip ko rin: ika-27 ng Mayo, ika-pito ng gabi, nakapila ako.  Ika-28 na ng Mayo sa Pilipinas.  At doon, idineklara ang  Pambansang Araw ng Watawat.  Hinihikayat ang mga tao na i-display ang watawat mula sa araw na ito hanggang sa Araw ng Kalayaan.  

Ang watawat daw natin ay kakaiba, sapagka't maaari itong baligtarin sa panahon ng digmaan.  Litong-lito naman ako kung paano dapat isabit ang watawat sa dingding.  Ang sabi, dapat ang asul ay nasa kaliwa ng tumitingin kung payapa ang panahon, at sa kaliwa ang pula kung panahon naman ng giyera.  Paano kung sa mga malls, na kung saan kinakabit nila sa pintuan na gawa sa salamin?  Sabagay, p'wede rin pala.  Pagpasok ng mga tao, sa kaliwa nila ang kulay asul ng watawat, kaya mapayapa silang papasok sa mall.  Pag labas naman nila, sa kanilang kaliwa ang kulay pula;  mag-gi-giyera sila dahil sa dami ng mga pinamili ni asawa.

Ang kulay bughaw, o blue, ay nagsisimbolo sa kapayapaan, at ang pula ay para sa kabayanihan at katapangan ng mga Pilipino.  Ang turo sa amin noon, ang puti naman ay nagpapahiwatig sa kapurian ng mga Pinoy.  Tunay na puti ito, hindi dirty white.  'Di ko lang alam ang ibig sabihin ng dilaw.

Ang walong rays ng araw ay nagsisimbolo sa walong probinsiyang naghimagsik laban sa mga Kastila noon.  'Di ko memoryado ang mga ito.  Alam mo naman, hanggang pito lang ang natatandaan ng ating utak.  At ang tatlong estrelya ay sumasagisag sa Luzon, Visaya at Mindanao.  Ngayon,  kung ang pangalan mo ay Luzviminda, isang estrelya lang ang para sa'yo.


Ang isa pang simbolo ng ating watawat, na sa aking palagay ay nalilimutan ng marami, ay ang trayanggulo o tatsulok na may pare-parehong sukat ang tabi.  Isa itong isoceles triangle na nangangahulugan ng pagkakapantay-pantay at kapatiran ng mga Pilipino.

Maraming naglabasang usapin kung paano ipapakita ang paggalang natin sa ating watawat.  Ito ay sanhi ng pagkakaroon ng proklamasyon ng Pambansang Araw ng Watawat.  Sa usaping ito, nariyan ang nagsasabing dapat palitan ang watatawat kung ito ay luma't gula-gulanit na.  Meron naman nagsasabi na 'wag gagamitin ang disenyo ng watawat sa damit.  Paano naman kaya kung ikaw ay Olympian o representative sa Miss Universe?

Sapagka't ako'y isang Pinoy, makikisawsaw din ako sa usapang ito.

Sa aking palagay, maipapakita mo ang paggalang sa watawat kung susundin mo ang kahulugan ng bawa't bahagi ng ating watawat:
  • Kung ikaw ay nagnanakaw sa kaban ng mamamayan, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung alam mo na may maling ginagawa ang iyong pinuno sa pamahalaan, at pinapapabayaan mo lang ito't wala kang imik, o kaya, mas masahol pa, ikaw pa ang nangungunang manuhol upang mapagbigyan ang sarili mong interes, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ikaw ay isang pulis at huhulihin mo ang mga mahihirap nguni't hahayaan mo ang mga mayayaman, o isa kang judge at paparuasahan mo ang isang tao dahil siya ay mahirap, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ikaw ay isang waiter at mas pinagsisilbihan mo ang isang foreigner kesa sa isang Pinoy dahil mas malaki ang ibinibigay na tip ng una, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ikaw ay isang Kristiyano at pag-iisipan mo ng masama ang mga Muslim, o isa kang Muslim na pag-iisipan ng masama ang mga Kristiyano, o sinasabi mong lahat ng mga Bisaya ay katulong, lahat ng Bicolana ay pakawala, lahat ng Kapampangan ay may "dugong aso", at iba pang prejudice dahil ang isang tao ay galing sa isang probinsiya, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ikaw ay isang negosyante na nagpapasweldo sa iyong mga empleyado na hindi sapat ang halaga at hindi ibinibihay ang mga benepisyo, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ikaw ay isang empleyado na nagnanakaw sa iyong kumpanya, tulad ng pagkakaroon ng mahabang lunch break, pag-uwi ng mga ballpen at papel para sa iyong anak, pag-print ng kanilang assignment, o pagsingil ng taxi fare kahit ikaw ay nag-bus o naglakad lamang, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ika'y kumakanta ng My Way na napakalakas, at nakakabulahaw ka na sa mga kapitbahay, nguni't lalo mo pang nilalakasan ang volume ng iyong videoke, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung itinatapon mo ang iyong basura sa bakuran ng iyong kapitbahay, o sa bakanteng lote  na hindi sa'yo, o sa ilog na puno na ng basura, o sa kalsada, hindi mo iginagalang ang watawat.
Kay rami pang mga bagay-bagay na magpapakitang hindi mo iginagalang ang watawat.  Iniimbitahan ko kayong isulat sa comment ang mga naisip ninyo.

Hindi lang ang pagwagayway ng isang bagong watawat maipapakita na iginagalang natin ito.  Sa halip, kung isasabuhay natin ang mga simbolo't sagisag ng bawa't parte ng watawat, maipapakita natin ang ating paggalang dito.

At kung hindi mo iginagalang ang ating watawat, hinding-hindi ko panghihinayangan kung kaharap mo ang Immigration Officer sa Los Angeles, Sydney, Toronto, o Timbuktu, at ika'y nakapila sa linya ng mga immigrant o citizen.

No comments:

Post a Comment