Kay sarap ng biyahe namin papuntang LAX, galing ng MNL. Business class, umiinom ng red wine, habang nakikikinig kay Frank Sinatra.
Inuulit ko po, hindi ako isang government employee; ako'y isang hamak na empleyado ng isang airline. Ito ay aming benepisyo, ang makarating sa US of A sa halagang Philippine Pesos 890 only. 'Ika nga sa amin, fly free - marry me. Kaso, may asawa na ako, eh. Pero, maraming naghahanap sa amin. =)
Gaya ng sabi ko, pinakikinggan ko ang mga kanta ni Frank, mga awit na pinasikat n'ya mula early 40's hanggang 90's.
Pinakikinggan ko ngayon ang kantang "Something Stupid", na ka-duet n'ya ang kanyang anak na si Nancy. Ito lang 'ata ang kantang nag-number 1 na mag-ama ang kumanta.
Gustong-gusto ko ang blending ng mag-amang ito. Si Nancy ay nag-se-second voice samantalang si Frank ang melody. Tingin ko, kung wala si Nancy, magiging boring ang kantang ito. Sa halip, lalong umangat ang pagkanta ni Frankie.
Gusto ko ang arrangement ng mag-ama, 'di gaya ng mga napapanood ko sa TV t'wing Linggo ng tanghali. Although magagaling ang mga mang-aawit doon, palibhasa mga diva (at divo?) sila, nagkakanya-kanya sa pagkanta. Palakasan ng boses. May biglang tataas ang tono. May isang magpapasikat. Walang blending o arrangement na masasabi. Para silang Baroque music; iba't ibang melody ang maririnig mo ng sabay-sabay.
Mayroon akong mga CD ni Frank, ang "Duets" at "Duets II". May kasama si Frank sa lahat ng kanta doon, at mga sikat na mang-aawit. Kaso, 'di ko gusto ang pagkakagawa. Parang gan'un din, walang blending. Salitan lang sila ng pagkanta, tapos, magsasabay. Pero, 'di talaga magkasabay. May kanya-kanyang bersiyon sa pagkanta.
D'yan ako nabibilib kay Dolphy, sa kanyang pag-awit. Kung solo lang siya, hindi maganda. Pero kung may ka-duet s'ya, nag-se-second voice si Dolphy, umaangat ang kanta, at hindi ang mga kumakanta.
Gan'un din siguro sa mag-asawa, sa trabaho, o sa bansa. Hindi 'yung "nagpapataasan ng ihi". Lahat magaling. Ang tao ang umaangat, hindi 'yung resulta ng trabaho. At dahil may umaangat, may bumababa. May natatapakan. Ang resulta, samaan ng loob. Gantihan. Tirahan.
Tulad sa pamilya, gusto ng lalaki s'ya lang ang pinagsisilbihan, s'ya lang ang gumagawa ng desisyon. Kung ano ang gusto n'ya masusunod.
Sa trabaho naman, gusto ng isa s'ya lang ang nakakaalam ng trabaho. Ibig ng boss sa kanya lahat ng glory kapag may magandang nangyari, at sisi naman sa mga tao n'ya 'pag pumalpak.
Sa bansa, gusto ng lahat ng pulitiko na sila ang maging lider, walang follower. Magpapabango, mag-iingay, babatikusin ang nakaupo. Wala namang nagagawang ikabubuti ng bansa.
Siguro nga, kailangan nating tanggapin na kung minsan second voice tayo, kung minsan solo, at kung minsan panay rest ang ating nota. At kahit Baroque music ang ating tinutugtog, basta't may harmony kay ganda pa ring pakinggan. Isang masterpiece ang kalalabasan.
Kay sarap nitong blue chees na ipinahid sa cracker at itutulak ng red wine habang kumakanta si Frank ng "New York, New York". Parang sa pelikulang "Ratatouille", ipinipikit ko ang aking mata upang lasahan at pakiramdaman ang aking kinakain.
Well, all good things must end, 'ika nga nila. Ubos na ang keso't alak. At si Frank Sinatra'y kumakanta ng "My Way". Panahon na para ilipat ang channel.
Nakakatuwa ang iyong naisulat tungkol base sa mga kanta ni Sinatra. Sa mundong ginagalawan natin, kadalasan ay may mahigpit na paligsahan kahit hindi naman kailangan. Lagi kong aalahanin ang "Duet" kapag nakikipagtalo ako sa aking asawa.
ReplyDeleteAng iyong bagong "fan",
Filteany