Sa mga habulin at pinapantansiya,
mga guwapo at macho,
mga makisig at maginoo,
mga cute,
mga crush ng bayan:
Ito ang inyong PINUNO
na bumabati ng
Happy Fathers' Day!
Bakit nga parang natatabunan lagi ng Happy Mothers' Day ang Happy Fathers' Day? At least, dito sa Pilipinas. Kahit ano'ng gawin ng SM na pasikatin ang Fathers' Day, mas marami pa ring nakukuhang regalo't blow out ang mga ina. Siguro, nag-aalangang manghingi ang mga anak ng pera sa kanilang Tatay para bumili ng necktie o universal remote control. It's the thought that counts naman, 'di ba?
Kawawa nga naman kaming mga Tatay. Napaka-sexist naman kung ang tingin lang sa amin ay taga-bigay ng pera sa mga anak at, lalong-lalo na, sa asawa.
Kelan lang nakapanood ako ng binyagan sa Shrine na malapit sa amin. Bilang huling bahagi ng seremonyas, tinawag sa harap ang mga ama ng mga binibinyagan upang tanggapin ang kandilang sinindihan at ipasa sa kani-kanilang mga asawa, kumpare't kumare. Sinabi ng pari, 'yan daw ay dahil ang mga ama ang magbibigay ng liwanag sa kanilang mga anak.
Ayan, ha? Ang ama ang ilaw ng tahanan, at hindi ang mga ina.
Oops! Sana hindi ito mabasa ng aking asawa; baka awayin n'ya ako.
'Wag na nating pagtalunan pa kung sino ang dapat maging ilaw ng tahanan. Dapat pareho, ang ina at ang ama. 'Di pwede ang ama ay 'di makialam sa pagpapalaki ng mga bata. O solohin ng ina ang responsibilidad na 'yun. Malaki ang epekto kung isa lang ang gumagawa noon.
Saan ko ba nabasa 'yun? May epekto raw ang ama sa sexuality ng kanilang mga anak. Kung ang ama ay malayo sa kanyang pamilya, 'di lamang sa pisikal na distansya nguni't pati na rin sa emosyon, ang anak na babae'y nagiging tibo at ang anak na lalake'y nagiging bading. Kumbaga, pinipilit palitan ng anak na babae ang pagkawala ng kanyang ama, samantalang ayaw ng anak na lalaki na maging katulad n'ya ang kanyang tatay.
Marami na rin akong kilalang bading na galit na galit sa kanilang mga ama. Hindi ko alam kung naging bading sila dahil sa relasyon nila sa kanilang tatay, o ipinanganak na sila ng ganun, o may hindi magandang karanasan sila noong sila'y bata pa. Pero, parang totoo nga na naging ganu'n sila dahil sa kanilang 'di-magandang relasyon sa kanilang mga ama.
Sa aking palagay, ang araw na ito'y hindi lamang upang ipakita natin ang ating pasasalamat sa ating mga ama, kun'di, marahil, upang ipaalala din sa atin, mga tatay, na dapat ay maging karapat-dapat tayong tawaging mga ama.
Kaya sa mga humahabol at nagpapantasya, sa na-guwa-guwapuhan at nama-macho-han, sa nakyu-cute-an at nagkaka-crush sa akin, pasensya kayo 'pagka't ako'y taken na. Humagulgol man kayo d'yan, 'di ko kayo papansinin.
At sa mga umiiling habang binabasa ang huling talata, pagbigyan n'yo na ako. Tutal, araw ko ngayon.
No comments:
Post a Comment