Sunday, February 2, 2014

New Year's Resolution 2014 (Part 2)

Asar na asar si Senyorita Roces, guro ng Spanish 1, sa kanyang estudyanteng si Pedro.  Paano naman, panay ang daldal ni Pedro sa kanyang katabi, hindi nakikinig sa mga lessons.

Minsan, tinawag ng titser ang binata.

"Pedro!"

"Si, Senyora?"

Nagpanting ang tenga ng guro.  Ilang beses ba  n'yang uulit-ulitin na ang dapat na tawag sa kanya ay "senyorita" at hindi "senyora"?  Hindi na nakapagpigil kaya't nasigawan n'ya si Pedro.

"Tonto!"

Walang kakurap-kurap na sumagot si Pedro.

"Tonto.  Tontas, tonta, tontamos, tontais, tontan!"

------

May tatlumpung taon na rin n'ung huli akong nag-aral ng Espanyol.  Hindi pa na-re-repeal ang Spanish Law, kaya't required naming kunin 'yun.

Sayang din naman, kasi, noong huling semester ko na, hindi ko na kailangang mag-translate sa aking utak kapag nagbabasa sa Spanish.

Kelan lang, napanood ko sa TV na upang makaiwas sa dementia, kailangan ng utak ang mag-exercise.  At ang isang mahusay na paraan ay ang matutuo ng bagong wika.

Okay, okay, hindi naman talagang bago sa akin ang Kastila.

Una'y dalawang taon ko itong napag-aralan, kahit na matagal na.

Ikalawa nama'y marahil mahigit sa limampung porsiyento ng mga salita sa Pilipino ay galing sa Espanyol.

At anong kalokohan naman itong mag-aaral ng bagong wika?  Eh, Inggles nga lang palpak na ako.

Pero, ayaw kong tumanda -- este, mas tumanda -- ng ulyanin.

Makakalimutin na nga ako.  Madalas, hindi ko maaalala kung nakapagdasal na kami bago kumain.  Nalilimutan ko na ang pangalan ng mga kaibigan, kamag-anak, at kakilala.

Pero, ang mga kaaway, hinding-hindi ko malilimutan.

Nalalayo ako.

Hindi ko tatawaging New Year's Resolution, nguni't isang objective ito:  pag-aaralan kong muli ang wikang Kastila,  hindi naman upang makapagsalita, kun'di upang makapagbasa.

Upang mabasa't maintindihan ang mga paborito kong Latin songs.

Upang mabasa ko ang mga tula sa MRT.

At, ang ultimate, upang mabasa ko ang Noli at Fili sa orihinal na Kastila.

'Pag hindi pa naman na-stretch at na-exercise ang utak ko,  yo no se lo que se!

No comments:

Post a Comment