Sunday, January 18, 2009

Pit Señor! (Sinulog 2009, Part 1)

Tanghali na nang nakaalis ako ng bahay. Sa katunayan, may nanananghalian na sa paborito kong turo-turo nang ako'y mapadaan. Medyo pa-easy-easy pa kasi ang aking pagkilos. Nais kong mag-attend sa 11 o-clock mass sa Sto. Niño Basilica. True to form, alas-onse na ako umalis ng bahay.

"All roads lead to Sinulog", 'ika nga. Sa Mactan ako nanggaling, at trapik na papuntang Cebu City. Maraming nag-aabang ng jeep. Parang rush hour sa Pasay Rotunda. Well, hindi naman gan'un kasama. Sa Pasay, ang mga tao'y nasa gitna na ng kalsada. Hindi pa naman umaabot ang mga tao dito; nasa 1/4 pa lang.

Medyo bago pa lang ako sa Cebu, kaya hindi ko alam ang pasikot-sikot at kung anong jeep ang sasakyan. 'Pag ganu'n, ang pinaka-safe gawin ay sumakay ka papuntang "Hi-way", na siyang pinaka-sentro ng mga jeepney. Parang Quiapo o Cubao, kung saan makakakuha ka ng jeepney saan man ang iyong patutunguhan. Hindi nga lang kasing sikip o delikado tulad ng Quiapo o Cubao; dito sa Cebu hindi mo kailangang kapain paminsan-minsan ang iyong wallet para malaman kung nand'yan pa.

Kay raming jeepney ang dumadadaan sa Hi-way. Panay maluluwag. Wala nga lang sumasakay. Siyempre, dahil alam ko namang pare-pareho lang ang aming pupuntahan, 'di rin ako sumakay sa mga jeep na 'yun o nagtanong sa mga driver; baka isipin pa nilang taga-probinsiya ako.

Biglang may isang maluwag na jeepney ang huminto. Kay raming taong nagtakbuhan para makasakay. Sign na ito na dapat masakyan ko ang jeepney na 'yun. Naalala ko tuloy, noong nag-aaral pa ako, na nagtatakbuhan at naghahabulan din kami 'pag nakakita kami ng jeepney na biyaheng UP na nag-ka-cutting trip.

Napuno agad ang jeepney, kaya sabit na lang ako. Naisip ko na okay lang marahil sumabit kasi meron namang konduktor ang jeepney na naka-sabit din. Bawal kasi ang sabit sa Cebu. Siguro, dahil Sinulog, exception ngayon.

Mahaba-haba rin ang aming biyahe, at may mga nadaanan kaming mga naghihintay din ng jeepney. Maraming naghihintay. May mga sumabit pa, kaya nadagdagan kaming mga sabit.

Buti na lang at hindi na ma-trapik, dahil ngawit na ako. Maya-maya pa'y may isang babaeng nagsasalita sa wikang Cebuano. Siyempre, hindi ko siya maintindihan. Pero, kahit paano, na-infer ko na hinihingi na n'ya ang pasahe ng mga hindi pa nagbabayad. Malapit na siguro ang dulo ng biyahe. Kaya, sa isang kamay, binunot ko ang aking coin purse, binuksan ang zipper, at kumuha ng dawalang limang pisong barya. Mahirap ding gawin 'yun, lalo na't matagtag ang biyahe. Pero hindi ako natatakot mahulog, may nakasabit pa naman na humaharang sa likod ko.

Alam ko na ang bababaan ko ngayon, 'di tulad noong nakaraang Linggo na sinubukan ko ring magsimba sa Basilica. 'Yung nakaraan, sa ibang simbahan ako pumasok, sa Metropolitan Cathedral. Kaya pala, pinagtakhan ko, bakit ang luwag-luwag ng simbahan. 'Pag labas ko, noon ko lang nalaman na mali pala ang napasukan ko. Parang mag-a-attend ka ng kasal sa San Agustin Church pero sa Manila Cathedral ka pumasok. Ngayon, alam ko na. 'Ika nga ng mga Pinoy pagkatapos ng EDSA I, "Never again!"

Huminto ang jeep, at may narinig akong pasahero na parang sinasabing pabalik na ng biyahe ang jeep. Nagbabaan ang lahat. Siyempre, ako rin. Pero, hindi ito ang binabaan ko noong isang Linggo. Nabale wala tuloy ang aking knowledge. So, sunod na lang ako sa paglalakad ng mga tao. Tutal, sa Sinulog din ang punta nila.

E-2-2-loy

No comments:

Post a Comment