Monday, January 19, 2009

Pit Señor! (Sinulog 2009, Part 2)

Matapos ang ilang blokeng paglalakad, naisip-isip ko na baka hindi papuntang Basilica ang mga sinasabayan ko. Dalawa actually ang pwedeng puntahan ngayon: ang misa sa Basilica at ang Grand Parade. Kaya, sa isang kanto, kinailangan kong gumawa ng desisyon: liliko ba ako sa kanan, kung saan marami ang patungo, o sa kaliwa? Susundan ko ba 'yung maganda't seksing babae o magbabakasakali ako sa kabila? Well, I took the road less traveled. Tutal, magpapakabanal naman ako ngayon, kaya't hinayaan ko na 'yung babae; tumungo ako sa aking kaliwa. 'Di bale, makapal pa naman ang swelas ng aking Reebok. Babalik na lang ako kung mali.

Malayo-layo pa'y alam ko nang tama ang aking direksyon. Natanaw ko na may mga nagbebenta ng lobo. Nandun din, sigurado, ang simbahan.

Nang papalapit na ako nakita kong 'di lang lobo ang ibinebenta. Meron din doong mga sumbrero na may sticker na binili sa National Bookstore na may nakasulat-kamay na "Sinulog 2009", may shades, mga kandila, relo, pamaypay, at DVD na tig-bente pesos lang.

Kay daming tao sa paligid ng simbahan. Sarado ang kalye. Upang maging maayos ang daloy ng mga tao may mga gate na pasukan lamang at meron para labasan lang. Hindi lang malalaki ang mga karatula, color-coded din: green para sa Entrance at yellow para sa Exit. But na lang at hindi si Bayani Fernando ang namamahala ng trapik dito sa simbahan.

Ang mali ko 'di agad ako pumasok sa unang Entrance na aking nakita. 'Dun pa ako sa kabilang gate, kaya dadaanan ko ang isang Exit gate. At dahil nasa Communion Rites na ang kasalukuyang misa marami na ang naglalabasan. 'Di ko naman maintindihan sa mga taong ito. 'Di ba nila alam na ang tapos ng misa ay kung sabihin na ng pari na "The mass has ended. Go in peace.", at sasagot ang mga tao ng "Thanks be to God!"? Dapat nga sana umalis ang mga tao 'pag talagang wala na 'yung pari. Kaso, dahil sa dami ng nagmamano sa pari hindi kaagad siya nakakaalis. Kaya, kahit matapos na lang ang huling kanta bago sana lumabas ang mga tao.

Nagkakasalubong ang mga tao, may papuntang kanan, may pakaliwa, may padiretso, at may nakatayo lang na nagbebenta ng kung ano-ano. Nagkakabuhol-buhol tuloy ang daloy ng mga tao. Punong-puno talaga. Kung hindi lang sana ako magsisimba, nakapag-tsansing na sana ako. Pakiramdam ko tuloy nasa prusisyon ako ng Poong Nazareno.

Hindi sa loob ng Basilica mismo nagmimisa. Sa sobrang dami ng tao sa Pilgrims' Center nila ito ginaganap. Ang Center ay parang isang plaza na may mga bleachers sa magkabilang tabi na nasa 2nd floor. Sa silong ng mga bleachers na ito ay may mga upuan na inilagay para lang sa misa. Sa gitna ay isang malaking espasyo. Naglalagay sila ng mga harang upang daanan ng mga pari, lay ministers, at taga-kolekta ng mga "love offerings". Pagsapit ng komunyon doon pupunta ang mga lay ministers at doon lalapit ang mga tao. Hindi nga naman mahihirapan ang mga lay ministers pumuwesto. Sa dulo ng plaza, kumbaga sa pasimano ng isang mesa, may stage kung saan naroon ang mga pareng nagmimisa.

Makulimlim ang panahon, ngun't paminsan-minsan ay lumalabas ang araw. Buti na lang at may babaeng nakapayong sa aking likod samantalang nakaharap ako sa Silangan.

Cebuano ang misa ng ala-una. Pati ang sermon Cebuano rin. Tingin ko komikero ang bishop. Kasi, habang nagbibigay siya ng sermon, ang mga tao'y tumatawa. Akala siguro ng mga tao sa paligid na mataimtim akong nagdarasal dahil hindi ako nakikitawa.

Sapagka't alas-diyes pa nang ako'y huling kumain kumakalam na ang aking tiyan habang ako'y nasa misa. May isang pamilya na aking katabi na gutom na rin ang isa nilang anak. Kaya't inilabas nila ang baon nilang kanin at sausage, at ipinakain sa bata. Lalo tuloy akong nagutom.

Akala ko hindi mapupuno ang Center. Isipin mo, buhat pa kaninang alas-sais ng umaga ang mga misa. Kada isa't kalahating oras ang schedule. Kasing puno ngayon 'yung mga nagdaang misa. May Red Cross na ngang nakahanda. At marami na ang nanonood ng Grand Parade. Puno pa rin ngayon, at, malamang, mapupuno pa rin ang mga susunod na mga misa. Saan kaya nanggaling ang mga ito? Parang noong una kong punta sa SM Megamall hindi ko naisip na mapupuno iyon. Pero, ngayon, nagsisiksikan na rin ang mga tao doon.

Masaya rin ang parte ng offertory. Pagdating dito, nagtataas ng kamay ang mga tao at kinakaway nila. Parang sa isang rock concert. Wala nga lang silang mga nakasinding lighter. Ang iba'y nagpapalipad ng mga lobo. Meron 'ata silang isinusulat doon, na parang dasal. Kaso, ang iba'y sumabit na sa mga banderitas. Paano kaya 'yun? Hindi nakaabot sa langit ang mga dasal nila? Hindi na 'yun mapapakinggan? Kaya pala may mga lobo sa mga banderitas. Akala ko pa naman galing 'yun sa mga batang nabitawan ang lobo't umiiyak na habang pinagagalitan sila ng kanila ama. Sadya palang pinalipad ang mga iyon.

Pagdating ng komunyon, marami ring tao ang nakinabang. May mga posteng nagsasaad kung saan pupunta't pipila ang mga tao. May limampung poste na gan'un. Buti na lang ang bawa't isang nagbibigay ng komunyon ay may maraming dala. 'Di tulad sa SM na aking pinupuntahan; madalas nauubusan sila kaya't pagdating ng huli ay hinahati na lang ng lay minister ang mga hostia para makinabang ang lahat ng may gusto. Sabi naman ng pari, buong katawan pa rin ni Kristo ang kanilang natanggap, at hindi 'yung paa lang o kamay.

Hindi agad ako lumabas pagkatapos ng misa. Nagpasalamat muna ako't nagkaroon ako ng pagkakataong magpunta doon sa Basilica upang magmisa. Ang dami ring taong lumalabas. Ang isa pa, gusto ko rin munang mag-CR.


E-2-2-loy

No comments:

Post a Comment