Saturday, January 10, 2009

Videoke, Part 1

Ang naalaala ko, si Robert del Rosario, Pinoy, ang nag-imbento ng Minus One. 'Yun 'yung amplifier box tulad ng ginagamit ng bulag na gitarista sa Underpass sa Quiapo. Ang Minus One box ay meron lang cassette player.

N'ung una, ang mga cassette tapes ay 'yung tinatawag na minus one, na walang lead voice na kumakanta, kun'di tugtugin lang ang lamang at mga chuwa-riwa-riwa. 'Pag bili mo ng cassette tape may kasama itong maliit na booklet, na, sa aking palagay, ay nilimbag ng mga taong may edad na hindi hihigit sa dalawampu't limang taon. D'yan nakalagay ang lyrics.

Tapos, sumunod na ang multiplex. Ngayon, meron nang lead singer, na halos kaboses ng original. Halimbawa, kung si Tom Jones ang orihinal na kumanta ng isang awit, sa multiplex naman ang kumanta'y si Tom Jonas. Ang musika at ang boses ay naka-record sa magkaibang track, kung kaya, kung ilalagay mo ang balance knob sa extreme right tugtog lang ang iyong maririnig, na parang sa minus one na rin. Kung 'di mo masyadong alam ang kanta, ipihit mo ang balance medyo pagitna para marinig mo 'yung kumakanta, at makasabay ka. At kung ipihit mo ang knob sa extreme left 'yung umaawit lang ang iyong maririnig, at wala 'yung tugtog. Ang tawag naman dito'y Plus One. Kung ika'y musician, p'wede kang tumayong accompaniment.

Ang Karaoke raw ay naimbento ng isang Hapon, si Daisuke Inoue, noon pang 1970's, bago pa ito dumating sa 'Pinas. Matalino lang si del Rosario kasi siya ang nagpa-patent nito, at hindi si Inoue.

Ang Karaoke ay 'yung malalaking makina, may video monitor, may saksakan ng mga mike, may mga dumadagundong na speakers, at may maliit ng butas panghulog ng limang pisong barya.

Ang Karaoke ay sikat na sikat sa Japan, US of A, at iba't ibang sulok ng daigdig. Pero dito sa 'Pinas, iba ang bansag natin dito: Videoke. Kasi nga may video.

Hindi na rin iba sa akin ang concept ng Videoke. Nu'ng bata pa ako, may mga napapanood akong cartoons kung saan may mga kantang tinutugtog, nakasulat ang lyrics sa ibaba, at may bouncing ball upang sundan ang kanta. 'Ika nga, "Just follow the bouncing ball." Tapos, naglabas din ang Disney ng mga sing-a-long video tapes ng kanilang mga kanta. Ito nga lang, si Jiminy Cricket ang nagsasalita at sasabihin sa ating, "Just follow the bouncing Mickey."

Sa Videoke, wala na'ng bouncing. Sa halip, nag-iiba ang kulay ng mga titik upang malaman natin kung anong parte na ng awit ang ating dapat kantahin. May color coding din ito: asul para sa lalaki, pula para sa babae, at berde kung duet. Sabagay, mas maganda nga 'yung nag-iiba ang kulay. Isipin mo kung sina bouncing Mickey at bouncing Minnie ang iyong susundan. Baka pagkatapos ng iyong kanta ay tatango-tango ka na parang dri-ni-dribble ang iyong ulo, kahit na ang kakatapos mo lang kantahi'y My Way.

Tayong mga Pinoy ay mahilig talaga sa musika. Kaya, kahit hindi Pinoy ang nakaimbento ng Karaoke, para na rin sa ating galing ito. At 'di lang 'yung naglalakihang karaoke ang meron tayo. Sa bawa't tahanan, may mga sing-a-long na rin, VCD, WOW, Magic Sing, Wee Sing...este, sa anak ko pala 'yun. Palakasan pa ng power ang kanilang mga amplifier.

Ngayon, kung sana, mahusay rin ang pagkanta ng nakakarami.

1 comment:

  1. When there is a birthday party, town fiesta, baptismal, or any occasion worth celebrating, it is not complete without videoke. Even in holidays or in Sundays, videoke is the way for recreation paired with some little drinks. That's our way in the Philippines.

    ReplyDelete