Tuesday, January 20, 2009

Pit Señor! (Sinulog 2009, Part 3)


Mga alas-dos y media na nang lumabas ako ng Basilica. Dumaan muna ako ng CR. Ang isang kagandahan sa pagiging lalaki hindi mahaba ang pila sa CR. 'Di tulad ng sa babae. Kawawa naman 'yung naiihi na.

Mahal din siguro ako ng Panginoon kasi pagkalabas ko ng Basilica siya namang pag-ulan. Hindi naman buhos. Actually, mahina siya sa ulan, pero malakas naman sa ambon. Ano tawag d'un, "ulbon"? Ang resulta, maluwag na ngayon maglakad sa kalsada. Ang sidewalks naman ang puno. At hindi na rin ako makahinto para tumingin-tingin sa mga paninda; may takip na telon ang mga 'yun para hindi mabasa.

Naisip ko rin ang Grand Parade. Kawawa naman at mababasa sila. Karamihan pa naman mga bata ang kasama.

Naghanap muna ako ng makakainan. Ayaw kong pumasok sa McDonald's o Jollibee; wala akong kasama kaya walang mag-re-reserve ng silya para sa akin. Kaya napadpad ako sa Orange Brutus kung saan wala halos kumakain.

Sa harap ng restoran ay may grupo ng Born Again Christians na ang isa'y may bullhorn na nagsisisigaw. Hindi ko siya maintindihan. Parang sinasabi na "...and God so loved the world that He gave His only Son...!" Ang kaso, ang nasa kabilang kalye, katapat n'ya, ay isang mall na may nakalabas na naglalakihang speakers at nagpapatugtog ng mga himig pang-Sinulog. Ano naman ang laban nila doon? Siguro, galit na galit sila kasi pinagdiriwang ang kapiyestahan ng Sto. Niño. Lalo silang hindi mapapakinggan n'yan.

Pagkalabas ko ng restoran wala na ang grupo. Hindi naman siguro sila pinaalis ng may-ari. Baka nagkusa na lang sila. 'Di ko alam kung saan sila nagpunta.

Naglakad-lakad ako kung saan ang Grand Parade. Ayaw ko sanang manood. Nakapanood na ako, may sampung taon na ang nakakaraan, at na-bore ako. Tutal, wala naman akong gagawin sa bahay kaya nagpunta na rin ako. Ang isa pa, maganda ring topic ito sa aking blog, para naman may maisulat ako. Hindi na lang ako magtatagal. Ang isa pa, baka mahirapan akong umuwi.

Malayo-layo rin ang nilakad ko, kasi sarado ang mga kalye patungong Parade. Nang makita ko na ang ilang naglalakad na effigy alam ko nang tama ang aking pinuntahan.

Sa isang parte ng kalye ang daan ng parada, at sarado rin ang kabila, kaya walang dumadaan na mga sasakyan. Ang mga tao'y nasa island, at d'un ako humanap ng pwesto.

Maganda ang parada ngayon, 'di tulad ng natatandaan ko. Makulay ang mga pananamit ng mga kasama, at nagsasayaw sila sa daan. Medyo swerte din ang napuwestuhan ko. Dinig ko'y meron daw judge doon at kailangan nilang magpalabas. 'Yun nga lang lampas na sila sa akin, kaya 'yung likod na lang nila ang napapanood ko.


May parang muse ang kada kasali, at parang may sarili rin silang paligsahan. Nakita ko ang 3rd at 2nd runner up. Hindi ko masyadong nag-focus sa pagkuha ng litrato sa mga muse; 'pag nagkita ng misis ko ang mga kuhang iyon siguradong away na naman.


May higit isang oras na akong nanonood at ngawit na ang aking mga binti. Sa aking kinatatayuan ay may bleacher na initayo. Ang kaso, maraming nakapwesto na roon. Paano kaya ako makakaupo doon? Kailangan ng timing. Maganda ang pwesto kasi medyo mataas siya't kitang-kita ang mga dumaadaan. Nakaupo ka pa. Meron kayang aalis doon?

Tuloy pa rin ang aking panonood, habang sumusulyap sa bleacher kung may bakante na. Matagal-tagal din at nawalan na ako ng pag-asa, kaya't nanood na lang ako. Nang muling tinignan ko ang bleacher ibang grupo na ng tao ang nakapwesto. Sayang! Isa na sana ako doon.

Tumawid ako ng kalye, dahil maluwang-luwang doon, at makakaupo ako. 'Di nga lang ako makaupo sa bangketa dahil basa. At 'di ko rin magagawang kumuha ng litrato.

Magkano din kaya ang ginastos ng bawa't kasali? Ang iba'y galing pa ng Mindanao. Pero, marami ring sponsored ng mga politiko. Saan naman kaya nanggaling ang panggastos nila?

Maya-maya pa'y nakakita din ako ng bakante sa bleacher. Dali-dali akong tumawid ulit ng kalye, at nakapwesto rin. Haaayyy! Sarap maupo!

Mga hanggang alas-sais ako duon. Nagdidilim na't hindi na maganda mga kuha ko. Kaya nagpasiya na akong umuwi. Baka nga rin ako mahirapang sumakay. At kakain pa ako ng hapunan.

e-2-2-loy

No comments:

Post a Comment