Wednesday, February 25, 2009

Mga Kaibigan


Nang nasa Grade School ako, pina-drowing kami ng aming Religion teacher ng isang eksena sa Bibliya. 'Yun 'yung kwento tungkol sa apat na magkakaibigan na ibinaba nila ang isa pa nilang kaibigang paralitiko upang mapagaling ni Kristo. Tumanim sa isipan ko 'yung kwento dahil sa aking pag-drowing. Mabisa palang teaching technique ang ginawa ng aking guro.

Uulitin ko 'yung kwento para sa mga hindi nakakaalala o hindi nakakaalam:

Nagpunta si Kristo sa isang bahay (hindi sinabi kung kanino), at angaw-angaw na tao ang tumungo roon upang makita Siya. Maraming maysakit ang nagpunta, umaasang mapagaling. Sa dami ng tao, puno ang paligid ng bahay, ang mga pinto't bintana ay 'di na madaanan. Marahil, ang may-ari ay isang baranggay captain at ipinasara n'ya ang kalye, dahil may bisita siya.

Sa dami ng tao sa paligid, madilim sa loob ng bahay. Hindi pa kasi uso ang fluorescent light. Mainit din sa loob dahil hindi pa naimbento ang aircon. Tapos, biglang-biglang nagliwanag. Nakadama ang mga tao sa loob ng ihip ng hangin. Baka akala nila, sobrang nadiliman at nainitan si Hesus kaya gumawa Siya ng mirakulo.

Mula sa itaas, may dahan-dahang banig ang bumababa. "Ano ito?", tanong ng karamihan. "Isang pangitain mula sa langit?" "Isang anghel na bumababa dito sa lupa?"

Ang totoo, isang paralitiko ang lulan ng banig na iyon. May apat siyang kaibigan na, dahil hindi makapasok sa pinto, nagsipag-akyatan sa bubong, binutas, at ibinaba ang kaibigang maysakit.

Natuwa si Kristo sa pananampalataya ng mga kaibigan. Kaya't bilang gantimpala, pinagaling N'ya ang kanilang kaibigang paralitiko. Nakatayo ang maysakit, dinala ang banig, at umalis.

Siguro naman, inayos ng apat ang binutas nilang bubong.

Naalala ko ulit 'yung kwentong iyon kasi 'yun ang binasa nitong nakaraang Linggo sa misa. Nagmuni-muni ako sandali, hindi pinakinggan ang sermon ng pari kasi may echo sa loob ng simbahan at hindi ko maintindihan ang kanyang sinasabi. Naisip ko tuloy, siguro 'yung apat na kaibigang iyon ay mga Pinoy. Bakit? Let me enumerate:
  1. Sumingit sila.

    Isipin n'yo na lang, kay dami-daming taong nakapaligid sa bahay. Siksikan. Siyempre, gusgustuhin ng may-ari na may peace and order doon. Baka nga naman masikwat ang naglalakihang kubyertos na naukit sa kahoy na naka-display sa dingding n'ya. Kahit walang mananakaw na The Last Supper sa kanyang dining room, dahil hindi pa ito naipipinta ni Da Vinci, baka naman madampot ang mga pinggan, baso't, platito n'ya.

    O, sige na, walang kubyertos o dalawang taong nagtitinikling na nakasabit sa dingding. Pero, kung ako ang may-ari ng bahay, at ganun karami ang tao, gusto ko namang 'wag magkagulo sa aking pamamahay. Baka gumuho 'yun.

    Isa pa, 'eto na ang pagkakataon ng mga apostoles mag-power trip. Sila ang mamimili kung sino ang makakalapit kay Kristo, at kung sino ang dapat maghintay. Hindi naman ako naniniwalang hihingi ng lagay ang mga iyon, mapagbigyan lamang ang mga desperado. Sigurado naman sumusunod sila sa First Come, First Served basis.

    In other words, sa dami ng gustong magpatingin, dapat may pila. Pero, itong apat, hindi sinunod ang pila. Sumingit sila.

  2. Late silang dumating.

    Classic Filipino time. Alam naman nilang maraming taong darating. Siguro, nag-usap-usap ang mga magkakaibigan na magkikita-kita sila sa Jollibee, este, sa bahay ng maysakit mga alas-tres ng umaga.

    May dumating, alas tres-y-media. 'Yung isa, mga alas-kwatro na. 'Yung ikatlo, mag-a-alas-sais na. Hindi raw n'ya narinig ang kanyang alarm clock na tumunog. Eh, paanong tutunog 'yun; may nagnakaw ng kanyang tandang kaya wala siyang narinig na tilaok. 'Yung huli, mga alas-siyete na nang dumating. Hindi pa nag-aalmusal kaya kumain pa sa bahay ng maysakit. Siyempre, hindi naman siya maiwan. Apat na sulok kaya 'yung banig, kaya't kailangan ng apat na taong magbubuhat.

  3. Maabilidad sila.

    Lahat ng butas papasok ng bahay ay may nakaharang. Paano sila makakapasok? Simple, gumawa ng sariling daanan. Nguni't saan? Aabutin sila ng siyam-siyam kung bubutasin nila ang mga adobeng pader. Kahit ipabuhat nila ang kaibigang paralitiko (parang 'yung binubuhat na mga tao sa rock concerts) patungo kay Hesus ay 'di maaari. Malamang, pagdating sa dulo, ihuhulog lang ang kanilang kaibigan; mas lalo tuloy iyong hindi makakalakad. Solusyon? Saan walang tao? Saan madaling bumutas? Saan 'yung hindi sila mapapansin kung ano ang ginagawa nila? Sagot: sa bubong!

    Walang tao sa bubong kasi ang umakyat doon ay hindi makikita ni Hesus. At kung hindi sila makikita, hindi sila mapapagaling. Kahit sa kanilang pag-akyat, wala ring nakakita sa mga magkakaibigan. Siguro, kasi, ang lahat ay naka-concentrate na makalapit kay Kristo sa pamamagitan ng pagpasok sa pinto o bintana.

    Isa pa, sino ang mag-iisip manira ng bahay ng may bahay, mangyari lamang ang nais nilang mangyari?

  4. Walang iwanan.

    Kahit late 'yung isa, 'di pa nila iniwan ito. Kasi, kailangan nila ito.

    Pero, siyempre, hindi 'yun ang ibig kong sabihin.

    'Pag dating nila sa bahay, punong-puno ng tao; 'di mahulugang karayom. Paralitiko ang bitbit nila. Kahit anong gawing pagsingit at pagsumiksik, hindi nila ito magagawa. Pero, hindi sila pinanghinaan ng loob. Ang pakay nila ay mapagaling ang kanilang kaibigan. Walang nagsabi na, "Sa Galilee na lang natin Siya puntahan!", o kaya, "Balikan na lang natin. Maya-maya lang siguro'y maluwag na d'yan. 'Di tayo makakapasok ngayon!", o kaya, "Malas mo, P're. 'Di tayo makakalapit sa Kanya."

    Kahit nagkandahirap sila sa pag-akyat ('di naman siguro mga m'yembro ng Akyat Bahay Gang ang mga ito), sa pagbutas ng bubong, sa pagbaba ng kanilang kaibigan, sama-sama pa rin ang apat. 'Ni hindi nila naisip na baka pagalitan sila ng mga tao. Na baka pag-alis nila sa bahay na 'yun ay mabugbog sila, at maging lima na ang paralitiko.

    Siyempre, kitang-kita din ang espirito ng bayanihan dito.

  5. May malakas na pananalig sila sa Diyos.

    Hindi ako naniniwalang ang relihiyon, o ang pagiging malapit sa Diyos, ay nauukol sa mga babae lamang. Tignan mo t'wing prusisyon ng Mahal na Nazareno. Kahit noong bata pa ako, mga apat-na-pung taon na ang nakakaraan, kay dami pa ring lalaking nakikipagsiksikan malapit lang at mapahid ang dalang t'walya sa imahen.

Ang isang magandang aral dito ay kung paano nagawan ng apat na kaibigan na mapalapit ang isa pa nilang kaibigan kay Kristo.

Mapalad ako't nagkaroon din ako ng mga ganoong kaibigan. Sa katunayan, noong nasa haiskul ako, ipinagmamalaki ko pang ilang taon na akong hindi nagsisimba. Nguni't may isa akong kabarkada na nangulit, at nagpumilit, na manumbalik ako sa Diyos. Hindi po siya pari ngayon; isa siyang PhD holder sa Physics. At kahit na noong nasa kolehiyo na ako, may mga kaibigan pa ring tinutulungan akong mapalapit kay Kristo, lalo na sa mga pagkakataong nalilihis ako. Malaki sigurado ang gantimpalang naghihintay para sa kanila sa Langit.

Ipinagdarasal ko na sana magkaroon din ng ganoong mga kaibigan ang aking mga anak. Sana, ang mga kaibigan nila'y mag-akbay sa kanila patungo kay Kristo.

Nguni't, siguro, mas masisiyahan ako kung sila mismo ang maging ganoong kaibigan.

Tuesday, February 24, 2009

Recession and EDSA I

Talaga sigurong tinatamaan na tayo ng Recession. Isipin mo, ang mga eskuwelahan lang ang walang pasok kahapon, bilang paggunita sa EDSA I. 'Di na nagawang gawing Special Non-working Holiday kahapon. Baka kasi can't afford na magbayad ang mga negosyante ng holiday pay. 'Di na rin pwedeng 'wag magtrabaho, kahit isang araw, ang mga no work, no pay na mga empleyado.

Kaso, naisip ko, para saan nga ba't hindi na pinapasok ang mga estudyante sa paaralan kahapon? Ano'ng napala ng mga mga bata sa hindi pagpasok. Nakapunta ba sila sa EDSA para makita ang pagsasadula ng mga pangyayari doon? May natutunan ba sila tungkol sa EDSA I, at sa mga aral nito, sa hindi nila pagpasok?

Hindi ko na tuloy maintindihan kung bakit may mga non-working holidays na 'yan.

Sabagay, kahit na ba dalawampu't dalawang taon na ang nakakalipas, mukhang tayong matatanda mismo ay walang natutunan sa EDSA I.

Saturday, February 21, 2009

Videoke, part 2

Sa ating mga Pinoy, hindi marahil mawawala ang Videoke 'pag merong party. Noong nakaraang Disyempre, lahat ng puntahan kong Christmas party ay may kasamang kantahan. Para siguro may paglibangan ang mga tao at may magawa sila doon. Maiiwasan nga nilang makipag-usap sa isa't isa.

Sa mga panahong ito, makikita ang mga Videoke sa mga bar na lang. Naubos na kasi ang pera ng mga tao kaya't pahinga muna sa mga party. Sa susunod na buwan ulit maglalabasan ang mga 'yan, 'pag graduation na ng kanilang mga anak.

Bago pa man tuluyang mawala ang aking katinuan, may mga mungkahi ako sa aking mga kapitbahay tungkol sa paggamit ng Videoke:

  1. 'Wag na 'wag maniniwala sa iskor.

    Alam mo, alam ko, at alam nating lahat na ang basehan ng iskor na lumalabas sa Videoke ay sa lakas ng pagkanta, at hindi sa husay ng kumakanta. 'Pag nakakuha kayo ng 98, at sinabing "You're like a professional singer!" 'wag kayong maniwala doon. Ang ibig sabihin lang ng 98 ay may natanggalan ng tutuli sa inyong pagkanta.

    Ngayon, kahit alam nating lahat ito, bakit, kung may makakuha ng 100, pumapalakpak kayo't sasabihing "WOW!" kahit na Magic Sing ang inyong gamit? Tuloy, lalong na-e-engganyong kumanta 'yung tao. Eh, sintunado naman.

    May suggestion ako. Bakit 'di n'yo na lang ilagay sa zero ang volume ng Videoke? Tapos, kahit magsisisigaw kayo sa mike, iisipin pa rin ng machine na malakas ang boses ninyo. Internal naman 'ata ang sensor n'un.

  2. Hindi porke't Pinoy kayo ay mahusay na kayong kumanta.

    Kilala ang Pinoy sa pagkanta. Ang husay daw natin. Nar'yan sina Leah Salonga, Charice Pempenco, at Regine Velasquez, na kilalang-kilala sa ibang bansa sa larangan ng pag-awit. Kaso, tandaan n'yo na iilan lang ang ipinanganak na talagang may talento sa pagkanta. In-born, 'ika nga. Kadalasa'y pinag-aaralan din 'yan.

    Naalala ko si Sharon Cuneta noong batang-bata pa siya. Front act pa lang siya noon sa isang concert. Sintunado. Kaso, kumuha siya ng voice lessons. At nang kinanta niya ang Tubig At Langis hindi ako makapaniwalang siya 'yun. Ngayon, dahil sa husay n'yang pagkanta, may lakas ng loob na s'yang mag-live, hindi lip-sync. Pero nag-aral talaga s'ya para matutong kumanta. Laki siguro ng ibinayad n'ya.

    Kung sasabihin n'yo na "Practice makes perfect", sasabihin kong mali 'yun. "Perfect practice makes perfect." At kung sintunado kayo sa pagkanta ng My Way, kahit ilang beses n'yo pang paulit-ulit kantahin 'yan, kung wala namang magsasabing mali ang ginagawa n'yo kahit na 99 ang nakukuha n'yong iskor, magiging sintunado pa rin kayo.

    Siyempre, ayaw n'yong may magsabi sa inyong mali ang inyong pagkanta ng My Way. Kasi,'yung magsasabi sa inyo n'un, may dalang baril.

  3. Be original, and let others be original.

    'Wag n'yo namang gayahin ng todo-todo kung paano kantahin ni Whitney Houston ang Inday ("Indaaaaaaaaay! Wil olweis lab yuuuuuuu!"), o si Pareng Frank sa pagkanta ng Strangers In The Night ("Lovers at first sight..." with emphasis on LOV). Plakadong-plakado. Kaso, boring 'yun. Buti pa makinig na lang kami sa jukebox. 'Yun nga lang, 'di na uso 'yun.

    At kung meron namang gustong maging original, 'wag n'yong pagalitan. Eh, kung ayaw n'yang sumunod sa tugtog. Kung gusto n'yang lagi s'yang nahuhuli. Kung nasa chorus na ang tugtog at 'yung 1st stanza pa lang ang kinakanta n'ya, hayaan n'yo na siya. Style n'ya 'yun.

  4. Today, My Way; tomorrow, Be My Lady.

    Ang mga kantang nabanggit ko ay hindi mga sikat kantahin sa mga Videoke; ang mga 'yan ay sikat sa mga taong napapatay dahil sa pagkanta ng mga 'yan.

  5. 'Wag kayong tumambay sa kalsada.

    Ang hirap sa ilan ine-expand nila ang kanilang bahay kahit 'di sila nagbabayad sa gobyerno. Ang inyong sala ay nasa loob ng inyong bahay, wala sa labas.

    Kung inaakala n'yong matutuwa kami 'pag maririnig namin kayong kumakanta, sinasabi ko, ngayon pa lang, na HINDE!

  6. Nagtatapos ang karapatan n'yo kung saan nagsisimula ang karapatan ko.

    Ang iba'y sinasabing may karapatan silang gawin ang kahit anong gusto nilang gawin sa loob ng kanilang pamamahay. Hindi ako kontra doon. Sumasang-ayon ako doon. Wala akong pakialam sa inyo kahit na paghahanapin n'yo pa sina Crispin at Basilio. Basta't doon lang kayo sa loob ng inyong bahay.

    Ang inyong karapatan ay nagtatapos kung saan nagsisimula ang sa akin. Kung ayaw kong marinig ang inyong boses sa loob ng aking pamamahay, 'yan naman ang karapatan ko.

    Ngayon, kung mainis ako't marinig ko pa rin ang inyong boses, kakasuhan ko na kayo ng tresspassing.

  7. Tandaan n'yo na sa isang lugar na tahimik, kahit ang mahinang bulong ay naririnig.

    At kung maririnig ang bulong, paano pa kaya ang inyong sigaw? Lalong-lalo na sa isang subdivision na ang sukat ng lote ay 60 sq. m. Nakuha n'yo pa'ng kumanta ng Rock 'N Roll Music, with matching sigaw!

    At kahit na kantahin n'yo ang Sound Of Silence, dinig pa rin kayo.

  8. 'Wag kalimutan ang kasabihang, "kung ayaw n'yong matulog, magpatulog kayo."

    Hindi lahat ng tao ay tulad ninyong hindi kailangang gumising ng maaga kinabukasan kaya't maaaring magpuyat. May trabaho pa kami. Kahit Sabado. At maaga kaming magsimba 'pag Linggo.

    Sige, kahit hanggang alas-siyete ng gabi na lang kayo magkantahan. Pero, pagsapit noon, tama na. Nakauwi na ako ng bahay by that time.

  9. Hindi lahat ng bahay ay may aircon.

    Ang ibig sabihin lang noon, nakabukas ang aming bintana, at, by logic maririnig namin ang inyong ingay.

    Kay lakas na ng tunog ng aking industrial electric fan, sasabayan pa ng kahol ng aso't tilaok ng manok. 'Wag n'yo na sanang dagdagan pa.

    Sa totoo lang, talo n'yo pa ang palakang gustong maka-score matapos ang malakas na ulan.

Si Daisuke Inoue, ang nakaimbento ng karaoke, ay nabigyan ng Ig Nobel Prize for Peace noong 2004. Dahil sa kanyang imbento, ang mga tao'y nagkaroon ng panibagong paraan upang matutunan nilang pagpasensiyahan ang isa't isa.

At dahil maikli na ang pasens'ya ko, tatawag na ako sa Baranggay upang ireklamo kayo!

Ngayon, kung talagang gusto mo pa ring kumanta ng malakas, merong lugar para gawin mo 'yun. Doon, masisiyahan 'Yung makakarinig sa'yo. Kahit sintunado ka. Hindi ka pa mababaril.

At lagi kang "You're a professional singer!" para sa Kanya. Basta't nasa puso.

Kaso, bakit 'di mo 'yun ginagawa?

Saturday, February 14, 2009

Kumpil Ni Bunso


Kinumpilan kaninang umaga ang aking bunso, 'saktong dalawampu't dalawang taon nang ako'y nabinyagan.

Ay, mali! Pang-PG nga pala itong blog ko.

Eniweys, isang mahalagang ganapan ito sa buhay Katoliko ng aking bunso. Buti na lang at mabait ang aking bossing. Pinayagan n'ya akong dumaan ng Maynila, galing Cebu, patungong Davao. May tratrabahuhin ako sa Davao. Totoong trabaho.

Okey lang naman ang seremonyas kanina. Muntik ko na ngang nakatulugan. Marami silang kinumpilan. Mga 66 'ata.

Naisip ko tuloy: ano nga ba ang ibig sabihin ng Kumpil o Confirmation? Napa-Google tuloy ako. Kaso, hindi ko rin naintindihan ang mga pinagsasasabi sa Internet. At 'di lahat ng nakalagay sa Internet ay totoo. Gaya na lang noong dati, siguro mag-pi-pitong taon na ang nakaraan. May nalathala sa Internet na isang bagong presidente ang nangakong hindi na siya tatakbo sa susunod na eleksyon. Eh, tumakbo pa rin. Kaya't bawa't nakalagay sa Internet ay kinukuha ko with a grain of salt, 'ika nga.

Ano nga ba ang ibig sabihin ng nakumpilan? Para saan ba ito? Para lang maging pito ang sakramento, na s'yang numero ng Diyos, at hindi anim, na s'yang numero ng demonyo? Suriin nga natin.

Sabi nila, para raw makumpirma (kaya nga "kumpil") 'yung mga pangakong ginawa ng ating mga magulang, ninong at ninang para sa atin noong tayo'y bininyagan. Biruin mo nga naman, ilang buwan pa lang tayo noon nang tinanong sa atin ng pari tungkol kay Satanas, sa mga kasalanan, si Pontio Pilato, at sa Diyos. Tapos, kakapanganak lang sa atin, tatanungin tayo agad kung naniniwala tayo sa pagkabuhay ng mga nangamatay na tao. Kaya nga ang mga nakukumpilan ngayon ay 'yung may edad na, 'yung nasa "age of reason". Naiintindihan na (dapat) n'ung taong kukumpilan kung ano ang ibig sabihin ng mga sagot n'yang "opo" sa mga tanong ng pari (at marahil pwede rin s'yang sumagot ng "hindi po"?). Siguro, kung sa mga Hudyo, Bar Mitzvah nila ito.

Kaso, 'di ba 'yun din ang ginagawa natin sa misa tuwing Pasko ng Pagkabuhay, na ating sinasariwa ang ating pananampalataya? Kasi nga, wala pa tayong kamuwang-muwang nang tayo'y bininyagan n'ung mga cute pa tayo.

Meron nagsasabing sumasaatin ang Espiritu Santo, sapagka't pinapahiran tayo (binibinyagan sa pamamagitan) ng langis.

Ewan ko, pero, parang ginawa na rin 'yun n'ung biniyagan tayo, 'yung pagpapapahid ng langis. 'Yun nga lang, simbolo 'yun ng ating pagka-hari. Kasi nga, ang Ama natin ay Hari, 'di ba?

Tapos, nabasa ko sa Internet na ang kumpil, kasama ng pagbibinyag at ng Eukaristiya, ay mga sakaramento ng inisasyon (kaya pala sinasampal ang mga kinukumpilan). Buti na lang walang paddle na ginagamit ang pari.

Pero, bakit ganu'n? Ang kumpil daw ang nagdudugtong sa binyag at Eukaristiya. Kaso, bininyagan tayo n'ung tayo'y sanggol, at tumanggap ng First Holy Communion noong pitong taon tayo. Nahuli ang tulay? Tumalon muna, tapos saka ipinagkabit ang dalawang sakramento?

Ang pagkukumpil daw ay ang paglalagay ng kamay sa kinukumpilan upang tanggapin ang Espiritu Santo. Malalim pa rin 'yan. Ibig bang sabihin na wala sa atin ang Espiritu Santo 'pag 'di pa tayo nakumpilan? 'Di ba 'yun ang dahilan ng binyag, upang mapatawad tayo sa ating Original Sin, at nang ang Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ay gawin ang ating puso bilang templo N'ya?

Sinasabi ko naman sa inyo, 'di ako isang theologian. Pero, hindi nangangahulugang tatanggapin ko lahat ang aral ng Simbahang Katolika ng basta gan'un-gan'un na lang. Kailangang suriing mabuti ang mga ito. Paano ko maisasabuhay ang mga turo ng Simbahan kung 'di ko naiintindihan ang mga ito? Paano ko maipapasa ang mga aral na ito sa aking dalawang anak, na s'yang pangunahing responsibilidad ko bilang ama, kung ako mismo ay nalilito?

Hopefully, si bunso, na-gets n'ya 'yung itinuro sa kanila ng kanilang katekisko. Pero 'di rin pwedeng i-asa sa titser ng aking anak; sa Marso gra-graduate na siya, at baka walang makapagturo sa lilipatan n'yang eskwelahan.

Kaya, siguro, dapat pag-aralan muli ang katekismo ng Simbahang Katolika. 'Di lang upang maituro sa aking mga anak, nguni't pati na rin para hindi ako maligaw sa aking paniniwala. Marami pa akong dapat pag-aralan at alamin. At mas mahalagang karunungan 'yung tungkol sa Diyos kesa sa paano gumawa ng pie chart sa Excel.

Ni hindi ko nga alam kung ako mismo'y nakumpilan na.

Despedida

'Saktong apat na buwan ngayon nang ako'y inilibre (literally) ng aking mga kaopisina. Sa Dad's nila ako dinala at may pakulo ang restoran: sa bawa't sampung taong o-order, may isang libre. Ako ang ika-labing isang kumuha ng blue plate.

Okey lang naman daw 'yun, sabi ng isa kong kasamahan. Gusto lang talaga nilang kumain sa labas; ginawa lang akong dahilan.

Naisip ko rin na kaya nila ako ipinag-despedida ay para siguradong makaalis ako.

Okey rin naman kung wala akong bayad; kung hindi natuloy ang aking pag-alis, hindi ko isosoli ang ginastos nila.

Labinlima kaming kumain doon, at ako ang tanging lalaki. Hindi po ako chikboy, at lalong-lalo nang hindi ako crush ng bayan. Sa tagal ng aming pagsasama, ako lang siguro ang nauuto nila ("Balty, pahiram naman ng PC." "Balty, pa-load naman ng Microsoft Office. Ang hirap kasing gamitin 'yung OpenOffice, eh." "Balty, paki-check naman sa problema. Wala kasi kaming makita sa side namin.")

Isa pa, alam nilang harmless ako.

Sa grupong 'yun, ako ang isa sa pinaka-"bata" sa serbisyo sa kumpanya. Gayun pa man, hindi nagbago ang hitsura nila mula nang unang nakita ko sila 21 years ago.

Hindi rin dahil ako'y bolero kaya kinaibigan nila ako.

Ang mga kasama ko'y pawang mga manager o systems manager. 'Di ka naman siguro magtataka, palibhasa mga loyalist kami. Kaya, siguro, kung pinasabog ang Dad's n'ung oras na 'yun, maraming subordinates ang matutuwa dahil ma-po-promote na sila. Laking lungkot din ng kumpanya; malaki-laki ang babayaran nilang insurance.

Sa tagal ng pagsasama namin sa trabaho, 'di miminsan na kami'y nagtatalo-talo. Meron nga dati akong nakausap, at napansin kong nagtataasan na ang aming boses. Napahinto ako at sinabi sa kanyang, "friends pa rin tayo. Trabaho lang itong ating pinagtatalunan." Tapos, nagkalma na rin siya.

Marahil, kaya rin nila ako naging kaibigan, kasi'y tinatanggap ko ng maluwalhati ang kanilang mga bulyaw sa akin.

Ngayon, bumabalik ako't iniisip ang mga taong ito, at napansin ko na halos may pare-parehong silang katangian:

  1. Mahuhusay sila sa teknikal.

    Iba't iba ang hawak ng aking mga kasamahan: may programmer, systems administrator, at systems analyst. Alam nila ang pasikot-sikot ng nga hinahawakan nilang systema. 'Pag tinanong sila ng under nila, kaya nilang sagutin.

    Ako, parang titser. 'Pag tinanong ako ng aking subordinate tungkol sa teknikal, sasagot akong, "that's your assignment for tomorrow."

  2. Mahuhusay sila sa komunikasyon.

    Ingles kung kausapin nila ako. Very articulate. Good grammar. Right diction.

    Siyempre, Tagalog ang pagsagot ko. Although medyo hirap silang maintindihan ako, mas mahihirapan sila kung ako'y mag-i-Ingles.

  3. Action oriented.

    Kumbaga, may sense of urgency sila. 'Pag may problema, aksyon agad. Hindi na pinatatagal.

    Op kors, may kakulitan din ang mga ito.

  4. Protective sila sa kanilang mga tauhan.

    Marahil, dito nagsisimula ang aming mga alitan. Kapag nagturuan na ang aming mga subordinates at sinabing, "mali kasi ang ginawa ni....", ayan na! Defensive posture na kami.

    Pero, isa pang dahilan kaya naging kaibigan ako ng mga ito ay dahil madali akong tumanggap ng aming pagkakamali.

    Na ikinagagalit naman ng aking mga tauhan.

    Eh, kung talaga namang mali kami, ano pa ang magagawa kong pagtatakip? Mahusay man akong magsinungaling, natutunan kong mas madali ang magsabi ng totoo. 'Di ko na kailangang mag-fabricate ng mga kwento.

    Pagkatapos naman akong umamin, tapos na ang usapan. Kalimutan na. Hindi naman nagtatanim ang mga fourteen flowers na kasama ko.

    At hindi rin sila nagpupungay (gloat) pagkatapos.

  5. Walang silang crab mentality.

    Kay daling humingi ng tulong sa mga ito. Hindi ka nila ibabagsak. At kung magkamali ka, gaya ng sabi ko, hindi sila nagpupungay. Ang kanila, basta't masolusyunan ang problema.

    Kung minsan, kahit tungkol sa pera, nakakahingi din ako ng tulong.

  6. Suspect ang kanilang sense of humor.

    Kahit magkandaluha na sila sa kakakatawa sa mga jokes ko, 'pag nahimasmasan na sila, sasabihin nilang, "ang corny mo talaga!"


Sa labing-apat na nagpunta sa Dad's sa Greenbelt apat na buwan na ang nakakalipas, maraming-maraming salamat sa inyo.

Huli man daw ang aking pasasalamat, at magaling, huli pa rin.

At bilang pagpugay sa inyo, ilalathala ko ang inyong pangalan, na'ng sa gan'un, makilala kayo ng milyong-milyong nagbabasa ng aking blog (gan'un kadami ang magbabasa kung sakaling maging dramatic ang aking kamatayan):

Ebet, Joy, Norma, Lynnette, Peggy, Vissia, Toton, Mates, Belen, Talitz, Judith, Noeme (kahit daw "Noemi" ay tama rin), Tere, at Chet.

(Walang kinalaman ang billing kung gaano ako ka-close sa kanila, o kung sino ang mas may malaking kontribusyon sa bayad n'ung araw na 'yun.)

"Tell me who your friends are, and I'll tell you who you are."

Ngayong inilagay ko na ang mga pangalan n'yo, at alam na na kaibigan n'yo ako, masasabi na ng mga tao kung sino kayo. ("Ikaw si Ebet.", "Ikaw si Joy.", etc.)

Tuesday, February 10, 2009

Buko

Kababasa ko lang sa diyaryo:

"Researchers in Texas are making car parts out of coconuts.

A team at Baylor University there has made trunk liners, floorboards and car-door interior covers using fibers from the outer husks of coconuts, replacing the synthetic polyester fibers typically used in composite materials, per LiveScience."

Circa 1982. Ang aming org ay may gimmick t'wing sem break; kami ay pumupunta sa mga probinsiya at nagtutungo sa mga paaralan upang:
  1. magbigay ng mga patakaran paano makakakuha ng scholarship sa kolehiyo - tulad ng pagkakaroon ng mataas na grado, na kung sa ngayo'y mababa ang marka mo bale-wala na ang mga pinagsasasabi namin;

  2. makapagturo ng ilang klase sa Science - upang pansamantalang makapagpahinga si M'am; at,

  3. mag-obserba sa mga klase - at dahil mga College students kami at ang aming inoobserbahan ay graduating high school, mas inoobserbahan namin ang mga estudyante.

Kami rin ay nakiki-usyoso sa mga pabrika sa paligid-ligid. Tinitignan namin ang industriya doon, magtatanong-tanong, at kukuha ng notes. Plant visit, 'ika nga. Sa iba naman, para kumita mula sa mga estudyante, tinatawag nilang educational tour. At least, kami, may funding. Kaya libre lahat. At 'di kailangang mag-submit ng report sa titser, double-spaced, type-written. Pag-uusapan na lang namin ito sa iba pang grupong nagpunta naman sa ibang probins'ya.

Tawag namin sa proyektong ito ay Agham Tanaw. Ibig sabihin, gusto sana naming makita ang United States of Science and Technology sa probinsiya. Well, hindi naman talaga liblib o probinsiyang-probinsiya ang pinupuntahan namin; sa kabayanan pa rin kami nag-i-i-ikot, kaya't parang 'di rin kami nalayo sa Maynila.

Ganu'n pa man, ibang-iba pa rin ang nakita namin as against sa aming nararanasan sa Maynila. Sabi nga ng isang kasamahan ko, d'un daw lalong nag-aalab ang kanyang kagustuhang makatulong sa bayan. Kumbaga, nakita n'ya kung gaano kalaking blessings ang naibibigay sa kanya, at gusto n'ya itong ipamahagi.

Awa ng Diyos, mahigit dalawampung taon ng siyang nasa Amerika.

Isang bayan na aming pinuntahan ay ang Tabañgao, Batangas, isang lugar kung saan punong-puno ng puno ng n'yog. May isang pabrika doon kung saan dinadala ang mga shell ng n'yog matapos ang mga ito'y patuyuin at kunan ng laman (kopra). Kumbaga, patapon na ang mga dinadala rito.

Isang gamit dito ay pinagtagpi-tagping fibers (tawag ay coir, pronounced as "coir", and not "choir") at gagawing parang uling. Maganda s'ya sa barbecue kasi matagal ang ningas n'ya. Kaya, kahit konti lang ang gamitin mo, marami pa rin ang iyong maluluto. Kaso, parang hindi nag-click ang gamit na ito. Kaya nga 'ata ilang araw pagpunta namin doon nagsara na ang pabrika.

Sa aming pag-ikot sa paligid, nagulat kami dahil may ginagawang upuan para sa kotse. Nang aming itanong para saan 'yun, para daw sa Mercedes-Benz. Upuan na gawa sa fibers of coconut husks. Inupuan namin ang ilan doon at sinabing, "Hay! Nakaupo rin sa Mercedes!"

My gulay! Noon na pala'y nakakagawa na ng ilang parte ng kotse mula sa buko. At sa Chedeng pa gagamitin. Mga Pinoy ang gumagawa. Samantalang, itong mga 'Kano, ngayon pa lang nila pinag-aaralan kung paano magagamit ang buko. Bakit kaya 'di na lang sila magtanong sa mga Pinoy?

Tutal, kung buko't buko rin lang ang pag-uusapan, pihado namang kay dami nating alam tungkol dito.

Gaya na lang na alam nating hindi p'wedeng gawing chicharon ang buko.

Kasi coconut.

Tuesday, February 3, 2009

Pit Señor! (Sinulog 2009, Huling Kabanata)


Ang sabi ni Karl Marx, ang relihiyon daw ang opyum ng mga masa. Ano'ng ibig sabihin n'ya? Na nakakapagbigay ng panandaliang saya ang relihiyon? Na ang relihiyon ay nakakapagtakip ng katotohanang mahirap ang buhay? Na ginagawang pantakas ang relihiyon mula sa mga problema sa buhay?

Tayong mga Pilipino daw ay mahirap kasi masyado nating dinibdib ang sinabi ni Kristo, na "mapapalad ang mga mahihirap, ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo." Ki-na-reer na raw natin ang pagiging mahirap dahil sa pangako ito ni Kristo. Meron nga tayong kaharian ng Diyos, pulubi naman tayo dito sa mundo.

Siyam sa sampung Pinoy ang naniniwalang gaganda ang buhay nila ngayong taon, kahit na ang buong mundo'y nagsasabing mas malala ang magiging buhay ngayon kesa noong Great Depression. Tayo rin ang isa sa pinakamasayahing tao; naghihirap na nga tayo nakukuha pa rin nating magpatawa. At kahit na tumataas ang mga bilihin, nagkakaubusan ng LPG, nagkakatanggalan sa trabaho, nagagawa pa rin nating mag-videoke.

Saan kinukuha ng Pinoy itong pagiging hopeful? Bakit nagsasaya pa rin siya kahit lalong humihirap ang kanyang buhay? Galing ba ang lahat ng ito sa pagtitiwala n'ya sa Diyos?

Ilan na ang aking nakita, sa loob ng chapel ng mga ospital, na may papasok doo't luluhod, yuyuko, at mataimtim na magdarasal? Tapos, papahid-pahid ng mga luha paglabas n'ya? Ilan na ang kilala kong naging biktima ng kasakiman ng ibang tao, pero, sa huli'y sasabihing "may plano ang Diyos para sa akin"? At kailan lang, may kilala akong namatayan ng mahal sa buhay. Lagi n'yang sinasabing, "hindi ko na alam," at "hindi ko maintindihan." Pero, sa huli, ang pagtitiwala't pag-asa n'ya sa Diyos ang kanyang binabalik-balikan. Maging si Ninoy, sa bilangguan pa n'ya nakita ang Diyos.

May nagsabi nga, "If you can't see God's hand, trust in His heart."

Kaya ba kay dali nating magoyo kasi masyado tayong nakasalalay sa Diyos? Ang mga Pinoy ba ang nasa isip ni Karl Marx na'ng sabihin n'ya 'yung tungkol sa relihiyon?

Hindi ako isang sociologist o theologian para ma-esplika ang mga ito. Inaamin kong pilosopo ako, pero hindi sa ganoong kahulugan.

Ang Sinulog ay isa sa naparaming paraan upang ipakita ng mga Pinoy ang kanyang pananalig sa Diyos. Nakakapanindig-balahibo. At sa mga oras na sila'y nagdarasal, naniniwala akong ang kaharian ng Diyos ay nasa kanila.

Wakas