Sa mga panahong ito, makikita ang mga Videoke sa mga bar na lang. Naubos na kasi ang pera ng mga tao kaya't pahinga muna sa mga party. Sa susunod na buwan ulit maglalabasan ang mga 'yan, 'pag graduation na ng kanilang mga anak.
Bago pa man tuluyang mawala ang aking katinuan, may mga mungkahi ako sa aking mga kapitbahay tungkol sa paggamit ng Videoke:
- 'Wag na 'wag maniniwala sa iskor.
Alam mo, alam ko, at alam nating lahat na ang basehan ng iskor na lumalabas sa Videoke ay sa lakas ng pagkanta, at hindi sa husay ng kumakanta. 'Pag nakakuha kayo ng 98, at sinabing "You're like a professional singer!" 'wag kayong maniwala doon. Ang ibig sabihin lang ng 98 ay may natanggalan ng tutuli sa inyong pagkanta.
Ngayon, kahit alam nating lahat ito, bakit, kung may makakuha ng 100, pumapalakpak kayo't sasabihing "WOW!" kahit na Magic Sing ang inyong gamit? Tuloy, lalong na-e-engganyong kumanta 'yung tao. Eh, sintunado naman.
May suggestion ako. Bakit 'di n'yo na lang ilagay sa zero ang volume ng Videoke? Tapos, kahit magsisisigaw kayo sa mike, iisipin pa rin ng machine na malakas ang boses ninyo. Internal naman 'ata ang sensor n'un. - Hindi porke't Pinoy kayo ay mahusay na kayong kumanta.
Kilala ang Pinoy sa pagkanta. Ang husay daw natin. Nar'yan sina Leah Salonga, Charice Pempenco, at Regine Velasquez, na kilalang-kilala sa ibang bansa sa larangan ng pag-awit. Kaso, tandaan n'yo na iilan lang ang ipinanganak na talagang may talento sa pagkanta. In-born, 'ika nga. Kadalasa'y pinag-aaralan din 'yan.
Naalala ko si Sharon Cuneta noong batang-bata pa siya. Front act pa lang siya noon sa isang concert. Sintunado. Kaso, kumuha siya ng voice lessons. At nang kinanta niya ang Tubig At Langis hindi ako makapaniwalang siya 'yun. Ngayon, dahil sa husay n'yang pagkanta, may lakas ng loob na s'yang mag-live, hindi lip-sync. Pero nag-aral talaga s'ya para matutong kumanta. Laki siguro ng ibinayad n'ya.
Kung sasabihin n'yo na "Practice makes perfect", sasabihin kong mali 'yun. "Perfect practice makes perfect." At kung sintunado kayo sa pagkanta ng My Way, kahit ilang beses n'yo pang paulit-ulit kantahin 'yan, kung wala namang magsasabing mali ang ginagawa n'yo kahit na 99 ang nakukuha n'yong iskor, magiging sintunado pa rin kayo.
Siyempre, ayaw n'yong may magsabi sa inyong mali ang inyong pagkanta ng My Way. Kasi,'yung magsasabi sa inyo n'un, may dalang baril. - Be original, and let others be original.
'Wag n'yo namang gayahin ng todo-todo kung paano kantahin ni Whitney Houston ang Inday ("Indaaaaaaaaay! Wil olweis lab yuuuuuuu!"), o si Pareng Frank sa pagkanta ng Strangers In The Night ("Lovers at first sight..." with emphasis on LOV). Plakadong-plakado. Kaso, boring 'yun. Buti pa makinig na lang kami sa jukebox. 'Yun nga lang, 'di na uso 'yun.
At kung meron namang gustong maging original, 'wag n'yong pagalitan. Eh, kung ayaw n'yang sumunod sa tugtog. Kung gusto n'yang lagi s'yang nahuhuli. Kung nasa chorus na ang tugtog at 'yung 1st stanza pa lang ang kinakanta n'ya, hayaan n'yo na siya. Style n'ya 'yun. - Today, My Way; tomorrow, Be My Lady.
Ang mga kantang nabanggit ko ay hindi mga sikat kantahin sa mga Videoke; ang mga 'yan ay sikat sa mga taong napapatay dahil sa pagkanta ng mga 'yan. - 'Wag kayong tumambay sa kalsada.
Ang hirap sa ilan ine-expand nila ang kanilang bahay kahit 'di sila nagbabayad sa gobyerno. Ang inyong sala ay nasa loob ng inyong bahay, wala sa labas.
Kung inaakala n'yong matutuwa kami 'pag maririnig namin kayong kumakanta, sinasabi ko, ngayon pa lang, na HINDE! - Nagtatapos ang karapatan n'yo kung saan nagsisimula ang karapatan ko.
Ang iba'y sinasabing may karapatan silang gawin ang kahit anong gusto nilang gawin sa loob ng kanilang pamamahay. Hindi ako kontra doon. Sumasang-ayon ako doon. Wala akong pakialam sa inyo kahit na paghahanapin n'yo pa sina Crispin at Basilio. Basta't doon lang kayo sa loob ng inyong bahay.
Ang inyong karapatan ay nagtatapos kung saan nagsisimula ang sa akin. Kung ayaw kong marinig ang inyong boses sa loob ng aking pamamahay, 'yan naman ang karapatan ko.
Ngayon, kung mainis ako't marinig ko pa rin ang inyong boses, kakasuhan ko na kayo ng tresspassing. - Tandaan n'yo na sa isang lugar na tahimik, kahit ang mahinang bulong ay naririnig.
At kung maririnig ang bulong, paano pa kaya ang inyong sigaw? Lalong-lalo na sa isang subdivision na ang sukat ng lote ay 60 sq. m. Nakuha n'yo pa'ng kumanta ng Rock 'N Roll Music, with matching sigaw!
At kahit na kantahin n'yo ang Sound Of Silence, dinig pa rin kayo. - 'Wag kalimutan ang kasabihang, "kung ayaw n'yong matulog, magpatulog kayo."
Hindi lahat ng tao ay tulad ninyong hindi kailangang gumising ng maaga kinabukasan kaya't maaaring magpuyat. May trabaho pa kami. Kahit Sabado. At maaga kaming magsimba 'pag Linggo.
Sige, kahit hanggang alas-siyete ng gabi na lang kayo magkantahan. Pero, pagsapit noon, tama na. Nakauwi na ako ng bahay by that time. - Hindi lahat ng bahay ay may aircon.
Ang ibig sabihin lang noon, nakabukas ang aming bintana, at, by logic maririnig namin ang inyong ingay.
Kay lakas na ng tunog ng aking industrial electric fan, sasabayan pa ng kahol ng aso't tilaok ng manok. 'Wag n'yo na sanang dagdagan pa.
Sa totoo lang, talo n'yo pa ang palakang gustong maka-score matapos ang malakas na ulan.
Si Daisuke Inoue, ang nakaimbento ng karaoke, ay nabigyan ng Ig Nobel Prize for Peace noong 2004. Dahil sa kanyang imbento, ang mga tao'y nagkaroon ng panibagong paraan upang matutunan nilang pagpasensiyahan ang isa't isa.
At dahil maikli na ang pasens'ya ko, tatawag na ako sa Baranggay upang ireklamo kayo!
Ngayon, kung talagang gusto mo pa ring kumanta ng malakas, merong lugar para gawin mo 'yun. Doon, masisiyahan 'Yung makakarinig sa'yo. Kahit sintunado ka. Hindi ka pa mababaril.
At lagi kang "You're a professional singer!" para sa Kanya. Basta't nasa puso.
Kaso, bakit 'di mo 'yun ginagawa?
No comments:
Post a Comment