Wednesday, February 25, 2009

Mga Kaibigan


Nang nasa Grade School ako, pina-drowing kami ng aming Religion teacher ng isang eksena sa Bibliya. 'Yun 'yung kwento tungkol sa apat na magkakaibigan na ibinaba nila ang isa pa nilang kaibigang paralitiko upang mapagaling ni Kristo. Tumanim sa isipan ko 'yung kwento dahil sa aking pag-drowing. Mabisa palang teaching technique ang ginawa ng aking guro.

Uulitin ko 'yung kwento para sa mga hindi nakakaalala o hindi nakakaalam:

Nagpunta si Kristo sa isang bahay (hindi sinabi kung kanino), at angaw-angaw na tao ang tumungo roon upang makita Siya. Maraming maysakit ang nagpunta, umaasang mapagaling. Sa dami ng tao, puno ang paligid ng bahay, ang mga pinto't bintana ay 'di na madaanan. Marahil, ang may-ari ay isang baranggay captain at ipinasara n'ya ang kalye, dahil may bisita siya.

Sa dami ng tao sa paligid, madilim sa loob ng bahay. Hindi pa kasi uso ang fluorescent light. Mainit din sa loob dahil hindi pa naimbento ang aircon. Tapos, biglang-biglang nagliwanag. Nakadama ang mga tao sa loob ng ihip ng hangin. Baka akala nila, sobrang nadiliman at nainitan si Hesus kaya gumawa Siya ng mirakulo.

Mula sa itaas, may dahan-dahang banig ang bumababa. "Ano ito?", tanong ng karamihan. "Isang pangitain mula sa langit?" "Isang anghel na bumababa dito sa lupa?"

Ang totoo, isang paralitiko ang lulan ng banig na iyon. May apat siyang kaibigan na, dahil hindi makapasok sa pinto, nagsipag-akyatan sa bubong, binutas, at ibinaba ang kaibigang maysakit.

Natuwa si Kristo sa pananampalataya ng mga kaibigan. Kaya't bilang gantimpala, pinagaling N'ya ang kanilang kaibigang paralitiko. Nakatayo ang maysakit, dinala ang banig, at umalis.

Siguro naman, inayos ng apat ang binutas nilang bubong.

Naalala ko ulit 'yung kwentong iyon kasi 'yun ang binasa nitong nakaraang Linggo sa misa. Nagmuni-muni ako sandali, hindi pinakinggan ang sermon ng pari kasi may echo sa loob ng simbahan at hindi ko maintindihan ang kanyang sinasabi. Naisip ko tuloy, siguro 'yung apat na kaibigang iyon ay mga Pinoy. Bakit? Let me enumerate:
  1. Sumingit sila.

    Isipin n'yo na lang, kay dami-daming taong nakapaligid sa bahay. Siksikan. Siyempre, gusgustuhin ng may-ari na may peace and order doon. Baka nga naman masikwat ang naglalakihang kubyertos na naukit sa kahoy na naka-display sa dingding n'ya. Kahit walang mananakaw na The Last Supper sa kanyang dining room, dahil hindi pa ito naipipinta ni Da Vinci, baka naman madampot ang mga pinggan, baso't, platito n'ya.

    O, sige na, walang kubyertos o dalawang taong nagtitinikling na nakasabit sa dingding. Pero, kung ako ang may-ari ng bahay, at ganun karami ang tao, gusto ko namang 'wag magkagulo sa aking pamamahay. Baka gumuho 'yun.

    Isa pa, 'eto na ang pagkakataon ng mga apostoles mag-power trip. Sila ang mamimili kung sino ang makakalapit kay Kristo, at kung sino ang dapat maghintay. Hindi naman ako naniniwalang hihingi ng lagay ang mga iyon, mapagbigyan lamang ang mga desperado. Sigurado naman sumusunod sila sa First Come, First Served basis.

    In other words, sa dami ng gustong magpatingin, dapat may pila. Pero, itong apat, hindi sinunod ang pila. Sumingit sila.

  2. Late silang dumating.

    Classic Filipino time. Alam naman nilang maraming taong darating. Siguro, nag-usap-usap ang mga magkakaibigan na magkikita-kita sila sa Jollibee, este, sa bahay ng maysakit mga alas-tres ng umaga.

    May dumating, alas tres-y-media. 'Yung isa, mga alas-kwatro na. 'Yung ikatlo, mag-a-alas-sais na. Hindi raw n'ya narinig ang kanyang alarm clock na tumunog. Eh, paanong tutunog 'yun; may nagnakaw ng kanyang tandang kaya wala siyang narinig na tilaok. 'Yung huli, mga alas-siyete na nang dumating. Hindi pa nag-aalmusal kaya kumain pa sa bahay ng maysakit. Siyempre, hindi naman siya maiwan. Apat na sulok kaya 'yung banig, kaya't kailangan ng apat na taong magbubuhat.

  3. Maabilidad sila.

    Lahat ng butas papasok ng bahay ay may nakaharang. Paano sila makakapasok? Simple, gumawa ng sariling daanan. Nguni't saan? Aabutin sila ng siyam-siyam kung bubutasin nila ang mga adobeng pader. Kahit ipabuhat nila ang kaibigang paralitiko (parang 'yung binubuhat na mga tao sa rock concerts) patungo kay Hesus ay 'di maaari. Malamang, pagdating sa dulo, ihuhulog lang ang kanilang kaibigan; mas lalo tuloy iyong hindi makakalakad. Solusyon? Saan walang tao? Saan madaling bumutas? Saan 'yung hindi sila mapapansin kung ano ang ginagawa nila? Sagot: sa bubong!

    Walang tao sa bubong kasi ang umakyat doon ay hindi makikita ni Hesus. At kung hindi sila makikita, hindi sila mapapagaling. Kahit sa kanilang pag-akyat, wala ring nakakita sa mga magkakaibigan. Siguro, kasi, ang lahat ay naka-concentrate na makalapit kay Kristo sa pamamagitan ng pagpasok sa pinto o bintana.

    Isa pa, sino ang mag-iisip manira ng bahay ng may bahay, mangyari lamang ang nais nilang mangyari?

  4. Walang iwanan.

    Kahit late 'yung isa, 'di pa nila iniwan ito. Kasi, kailangan nila ito.

    Pero, siyempre, hindi 'yun ang ibig kong sabihin.

    'Pag dating nila sa bahay, punong-puno ng tao; 'di mahulugang karayom. Paralitiko ang bitbit nila. Kahit anong gawing pagsingit at pagsumiksik, hindi nila ito magagawa. Pero, hindi sila pinanghinaan ng loob. Ang pakay nila ay mapagaling ang kanilang kaibigan. Walang nagsabi na, "Sa Galilee na lang natin Siya puntahan!", o kaya, "Balikan na lang natin. Maya-maya lang siguro'y maluwag na d'yan. 'Di tayo makakapasok ngayon!", o kaya, "Malas mo, P're. 'Di tayo makakalapit sa Kanya."

    Kahit nagkandahirap sila sa pag-akyat ('di naman siguro mga m'yembro ng Akyat Bahay Gang ang mga ito), sa pagbutas ng bubong, sa pagbaba ng kanilang kaibigan, sama-sama pa rin ang apat. 'Ni hindi nila naisip na baka pagalitan sila ng mga tao. Na baka pag-alis nila sa bahay na 'yun ay mabugbog sila, at maging lima na ang paralitiko.

    Siyempre, kitang-kita din ang espirito ng bayanihan dito.

  5. May malakas na pananalig sila sa Diyos.

    Hindi ako naniniwalang ang relihiyon, o ang pagiging malapit sa Diyos, ay nauukol sa mga babae lamang. Tignan mo t'wing prusisyon ng Mahal na Nazareno. Kahit noong bata pa ako, mga apat-na-pung taon na ang nakakaraan, kay dami pa ring lalaking nakikipagsiksikan malapit lang at mapahid ang dalang t'walya sa imahen.

Ang isang magandang aral dito ay kung paano nagawan ng apat na kaibigan na mapalapit ang isa pa nilang kaibigan kay Kristo.

Mapalad ako't nagkaroon din ako ng mga ganoong kaibigan. Sa katunayan, noong nasa haiskul ako, ipinagmamalaki ko pang ilang taon na akong hindi nagsisimba. Nguni't may isa akong kabarkada na nangulit, at nagpumilit, na manumbalik ako sa Diyos. Hindi po siya pari ngayon; isa siyang PhD holder sa Physics. At kahit na noong nasa kolehiyo na ako, may mga kaibigan pa ring tinutulungan akong mapalapit kay Kristo, lalo na sa mga pagkakataong nalilihis ako. Malaki sigurado ang gantimpalang naghihintay para sa kanila sa Langit.

Ipinagdarasal ko na sana magkaroon din ng ganoong mga kaibigan ang aking mga anak. Sana, ang mga kaibigan nila'y mag-akbay sa kanila patungo kay Kristo.

Nguni't, siguro, mas masisiyahan ako kung sila mismo ang maging ganoong kaibigan.

No comments:

Post a Comment