Monday, April 5, 2010

Diary of a Pharisee (Part 4)

Saturday, 3 Apr, 10:02 am
Tumawag ako sa opisina at na-postpone daw ang dating ng shipment. Kasi, alam ng magdadala na walang tao sa opisina, dahil holiday, at walang tatanggap ng delivery.

Anak ng #%&@! Buti pa 'yung messenger nag-iisip. 'Di tulad ng aking bossing...! Talaga naman. Kung mamumura ko lang 'yung bossing ko sa harapan n'ya, ginawa ko na.

Kaso, 'eto namang magdadala, wala naman palang balak mag-deliver hindi agad nagsabi. Sana'y nasa Hongkong na kami ngayon.

Sana'y hindi nalaman ni Misis ang lugar na ito.

Saturday, 3 Apr, 3:38 pm
Bad trip ako sa araw na ito. Pero, aking pinag-iisipan, at least, hindi ako tinawag ng opisina upang biglaang bumalik ng Maynila.

Naisip ko tuloy ang mga blessings naming pamilya. Dati, 'pag ganitong Mahal na Araw, masyadong malungkot. Wala kang mapapanood sa TV o mapapakinggan sa radyo. 'Pag dating ng tanghali ng Biyernes Santo, 'yung Seven Last Words lang ang iyong mapapanood o mapapakinggan. Ang theater ay ang senakulo, kung saan mga amateur ang gumaganap.

At kung minalas-malas ka, sa tapat ng inyong bahay ay walang tigil na Pabasa.

Ngayon, may cable TV na, kaya't marami ka nang mapapanood. Meron na ring mga PS2, Wii, at Xbox. May iPod at kung ano-anong mp3 players. May PSP, at maging cell phone ay p'wede ring mapaglaruan o taga-tugtog ng mga kanta. At ngayon, sa halip na Pasyon na iyong kinakanta, makakapili ka na ng iyong kakantahin sa videoke.

Kaya naman, ang mga kabataan ngayon, blessed talaga sila. Kailangang magpasalamat sa mga ganitong dulot ng teknolohiya.

Masabihan nga ang mga anak ko mam'ya kung gaano sila ka-swerte.

Sunday, 04 Apr, 9:36 am
Ito na ang pinakamalungkot na araw sa buong taon. Kasi, tapos na ang maliligayang araw ng bakasyon, at bukas ay papasok ulit ako sa trabaho.

Saan ba 'yun, sa Canada, kung saan wala pang pasok ang Easter Monday? Buti pa sila.

P'wede naman akong magbakasyon, pero, iniipon ko ang aking bakasyon. Balak kasi naming magpunta sa US sa Pasko.

Sunday, 04 Apr, 11:52 pm
Grabe ang trapik pauwi! Ala-singko na ng hapon kami umalis ng Batangas, ngayon lang kami nakarating ng bahay. Kasi naman, sabay-sabay nagsi-uwian ang mga nagbakasyon. Dapat, 'yung iba, bukas na lang umuwi, o kaya kahapon sila umuwi. 'Di sana gan'un kasikip ang daan. May iba talagang hindi nag-iisip.

Kung natuloy lang sana kami sa Hongkong hindi ko aabutin ang ganitong trapik.

Late na, may pasok pa bukas. Asar talaga!

Monday, 05 Apr, 5:17 am
Naaalala ko ang tatay ko, 'pag ganitong panahon, sasabihin sa amin, "Pasukan na namaaaaaaaaan!" Asar na asar ako 'pag sinasabi n'ya 'yun.

Maaga akong papasok sa opisina. Sigurado akong maraming ma-le-late sa amin ngayon. Kahit si bossing uunahan ko sa pagpasok.

Pero, nakakatamad talagang bumangon.

Bwiset!

No comments:

Post a Comment