Cholesterol-filled stories to kill the old self, and, hopefully, give birth to a better one.
Friday, April 2, 2010
Visita Iglesias, 2010
Nakapag-Visita Iglesias kami kagabi. Mas gusto kong gawin ito sa gabi kasi, una, hindi mainit ang panahon, at, ikalawa, mas maganda ang mga altar. Ang kombinasyon ng dilim at mga ilaw (kandila o bumbilya) ay nagbibigay ng medyo solemnity sa lugar.
Ang problema lang 'pag gabi ay may mga pagkakataong hindi kami nakakatapos magpunta sa pitong simbahan. Limited lang kasi ang oras, hanggang alas-dose ng hatinggabi lang maaaring magpunta sa simbahan. At kung pupunta ka sa mga sikat na simbahan, tulad ng Baclaran Church, Manila Cathedral, at Bamboo Organ sa Las Piñas, aabutan ka pa ng trapik, kaya't ubos na ang oras mo. Kaya ngayong taong ito, 'yung mga malalapit na simbahan lang ang aming pinuntahan, 'yung sa paligid lang ng Parañaque, at isa sa Pasay. Alas-onse pa lang ng gabi tapos na kami.
Ang una naming pinuntahan ay ang Holy Eucharist Church sa Moonwalk, Parañaque. Noong 2008 nagpunta rin kami rito, at sa labas nila inilagay ang altar dati. Mas gusto ko 'yung sa 2008 kesa ngayon.
Sunod naman ay ang Our Lady of Beautiful Love, sa Merville. Ito 'ata ang paborito nina Bunso at Misis. Meron pang waterfall sa background at dalawang taga-Knights of Columbus na nagbabantay.
Ang ikatlong simbahang aming pinuntahan ay ang Shrine of St. Therese, sa tapat ng NAIA 3. First time ko itong napasok mula nang maayos ang simbahan. Kay laki't kay ganda ng loob. Naka-air con pa. Minsan nga'y magsisimba kami dito.
Pero ang altar din nito ang pinakasimple sa lahat ng aming pinuntahan. Marahil, kasi, katatapos lang ng washing of the feet kaya't marami pang tao't hindi pa napapatay ang mga ilaw. Ang pinatay lang ay ang air con.
Kakain sana kami muna ng hapunan sa katabing McDo, pero ang pila ay nasa labas na. Kaya lumipat na lang kami at tumuloy sa BF.
Sa may BF, nakiparada muna kami sa aking bayaw. Tapos, kumain ng hapunan sa KFC. Hindi siguro inaakala ng restoran na maraming kakain kasi naubusan sila ng kanin. Kaya, tuloy, maraming customer ang mainit ang ulo, inaway 'yung mga nasa counter.
Ilang simbahan na kaya ang napuntahan ng mga customer na 'to?
Nilakad na lang namin ang simbahan, ang Resurrection of Our Lord. Buti na lang at may naparadahan kami; sala-salabit ang trapik doon.
Sa San Antonio de Padua Church kami nagtuloy, 'yung simbahang malapit sa City Hall ng Parañaque. Sa kalye ang paradahan dito. Kung kami'y dumaraan sa kalyeng ito 'pag Linggo marami ang nakaparada. Kaya, 'yung una naming nakitang bakanteng lugar, parada agad kami. Meron pa palang bakante kung umurong pa kami, mas malapit sa simbahan. Pero, okay na rin sa aming napaglagyan.
Sa Shrine ng Mary Help of Christian kami sumunod nagpunta. May dalawang pari na nagbibigay ng kumpisal, nguni't mahaba rin ang pila. Mag-schedule na lang ako. Tutal, kailangan ko ng isang oras para paghandaan ang pangungumpisal; sobrang dami na kasi ng kasalanan.
Huli naming pinuntahan ay ang simbahang malapit sa amin, ang Mary Immaculate Quasi-Parish Church. Doon kami nagtagal, tutal 'yun na ang last namin.
Tanong sa amin ng aming mga anak bakit namin ginagawa ito, ang pag-Visita Iglesias.
Bakit nga ba? Hindi naman para mamasyal, although tuwang-tuwa ako sa mga tanawing aking nakikita. Para magpalamig, kasi naka-air con kami sa loob ng sasakyan? Para ipagpatuloy ang isang tradisyong Katoliko't Pilipino? Para maka-kamit ng indulhensiya?
Sa totoo lang, hindi rin ako sigurado kung bakit namin ginagawa ito. Pero, nasisiyahan ako 'pag nakikita ko na buhay na buhay ang Katolisismo, lalo na dito sa Maynila.
At sa sama-sama naming pamilya na mag-iikot at pumumta sa iba't ibang simbahan, nawa'y 'di mamatay ang tradisyong ito, at lalong mag-alab ang aming pagmamahal sa Diyos, 'di lamang kung Mahal na Araw, kun'di araw-araw.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment