Sunday, April 18, 2010

The Power of Three

Sa mga how to's sa pagsusulat ng humor laging ine-emphasize ang power of three kung saan laging gagamit ng tatlong karakter, bagay, o event sa kwento. Kaya, madalas, ang mga kasama sa ating kwento ay isang Amerkano, isang Hapon, at isang Pilipino.

Hindi lang sa comedy ginagamit ang power of three, maging sa ibang bagay din. Sinasabing kung gagamit ng listahan ng mga ehemplo, maganda kung tatlong bagay ang iyong ibibigay. At sa ginagawa naming IT Policies sa opisina, kung meron lang dalawang items sa isang entry, hindi na dapat i-bullet ang mga ito. Kailangan, at least tatlo ang items.

Pati sa relihiyon, pumapasok din ang tatlo: Ang Ama, ang Anak at ang Espirito Santo.

Ano nga ba ang espesyal sa bilang na tatlo?

Kasi, nagtataka ako sa Gospel reading sa misa ngayon.

'Eto sina Pedro at ibang kasamahan, na tila malungkot pa rin sa mga pangyayaring ipinako sa krus si Kristo. At ano ang "gamot" sa pagkalungkot? Ang magtrabaho. Kaya, pati ang mga ibang apostoles ay sumama kay Pedro upang mangisda.

Tapos, umaga na, at walang nahuli, biglang nagpakita sa kanila si Hesus. Ito ang ikatlong pagkakataong magpakita si Hesus sa kanyang mga alagad.

Nang malaman ni Pedro na si Hesus 'yung nasa pampang, dali-dali itong nagbihis at lumusong sa tubig.

Ang hindi ko maintindihan ay ang mga ito:

1. Bakit malungkot pa rin ang mga apostoles sa pagkamatay ni Hesus?
2. Hindi ba sila naniniwala na nabuhay S'ya kahit na dalawang beses nang magpakita sa kanila si Hesus?
3. At bakit nagtatakbo si Pedro kay Hesus, na parang batang sinabihang may uwing pasalubong para sa kanya?

Ayan, tatlong katanungan din ang inilagay ko. Actually, pinilit ko lang na magkaroon ng tatlong tanong.

Eniweys, bakit nga ba parang bale-wala 'yung unang pagpapakita ni Hesus sa Kanyang mga alagad? At bakit, ngayong ikatlong pagkakataon, parang sigurado na si Pedro na si Hesus nga ay muling nabuhay.

Parang 'yung una, hindi nakakasiguro si Pedro na totoo ang kanyang nakita. 'Yung ikalawa nama'y tsamba lang. Pero, sa ikatlong ulit, wala nang duda, at 100% sure si Pedro na muling nabuhay si Hesus.

Balikan natin 'yung gabing itinakwil ni Pedro si Hesus ng tatlong beses. Noong una'y mahina pa ang kanyang boses. Sa ikalawa'y medyo lumalakas na. At sa ikatlong pagkakataon may conviction na si Pedro na hindi n'ya kilala si Hesus.

Kaso, tumilaok ang tandang. At ipinaalala kay Pedro na mali ang kanyang ginawa.

Kumbaga, may kasabihan nga na ang isang kasinungalingan, 'pag inulit-ulit, napapaniwalaang totoo.

Kaya nga, sa pagkakataong 'yun, nagkaroon ng reminder si Pedro na isang kasinungalingan ang kanyang pinagsasabi, paulit-ulit man n'ya itong sabihin.

Kaya naman, tatlong beses ding tinanong ni Hesus si Pedro, "Pedro, mahal mo ba Ako?" At tatlong beses ding sumagot si Pedro ng, "Alam N'yo namang mahal ko Kayo."

Alam naman talaga ni Hesus na mahal S'ya ni Pedro. Siguro, ang pagtatanong ni Hesus ay hindi naman para sa Kanya, kun'di para kay Pedro. Baka sa unang tanong, naisip ni Pedro na hindi s'ya karapat-dapat magmahal kay, at mahalin ni, Hesus. Sa ikalawang tanong, guilty pa rin si Pedro sa ginawa n'yang pagtatakwil. Pero, sa ikatlong tanong, may conviction na si Pedro. Parang "it's now or never". Kung ano ang naging sagot ni Pedro sa million dollar question 'yun na ang final answer.

Siguro nga, kailangang ulit-ulitin ang isang bagay upang makasanayan. Parang, pagdating ng January 3 doon mo pa lang tamang isusulat ang taong '2010'.

Ako, alam ko kulang ang tatlong tanong sa akin. 'Pag Linggo, tatanungin ako ng Diyos kung mahal ko S'ya, at sasabihin kong "Opo, mahal ko Kayo."

Kaso, pag dating ng Lunes hanggang Sabado, natatakpan ko ang aking tenga sa Kanyang pagtatanong.

Mali tuloy ang aking sagot.

No comments:

Post a Comment