Katatapos ko lang mapanood ang misa ni Papa Benedicto XVI sa EWTN, cable TV. Patapos na nang ito'y abutan ko, kaya't hinintay ko na lang ang pagbati ng Papa sa iba't ibang lengguwahe. Siyempre, inabangan ko ang pagbati n'ya sa wikang Filipino.
Maraming tao ang nasa Piazza de Pietro upang magmisa't pakinggan ang Easter message ng Papa. Kahit umuulan, marami pa rin ang naroroon.
Galing sa iba't ibang bansa ang mga tao, at may mga dala-dalang bandila, na kanilang iniwagawayway. At 'pag binaggit ng Papa ang wika na kanyang gagamitin sa pagbati, nagsisigawan ang mga taong galing sa bansa ng wikang iyon.
Mga dalawang beses tumingin ang Papa sa mga taong pinagmumulan ng sigawan, nguni't patuloy ang kanyang pagbasa't pagbati na parang walang nangyari.
Nang sinabi n'ya ang "Filipineso" (or something like that), s'yempre, sigawan ang mga Pinoy na naroroon. Biglang napahinto ang Papa, tumingin sa pinanggalingan ng tao, tapos ngumiti. Binasa n'ya ang kanyang pagbati sa wikang Filipino, tapos ay tumingin ulit sa mga tao, at kumaway.
Imagine, sa dami ng mga taong naroon mula sa iba't ibang bansa, sa ating Pinoy lang s'ya huminto sa pagbasa, ngumiti, at kumaway. Ewan kung guni-guni ko lang ito, kaya nga gusto ko ulit mapanood ang mga pangyayari. 'Di naman kaya bumugaw lang s'ya ng langaw? Ano kaya ang pinaggagagawa ng mga Pinoy doon at napangiti s'ya? I'm sure hindi si GMA ang kinawayan n'ya.
Bakit kaya gan'un? Kaya naman nating magpasikat, famously, at hindi notoriously. Sa Earth Hour, tayo ang nangunguna sa partisipasyon, na, ang ibig sabihin lang, tayo rin ang may pinakamalaking natipid na kuryente sa oras na 'yun.
Sabi nila, ang Pinoy na lang daw ang nagpupuno ng mga simbahan sa Italy. At kung tayo lang ang pinansin ng Papa, marahil tama lang ang ginagawa ng ating mga kababayan sa Italy.
At gaya nga ng isang kumalat na Q&A, sa ating mga Pinoy ipinagkakatiwala ng ibang tao ang kanilang mga mahal sa buhay. Tignan mo nga, may mga yaya pa na namamatay mailigtas lamang ang kanilang alaga.
Kaya naman malaki pa rin ang aking pag-asa para sa ang ating bansa. Mailagay lang sana ng Pinoy ang tiwala sa sarili. Matutunan lang sana n'yang ipagmalaki ang pagiging Pinoy, 'di lamang kung nananalo si Pacquiao, kung nagiging CNN Hero of the Year si Efren PeƱaflorida, o kung nalalagay sa cover ng Time Magazine si Tita Cory.
Hindi naman tayo dapat umasa lamang sa politikong mananalo sa eleksyon, maging meyor, senador, o pangulo pa s'ya.
Kasi, bilang isang grupong nagkaka-isa, kaya naman nating umunlad.
Sa katunayan, ang mga politikong 'yan ang umaasa sa atin.
No comments:
Post a Comment