Women's group wants expiry date on marriage
- The Philippine StarNabasa ko na isang party-list group, ang 1-Ako Babaeng Astig Aasenso (1-ABAA), ay nagmumungkahing lagyan ng expiry date ang marriage license, tulad ng ibang lisensya, gaya ng driver's license at pasaporte.
Sabi ng grupong ito, 'pag nagkasawaan na ang mag-asawa sa isa't isa, hayaan na lang mag-expire ang kanilang lisensya. Hindi na kailangang magpa-annul pa, na nangangailangan ng maraming oras at pera.
Lisensya o kontrata?
Makaraan ang ilang araw, nilinaw ng grupong ito na hindi lang ang lisensya ang kanilang nais lagyan ng expiry date, nguni't ang kasal mismo ang kanilang gustong markahan ng "Best before" sa mga label ng mag-asawa. Ang marriage license daw kasi ay may validity period ng 120 days.Ang naaalala ko nga, pagkatapos ng 120 days at hindi ka nagpakasal, uulitin mo ang seminar para makakuha ka ulit ng lisensya. Pagkatapos, kontrata na ang iyong pipirmahan, padadala sa NSO, at ipiprisinta sa US Embassy 'pag kukuha ng visa.
Kaya nilinaw ito ng 1-ABAA matapos ang ilang araw.
Bakit pa magpapakasal?
Ang hindi ko lang maintindihan sa mga ito, bakit pa kailangang magpakasal kung pagkatapos ng sampung taon ay mawawalan naman ng bisa ito, at kailangang i-renew pa ng sampung taon ulit. Para talagang US visa.Kasi, kung hindi kasal ang mag-asawa, hindi magiging lehitimo ang mga anak? At, kung magkaganun, wala silang makukuhang mana? Pa'nu kung wala na'ng bisa ang kasal? Pwede na ulit silang mag-asawa't magkaroon ng ibang pamilya. Pa'nu na ang mana?
O, kung hindi kasal, hindi pwedeng ilagay na beneficiary ang asawa kung saan man, tulad ng insurance o benefits sa opisina. Gan'un din ang tanong: Pa'nu kung wala na'ng bisa ang kasal?
O, kung hindi kasal, hindi na mapipigilan ang lalaking mambabae, o ang babaeng manlalaki, o ang lalaking manlalaki. Kaso, parang gan'un din 'yun. Pinatagal mo lang ng sampung taon, tapos, pwede na silang magkanya-kanya.
Maging hayop
Ang inaalala ko lang sa panukalang ito, parang trinatrato natin ang isa't isa na hayop. Ayaw na sa asawa? Pa-expire lang ang kontrata at pwede nang maghanap ng iba. Binubugbog ka ng asawa? Sampung taon lang ang titiisin mo't makakawala ka na rin sa kanya. Kulang sa lambing si Misis? Sabihin mo kay Kabit na patience is a virtue.Parang 'yung ibang mungkahi na ginagawa tayong mga hayop sa halip na tao. Hindi mo ma-control ang iyong "kati"? Gumamit kayo ng condom. Nawala ka sa sarili? Ipalaglag mo ang bata. Hirap ka nang mag-alaga sa iyong ulyaning magulang? Euthanasia ang sagot d'yan.
Ibang kasagutan
Nung una kong nabasa ang balitang ito, naisip ko, "Bakit hindi?" Hindi man ako kasapi ng BAGSIK (Bagong Alyansa ng mga Ginoong Sinisigawan at Inaapi ng Kababaihan), alam ko na meron naman talagang mga tao, lalo na mga kababaihan, na agabrayado sa kanilang kasal.Pero, naisip-isip ko, baka naman may iba pang kasagutan sa suliranin ng mag-asawa. Una sa lahat, 'di naman dapat padalos-dalos ang pagpapakasal. May kasabihan nga tayo na ang pagpapakasal ay hindi tulad ng kaning isusubo, tapos iluluwa 'pag napaso.
Ang ikalawa'y sa halip na gawing silver bullet ang kasal, na parang live happily ever after pagkatapos, isipin natin na kailangang pagtrabahuhin din ang kasal upang maging matibay ito.
Kasi, lahat naman ng gustong makamtam, lahat ng maganda sa buhay, dapat pinaghihirapan. Nang sa gan'un, mas magiging mahalaga.
Ewan ko, 'pag napasa ang panukalang ito, parang ang dali nang magpalit ng asawa. Para lang sigurong pagpapalit ng damit. At 'pag pinalitan na ako ni Misis, malamang hindi na ako makakakuha pa ng tulad n'ya.
Ayaw ko 'ata n'un!
Maraming salamat sa artikulo! Sang-ayon ako sa 'yong mga reaksyon ukol sa kakaibang mungkahing ito ng 1-ABAA. Sang-ayon rin ako sa mga sinabi mo sa parteng "Gawing Hayop".
ReplyDeleteMagaling ang pagkakasulat. Inggit ako sa paggamit mo ng Tagalog, sabi ng editors ko 'wag na lang raw ako mag-Tagalog sa mga artikulo ko. Hehe.
Maraming salamat din sa pagdalaw at pag-comment. I appreciate it very much.
ReplyDeleteTungkol naman sa pagsusulat sa Tagalog, malaki rin ang disadvantage ko. Hindi ako pang-"International", pang-Bb. Pilipinas lang. Hehehe.
Dinalaw ko rin ang blog mo. Interesting siya. Sana ipagpatuloy mo't marami kang maisulat. Curios ako kung ano-anong mga "rarest places" ang matatagpuan mo't maibabahagi sa amin.