Although tapos na ang Bagong Taon, patuloy pa rin ang mga taong nagbabatian ng "Merry Christmas and a Happy New Year" sa isa't isa, lalo na mula sa mga taong lumalapit sa amin kung kami'y nakahinto sa traffic light.
Tutal, ilang araw pa lang ang nakakalipas, meron din akong mga wishes sa ating kapwa Pinoy para sa bagong taon:
Wish Number 10
Maisip sana ng bawa't isa na ang isang pirasong wrapper ng kendi na itinatapon natin sa kalsada ay maaaring katumbas 'yan ng isang buhay na maaanod ng baha.
Ngayon, ayaw naman nating pumatay, 'di ba?
Wish Number 9
Maintindihan sana ng bawa't isa na mas malaki pa ang tsansang manalo ng isang taong tumaya sa sweepstakes kesa sa lotto.
Ikaw, may nakilala ka na bang tumama na sa sweepstakes?
Wish Number 8
Alam ko namang maraming "Efren Peñaflorida" sa bansa. Sana'y 'wag silang panghinaan ng loob kahit sabihing ang gawain nila'y quixotic at walang pera sa kanilang ginagawa.
Wish Number 7
Ang bayanihang naganap matapos ang "Ondoy" at "Pepeng" nawa'y maipagpatuloy ng mga Pinoy, 'di lamang kung may dumarating na malaking unos kun'di sa pang-araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay ng bawa't isa.
Wish Number 6
At ang mga politikong inangkin ang mga parangal, lalo na 'yung ang ginawa lang ay ilagay ang kanilang pangalan at mukha sa plastic bags, nawa'y maanod sa susunod na baha.
Wish Number 5
Ang bayanihang naganap matapos ang "Ondoy" at "Pepeng" nawa'y makita rin natin sa EDSA.
Wish Number 4
Marami namang nasa pamahalaan ang tunay na nagseserbisyo sa atin, at hindi nagnanakaw. Sana, hindi maging applicable ang 80/20 Rule, kung saan dalawampung porsiyento ng nasa gobyerno ang kumukubra (a.k.a. kumukurakot) ng walumpung porsiyento ng pera.
Sana, patas-patas lang. Lahat sana ng nasa gobyerno ay WALANG kinukurakot sa kaban ng bansa.
Wish Number 3
Nawa'y manatiling bayani si Manny Pacquiao sa paningin ng mga Pinoy.
Pero, hanggang sa loob lang ng ring.
Wish Number 2
Sana'y makialam ang bawa't Pinoy sa mga nagaganap na katiwalian sa bansa.
'Ika nga ni Edmund Burke, "All that is necessary for evil to succeed is that good men do nothing."
At ang Wish Number 1 ko para sa mga Pinoy ay:
Sana'y maisipan ng lahat na ang ika-uunlad ng bayan at ng bawa't isa ay nakasalalay sa kanilang mga kamay, at hindi sa kamay ng kung sinong presidente, senador, congressman, barangay captain, o kung sino mang politiko na iboboto nila sa darating na eleksyon.
No comments:
Post a Comment