Saturday, November 7, 2015

"Excited Kasi" - Opening Scene (NANOWRIMO 2015)


AUTHORS NOTE:  Noong mga nagdaang NANO, panay Biblical Stories ang ginawa ko, at sa wikang Inggles.  Ngayon, dahil sa AlDub, na-inspire akong magsulat ng Romance, sa wikang Filipino.  'Eto ang opening scene ng isinusulat kong nobela, na pinamagatang "Excited Kasi".  Edited na s'ya.  Mukha namang may potensyal.
             Sige na, Kuya, baka p’wede na akong umakyat,” sabi ni Cecile kay Mamang Guard.


Miss, masyado pang maaga. Wala pang six thirty, 'no? Wala pang tao doon,” sabi ni Mamang Guard, napapangiti kahit makulit ang kausap.

Eh, Kuya, wala naman akong mapuwestuhan dito.”

Kasi naman. Hindi mo ba alam na ang pasok ng mga opisina ay alas-otso?”

Sorry na, Kuya. First day ko ngayon. Excited kasi.”

May Starbucks d’yan malapit dito. Doon ka muna magpalipas, kahit isang oras lang. Pagbalik mo papapasukin na kita.”

Eh, Kuya, first day ko nga, wala pa akong sahod. Tapos, pagagastusin mo ako. Sa Starbucks pa.”

Napansin ni Cecile na hindi na nakatingin sa kanya si Mamang Guard at parang nanigas ang katawan nito.

Good morning, sir!” sabay saludo ni Kuya.

Good morning.”

Nakita ni Cecile ang likod ng lalaki habang naghihintay ito sa elevator.  Itim pa ang buhok.  Sa palagay ni Cecile ay matanda na ang lalaki, at nagpapatina na lamang. Matipuno pa ang kanyang katawan.  "Marahil nagpupunta sa gym," isip ng babae. Tinantya rin ni Cecile na kasing tangkad ng lalaki ang kaibigan n'yang si Tibo.  Kaya't sa tinging n'ya'y mga five-nine o five-ten ang lalaki.

Pumasok sa elevator ang lalaki at humarap kay Cecile.  Laking gulat ng babae.  Mestiso at mukhang batang-bata pa.  Hindi s'ya magtataka kung wala pang trenta anyos ang lalaki.  Makinis ang mukha, walang tagyawatClean-shaven.  Manipis ang salamin sa mata, kaya't hindi nagmumukhang nerd.  Matangos ang ilong, kaya't hindi dumudulas ang salamin.  Walang tiyan.  "Siguradong nagpupunta sa gym," wari ni Cecile.

Tinignan ni Cecile ang sapatos.  Napakalinis nito.  Naisip n'ya na maayos sa katawan ang lalaki.

Hindi namalayan ni Cecile na nakatingin na pala sa kanya ang lalaki, kaya't laking gulat n'ya nang tinignan n'ya muli ang mukha.  Nanlaki ang mga mata n'ya. Nagtama ang kanilang mga paningin, at hindi makawala si Cecile sa pagkakatitig sa kanya ng lalaki.  Nakahinga ang dalaga nang biglang magsara ang pinto ng elevator.

Bumaling si Cecile kay Mamang Guard. 

Sino ‘yun?” tanong ni Cecile.

Si Mr. Kalaw,” sagot ni Kuya. Tinignan n'ya ang relong nakasabit sa dingding. “Napaaga ng dating.”

May-ari?”

Hindi. Manager d'yan sa taas.”

Nahalata ni Cecile na namutla ang guwardya.

Eh, bakit parang takot na takot ka, Kuya? Mabagsik ba ‘yun?”

Ssshh, baka ka marining,” sabi ni Mamang Guard. “Hindi naman mabagsik, istrikto lang.”

May pinagkaiba ba roon?”

Nakita ni Cecile na nagsusulat si Mamang Guard sa isang logbook, kaya't hindi na n'ya hinintay ang sagot.  

Bumalik sa kanyang pag-iisip ang kararating na lalaki. Sa loob-loob n'ya'y masyado itong seryoso.  "Sayang, guwapo pa naman," isip n'ya.  Nasabi n'ya sa sarili na kung liligawan s'ya ng lalaki ay maba-basted lang agad sa kanya.  Hindi pa man ito nag-uumpisa'y sasabihin n'ya agad na walang pag-asa ang lalaki sa kanya.  "Pero, talagang guwapo s'ya," pangiting inamin ni Cecile sa sarili.

Biglang nahinto ang kanyang pagmumuni-muni ng may narinig s'yang may kumakausap sa kanya.

Miss, pwede ka nang umakyat," sabi ni Mamang Guard.

Ha, ano po 'yun?"

Sabi ko, pwede ka nang umakyat."

May tao na po ba?” sabi ni Cecile.

Si Mr. Kalaw.”

Ano?”

Oo, basta't may tao na roon, p’wede na kaming magpaakyat.”

Napakamot ng ulo si Cecile. 

“Eh, Kuya,” sabi n’ya. “Saan nga ‘yung sinasabi mong Starbucks?”



Sunday, November 1, 2015

NANOWRIMO 2015

Umpisa na naman ng NANOWRIMO o ang National Novel Writing Month.  Ito ay nagaganap tuwing ika-Nob kada taon.  Ang layunin ay makapagsulat ng limampung libong (50k) salita sa loob ng tatlumpung araw.

Siyempre, kung magagawa mo ito sa loob ng dalawampung araw, mas mabuti.

Ngayon, para magawa ko ito, magta-target ako na makapagsulat ng 1,667 words every day.   Mahirap kasing isiping maaabot ko 'yung 50k.  Parang pera.

Matagal ko na itong pinaghandaan.  Sa katunayan, isang linggo akong nagbakasyon upang makagawa lang ng balangkas para sa event na ito.

'Yun nga lang, naubos ang oras ko sa kakapanood ng mga past shows ng AlDub.

Ready na sana ako.  Hindi naman kailangang kumpleto ang paghahanda.  Pwedeng, along the way, isulat ang ano mang pumasok sa isip.  Tutal, first draft pa lang ito.  Hindi kinakailangang makapagsulat ng masterpiece agad.

Kaso, biglang nagbago ang isip ko.  Siguro sa kakapanood ng AlDub.  Biglang gusto ko nang isulat at tapusin ang Pinoy kong nobela, "Excited Kasi".  Matagal ko nang naisip ito, mahigit limang taon na.  Medyo nasimulan ko na rin.  Pero, nahinto ako.  Hindi dahil sa tinamad ako, kun'di natakot akong tapusin.  Baka walang magkagusto.

Hehehe.  Dassalatanansens.  Eh, 'di, kung ayaw kong ma-reject, eh, 'di, 'wag kong piliting ma-publish.

Pero, malay mo.  Baka maganda ang kalabasan.  Baka bilhin ito ng Simon & Schusler, o ma-self-publish, o ma-upload sa Wattpad.  Tapos, may magkagustong movie producer at sabihing isasapelikula n'ya ang nobela ko.  Ayos 'yun!

Pero, papayag lang ako kung sina Alden at Maine ang magiging bida.

Friday, October 30, 2015

2015 Vacation - Day 5

"And now, the end is near...."

Hindi ko na itutuloy, baka mabaril pa ako. Newaze, alam ko namang alam na alam n'yo na kung ano ang kantang ito: Be My Lady.

Sabi nga nila, ang lahat ay may katapusan. Ang hindi ko lang alam ay kung kelan matatapos ang pagbabayad ko ng utang.  'Di natin masabi, baka bukas-makalawa ma-dial ni Bossing ang cellphone number ko.  O kaya madiskubre ng Eat Bulaga si Bunso.

Kung Showtime ang makakadiskubre, malamang tuloy pa rin ang pagbabayad ko ng utang.

Nalilihis ako.

Ito na ang huling araw ng aking bakasyon.  Oo nga't meron pang Sabado't Linggo, pero, officially, hanggang Biyernes na lang ang bakasyon ko.  Ang ibig sabihin, bukas, pwede na akong tawagan at papuntahin sa opisina.

At least, may accomplishment ako ngayong linggo: Maliban n'ung Lunes, napanood ko ang lahat ng episode ng Kalyeserye.

Maliban doon, wala na.

Siguradong mahihirapan akong kumuha ng buwelo para sa Lunes.  Affected din kasi ako ng First Law of Motion ni Pareng Isaac.  Isang linggo akong at rest, kaya napakalaking force ang kailangan para maging in motion ako.

Hay!  Bakit pa kasi kinain ni Adan 'yung mansanas.

On second thought, hindi naman dapat isiping parusa ang pagtratrabaho.  Ang Diyos nga nagtrabaho at napagod, tayo pa kayang mga tao lamang?

Kailangan nga siguro ng tao ang magtrabaho.  Pero, naniniwala ako na hindi dapat tayo i-define ng ating trabaho.  'Yun bang mas big time ka kung ikaw ay duktor, at naaangatan mo 'yung mga taong nagmamaneho ng dyip.

Sa kabilang dako naman, 'di dapat isipin ng mga nagmamaneho ng dyip na small time sila kumpara sa mga duktor.

Patas-patas lang, basta't hindi gumagawa ng masama.

Kaya, mas mabuti pa 'yung jeepney driver na nanunukli ng singkwenta sentimos kesa kay congressman na nangungurakot ng singkwentang milyones.

Kailangan talaga nating magtrabaho.  'Ika nga ni Papa Kiko, sa kanyang Laudato Si, ang trabaho ay parte ng kahulugan ng buhay dito sa mundo.  Kailangan nating magtrabaho upang mapa-unlad natin ang ating sarili, at magkaroon ng personal fulfillment.

Waw! Hebi agen.

Dapat, magkaroon ang mga tatakbo sa pagka-pangulo ng mga konkretong programa ukol sa pagkakaroon ng mga trabaho para sa mamamayan.  Hindi 'yung motherhood statement lamang na "tatanggalin ko ang kahirapan".

Masarap pakinggan,  pero, dapat masagot nila ang tanong na  "Papano?"






Thursday, October 29, 2015

2015 Vacation - Day 4

Sa isang linggo kong bakasyon, itong araw, siguro, ang pinakamasaklap -- nagbayad ako sa aking mga credit cards.

Pero, maliban doon, masaya na rin ako.  Kasi, napanood ko ang unang beso-beso nina Alden at Yaya Dub.

Sarap talaga ng bakasyon, 'yung walang ginagawa, walang inaalala, walang paki-alam.  Pero, sigurado akong pagdating ng araw, pagsasawaan ko rin ito.  Hahanap-hanapin ko rin ang magtrabaho.

Pero, sa ngayon, ayaw ko na munang bumalik.

Bakit nga ba nagbabakasyon ang tao?  O, sa isang linggo, bakit nga ba ipinag-uutos ng Diyos na bawal magtrabaho ng isang araw?

Sabi ni Papa Kiko, sa kanyang encycal letter na Laudato Si, ang pagpapahinga ng Linggo mula sa trabaho ay isa pa ring aspeto ng trabaho.  Isang paraan ito upang malaman at maintindihan natin ang kabuluhan ng trabaho.  Para nga tayo hindi malulong sa tinatawag n'yang empty activism.  

Ang araw rin ng pahinga, 'ika n'ya, ay isang araw ng pasasalamat.  Dito rin natin makikita ang kabuuan, ang karapatan ng iba, at ang pangangailangan, lalo na ng kalikasan at ng mga mahihirap.

Hebi, men.  

Sabagay, 'yun naman lagi ang sinasabi ng pari kapag tapos ng ang misa.  Kung hindi kayo aalis habang komunyon, maririnig n'yo ito:  The mass has ended.  Go in peace to love and serve the Lord. 'Yun siguro ang dapat dala-dala natin sa darating na linggo: peace, love, at service.

Kaya sa darating na Lunes, babalik ako sa trabaho na bitbit ang tatlong ito.  Para rin naman magkararoon ng kabuluhan ang aking bakasyon, maliban sa isang linggo kong panonood ng AlDub.

Sabagay, wala rin naman kasi akong choice kun'di bumalik sa trabaho.  Hindi pumayag si Panganay na buhayin n'ya na lang kaming mag-asawa.


Wednesday, October 28, 2015

2015 Vacation - Day 3

Natapos na ang kalahati ng aking bakasyon.  Eto, wala pa ring nangyayari sa aking buhay.

Ilang tulugan na lang, pasukan na naman!

Sabi ko nga kay Misis, ano kaya kung mag-early retirement na lang ako.  Wala akong gagawin kun'di gumising ng tanghali, maghatid sa mga bata, at manood ng AlDub.

In order words, mag-bum around.

Siguro, pagkaraan ng isang taon, mataba na ako, na parang baboy na kakatayin.

Balak sana naming magbiyahe ngayong naka-bakasyon ako.  Tamang-tama rin at sem break ng Misis kong titser.  Gusto ng pamilya sa Japan maglakwatsa.  Suggestion ko sa Gapan.

Ang kaso, naurong ang first day of classes ni Bunso.  Ayan tuloy, naurong din ang sem break n'ya.  Kaya, dito lang ako sa bahay namalagi, kasama si Misis. At, 'ika nga ni John Puruntong, "wala ang mga bata!"

'Yun nga lang, hanggang dun na lan 'yun.

Hay!  Three down, two more to go.  Kay bilis ng panahon.

Sana, ganoon din kabilis next week at sa mga susunod pang mga linggo.  Tapos, babagal na lang ulit pagdating ni Pareng Barack.

Kaso, hindi ganun ang takbo ng oras. 'Ika nga ni Pareng Albert, Law of Relativity lang 'yan:

'Pag kasama mo ang boss mo sa opisina, ang minuto ay parang oras.

'Pag kasama mo ang mahal mo sa buhay, ang oras ay nagiging minuto.

At 'pag sabay pa kayong pinanonood ang AlDub, hindi mo namamalayan, Sabado na pala.




Tuesday, October 27, 2015

2015 Vacation - Day 2

Maliban sa paghatid ng pagkain kay Panganay sa opis n'ya, nandito lang ako sa bahay.  Last two days na lang n'ya sa opis, kaya't nag-volunteer si Misis ipakain, sa huling pagkakataon, ang kanyang masarap na pasta sa opismeyt ni Panganay.

Grabe, alas-diyes pa lang ng umaga, sobra nang trapik sa Skyway.

Ang masaklap doon, mahal ang toll fee, tapos ganoon ding trapik ang aabutan namin.

Newaze, at least, nakauwi kami bago mananghali.  Ang ibig sabihin noon, nakapanood kami ng AlDub.

Tapos, nanood pa ako ng ilang palabas, at natulog ng mga alas-kuwatro.  Alas-sais na ako nagising.

Ang sarap talaga ng bakasyon.  Sana, ganito lagi.

Ang problema, binigyan ako ng aming kumpanya ng cell phone.

Anong baka-bakasyon?

Kaya, 'pag may tumatawag o nag-te-text sa akin, kinakabahan ako.  Baka sa opisina 'yun, may pina-follow up na problema.

Kaya siguro lalong tumataas ang aking high blood.

Kaya rin naman bwisit na bwisit ako kung ang tumatawag ay ang credit card para mag-alok ng utang.

Anak ng pating!  Hindi ko na nga sila mabayaran, dadagdagan pa nila.






Monday, October 26, 2015

2015 Vacation - Day 1

Waw! Pagkatapos ng ilang buwan, nakapagsulat na rin ulit ako rito.

Ngayon ang simula ng isang linggo kong bakasyon.  Pero, dito lang ako sa Maynila maglalayag.  'Ala kasing pera panglakwatsa.  At, siyempre, 'pag sa Maynila ka, ang mapupuntahan mo lang ay SM.  Marami kang mapagpipiliang puntahan.

Hay!  Bakasyon nga ba ito?  Unang araw, nanakit agad ang paa ko, kaya alas-singko, gising na agad ako.  Imagine (all the people, living in this world, yoo-hoo-hoo!), para na ring gising ko 'pag may pasok.

At dahil sa pananakit, napunta tuloy ako sa aming Medical.  Ayan, tuloy, hindi ako nakapanood ng AlDub.  May TV nga sa Medical, Showtime  naman ang palabas.  Mas gusto 'ata ng mga nurse namin ang magtrabaho kapag break time kesa mag-relaks.

Tapos, sinundo namin si Bunso sa school.  Buti na lang, hindi pa trapik nang makauwi kami. Hindi na nga lang namin inabutan ang Destiny Rose.

Kaya, ayan, unang araw ng bakasyon, nasa labas ako.  Gusto ko sanang magtulog na lang sa bahay.  Kumain.  Manood ng TV.

Sa madaling salita, magpaka-bum.

'Di bale, may apat na araw pa ako.  Anim, kung idadagdag ang Sabado't Linggo.

Marami-marami pa.

Wednesday, April 1, 2015

Getsemane

"... and his sweat was like drops of blood falling to the ground." - Lk 22:44

Ang isa sa mga hindi ko maintindihang pangyayari sa Bibliya ay ang paghihinagpis ni Hesus habang nagdarasal S'ya sa Getsemane.  Sa sobrang lungkot, ang Kanyang pawis ay pumatak na parang dugo.

Waw! Sobrang tense n'un.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit gan'un ang naging reaksyon ni Hesus.  Bakit parang sobra-sobra naman 'ata ang Kanyang kalungkutan.

Una, matagal na naman N'yang alam na mangyayari ito, marahil mula pa nang kinain ni Adan ang prutas.  Kaya, sigurado akong mentally prepared S'ya.

Ikalawa, alam naman din N'ya na hindi magtatagal ang Kanyang paghihirap.  Sabihin na nating magsisimula ito ng alas-sais ng umaga, magtatapos ng alas-tres ng hapon.  Wala pang beinte-kuwatro oras ang Kanyang magiging pagdurusa.  Mas matagal pa nga marahil ang paghihirap ng isang taong may sakit, tulad ng isang may stage four cancer, o 'yung babaeng may labindalawang taon nang dinurugo (Mk 5:25).

At sigurado akong mas matagal pa ang pagdurusa ng isang empleyadong may palpak na bossing.

Ikatlo, hindi naman siguro mababa ang pain threshold ni Hesus, although, tingin ko, hindi naman S'ya nandaya at gumamit ng mga meditation techniques para hindi maramdaman ang sakit.

Ikaapat, naniniwala rin naman S'yang bubuhayin S'ya muli ng Ama, kaya hindi S'ya natatakot mamatay.

At panghuli, bago pa man S'ya hinalikan ni Hudas, alam na ni Hesus na luluwalhatiin S'ya ng Ama.  Kay gandang incentive noon.

Kaya, sa palagay ko, walang dahilan upang malungkot si Hesus sa nalalapit na pagdurusa.

So, ano ang dahilan at sobra-sobra ang Kanyang paghihinagpis?

Isang umaga, nakikinig ako sa DZFE 97.8, "The Master's Touch" habang nagmamaneho papuntang opisina.  Napakinggan ko si Dr. Harold Sala sa kanyang programang Guidelines.  Sabi ni Dr. Sala, kaya daw masyadong nalungkot si Hesus sa Getsemane ay dahil mawawalay S'ya sa Ama.

Makes sense.

Para nga namang dalawang magkasintahang tunay na nagmamahalan at ayaw magkahiwalay kahit ilang sandali lamang.

Paano pa kaya ang mag-Ama? Sa umaga nag-uusap na Sila, tapos sa gabi pumupunta pa si Hesus sa bundok para mas intimate ang Kanilang pag-uusap. 

Tapos, ngayon, magkakalayo Sila ng tatlong araw?

Sa mga taong nagmamahalan, matagal 'yun.

At sa mga taong sobrang nagmamahalan, sobrang matagal 'yun.

Lalo tuloy akong napabilib sa Ama at kay Hesus; isang napakalaking sakripisyo ang ginawa Nila.

At sa anong dahilan?

Para tayong mga makasalanan, tayong mga masasama, tayong mga walang utang na loob, ay maligtas sa kamatayan.

At bakit?

Dahil mahal na mahal Nila tayo.

Waw!  Hebi, men!

Kailangang pagnilay-nilayin ko pa ito.

Pero, naganap na 'yun.  Done deal 'ika nga.

Ngayon, ang tanong, ano ang tugon natin sa pagmamahal na ito?