Sunday, April 18, 2010

The Power of Three

Sa mga how to's sa pagsusulat ng humor laging ine-emphasize ang power of three kung saan laging gagamit ng tatlong karakter, bagay, o event sa kwento. Kaya, madalas, ang mga kasama sa ating kwento ay isang Amerkano, isang Hapon, at isang Pilipino.

Hindi lang sa comedy ginagamit ang power of three, maging sa ibang bagay din. Sinasabing kung gagamit ng listahan ng mga ehemplo, maganda kung tatlong bagay ang iyong ibibigay. At sa ginagawa naming IT Policies sa opisina, kung meron lang dalawang items sa isang entry, hindi na dapat i-bullet ang mga ito. Kailangan, at least tatlo ang items.

Pati sa relihiyon, pumapasok din ang tatlo: Ang Ama, ang Anak at ang Espirito Santo.

Ano nga ba ang espesyal sa bilang na tatlo?

Kasi, nagtataka ako sa Gospel reading sa misa ngayon.

'Eto sina Pedro at ibang kasamahan, na tila malungkot pa rin sa mga pangyayaring ipinako sa krus si Kristo. At ano ang "gamot" sa pagkalungkot? Ang magtrabaho. Kaya, pati ang mga ibang apostoles ay sumama kay Pedro upang mangisda.

Tapos, umaga na, at walang nahuli, biglang nagpakita sa kanila si Hesus. Ito ang ikatlong pagkakataong magpakita si Hesus sa kanyang mga alagad.

Nang malaman ni Pedro na si Hesus 'yung nasa pampang, dali-dali itong nagbihis at lumusong sa tubig.

Ang hindi ko maintindihan ay ang mga ito:

1. Bakit malungkot pa rin ang mga apostoles sa pagkamatay ni Hesus?
2. Hindi ba sila naniniwala na nabuhay S'ya kahit na dalawang beses nang magpakita sa kanila si Hesus?
3. At bakit nagtatakbo si Pedro kay Hesus, na parang batang sinabihang may uwing pasalubong para sa kanya?

Ayan, tatlong katanungan din ang inilagay ko. Actually, pinilit ko lang na magkaroon ng tatlong tanong.

Eniweys, bakit nga ba parang bale-wala 'yung unang pagpapakita ni Hesus sa Kanyang mga alagad? At bakit, ngayong ikatlong pagkakataon, parang sigurado na si Pedro na si Hesus nga ay muling nabuhay.

Parang 'yung una, hindi nakakasiguro si Pedro na totoo ang kanyang nakita. 'Yung ikalawa nama'y tsamba lang. Pero, sa ikatlong ulit, wala nang duda, at 100% sure si Pedro na muling nabuhay si Hesus.

Balikan natin 'yung gabing itinakwil ni Pedro si Hesus ng tatlong beses. Noong una'y mahina pa ang kanyang boses. Sa ikalawa'y medyo lumalakas na. At sa ikatlong pagkakataon may conviction na si Pedro na hindi n'ya kilala si Hesus.

Kaso, tumilaok ang tandang. At ipinaalala kay Pedro na mali ang kanyang ginawa.

Kumbaga, may kasabihan nga na ang isang kasinungalingan, 'pag inulit-ulit, napapaniwalaang totoo.

Kaya nga, sa pagkakataong 'yun, nagkaroon ng reminder si Pedro na isang kasinungalingan ang kanyang pinagsasabi, paulit-ulit man n'ya itong sabihin.

Kaya naman, tatlong beses ding tinanong ni Hesus si Pedro, "Pedro, mahal mo ba Ako?" At tatlong beses ding sumagot si Pedro ng, "Alam N'yo namang mahal ko Kayo."

Alam naman talaga ni Hesus na mahal S'ya ni Pedro. Siguro, ang pagtatanong ni Hesus ay hindi naman para sa Kanya, kun'di para kay Pedro. Baka sa unang tanong, naisip ni Pedro na hindi s'ya karapat-dapat magmahal kay, at mahalin ni, Hesus. Sa ikalawang tanong, guilty pa rin si Pedro sa ginawa n'yang pagtatakwil. Pero, sa ikatlong tanong, may conviction na si Pedro. Parang "it's now or never". Kung ano ang naging sagot ni Pedro sa million dollar question 'yun na ang final answer.

Siguro nga, kailangang ulit-ulitin ang isang bagay upang makasanayan. Parang, pagdating ng January 3 doon mo pa lang tamang isusulat ang taong '2010'.

Ako, alam ko kulang ang tatlong tanong sa akin. 'Pag Linggo, tatanungin ako ng Diyos kung mahal ko S'ya, at sasabihin kong "Opo, mahal ko Kayo."

Kaso, pag dating ng Lunes hanggang Sabado, natatakpan ko ang aking tenga sa Kanyang pagtatanong.

Mali tuloy ang aking sagot.

Monday, April 5, 2010

Diary of a Pharisee (Part 4)

Saturday, 3 Apr, 10:02 am
Tumawag ako sa opisina at na-postpone daw ang dating ng shipment. Kasi, alam ng magdadala na walang tao sa opisina, dahil holiday, at walang tatanggap ng delivery.

Anak ng #%&@! Buti pa 'yung messenger nag-iisip. 'Di tulad ng aking bossing...! Talaga naman. Kung mamumura ko lang 'yung bossing ko sa harapan n'ya, ginawa ko na.

Kaso, 'eto namang magdadala, wala naman palang balak mag-deliver hindi agad nagsabi. Sana'y nasa Hongkong na kami ngayon.

Sana'y hindi nalaman ni Misis ang lugar na ito.

Saturday, 3 Apr, 3:38 pm
Bad trip ako sa araw na ito. Pero, aking pinag-iisipan, at least, hindi ako tinawag ng opisina upang biglaang bumalik ng Maynila.

Naisip ko tuloy ang mga blessings naming pamilya. Dati, 'pag ganitong Mahal na Araw, masyadong malungkot. Wala kang mapapanood sa TV o mapapakinggan sa radyo. 'Pag dating ng tanghali ng Biyernes Santo, 'yung Seven Last Words lang ang iyong mapapanood o mapapakinggan. Ang theater ay ang senakulo, kung saan mga amateur ang gumaganap.

At kung minalas-malas ka, sa tapat ng inyong bahay ay walang tigil na Pabasa.

Ngayon, may cable TV na, kaya't marami ka nang mapapanood. Meron na ring mga PS2, Wii, at Xbox. May iPod at kung ano-anong mp3 players. May PSP, at maging cell phone ay p'wede ring mapaglaruan o taga-tugtog ng mga kanta. At ngayon, sa halip na Pasyon na iyong kinakanta, makakapili ka na ng iyong kakantahin sa videoke.

Kaya naman, ang mga kabataan ngayon, blessed talaga sila. Kailangang magpasalamat sa mga ganitong dulot ng teknolohiya.

Masabihan nga ang mga anak ko mam'ya kung gaano sila ka-swerte.

Sunday, 04 Apr, 9:36 am
Ito na ang pinakamalungkot na araw sa buong taon. Kasi, tapos na ang maliligayang araw ng bakasyon, at bukas ay papasok ulit ako sa trabaho.

Saan ba 'yun, sa Canada, kung saan wala pang pasok ang Easter Monday? Buti pa sila.

P'wede naman akong magbakasyon, pero, iniipon ko ang aking bakasyon. Balak kasi naming magpunta sa US sa Pasko.

Sunday, 04 Apr, 11:52 pm
Grabe ang trapik pauwi! Ala-singko na ng hapon kami umalis ng Batangas, ngayon lang kami nakarating ng bahay. Kasi naman, sabay-sabay nagsi-uwian ang mga nagbakasyon. Dapat, 'yung iba, bukas na lang umuwi, o kaya kahapon sila umuwi. 'Di sana gan'un kasikip ang daan. May iba talagang hindi nag-iisip.

Kung natuloy lang sana kami sa Hongkong hindi ko aabutin ang ganitong trapik.

Late na, may pasok pa bukas. Asar talaga!

Monday, 05 Apr, 5:17 am
Naaalala ko ang tatay ko, 'pag ganitong panahon, sasabihin sa amin, "Pasukan na namaaaaaaaaan!" Asar na asar ako 'pag sinasabi n'ya 'yun.

Maaga akong papasok sa opisina. Sigurado akong maraming ma-le-late sa amin ngayon. Kahit si bossing uunahan ko sa pagpasok.

Pero, nakakatamad talagang bumangon.

Bwiset!

Sunday, April 4, 2010

Kahit Sa Papa Sikat Tayong Mga Pinoy

Katatapos ko lang mapanood ang misa ni Papa Benedicto XVI sa EWTN, cable TV. Patapos na nang ito'y abutan ko, kaya't hinintay ko na lang ang pagbati ng Papa sa iba't ibang lengguwahe. Siyempre, inabangan ko ang pagbati n'ya sa wikang Filipino.

Maraming tao ang nasa Piazza de Pietro upang magmisa't pakinggan ang Easter message ng Papa. Kahit umuulan, marami pa rin ang naroroon.

Galing sa iba't ibang bansa ang mga tao, at may mga dala-dalang bandila, na kanilang iniwagawayway. At 'pag binaggit ng Papa ang wika na kanyang gagamitin sa pagbati, nagsisigawan ang mga taong galing sa bansa ng wikang iyon.

Mga dalawang beses tumingin ang Papa sa mga taong pinagmumulan ng sigawan, nguni't patuloy ang kanyang pagbasa't pagbati na parang walang nangyari.

Nang sinabi n'ya ang "Filipineso" (or something like that), s'yempre, sigawan ang mga Pinoy na naroroon. Biglang napahinto ang Papa, tumingin sa pinanggalingan ng tao, tapos ngumiti. Binasa n'ya ang kanyang pagbati sa wikang Filipino, tapos ay tumingin ulit sa mga tao, at kumaway.

Imagine, sa dami ng mga taong naroon mula sa iba't ibang bansa, sa ating Pinoy lang s'ya huminto sa pagbasa, ngumiti, at kumaway. Ewan kung guni-guni ko lang ito, kaya nga gusto ko ulit mapanood ang mga pangyayari. 'Di naman kaya bumugaw lang s'ya ng langaw? Ano kaya ang pinaggagagawa ng mga Pinoy doon at napangiti s'ya? I'm sure hindi si GMA ang kinawayan n'ya.

Bakit kaya gan'un? Kaya naman nating magpasikat, famously, at hindi notoriously. Sa Earth Hour, tayo ang nangunguna sa partisipasyon, na, ang ibig sabihin lang, tayo rin ang may pinakamalaking natipid na kuryente sa oras na 'yun.

Sabi nila, ang Pinoy na lang daw ang nagpupuno ng mga simbahan sa Italy. At kung tayo lang ang pinansin ng Papa, marahil tama lang ang ginagawa ng ating mga kababayan sa Italy.

At gaya nga ng isang kumalat na Q&A, sa ating mga Pinoy ipinagkakatiwala ng ibang tao ang kanilang mga mahal sa buhay. Tignan mo nga, may mga yaya pa na namamatay mailigtas lamang ang kanilang alaga.

Kaya naman malaki pa rin ang aking pag-asa para sa ang ating bansa. Mailagay lang sana ng Pinoy ang tiwala sa sarili. Matutunan lang sana n'yang ipagmalaki ang pagiging Pinoy, 'di lamang kung nananalo si Pacquiao, kung nagiging CNN Hero of the Year si Efren Peñaflorida, o kung nalalagay sa cover ng Time Magazine si Tita Cory.

Hindi naman tayo dapat umasa lamang sa politikong mananalo sa eleksyon, maging meyor, senador, o pangulo pa s'ya.

Kasi, bilang isang grupong nagkaka-isa, kaya naman nating umunlad.

Sa katunayan, ang mga politikong 'yan ang umaasa sa atin.

Friday, April 2, 2010

Visita Iglesias, 2010

Holy Eucharist Church Moonwalk Parañaque altar
Nakapag-Visita Iglesias kami kagabi. Mas gusto kong gawin ito sa gabi kasi, una, hindi mainit ang panahon, at, ikalawa, mas maganda ang mga altar. Ang kombinasyon ng dilim at mga ilaw (kandila o bumbilya) ay nagbibigay ng medyo solemnity sa lugar.

Ang problema lang 'pag gabi ay may mga pagkakataong hindi kami nakakatapos magpunta sa pitong simbahan. Limited lang kasi ang oras, hanggang alas-dose ng hatinggabi lang maaaring magpunta sa simbahan. At kung pupunta ka sa mga sikat na simbahan, tulad ng Baclaran Church, Manila Cathedral, at Bamboo Organ sa Las Piñas, aabutan ka pa ng trapik, kaya't ubos na ang oras mo. Holy Eucharist Church Moonwalk ParañaqueKaya ngayong taong ito, 'yung mga malalapit na simbahan lang ang aming pinuntahan, 'yung sa paligid lang ng Parañaque, at isa sa Pasay. Alas-onse pa lang ng gabi tapos na kami.

Ang una naming pinuntahan ay ang Holy Eucharist Church sa Moonwalk, Parañaque. Noong 2008 nagpunta rin kami rito, at sa labas nila inilagay ang altar dati. Mas gusto ko 'yung sa 2008 kesa ngayon.
Our Lady of Beautiful Love Merville altar
Our Lady of Beautiful Love Merville
Sunod naman ay ang Our Lady of Beautiful Love, sa Merville. Ito 'ata ang paborito nina Bunso at Misis. Meron pang waterfall sa background at dalawang taga-Knights of Columbus na nagbabantay.

St. Therese altar
Ang ikatlong simbahang aming pinuntahan ay ang Shrine of St. Therese, sa tapat ng NAIA 3. First time ko itong napasok mula nang maayos ang simbahan. Kay laki't kay ganda ng loob. Naka-air con pa. Minsan nga'y magsisimba kami dito.
St. Therese Church
Pero ang altar din nito ang pinakasimple sa lahat ng aming pinuntahan. Marahil, kasi, katatapos lang ng washing of the feet kaya't marami pang tao't hindi pa napapatay ang mga ilaw. Ang pinatay lang ay ang air con.

Resurrection of Our Lord altar
Kakain sana kami muna ng hapunan sa katabing McDo, pero ang pila ay nasa labas na. Kaya lumipat na lang kami at tumuloy sa BF.

Sa may BF, nakiparada muna kami sa aking bayaw. Tapos, kumain ng hapunan sa KFC. Hindi siguro inaakala ng restoran na maraming kakain kasi naubusan sila ng kanin. Kaya, tuloy, maraming customer ang mainit ang ulo, inaway 'yung mga nasa counter.
Resurrection of Our Lord Church
Ilang simbahan na kaya ang napuntahan ng mga customer na 'to?

Nilakad na lang namin ang simbahan, ang Resurrection of Our Lord. Buti na lang at may naparadahan kami; sala-salabit ang trapik doon.
San Antonio altar
Sa San Antonio de Padua Church kami nagtuloy, 'yung simbahang malapit sa City Hall ng Parañaque. Sa kalye ang paradahan dito. Kung kami'y dumaraan sa kalyeng ito 'pag Linggo marami ang nakaparada. Kaya, 'yung una naming nakitang bakanteng lugar, parada agad kami. San Antonio ChurchMeron pa palang bakante kung umurong pa kami, mas malapit sa simbahan. Pero, okay na rin sa aming napaglagyan.
Mary Help of Christian altar
Sa Shrine ng Mary Help of Christian kami sumunod nagpunta. May dalawang pari na nagbibigay ng kumpisal, nguni't mahaba rin ang pila. Mag-schedule na lang ako. Tutal, kailangan ko ng isang oras para paghandaan ang pangungumpisal; sobrang dami na kasi ng kasalanan.
Mary Help of Christian Shrine
Huli naming pinuntahan ay ang simbahang malapit sa amin, ang Mary Immaculate Quasi-Parish Church. Doon kami nagtagal, tutal 'yun na ang last namin.
Mary Immaculate Quasi-Parish Church altar
Tanong sa amin ng aming mga anak bakit namin ginagawa ito, ang pag-Visita Iglesias.

Bakit nga ba? Hindi naman para mamasyal, although tuwang-tuwa ako sa mga tanawing aking nakikita. Para magpalamig, kasi naka-air con kami sa loob ng sasakyan? Para ipagpatuloy ang isang tradisyong Katoliko't Pilipino? Para maka-kamit ng indulhensiya?
Mary Immaculate Quasi-Parish Church Church
Sa totoo lang, hindi rin ako sigurado kung bakit namin ginagawa ito. Pero, nasisiyahan ako 'pag nakikita ko na buhay na buhay ang Katolisismo, lalo na dito sa Maynila.

At sa sama-sama naming pamilya na mag-iikot at pumumta sa iba't ibang simbahan, nawa'y 'di mamatay ang tradisyong ito, at lalong mag-alab ang aming pagmamahal sa Diyos, 'di lamang kung Mahal na Araw, kun'di araw-araw.

Thursday, April 1, 2010

Diary of a Pharisee (Part 3)

Thursday, 1 Apr, 7:14 am
Maaga kaming umalis ng bahay, at kararating lang namin dito sa bahay ng aking kaibigan. Kasama namin sina Inday at Nong, ang aming drayber.

Nang sinabi ko sa aking pamilya na dito kami pupunta at hindi sa Hongkong, reklamo sila ng katakut-takot. Sinabi ko na kung ayaw nila ako na lang ang pupunta mag-isa at maiiwan sila sa bahay. S'yempre, sumama sila sa akin.

Maganda ang bahay ng kaibigan ko. Marami-raming beses ko na ring nahiram itong lugar, iba't iba nga lang ang aking kasama. Huling punta ko ay noong January. Maaga kasi ang Lent, kaya't, bilang sakripisyo, tiniis kong 'wag munang magpunta rito.

'Di bale, ilang tulog na lang, tapos na ang Mahal na Araw.

Thursday, 1 Apr, 5:45 pm
Gusto sana ni Misis na mag-Visita Iglesia kami. Hindi ko naman masyadong alam ang mga simbahan dito, kaya't sinabi ko sa kanyang s'ya na lang. Isama n'ya ang drayber, kung gusto n'ya.

Thursday, 1 Apr, 6:36 pm
Tumuloy si Misis sa pag-Visita Iglesia. Naiwan kaming mag-aama. Pati si Inday naiwan din.

At least, may pagkakataon akong panoorin ang video ni Anne Curtis.

Friday, 2 Apr, 2:35 am
Kararating lang ni Misis. Malayo-layo rin daw ang narating nilang dalawa ng drayber, at naligaw pa, kaya ngayon lang sila nakauwi.

Friday, 2 Apr, 10:04 am
Kagigising ko lang. Nasa beach na sina Misis at ang mga bata.

Sabi ko kay Misis, 'pag balik n'ya sa kanilang opisina, mag-backless s'ya, para kitang-kita ang hugis ng ribbon ng kanyang bikini. Siguradong maiinggit ang mga ka-opisina n'ya. At malalaman sa kanilang office na galing kami ng beach.

Friday, 2 Apr, 12:00 nn
Umpisa na ang Seven Last Words.

Buti na lang at may HBO sa TV.

Friday, 2 Apr, 7:32 pm
Salamat naman at ngayon na ang huling araw ng abstinence. Nakakasawa rin ang kumain ng sugpo, alimango, at lapu-lapu. 'Yun lang naman ang makakakain mo 'pag Biyernes ng Lent.