Sunday, March 28, 2010

Diary of a Pharisee (Part 1)

Saturday, 27 Mar, 9:35 pm
Katatapos lang ng Earth Hour. Salamat naman!

Napilitan kaming makisama, nakakahiya kasi sa subdivision kung kami lang ang may bukas na ilaw. Kaya, pagdating ng 8:30, nagpatay na kami ng mga ilaw. Ilaw lang. Bukas pa rin ang mga air-con (sa kwarto namin, sa tig-isang kwarto ng dalawa kong anak, at sa maid's quarter), ang TV, at dalawang PC. Siyempre, nagalit si Misis. Parang bale wala naman daw kung hindi namin papatayin ang lahat ng gumagamit ng kuryente. Kaya, ayun, pinagpapatay ko ang lahat ng air-con, TV, at PC. Sa asar ko, pati ref pinatay ko na rin.

Reklamo naman ang mga bata. Mainit nga naman. Kaya naisip ko ang mag-hotel kami. Kaso, nalaman kong magpapatay din sila ng ilaw, kaya, 'di bale na lang.

Kung dun naman sa lugar na nagsasabing "no brownouts", baka manlaki ang mata ng mga suki ko doon kung makikita nila na ang mga kasama kong teen-agers ay sa likod nakaupo at hindi sa aking tabi.

Kaya sinabi ko sa aking pamilya na sumakay sa aming Ford F-1 at doon magpalamig.

Binuksan ko ang air-con ng kotse habang kami ay nasa loob. Dahil kulob ang aming garahe, amoy na amoy namin ang usok ng sasakyan. Kaya inilabas ko ito at pumarada mga limang bahay ang layo sa amin. 'Di bale, kaaway ko naman ang may-ari ng bahay. Ang yabang kasi! Kelan lang, pina-bullet proof n'ya ang kanyang Nissan Terrano, Pajero, at Fortuner. Fortuner?! Pati pa ba 'yun isinali? Eh, katulong lang naman ang sumasakay doon. Ang yabang talaga!

Halos isang oras kami sa loob ng sasakyan. Buti na lang at may tig-iisang PSP kami, pampalipas ng oras.


Sunday, 28 Mar, 7:15 am
Araw ng Palaspas ngayon. Matagal ko na ring pinaghandaan ang araw na ito. Malalago na ang mga dahon ng aking palm tree na dadalhin namin sa simbahan. Isinakay ko ito sa kotse, at magaan naman. Mam'ya, kaya na nina Inday at Misis bitbitin ito, at iwagayway, habang binebendisyunan ng pari ang mga palaspas.

Nakalagay sa paso ang aking palm tree, at hindi lang basta paso. Isa itong tunay, genuine, at authentic na Chinese vase, 'di tulad ng nabibili d'yan sa tabi-tabi ng SM. Sa tagiliran ng aking vase ay may malaking nakasulat, in bold letters, na Made in USA.

Sa SM, 'pag tinignan mo ang ilalim ng kanilang mga vase, ang makikita mo ay Made in China.


Sunday, 28 Mar, 10:05 am
Caritas Sunday ngayon, kaya naghanda ako ng personal check (para malaman ng Caritas kung kanino galing ang pera) na s'ya sanang ihuhulog ko sa Offertory. Kaso, hindi naman sila nagsabi na ang koleksyon ay para sa Caritas, kaya hinitay ko na lang matapos ang misa.

Nilapitan ko si Father, pagkatapos ng misa, kahit maraming taong nakapaligid sa kanya upang magmano. Kala n'ya pati ako'y magmamano, pero, sinabi ko sa kanya, na may malakas na boses, na may abuloy ako para sa Caritas. Kaso, masyado s'yang busy kaya't sinabi na lang n'yang ibigay na lang sa mga manang na nag-aayos ng mga gamit.

Natuwa naman ako.

Nilapitan ko ang mga manang at sinabing may tseke ako para sa Caritas. S'yempre, pinakita ko sa kanila ang halaga ng tseke: five hundred pesoses. Ngayon, 'pag magkakasalubong kami sa SM, sigurado akong iisipin nilang, "'yun 'yung mamang nagbigay ng malaking halaga sa Caritas!"

No comments:

Post a Comment