Ang binasa sa misa ngayon ay tungkol sa babaeng nahuling nangangalunya at iniharap kay Hesus upang husgahan. Ang sagot ni Hesus sa mga tao, "Kung sino ang walang kasalanan, s'ya ang unang pumukol ng bato."
Nag-alisan ang mga tao, mula sa matatanda hanggang sa mga bata, hanggang sa wala nang natira, maliban sa babae at si Hesus. Sabi ni Hesus sa kanya, "Kung walang magkokondena sa 'yo, hindi rin kita kokondenahin. Humayo ka't 'wag ka nang magkasala ulit."
Bigla kong naisip: mukhang applicable ang kwentong ito sa pinag-uusapan ko tungkol sa pagpalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Move on.
Sinasabi ni Bongbong na dapat ay mag-move on na si Noynoy, na magdesisyon ang huli ayon sa katwiran at hindi ayon sa emosyon. Tutal, karapatan ng ama ni Bongbong ang malibing sa LnmB.
Ganoon na lang ba? "Move on?" Kung kaya ni Noynoy 'yun, paano naman 'yung ibang naagrabiyado, pinasakitan, at napatay noong panahon ni Marcos?
Siguro nga, dapat mag-move on na tayo. Pero, parang kulang. Kaya, noong narinig ko ang kwento ng nahuling babae, biglang bumalik sa isipan ko ang isyung pagpapalibing kay Marcos sa LnmB.
So, ano ngayon ang pagkakahawig ng kwentong ito at ni Marcos?
Hindi binago ni Hesus ang batas.
Hindi sinabi ni Hesus na, "Kalimutan na lang natin ang batas na 'yan, tutal, may bago na. Let's move on."
Ang sabi N'ya, "Ok, nagkasala s'ya. Ang parusa'y patayin s'ya. Sige, ituloy n'yo. Kaso, siguraduhin n'yo lang na 'yun talaga ang gusto n'yong mangyari dahil 'yun ang dapat, at hindi dahil sa pansariling interes."
Ngayon naman, kung talagang may K si Marcos ipalibing sa LnmB, go ahead!
Pero, kung wala, dahil sa mga pinaggagagawa n'ya noong pangulo pa siya, o sa mga hindi n'ya nagawa noong sundalo s'ya, eh, 'wag nang ipagpilitan, at sasabihing, "let's move on" na lang.
Kasi, hindi pa naman nababago ang batas -- naiintindihan natin ang mga salitang "kasalanan" at "bayani". At hindi sila bagay magkasama.
Hindi binale wala ni Hesus ang kasalanan ng babae.
Maliwanag, mga kaibigan, na kahit hindi kinondena ni Hesus ang babae, pinagsabihan naman N'ya na 'wag nang magkasala muli.
By tradition, kinikilala ng mga Katoliko na ang babaeng ito ay si Maria Magdalena. Siyempre, hindi naman nangangahulugang tama ito. Sa katunayan, sa tingin ko, mas mali ang isiping si Maria Magdalena nga iyon kesa tama.
Pero, assume natin na si Magdalena nga 'yung babae. Ano ang nangyari sa kanya pagkatapos nito? 'Di ba, kay Magdalena unang nagpakita si Hesus ng S'ya ay muling mabuhay? Kaya, masasabi nating hindi na muling nagkasala ang babaeng iniharap kay Hesus.
Ngayon, kung hindi naman si Magdalena 'yun, marahil hindi na rin nagkasala 'yung babae. Isipin n'yo, muntik na s'yang matigok, tapos, babalikan pa n'ya ulit ang kanyang pamumuhay. Eh, baka, 'di na s'ya makaligtas. Masakit ding tamaan ng bato.
Ngayon, sa dako naman ni Marcos, s'yempre, 'di na n'ya magagawa'ng magbago -- patay na s'ya, eh.
Pero, ang pamilya naman n'ya ay maaari pang may gawin para mapatawad, 'di lamang sila kun'di pati na rin si Ferdie. At hindi lang basta "sorry", kalimutan na. Dapat may reparation din.
Tignan lang natin ang ehemplo ni Levi (na inaakala ring si San Mateo, isa sa mga apostoles at sumulat ng Ebanghelyo). Sabi ni Levi, "Isosoli ko lahat ng ninakaw ko, at ibibigay ko ang kalahati ng aking kayamanan sa mga mahihirap."
'Yan ang tunay na nag-so-sorry.
Ngayon, kung itatanggi naman ni Bongbong na may ginawang pagnanakaw o anumang kasalanan ang kanyang ama, nasa kanya na 'yun. Wala naman akong first hand information para pagbintangan si Marcos na nagnakaw o nagkasala talaga s'ya.
Ang D'yos lang naman talaga ang nakakaalam ng lahat.
Pero, kung merong alam si Bongbong....
Unang nasipag-alisan ang mga matatanda.
Marahil, pag-alis ng mga matatanda, lumingon sila't nakitang naroon pa ang kanilang mga anak, may hawak pang mga bato. Sabi nila, "Psst! Halika na nga rito't umuwi ka na! 'Wag ka nang aaligid-aligid pa d'yan! At bitawan mo na 'yang batong hawak mo, kun'di, ikaw ang babatuhin ko."
Sa mga usap-usapan sa Internet, marami ang nagsasabing dapat ay mailibing na si Marcos sa LnmB. Mga bata pa, kadalasan, ang mga nagsasabi nito. Siguro, wala pang tatlumpong taon ang edad.
Kumbaga, noong kasalukuyang nagaganap ang EDSA I, hindi pa nila naiintindihan ang bakit nangyayari 'yun. Kaya, malamang, hindi nila alam kung ano ang nangyari sa panahon ni Marcos.
Hindi nila naramdaman ang takot na baka bigla na lang silang damputi't kasuhang isang subersibo, ipakulong, rape-pin, at ipapatay.
Hindi nila naramdaman ang inis pagdating ng eleks'yon dahil hindi naman mabibilang ang kanilang boto lalo na kung ang nakasulat sa balota ay pangalan ng oposisyon, gaya ng pangalang "Benigno Aquino Jr."
Hindi nila naramdaman ang kawalang pag-asang umunlad dahil baka pag-intersan ng crony ang kanilang kabuhayan at biglang mawala lahat ang kanilang pinaghirapan.
At d'yan papasok tayong mga matatanda. Gaya noong panahon ni Hesus, tayo rin ay dapat magpaalala sa mga nakababata kung ano ang panahon ni Marcos.
Dahil, kung hindi, history will repeat itself, 'ika nga.
Na s'yang nangyayari ngayon.
"Kung sino ang walang kasalanan, s'ya ang unang pumukol ng bato."
Hindi ako ang unang magsasabi kung dapat o hindi dapat malibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani dahil hindi naman ako diretsahang naapektuhan n'ya. Tignin ko, kahit si Bongbong, 'di dapat n'ya ipagpilitan ito.
Pero, merong mga taong "walang kasalanan" na may karapatang magsabing 'wag dapat ilibing si Marcos sa LnmB.
At ang isa nang naiisip ko ay si Noynoy.
No comments:
Post a Comment