Monday, 29 Mar, 9:46 am
P*#% talaga, oo! Asar na naman ako.
Sabi ni bossing may darating na shipment ngayong Biyernes, kaya dapat readily available ako. Baka raw magkaroon ng aberya.
Naman! Biyernes Santo 'yun! Pagtratrabahuhin ako?
Saka, paano na 'yung tradisyon naming pamilya 'pag ganitong Holy Week? Taon-taon pumupunta kami sa Hongkong. Minsan lang kami pumalya, nang magkaroon ng SARS doon. Kaya sa Singapore kami nagtuloy.
Matagal na rin naming plinano itong lakad namin. Tapos, ngayon, ma-u-udlot pa! Bwiset!
Monday, 29 Mar, 2:17 pm
Nakiusap ako kay bossing na kung pwede akong mag-out of town sa Mahal na Araw, pero lagi kong ididikit sa akin ang aking cell phone, at kung kinakailanga'y luluwas ako ng Maynila agad-agad. Buti nama't pumayag s'ya.
Ang problema, by this time, wala na'ng makukuhang hotel sa Boracay, Bantayan Island sa Cebu, o kahit sa Baguio. Biglaan naman kasi itong abiso ni bossing.
Hihiramin ko na lang 'yung bahay-bakasyunan ng aking kaibigan sa Batangas. Malapit lang sa beach, may kuryente, may cable, at may Internet pa. Siguradong hindi kami ma-bo-bore doon.
Uuwi pala ako ng maaga mam'ya. Mag-a-attend kami ni Misis ng Recollection dito sa may simbahan. Paghahanda daw sa darating na Mahal na Araw.
Monday, 29 Mar, 11:05 pm
Kararating lang namin mula sa Recollection. Isang nagngangalang Arun Gogna ang speaker. Tawa ng tawa ang mga tao, pero, ako, tingin ko, corny s'ya. Kaya ko rin namang magsalita tulad n'ya.
Ang sabi ni Arun, araw-araw ay namimili tayo ng krus: ang kay Dimas o ang kay Hestas. Pero, hindi ko na masyadong maalala 'yung mga detalye. Hindi ko nga kilala kung sino sina Dimas at Hestas.
Siguro, kung ang pinag-usapan ay kung sino ang mas magandang Darna, si Marian Rivera o Angel Locsin, baka mas naging interesado pa ako.
Tuesday, 30 Mar, 10:01 am
Nakausap ko ang aking kaibiga't pumayag s'yang gamitin namin ang kan'yang bahay sa Batangas. Siguradong matutuwa ang pamilya ko nito! Bida na naman ako sa kanila.
Tuesday, 30 Mar, 3:35 pm
Balita ko'y meron daw video si Anne Curtis, kung saan nahubaran s'ya ng bikini. Kailangang mapanood ito sa Huwebes, para maisama ko sa aking pangungumpisal sa Biyernes.
Wednesday, 31 Mar, 12:23 pm
Maaga raw magpapauwi ang opisina. Alas-tres pa lang p'wede na raw kaming umalis.
Ha?! Maaga ba 'yun? Ang maaga, 'yung half-day!
Hindi ko naman alam sa opisinang ito kung naiintindihan nila ang salitang "maaga". Nagpauwi pa sila ng alas-tres, eh, dalawang oras na lang uwian na talaga.
Hay, naku!
No comments:
Post a Comment