Ang isa sa pinaka-sikat na parable ni Kristo ay ang tungkol sa alibuhang anak, o the prodigal son. 'Yun 'yung tungkol sa isang anak na hiningi ang kanyang mana kahit buhay pa ang kanyang ama, tapos inubos ng gan'un-gan'un lang, at bumalik sa kanyang ama. Isang kwento ito upang ipakita kung gaano mapagpatawad ang Diyos Ama kahit na ano pa mang kabalastugan ang ating ginawa.
Ito rin ang kwentong nakakabagabag sa akin. Kasi bitin.
Sa totoo lang, panig ako sa nakakatandang kapatid; may point s'ya sa kanyang reklamo sa kanyang tatay. Bakit nga naman, s'ya 'yung nagpaka-martir na magsilbi sa ama, sundin ang lahat ng pinagagawa, pero ni kambing hindi binigyan para gawing pulutan ng kan'yang barkada? Tapos, hetong pasaway na bunso, matapos na lustayin ang perang ibinigay sa kanya, tapos na bigyan ng kahihiyan ang ama, babalik-balik ng bahay, ay pinagpiyestahan pa ang kanyang pagbabalik. 'Yun nga ba ang gantimpala sa 'di pagsunod? 'Yun ba ang parusa sa mabait na anak?
Hindi rin ako satisfied sa sagot ng ama. "Magsaya tayo sapagka't bumalik ang iyong kapatid." Siguro, naisip ng nakakatanda, "Ngek! Eh, mabuti pa nga sanang naglaho na ng tuluyan 'yang anak n'yo, tapos sasabihin n'yo akong magsaya dahil bumalik s'ya? No way, hi-way!"
Dahil nga bitin, tuloy, ang dami kong tanong. Pumasok ba si kuya sa bahay at pina-evict si bunso? Nang magkasalubong ang magkapatid, 'di kaya sila nagsapakan? Paano naman si Tatay? 'Di kaya gumulo ang buhay n'ya't nagsisi dahil sa pagtanggap kay bunso? Humati pa kaya si bunso sa mana nang mamatay ang ama?
Kahapon, sa sermon ng pari, medyo naliwanagan ako. Sabi n'ya, talagang bitin ang kwento. Kasi, tayo ang tatapos. Tayo ang magbibigay ng ending. Tayo ang masasabi kung magiging masaya o malungkot ang kwento.
Kasi, tayo 'yung lahat ng karakter sa kwento.
Siyempre, hindi maikakaila na tulad ng bunsong anak, nagkasala rin tayo. At, sana, tulad ng bunsong anak, matanto natin ang ating pagkakamali, bumalik sa Ama, at humingi ng tawad.
Tayo rin ang ama, na naging biktima rin ng ibang tao, lalo na ng mga mahal natin sa buhay. Sana, matuto rin tayong magpatawad at tanggapin muli ng walang alinlangan ang mga taong bumabalik sa atin.
At tayo rin ang kuya. Masunurin. Umiiwas magkasala. Righteous.
Kung minsan, nagtatanong din tayo. Bakit 'yung mga nangungurakot, 'yung mga nagnanakaw, 'yung mga nang-aapi, bakit sila pa ang parang binibiyayaan ng Diyos? Sila pa ang parang walang problema sa buhay? Sila pa ang parang mas may karapatan sa mundo?
Parang sila lang ang anak ng Diyos?
Kung ikaw ang ginahasa ni Romy Jalosjos, tapos makita mo s'yang pinalaya, 'di ba parang mararamdaman mo rin ang naramdaman ng kuya?
Kung ikaw ang isa sa mga kapatid ng pinatay sa Ampatuan, 'di ba gusto mo nang maglaho sa mundo ang mga nang-massacre?
At kung ikaw ay isang mahirap, at lalong naghihirap dahil sa mga kurakot na nangyayari sa gobyerno, 'di ba't magtatanong ka rin kung bakit nakakalusot ang mga ito?
Ang mabigat n'yan, paano kung nakapagsisi ng mga kasalanan ang mga ito bago sila mamatay, eh, 'di makakarating pa sila sa langit?
Paano nga kung magkita kayo sa langit?
O, ang mas masaklap, paano kung makita mo sila sa langit samantalang ikaw ang nasa impyerno?
"Bakit ganoon, Diyos ko? Wala namang ginawang mabuti ang mga 'yan habang nandito sa mundo? Bakit nasa bahay Mo ang mga iyan?"
Kahit alam natin kung paano dapat magtatapos ang kwento, mahirap itong idugtong, at mas mahirap isabuhay. Pero, 'yan ang isang dahilan kaya bumaba si Kristo sa mundo. Para, 'pag sinabi ng Ama, "Magsaya tayo sapagka't namatay ang iyong kapatid at ngayo'y muling nabuhay," buong puso nating sasabihing, "Salamat sa Diyos, kapatid, at nakauwi ka."
No comments:
Post a Comment