Tuesday, March 30, 2010

Gradweyt (Ulit!) Si Bunso


Itong nakaraang Biyernes, nag-graduate ulit si Bunso. Noong nakaraang taon, nag-graduate na siya ng Grade 6 sa Maria Montessori. Inisip namin na mas maganda kung mag-Grade 7 pa s'ya; hindi naman dapat madaliin ang bata.


Sa International Christian Academy namin s'ya naipasok. Very religious ang paaralang ito. Kung baga, kung ang isang Catholic school ay madalas magdasal ng rosaryo, dito naman Fellowship ang kanilang ginagawa.


Isang award ang ibinibigay ng eskwelahan ay ang Sonshine Kid ('yun po ang ispeling), kung saan ang bata ay may mataas na grado sa conduct at walang line of 7 sa iba pa n'yang subjects. May award ang bata kung naging Sonshine Kid siya mula first quarter hanggang fourth.

Ang aking anak ay naging Sonshine Kid itong third at fourth quarters lamang; mataas ang grade n'ya sa Conduct sa ibang quarters, may line of 7 nga lang sa ibang subjects. Nanghihinayang din talaga 'yung kanyang adviser dahil napakataas ng conduct grade n'ya.

Pero, bago pa man dumating 'yung Biyernes, kahit na confident kaming gra-graduate s'ya, hindi pa rin maalis sa aming mag-asawa, at sa aking anak, na baka sumabit s'ya. Kaya nang sinabihan si Bunso na magmamartsa s'ya, laking tuwa na lang n'ya. Sinabihan din s'ya ng adviser na Sonshine Kid pa rin s'ya, nguni't hindi s'ya makakatanggap ng award sa graduation rites. Okay lang, naisip ng aking anak. Una, makakapagtapos s'ya. At ikalawa, Sonshine Kid pa rin s'ya.

Bigla kong naisip: ano nga ba ang mas importante? 'Yung makakuha s'ya ng academic honors o Sonshine Kid?

Maraming magulang ang gusto'y mataas ang grado ng kanilang mga anak. Kung ang bata'y nakakuha ng 90% sa eksam, tatanungin ng mga magulang kung bakit hindi s'ya nakakuha ng 100%.


Kaya, maaga pa lang, natututunan na ng bata ang competition. Isinasabak na agad natin sila sa rat race. Kasi, ang paniniwala natin, magiging successful ang bata 'pag successful din s'ya sa eskwelahan. Yayaman s'ya 'pag nasa top ng klase. Magiging maligaya s'ya sa buhay 'pag s'ya ang number 1, 'di lamang sa paaralan kun'di pati sa ibang larangan ng buhay.

Kasi, 'pag mataas nga ang kanyang mga grado, maaari s'yang mag-duktor, engineer, o lawyer, mga kursong magbibigay ng magandang trabaho't malaking pera.

'Pag s'ya ang nasa top, titingalain s'ya ng mga tao, igagalang s'ya, rerespetuhin.

Lalo na kung mayaman s'ya.

Hindi naman dahil ako'y nag-sa-sour graping, pero sa tanda ko na'ng ito, nalaman ko na magiging masaya ang isang tao kung susundin n'ya ang kanyang passion. Hindi 'yung ipinilit sa kanya. Hindi 'yung ginagawa n'ya ang isang bagay para lang kumita. Hindi 'yung hanap n'ya ay ang approval ng ibang tao.


Alam ko namang ang grado sa Conduct ay isang subjective perception. Walang test, assignment, o seat work na magsasabing nakakuha ka ng 80 out of 100. Hindi rin ito basta-basta napag-aaralan sa loob ng classroom. Hindi pwede ang cramming dito.

Kasi, nagsisimulang pag-aralan ang mabuting asal sa loob ng tahanan, 'pag bata ka pa lang.

At matatapos ka kung ika'y gra-'graduate' na sa mundo.

Kay Bunso, congratulations, I'm proud of you!

No comments:

Post a Comment