Thursday, December 31, 2009

Top Ten "Pasabogs" Ng Taong 2009


Ilang oras na lang at Bagong Taon na. Panahon na naman ng putukan. Although, sa hirap ng buhay ngayon, baka hindi na gan'un karami.

Wala pa man ang bagong taong ng 2010, ang mga ito'y nagpaputok na. At, gaya ng sinabi ni Boy Abunda, "Susunod: ang sampung eksplosibong mga kwento ng taon na aking pasasabugin!!! Dito lang sa ... Startalk!" (Sorry, halatang 'di ako nanonood ng TV 'pag Linggo ng hapon.)

  1. Hayden Kho

    Sa kanya ang may pinakamahinang pasabog; naka-silencer kasi. Pero ang kanyang pinasabugan ang may pinakamalakas na ingay. 'Di ba...ugh...Kat...um...tri...huh...na...HAH!!!!


  1. Jun Lozada

    Isang Roman Candle ang sinindihan ni Jun upang bigyang liwanag ang NBN Deal. Subalit, hindi nagtagal ang liwanag na ito. Sa halip, parang isang batang napuputukan, kay Jun din pumutok ang pasabog na kanyang sinindihan.

    Ang malungkot, nang magsindi ng lusis ang administrasyon, nabaling ang liwanag kay Jun.


  1. Climate change

    Mga baril ang ginamit na paputok nina Ondoy at Pepeng. 'Kala ng lahat ay mahihina ang mga ito, pero nakakamatay pala.

    Kung hindi natin aayusin ang ating pamumuhay, baka kanyon na ang gagamitin ni Mother Nature.


  1. Chiz Escudero

    Isang kwitis ang pinaputok ni Chiz nang tumiwalag s'ya sa NPC.

    At, tulad ng kwitis, 'pag putok nito, nalimutan na rin s'ya.


  1. N1H1

    Parang sinturon ni Hudas ang sunud-sunod na tinamaan ng sakit na ito. Nagsimula sa Mexico (North America, hindi Pampanga), at kumalat sa buong mundo. Umabot pa dito sa 'Pinas.

    Tulad ng paputok, ang naging mabisang pansugpo sa sakit na ito ay tubig.


  1. Ping Lacson

    Panay pasabog ni Sen. Ping sa Senado, lalo na tungkol kay Erap. Hindi naman malalakas ang mga putok na 'to. 'Ni hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa mga pasabog na 'yun.

    Sa ating mga Pinoy, ang tawag duo'y SUPOT.


  1. Manny Pacquiao

    Ang panalo n'ya kay Hatton at Cotto ay naging sanhi upang s'ya ay ligawan ng mga politiko. Pero, sa naging resulta sa takilya ng "Wapakman", para s'yang whistle bomb na matapos pumito'y hindi naman pumutok.

    Ingat lang, Manny Villar. Baka 'pag lapitan mo para sindihan ulit, masabugan ka.


  1. COMELEC

    Nakakayanig ang mga paputok na ginawa ng COMELEC nang patalsikin nila sina Grace Pandaca at Joselito Mendoza dahil nandaya raw ang mga ito.

    Hindi naman talaga nakakagulat ang ginawa ng COMELEC. Para lang five star ang mga pinaputok nila. Ang mas nakakatakot ay kung mapagkakatiwalaan mo pa ang COMELEC. Mukhang hindi nila naintindihan ang salitang "mandaraya".


  1. GMA

    Alam mo, alam ko, at alam nating lahat na tatakbo si GMA sa Pampanga. Pero, bakit nagulat pa rin tayo nang mag-file s'ya ng kanyang CoC? Kasi, umaasa tayong meron naman siyang delikadesa para 'wag tumakbo? Pinagdarasal natin na magkaroon sana s'ya ng hiya para maging Citizen Gloria na lang s'ya pagkatapos ng kanyang termino? Kala natin na sawa na s'ya sa kapangyarihan, at sobra na ang kamayamanan ng kanilang pamilya?

    Dapat kasi hindi 'yung paputok na bawang ang ginamit natin. Dapat 'yung totoong bawang, panakot sa multo.


At ang pinakamalakas na pasabog sa taong 2009:

  1. Ampatuan Massacre

    Ang putok na ito'y nadinig sa buong mundo.


Nawa'y maging masagana, mapagpala at mapagpalaya ang inyong taong 2010!

Monday, December 28, 2009

Top Ten Pinoy Pranksters

Sa ating mga Pinoy, ang ika-28 ng Disyembre ang ating April Fools, kung saan isinasagawa ang mga pranks. Alam n'yo naman, nakakatuwa lang ang practical jokes sa mga gumagawa, at hinding-hindi sa tumatanggap. Kaya nga naaalala ko ang aking yumaong biyenan na mahigpit n'yang binagbabawalan kami na magpautang sa araw na ito.

Itong taong 2009, marami ring mga Pinoy ang gumawa ng practical jokes, hindi lang itong araw ng Niños Inocentes, kun'di sa buong taon na rin. At ito ang aking Top Ten Pinoy Pranksters sa taong 2009:

  1. Ondoy/Pepeng (na ang naging biktima ay ang milyong-milyong kataong nalubog sa baha) - Babasain ko lang ang mga ito.
  1. Mt. Mayon (na naging biktima ang mga tao ng Albay) - 'Di lang Super Lolo ang pasasabugin ko ngayong taon.
  1. Big Three Oil Companies (na naging biktima ang mga taong may sasakyan, sumasakay, o...well, buong 'Pinas pala) - Sige, kung hindi n'yo kami papagayang kumita ng limpak-limpak na salapi, magkaka-ubusan ng gasolina.
  1. Erap (na ang binibiktima ay ang mga mahihirap na sumusuporta pa rin sa kanya) - Erap para sa mahihirap.
  1. Willie Revillame (na ang naging biktima ay ang kanyang sarili) - Nagsasaya kami dito...!
  1. COMELEC Chairman Jose Melo (na ang naging biktima ay ang party list Ang Ladlad) - 'Wiz ko tyfe ang mga bading!
  1. COMELEC (na naging biktima sina Grace Pandaca, Joselito Mendoza, at, maaaring, si Fr. Ed Panlilio) - Yari ka!
  1. Hayden Kho (na ang naging biktima ay ang mga babaeng kinukunan n'ya ng video habang sila ay nakikipag-sex) - Niyayari kita!
  1. Datu Andal Ampatuan, Jr. (na ang naging biktima ay...kilala n'yo na) - Magpapaputok ako sa mga ito para magulat.
  1. GMA (na ang naging biktima ay ang bansang Pilipinas, at ang balak biktimahin ay ang ikalawang distrito ng Pampanga, at, pagkatapos ay bibiktimahin muli ang bansang Pilipinas) - Nasa dugo ko pala ang public service.

Happy Niño Inocentes

Binabati ko lahat ng isang Happy Niño Inocentes!

Ngayon, 'wag lang sana natin paabutin ang selebrasyong ito hanggang ika-10 ng Mayo 2010.

Sunday, December 27, 2009

Top Ten Reasons Why "Wapakman" Is Last In Earnings In MMFF

Pacman flick suffers film fest knockout

- Phil. Daily Inquirer

Ayon sa official box office records ng Metro Manila Film Festival, ang pelikula ni Manny Pacquiao, ang "Wapakman", ay kumita lamang ng PHP 700,000 sa unang araw ng palabas, huli sa pitong pelikulang kasali. Ang nasa ika-anim na puwesto, ang "Mano Po 6", ay kumita ng halos pitong milyong piso.

Bakit naman? 'Pag may laban si Manny, mas puno pa ang mga sinehan sa SM kesa mga simbahan. Lalo pa ngayon na nalaman ng mga tao na tatakbo si GMA sa Konggreso, talo pa rin ng laban ni Pacquiao ang sermon ng pari pagdating sa attendance.

Sa akin palagay, ito ang sampung dahilan kung bakit nangungulelat ngayon ang pelikula ni Manny sa MMFF:

  1. Nagkamali ang direktor sa pagpili ng pamagat ng pelikula. Sa ating mga Pinoy, ang "wa" ay short cut ng "wala".
  1. Hindi pa nakokolekta ang kinita ng "Wapakman" mula sa Maguindanao.
  1. Ipinagbawal ng COMELEC panoorin ng mga tao ang pelikula dahil tumatakbo si Manny, hinahabol ang pagiging Congressman ng Sarangani.
  1. Ipinagbawal ni Jinkee panoorin ng mga tao ang pelikula dahil tumatakbo si Krista Ranillo, hinahabol si Manny.
  1. Namigay ng passes si Manny na nagkakahalaga ng dalawampung milyong piso. Hindi ito kasali sa bilangan.
  1. Sa Sarangani lang nag-promote si Manny ng kanyang pelikula.
  1. Humingi ng tulong si Manny pero tinanggihan s'ya ni Bob Arum. Hindi raw mga pelikula ang kanyang pri-no-promote.
  1. 'Ika nga ni Jose Javier Reyes, "[Manny] is a real-life hero, not a superhero."
  1. Si Manny Villar ang kanyang kinampihan.
At ang huling dahilan kung bakit nasa huli ang pelikula ni Manny:
  1. Mas nakakatawa si Bong Revilla.

Tuesday, December 22, 2009

Bonus

Isang paborito kong channel sa TV ay ang Animal Channel. Gustong-gusto kong panoorin 'yun, lalo na tungkol sa mga predators at preys. 'Yung habulan ng mga leon at gazelle, kuwago at daga, langaw at palaka, fox at rabbit, gunting at papel, Samson at Delilah...teka, mga laro na pala ang mga 'yun.

Sa palagay ko kaya siguro hindi ganoon kahaba ang life span ng mga hayop ay dahil lagi silang stressed. Isipin mo, lagi na lang nasa panganib ang kanilang buhay. Kasi, upang mabuhay ang ibang hayop, kailangang sila naman ang mamatay. Mataas ang porsiyento na napaka-violent ng kanilang kamatayan. Tingin ko, madalang lang ang namamatay sa kanila dahil sa old age. Kawawa pa nga ang mga may-sakit; sila ang primary target ng mga predators nila.

Isipin mo, may migraine ka na nga dahil sa sipon, ikaw pa ang unang sasakmalin at pagkakagat-kagatin ng mga leon at tigre. Sabagay, kung sobra na ang sakit ng iyong ulo, mas gugustuhin mo na ang maging hapunan ng mga leopard.

Na siya namang ipinagpapasalamat ko na ako'y ipinanganak na tao. Kasi, kahit ako'y uugod-ugod na, may tsansa pa rin ako na ako'y mamamatay dahil sa katandaan o kaya'y dahil sa sakit. Wala nang magnanasa sa aking makunat na balat.

Ayon kay Darwin, mga hayop din tayong ituturing. Highest form of animal, 'ika n'ya. Kaya 'pag sabihan mo ang isang tao na "Hayop!" o "Animal ka!", hindi mo naman talaga sila iniinsulto. Sa halip, nagsasabi ka lang ng totoo.

Parang 'yung mga sinabi ng mga tao kay Ampatuan. Isang manifestation lang 'yun ng kanyang pagka-"hayop".

Kaya, marahil, bumaba dito sa lupa si Kristo, hindi upang tumakbo sa ikalawang distrito ng Judea, kun'di upang i-angat ang ating "pagkatao", na, sa halip na manatili tayo sa pagiging "hayop", tayo'y maging "anak ng Diyos".

Ang laki ng dipresns'ya, 'no?

Kaya siguro may Pasko, upang ipaalala sa atin ang katotohanang ito.

Ngayon, kung ang iisipin n'yo lang ngayong Pasko ay Christmas bonus, exchange gifts, at noche buena, at kinabukasa'y ang iisipin n'yo ay ang na-charge sa credit card, o ang presyuhan ang mga regalong natanggap at aalamin kung nalugi tayo o kumita ngayong taon, eh, sayang lang ang nagdaang Pasko. Kung inip kang maghihintay sa susunod na Pasko para kumabig muli ng bonus at mga regalo, wala palang nangyari sa buhay mo.

Kasi, araw-araw naman, dapat Pasko. Hindi dahil araw-araw may bonus.

O, sa katunayan, araw-araw may bonus. 'Yung hindi tayo takot kasi baka bigla na lang tayong kakainin ng isang mas malaking hayop. 'Yung alam natin na gaano man ang pagdurusa natin sa mundong ito, may isang Diyos ang bumaba para ipaalala sa atin na lagi natin S'yang kasama sa ating paglalakbay.

Malaking bonus talaga 'yun!

Sa lahat ng matiyagang nagbabasa ng aking mga post, nawa'y nagkaroon kayo, at nagkakaroon, ng isang tunay na makabuluhang Pasko, mula sa akin at aking pamilya!

Monday, December 21, 2009

Walang Salamat, Meyor (Driving in Metro Manila, Part 5)

Ang pinakamalupit na buwan para sa aming mga drayber ay ang huling Disyembre bago mag-eleksyon. Sa kasamaang palad, ngayong buwan 'yun.

Kadalasa'y matrapik na t'wing Disyembre. Kasi, maraming nanunundo sa airport at baka maubusan sila ng pasalubong. Kasi, maraming nagtitinda sa bangketa at kalye, kaya't hindi makaraan ang mga sasakyan. Kasi, maraming lumalabas para mamili ng regalo. Pero, 'pag ganitong malapit na ang eleks'yon, dinadagdagan pa ang pagpapagawa't pagpapaayos ng mga kalye. Kaya, ayan, lalong nagkakabuhol-buhol ang trapiko.

Kung kelan naman ma-trapik doon pa itinataon ang pagpapagawa ng mga kalsada. Tapos, may mga karatulang "A priority project of Mayor Pulpol" o kaya "Thank you, Congressman Weng-weng, for paving our street with asphalt." Bakit kaya sabay-sabay ang pagpapaayos na ito sa ganitong panahon? Kasi, malapit na'ng matapos ang kanilang termino at naghahabol silang makapaglingkod naman sa bayan matapos ang lampas dalawang taon na wala silang ginagawa? Kasi, kailangan nila ng pondo para sa kanilang kandidatura? Kasi, para maalala ng mga botante ang kanilang nagawa, kahit nag-iisa lang, pagdating ng eleks'yon?

Akala ko bawal ang mga ganitong proyekto 'pag malapit na ang eleks'yon? Bakit hinahayaan ng COMELEC? "Ma"... pero meron akong "pa". Isang malakas makaubos ng gasolina ay ang trapik. At ngayong hinahabol ng mga oil companies ang nalugi nila dahil sa EO 839, mas lalo kaming kawawa kung ang gasolina nami'y sinusunog ng hindi naman kami umaandar.

Saka, bakit may mga karatula pang "A project of the Mayor" o "Thank you, Congressman"? Una sa lahat, 'di ba trabaho nila 'yang ayusin ang mga kalye? Saka, saan ba naman galing ang perang ipinang-aayos nila? 'Di ba sa mga tao ring pinipilit nilang magpasalamat?

Naalala ko tuloy 'yung sinabi ni Kristo: "Kung ang isang amo'y dumating ng hatinggabi at nakita n'ya ang kanyang katulong na gising pa't naghihintay sa kanya, sasabihin ba ng amo na, 'Salamat, matulog ka na't magpahinga.'? Hindi. Ang sasabihin ng amo'y, 'Ipaghanda mo ako ng makakain at hintayin mo akong makatapos.'" Bakit ganoon? Kasi, sabi nga ni Kristo, eh, trabaho n'ung katulong ang hintayin ang amo't pagsilbihan. Ngayon, kung ginagawa mo ang iyong trabaho, hindi ka dapat pasalamatan. Tutal, 'yun naman ang inaasahan na gawin mo.

Tulad n'ung ginawa ng meyor namin. Sinabihan kami na lalagyan ng street lights sa aming subdivision. Libre daw. Siyempre, tuwa naman kami. Kaso, ikakabit sa amin ang kuryente ng mga street lights na 'to. Kami ang magbabayad ng kuryente para mapa-ilaw ang mga ito.

Ngek! Kahit ako'y Kapampangan, ayaw kong magpasikat kung ako naman ang gagastos. Siyempre, hindi ako pumayag magpakabit. Kaya sa aming subdivision, madilim ang aming harapan.

Buti na lang at hindi rin ako pumayag. Kasi, noong itinayo na ang mga street lights, ang initials ni meyor ang naka-ukit sa mga poste.

Meralco kilo-whaaaat???? Eh, magkano kaya ang nanggaling sa bulsa ni meyor para ipatayo ang mga poste na 'yun? At lalo namang wala s'yang iniluluwal ni isang sentimo para magliwanag ang mga 'yun. Tapos, s'ya ang sikat! Tapos, ngayong pagdating ng eleks'yon, may karatulang nagsasabing, "Thank you, Mayor, for lighting up our streets."

Sa totoo lang, dapat itong mga politiko pa ang magpasalamat sa atin. Dapat may mga karatulang nagsasabing, "Thank you, my constituents, for giving me funds for the coming elections."

Tutal, hindi naman natin trabaho ang pagyamanin sila.

Wednesday, December 16, 2009

Top Ten Reasons Why Efren Peñaflorida's Life Is In Danger From Politicians

Sa totoo lang, naaliw ako sa paggawa ng mga Top Ten lists, ala-David Letterman. Kaya, 'eto, meron na naman ako.

Sa kasikatan ni Efren, natatakot ako dahil baka nanganganib ang buhay n'ya, lalo na sa mga politiko. Narito ang aking mga dahilan kung bakit ako nangangamba:

  1. Kailangang mag-fund raising ang mga politiko.
  1. Walang pakinabang ang mga politiko sa constituents ni Efren; masyado pa silang bata para bumoto.
  1. Walang politiko ang pinayagang umakyat ng stage habang tinatanggap ni Efren ang tropeo.
  1. Natunugang niyaya siyang maging running mate ni Mangudadatu.
  1. Walang bonggang handaan pagbalik n'ya dito sa 'Pinas; ang akala ng mga politiko'y na-snob sila't hindi naimbitahan sa selebrasyon ni Efren.
  1. Malulugi ang Camella Homes sa squatters' area na pinupuntahan ni Efren.
  1. Mapapatunayang tama si Chiz -- hindi kailangan ng partido para manalo.
  1. Lumabas na wala naman talagang na-accomplish si GMA, lalo na sa larangan ng edukasyon.
  1. Tama na ang isang Noynoy na biglang sikat.

At ang huling dahilan kung bakit nanganganib ang buhay ni Efren mula sa mga politiko:

  1. Ipinakita n'yang hindi naman kailangang tumakbo sa politika para makapaglingkod.

Saturday, December 12, 2009

Mas Maswerte Pa Rin Kami Sa Pampanga

Nung bata pa ako, kayraming dekada na ang nakakaraan, meron kaming karinderya sa may Zurbaran Market, malapit sa Fabella Hospital. Ang Fabella ay isang government hospital kung saan ang specialization n'ya ay ang pagpapaanak, kaya't wala o kakaunti lang ang ibinabayad ng mga bagong ina. Sa katunayan, doon ako iniluwal ng aking Mommy, kaya't ang theme song ko ay Born Free.

Maraming mga tatay ang nagpupunta sa aming karinderya at nanghihingi ng mainit na tubig. Dahil mura pa ang mga bilihin noon nagbibigay naman kami ng libre. Malay mo, isang araw, kumain sila sa amin.

May isang pagkakataon nang ang aking Ate ang nagbuhos ng mainit na tubig sa thermos ng isang mama. Hindi namin alam ang dahilan nguni't biglang sumabog ang thermos nang nilagyan na ng mainit na tubig. Mula noon, nagkaroon na ako ng phobia sa paglalagay ng mainit na tubig sa thermos.

Nang ako'y nagkaasawa't nagkaroon ng beybi, dapat lagi kaming may nakahandang mainit na tubig, sakaling gutumin ang bata't kailangang magtimpla ng gatas. Minsan, pagkatapos mag-init ng tubig, sinabihan ko si Misis na siya ang magsalin sa thermos dahil nga takot akong masabugan. Ganito ang naging usapan namin:

Ako: Ikaw na ang magbuhos ng mainit na tubig sa thermos.

Misis: Bakit?

Ako: Natatakot ako, baka kasi ako masabugan. (At dito ko ikinuwento ang nangyari sa aking Ate.)

Misis: Eh, kung ako ang masabugan?

Ako: (Sandaling natahimik...)...(natahimik ulit...)...(at natahimik pa.) Hindi naman siguro.

Misis: Mahal mo ba ako?

Ako: (Mabilis kong nasagot ito.) Oo.

Misis: Eh, 'di, ikaw na ang magbuhos.

Kaya, mula noon, ako na lagi ang nagsasalin ng mainit na tubig, dahan-dahan, at baka masabugan ang aking mukha. Sabagay, kung magkagayon, baka blessing in disguise pa, dahil mapapalitan ang aking mukha.

Naalala ko ito noong una kong nabasa ang nangyaring masaker sa Maguindanao. Siyempre, na-shock agad ako sa dami ng napatay, lalo na't mga babae at taga-media ang mga kasama. Pero, mas na-shock ako nang malaman kong pinadala ni Esmael ang kanyang asawa, na si Genalyn, para makapag-file sa COMELEC. Siguro, naging ganito ang kanilang usapan:

Esmael: Ikaw na ang mag-file ng kandidatura ko.

Genalyn: Bakit?

Esmael: Natatakot ako, baka raw ako tadtarin ni Junior 'pag kinalaban ko siya. (At dito ikinuwento n'ya ang sinabi sa kanya ni Ampatuan.)

Genalyn: Eh, kung ako ang tadtarin?

Esmael: (Sandaling natahimik...)...(natahimik ulit...)...(at natahimik pa.) Hindi naman siguro.

Genalyn: Mahal mo ba ako?

Esmael: (Mabilis n'yang nasagot ito.) Oo....Eh, ako, mahal mo?

Genalyn: Oo.

Esmael: Eh, 'di, ikaw na ang mag-file.

Umasa si Esmael na hindi gagalawin ang kanyang asawa, kasi babae. Pero, ang hindi naisip ni Esmael, na kung ang pinag-uusapan na'y kapangyarihan at pera, wala nang babae-babae pa.

O, baka naisip n'ya 'yun kaso in denial s'ya sa kanyang sarili at sa kanyang asawa, at patuloy na umasa s'yang walang masamang mangyayari kay Genalyn. Kahit na, isinuong pa rin sa panganib ni Esmael ang buhay ni Genalyn, kasama ng dalawang kapatid na babae ni Esmael, para lang masunod ang kanyang kagustuhang tumakbo.

Parang hindi tama.

Ngayon, malugod pang tinanggap ng administrasyon si Esmael para maging kandidato nila sa Maguindanao. Akala nila, ibang-iba si Mangudadatu kay Ampatuan. Pero, sa ikinilos ni Esmael...ewan ko!

Sa nangyaring masaker, malamang-lamang mananalo si Esmael. Makukuha n'ya ang sympathy votes, 'wag lamang maharang ng mga Ampatuan. Kaso, manalo man si Esmael, parang hindi pa rin maganda. Kung tutuusin, may sala din s'ya sa nangyari. At ang mabigat doon, nabuhay s'ya para makita n'ya ang kanyang maling ginawa (kung tinatanggap n'yang mali 'yun).

Kaya, maswerte pa rin kami sa Pampanga. Sa konggreso lang tatakbo si GMA, sa Maynila s'ya madalas, gumagawa ng per...este, mga batas. At least, nand'yan pa rin si Among Ed bilang aming gobernador. Mas may executive powers naman ang gobernador kesa konggresista.

Ngayon, ang dapat ay manalo muli si Among Ed.

Tuesday, December 8, 2009

Deja Vu

Parang "history is repeating itself" itong mga nangyayari sa 'Pinas ngayon, 'ah. Parang nakita ko na ito, n'ung panahon ni Marcos at, ngayon, ni GMA. Isipin n'yo:

  • NOON: Si Marcos ang tanging na-re-elect na pangulo ng Pilipinas.

    NGAYON: Si GMA, legally speaking, hindi naman s'ya na-re-elect, pero, practically, gan'un na din 'yun; nahalal si GMA habang nakaupo pa s'ya bilang presidente.

  • NOON: Masyadong extended ang panunungkulan ni Marcos, lampas pa sa nakasaad sa konstitusyon noong una s'yang naboto. Nadagdagan lang n'ung palitan n'ya ang konstitusyon.

    NGAYON: Na-extend din ang panunungkulan ni GMA, mahigit sa isang termino. At, ngayon, pilit pang dinaragdagan, sa kanyang pagtakbo sa Pampanga. Kung mapalitan ulit ang konstitusyon, malamang-lamang another extension 'yan.

  • NOON: Si Ninoy Aquino ang matunog na matunog bilang susunod na presidente ng bansa.

    NGAYON: Si Noynoy Aquino ang liyamado sa mga surveys, at parang ang hirap na s'yang abutan pa ng iba.

  • NOON: Mabango ang Liberal Party.

    NGAYON: Maraming politiko ang lumilipat sa Liberal Party.

  • NOON: Dati namang taga-Liberal Party si Marcos.

    NGAYON: May koneks'yon si GMA sa Liberal Party; ang kanyang ama, si Diosdado, ay dating lider nito.

  • NOON: Nang malapit na ang eleksyon, nagdeklara si Marcos ng Martial Law.

    NGAYON: Ka-de-deklara lang ni GMA ng Martial Law sa Maguindanao. Ewan ko kung praktis ito para, sa susunod, ang buong bansa na ang nasa ML.

  • NOON: Nang lumabas sa TV si Marcos upang i-anuns'yo ang deklarasyon ng Martial Law, s'ya ay nakaupo sa isang silya na ang sandala'y hugis puso.

    NGAYON: Alam naman natin na sa TV ang GMA ay hindi Kapamilya.

  • NOON: May mga taong gusto naman si Marcos; ang ayaw lang nila ay ang kanyang asawa, na si Imelda.

    NGAYON: Ayaw ko na'ng magsalita, at baka makasuhan pa ako ng libel.


Kung ako ang Liberal Party, 'eto ang mga gagawin at iiwasan ko:


  1. Hindi ako magmi-miting de avance sa Plaza Miranda.

  2. Sasawayin ko lahat ng estudyante na mag-rally, kahit na ang ipinaglalaban nila ay ang "Teachers, Students and University Personnel for the Instruction of Good Manners in the Academe".

  3. Babantayan ko ng mabuti si acting Defense Secretary Norberto Gonzales at baka siya ay ma-(faked) ambush, tulad ni dating Defense Secretary Juan Ponce Enrile.


Pero, ang talagang makakapigil na maulit muli ang nangyari noong 1972 ay ang taong-bayan. Nang isinigaw natin na "Tama na! Itigil na!", hindi lamang si Marcos ang ating ipinatitigil. Ang ipinaglalaban natin noon ay 'yung sobrang paggamit ng kapangyarihan, para magpayaman, manakot, at manatili sa pwesto. Kaya't dapat tayo ay manatiling vigilant, at baka, paggising natin, under Martial Law ulit tayo.

Maalala pa sana natin ang sintunado nating pagkanta ng "'Di na 'ko papayag maulit muli...."

Friday, December 4, 2009

Top Ten Reasons Why GMA And Christ Are Not Similar

Priest likens GMA's decent to Jesus Christ

- Philippine Daily Inquirer

Nang mabasa ko sa d'yaryo ito parang gusto kong mag-iba ng relihiyon. O kung naging Papa lang ako, baka na-ekskomunikado ko na ang paring 'yun. "Blasphemy", 'ika nga ni Arsobispo Pablo David. Well, kapatid 'yun ni Randy, kaya, marahil, ganoon ang pananalita n'ya.

Kaso, baka nga naman may punto ang Arsobispo. Ikumpara ba naman si GMA kay Kristo. Baket?

'Eto, sa aking palagay, ang sampung dahilan kung bakit ibang-iba si GMA kay Kristo:


  1. Binuhay ni Kristo si Lazarus; binuhay ni GMA si Ampatuan.

  2. Bumaba si Kristo sa lupa para mamatay at maging kabayaran sa ating mga kasalanan; bumaba si GMA sa pwesto para magtago sa kanyang mga kasalanan.

  3. Pinagpipilitan ni Kristo na ang kaharian N'ya ay hindi dito sa lupa; pinagpipilitan ni GMA upang maging hari (reyna) s'ya sa isang maliit na lupa.

  4. Gumagawa si Kristo ayon sa tama, at hindi ayon sa kagustuhan ng nakararami; gumagawa si GMA para maka-score s'ya ng "pogi points".

  5. Inaaway ni Kristo ang mga lider upang sila ay magbago; pinalayaw ni GMA ang mga lider upang sila ay hindi magbago sa pagsuporta sa kanya.

  6. Sa tatlong taong pampublikong pamumuhay ni Kristo, iisang damit lang ang dinala N'ya patungong langit; sa siyam na taong pagiging presidente ni GMA, halos walumpung milyong piso ang naidagdag sa kanya, na dadalhin n'ya sa Lubao.

  7. Sa limang tinapay at dalawang isda, napakain ni Kristo ang libo-libong tao; sa halagang halos isang milyong piso, si GMA at ang kanyang mga kasamahan (halos tatlumpo sila) ay kumain sa isang restoran sa New York.

  8. Sinabi ni Kristo, "Maglalaho ang langit at lupa, pero hindi ang salita Ko." Sinabi ni GMA, "Hindi ako tatakbo sa pagkapangulo sa 2004."

  9. Hindi nandaya si Kristo noong nagkaroon ng halalan, sa pagitan N'ya at ni Barabas; paano na-zero si FPJ sa Mindanao?

    At ang huling dahilan kung bakit hindi magkaparehas sina Kristo at GMA:

  10. Hindi nagsabi si Kristo ng, "Hello, Ponti?"

Wednesday, December 2, 2009

Top Ten Reasons Why GMA Is Running

Kawawa naman kaming mga Kapampangan, lalo na 'yung mga nasa 2nd district. Naisip ko tuloy 'yung mga kamag-anak ko sa Sexmoan (na ngayo'y Sasmuan). Sabagay, mas gugustuhin ko na si GMA kesa kay Mikey. At least, matalino 'yung ina. Sa sobrang talino, heto't tatakbo bilang congressfemale.

Naalala ko tuloy 'yung tinanong ni Cogsworth, noong malaman n'yang hinayaan ni Beast na makaalis si Belle sa kastilyo, "But...why?"

Siyempre, ibang konteksto naman 'yun. Pero, ganoon din ang aking tanong, "But...why?" Ayan, sasaksakan ko naman ang aking utak ng mga ispekulasyon, at huhulaan ko kung bakit siya tatakbo.

  1. Hindi s'ya nakabili ng bahay sa California noong siya'y presidente .

    At least, si Mikey, nagkabahay doon nang siya ay Pampanga Representative. Naisip siguro ni GMA na mas may pera sa pagiging konggresista kesa pagiging presidente.

  2. Huli na ang lahat para sa Charter Change.

    Kasi naman 'yang mga nasa Senado, kay tagal-tagal kumilos. Tuloy, pagkatapos ng Hunyo sa susunod na taon, magiging Citizen Gloria na lang s'ya. Kung natuloy sana 'yung CC, eh 'di sana PM Gloria na s'ya. At least, ngayon, kung makapasok siya sa Konggreso, buhay pa rin ang pag-asa n'yang maging PM.

    Ngayon kasi, P pa lang siya. Dadaanan pa n'ya ang PA, PB, PC, atb, bago s'ya makarating sa PM.

    Pero, para sa iba, huminto si GMA sa pagiging PI.

  3. Baka manalo si Erap.

    Hindi naman mapagkakatiwalaan ni GMA si Erap na 'wag kasuhan ng huli ang una. Kasi nga naman, noong binigyan ng pardon ni GMA si Erap, nangako si Erap na hindi na s'ya tatakbo muli sa anomang public office. Pero, 'eto, kumakandidato sa pagka-presidente muli. Tulad n'ya, bumabaligtad sa salita si Erap; walang palabra-de-honor.

    At malungkot nga naman kung sa Tanay si GMA titira.

  4. Na-gi-guilty siya dahil wala naman s'yang nagawang mabuti para sa bayan.

    Matapos na siyam na taong paninilbihan bilang pangulo (Gan'un na ba katagal? Nampucha talaga, oo!), nahiya naman siya na nalugmok ang bansa, kaya, para makabawi, tatakbo siya bilang konggresista. Baka, ngayon naman, makagawa siya ng mabuti.

    At pagkatapos ng siyam na taon ulit (tatlong termino) at wala ulit s'yang nagawang mabuti, malamang tatakbo naman s'yang meyor sa Lubao.

    Isa pa, hindi rin daw "cool" ang magtayo ng isang foundation, tulad ni Cory, upang makatulong sa mga tao. Saka, walang pera doon, eh.

  5. Baka maging kaawa-awa s'ya pagdating ng araw, tulad ni Noli.

    Tuluyan na talagang nalimutan ng mga tao si Noli. Dati, parang sigurado na siya bilang susunod na presidente. Pero, ngayon, nasaan na siya ngayon? Baka naisip ni GMA na kung 'di s'ya tatakbo ngayon, baka 'pag nagkaroon ng pilian sa pagka-punong ministro, malimutan na rin s'ya.

    Sabagay, si Noli lang din ang dapat sisihin. Kung tumakbo sana s'ya noong kasikatan n'ya, disin sana'y pumangalawa s'ya sa halalan bilang pagkapangulo, sumunod kay FPJ.

  6. Umunlad ang Pampanga noong panahon ni Among Ed.

    Hirap ng buhay sa amin noon. Kayraming mga kamag-anak ang lumapit sa akin, maipasok ko lang sila ng trabaho dito sa Maynila. Wala na raw kasing makain sa lugar namin. Kaso, isang hamak na empleyado lang ako, kaya wala rin naman akong nagawa para sa kanila.

    Ngayon, may mga sinasabihan akong mag-apply sa amin. Aba, naman, na-snob ako! Siguro, gumaang na ang buhay nila doon.

    Ngayon, 'eto si GMA. Papayag ba s'ya doon? Dapat, s'ya ang sikat.

    Sabi ni G. de Quiros hindi na kayang pabagsakin pa ni GMA ang bansang Pilipinas, kaya 'di na dapat s'ya katakutan.

    Paano naman kaming mga Kapampangan?

  7. Gusto ni GMA maging halimbawa para sa mga taong ayaw lisanin ang kapangyarihan.

    Kay daming diktador sa mundo, mga malulupit, mamamatay-tao, kurakot, na ayaw umalis sa pwesto, nais manatili sa kapangyarihan. Kasi, 'pag nasa tuktok ka na, wala ka ng ibang patutunguhan. Ngayon, 'eto si GMA, bilang isang magandang ehemplo.

    Ang isang bansa'y dapat demokratiko, kung saan ang mga tao'y may layang pumili ng kanilang lider. Ngayon, hindi naman nangangahulugang kailangang sundin ang kagustuhan ng mga tao. At least, 'yan ang paniniwala ni GMA.

    Kung may balakid upang manatili sa pwesto, kay dali namang gawan ng paraan. Sa ginawa ni GMA na ito, meron na ring "career path" ang mga diktador.

    Sigurado ako, pagkatapos ng halalan, maraming imbitasyong matatanggap si GMA sa mga bansa sa Africa, South America, at ilan pang bansa, tulad ng North Korea at Burma.

  8. Ayaw n'yang pagambala sa susunod na presidente tungkol sa mga problemang iniwan n'ya.

    Kung ordinaryong tao nga naman s'ya, tatawag-tawagan s'ya ni Noynoy, este, ng susunod na presidente pala, tungkol sa mga naiwan n'yang problema, tulad ni Ampatuan, pagtaas ng presyo ng gasolina, pagka-ubos ng pera ng gobyerno, pagkawala ni Jonas Burgos, pagkalugmok ng Pilipinas samantalang naunahan na tayo ng Vietnam, etcetera, etcetera, etcetera. Ngayon, kung nasa Konggreso na s'ya, pwede n'yang sabihin na, "Problema mo na 'yan! Busy ako rito, gumagawa ng per...este, batas!"

  9. Sayang naman 'yung ginastos n'ya sa mga taong namimilit na tumakbo s'ya.

    Ilan ba ang tao sa ikalawang distrito ng Pampanga? Ilan ang nagpunta sa kanya para mag-rally at hikayatin si GMA na tumakbo? Kung porsiyento ang pag-uusapan, ilan 'yun? Kasing dami ng kay Noynoy? Kasing konti ni Gibo? Tapos, naniwala s'ya na gusto s'ya ng tao tumakbo? Na pinilit lang siya? Sino kaya ang tunay na namilit?

    Tanong ni Romulo Macalintal, election lawyer (meron pala noon?) ni GMA, na kung hindi popular ang presidente, bakit natatakot ang mga kritiko sa pagtakbo ulit n'ya?

    Itanong kaya n'ya 'yun kay Susan Roces. Eh, kung balikan s'ya ng tanong, "Paano na-zero si FPJ sa Mindanao, kung saan ang mga manonood ay binabaril ang kontabida habang nasa loob sila ng sinehan?"

  10. Gusto n'yang maging busy para makatakas s'ya kay Mike.

    Kung ako si GMA, ano pa ang hahanapin ko? Naluklok na ako sa pinakamataas na pwesto ng bansa. Tinitingala ako, kahit ako'y maliit. Hindi naman ako pari kaya hindi ako pwedeng maging Papa. Isa pa, masyadong obvious na 'yun. Safe na ang future ng aking mga anak dahil may sari-sarili na silang negosyo; mga public officials din ang mga 'yan. Ang gagawin ko na lang ay i-spend ang natitira kong oras dito sa lupa, kasama ng aking pinakamamahal na asawa. Magmumuni-muni kami sa aming nakaraan, at pagtatawanan ang aming mga kalokohan, tulad ng ZTE.

    Pero, bakit ganoon? Parang mas gusto pa n'ya'ng mamulitika kesa makapiling ng matagalan ang asawa?

    O, baka naman, sinabi ni Mike, "Kung hindi ka tatakbo, ako ang tatakbo."


Sana, nagkamali nga ang nagrerehistro sa kanya, at nailagay na tatakbo s'ya sa ikatlong distrito ng Pampanga. O kaya tumakbo na lang siya sa ibang lugar, 'wag lamang sa aming bayan. Tutal, balita ko, may bakante pa sa Maguindanao.

Friday, November 27, 2009

We Are Only Human

Sabi ni Exec Sec Ermita, "We are only human," para ipaliwanag n'ya na wala namang magagawa ang gobyerno sa nangyari sa Maguindanao.

Actually, agree ako sa kanya. Wala nga silang magagawa sa nangyari sa Maguindanao noong ika-23 ng Nob, taong 2009.

Pero, noong ika-22 ng Nob, taong 2009, meron kaya silang magagawa?

Noong ika-23 ng Nob, 2008, meron kaya silang magagawa?

Noong isa-23 ng Nob, 2004, meron kaya silang magagawa?

Wala naman ako sa gobyerno kaya hindi ko masasagot ang mga ito. Pero hindi ko lang kasi maisip:

Bakit nagkalat ang mga firearms sa Mindanao?

Bakit meron pa ring mga private armies ang ilan sa mga tao doon?

May utang na loob ba si GMA nang nanalo s'ya noong 2004 at naka-12-0 ang Team Unity ng administrasyon noong eleksyon ng 2007 sa Maguindanao? Kung meron, paano binayaran, o binabayaran, ni GMA ito?

Paano nagkaroon ng lakas ng loob ang gumawa ng masaker? O maisip man lang na gawin 'yun?

Kung ang kayraming tao, mga kilala pa, ay hindi naprotektahan ng gobyerno dahil "we are only human", paano pa kaya ako, isang pribadong tao na iilan lang ang nagbabasa ng aking blog kaya hindi naman ako sikat? Nakakasiguro ba ako sa aking safety sa bansang ito?

Kung hindi, pwede ba 'wag na lang akong magbayad ng tax?

Moment of Silence

Let us all have a moment of silence for the victims of the Ampatuan (the place where it happened) Massacre.

Let us also pray for the perpetrators of the massacre. Include the government, especially GMA, that they may prevent further killings, something that they could have done had they have the political will.

Finally, let us pray for our country. Let this dastardly deed arouse us to act against violence, and boot out, if not now, at least in the coming elections, those who are involved, in one way or another.

Monday, November 23, 2009

Panalo Si Efren!

Nabasa ko sa site ng CNN na nanalo si Efren Peñaflorida bilang 2009 CNN Hero of the Year. Taped na ang awarding ceremonies at ipalalabas ito sa ika-26 ng Nobiyembre, sa lahat ng network ng CNN. Sana, mapanood ko ito.

Ang pagpili sa parangal na 'to ay ginawa sa pamamagitan ng pagboto sa site ng CNN. 'Pag ganoon, siyempre, hindi tayo pahuhuli. Kitam, si Jasmine Trias umabot ng top three sa American Idol dahil sa Pinoy vote. Maging ang video ng "Ang Huling El Bimbo" ay nanalo MTV's Asian Viewer's Choice Award noong 1997 dahil sa boto ng mga Pinoy. Siguro, kung may Pinoy lang na manlalaro sa NBA, laging nasa first five siya sa All-Star games. Parang si Yao Ming, na laging starting center ng West dahil sa dami ng botong natatanggap n'ya, marahil karamihan mula sa China, kahit na halos hindi s'ya nakakapaglaro dahil laging injured.

Pero, itong kay Efren, nasisiguro kong deserving.

Ilan taon na bang ginagawa ni Efren ang magturo sa mga mahihirap? Labindalawang taon na? At kelan lang nalaman ng buong 'Pinas ang mga pinaggagagawa n'ya? Kun'di pa siya nanominado sa CNN, malamang patuloy pa rin nating hindi madidinig ang kanyang pangalan at mga ginagawa. 'Di tulad ng marami d'yan, na sinisiguro nilang malalalaman ng mga tao ang ginawang pagtulong nila sa mga nasalanta ng Ondoy at Pepeng. "They had their rewards," 'ika nga ni Kristo.

Malaking karangalan din ang ibinigay ni Efren sa bansa sa pagkapanalo n'yang ito. Gaya ng karangalang ibinigay ni Manny Pacquiao. O, baka, mas higit pa.

Kasi, si Manny, swerte, maraming tumutulong sa kanya. Kung wala si Freddie Roach, gagaling ba siya tulad ng galing n'ya ngayon? Kung hindi si Bob Arum ang nag-promote sa kanya, makakakuha ba s'ya ng mga malalaking laban?

Si Efren, ang mga katulong n'ya ay kapwa mga galing sa hirap, mga taong gustong makatulong, hindi lang gustong kumita. At talagang walang pera sa kanilang ginagawa. Hindi pa nakakasakit ng kapwa.

At, higit sa lahat, magagawa natin ang ginagawa ni Efren.

Tayo ba, makaka-akyat ng ring at magiging world champion sa boksing tulad ni Manny?

Kaya, kung tutuusin, mas bayaning tatanghalin si Efren. Kasi, 'yun naman ang dahilan kaya nagkakaroon tayo ng bayani, 'di ba? Para gayahin natin.

Ngayon, wala sanang mag-imbita kay Efren na tumakbo sa darating na halalan. At kung meron man, tumanggi sana si Efren. Mas marami s'yang magagawa sa katayuan n'ya ngayon kesa kung mahalal s'ya.

Marami pa sana akong gustong sabihin tungkol kay Efren, pero, mas maganda ang sinabi ni Conrado de Quiros sa kanyang column tungkol kay Efren. Uulitin ko lang ang sinabi ni G. de Quiros sa huli: "Right now, he’s the best pound-for-pound fighter we have."

Mabuhay ka, Efren!

Sunday, November 22, 2009

Logic 101 by Comelec

Na-disqualify ang party list na Ang Ladlad, isang partidong nirerepresenta ang mga bading, tibo, AC/DC, atb., sa dahilang imoral daw sila, at delikado ang mga ganoong tao sa ating mga kabataan.

Hindi na ako magdadagdag pa sa mga usapin kung gaano kakitid ang utak ng mga taga-COMELEC, na hindi maka-Constitution ang kanilang ginawa, sapagka't binase nila ang kanilang desisyon sa Bibliya at Koran. Hindi ko rin dedepensahan ang Ang Ladlad dahil bading din ako, na sa totoo'y hindi (kung naintindihan n'yo 'yun). Pinagtatakhan ko lang kasi ang lohika ng mga taga-COMELEC.

Kung ang isang partido'y initsa-pwera dahil hindi sila magiging magandang modelo sa kabataan, kahit na magsuot sila ng mga yari ni Pitoy Moreno, hindi kaya dapat ding i-disqualify ang mga indibiduwal na hindi rin magiging magandang modelo para sa mga kabataan, kahit magsuot sila ng two-piece?

Halimbawa, si Edu. Kasal s'ya kay Vilma, 'di ba? Pero, hiwalay sila. Tapos, may iba't ibang naging kasama si Edu. 'Di ba ipinagbabawal din sa Bibliya 'yun? Okay lang ba sa COMELEC na ganu'n din ang gawin ng mga kabataan, na ipagbaliwala nila ang sagrado ng kasal?

O kaya si Trillanes. 'Di ba imoral din 'yung pagrerebelde sa Presidente, lalo na't isa s'yang sundalo? At ang mas mabigat pa roon, medyo natakot ang maraming investors na magpunta sa atin. Dahil doon, directly or indirectly, bumaba ang ating ekonomiya, may mga nawalan ng trabaho, at may mga nagutom. 'Yung pahirap na sinakit ng ating kababayan dahil sa ginawang pagrerebelde ni Trillanes, 'di ba imoral 'yun?

Tapos, pati itong sina Querubin at Danny Lim tatakbo.

O kaya ang isang tulad ni Jalosjos? O ni Mikey Arroyo? O iba pang ginagamit ang kapangyarihan upang gawin nila ang nais nilang gusto, tulad ng pag-re-rape, pagnanakaw, o pagpatay?

Ewan ko, simple lang akong tao. Ang alam ko kasi, 'pag may isang rule na in-apply mo sa isang tao, o grupo ng tao, dapat i-apply mo rin 'yun sa iba. Kun'di, diskriminasyon 'yun, namimili ka, at hindi makarapatan. Lalo na kung ang dahilan ay tungkol sa moralidad. Kasi, imoral din ang diskriminasyon. Ang Diyos mismo, hindi namimili. Sinabi sa Bibliya na "pinasisikat Niya ang araw sa mga masasama at mabubuti, at pinadadalhan ng ulan ang mga makatarungan at 'di-makatarungan" (Mt. 5:45).

Ngayon, kung sisiguruhin ng COMELEC na walang dayaang mangyayari, ni isang katiting, kahit na sa pinakaliblib na baranggay, baka may karapatan silang maging self-righteous.

Pero, kung tatanggap din sila, kung magiging corrupt din sila, hindi rin sila magiging magandang modelo para sa mga kabataan, kahit wala silang suot. At sasabihan ko sa mga miyembro ng Ang Ladlad na lagyan ng mga mabibigat na bato sa mga leeg ng mga taga-COMELEC at itapon ang mga ito sa dagat.

'Yun, nasa Bibliya din 'yun.

Sunday, November 15, 2009

Panalo Ulit Si Pacquiao!

Yehey! Panalo na naman si Pacquiao.

Mga pasado alas-kwatro na ng hapon ko ito nakita. Kaso, mga alas-dos ko nalaman ang resulta. Ibinalita na kasi ng ABS-CBN, habang pinapalabas ang pelikulang "My Big Love" nina Toni Gonzaga at Sam Milby; samantala, panay supporting bouts pa lang ang nasa GMA.

"Bastos," wika ng aking pinakamamahal na asawa, hindi dahil gusto n'yang manood ng laban, kun'di, wala pa nga sa kabilang channel sinabi na agad ang panalo.

Marahil nga, maraming mga tatay ang nainis. Hindi naman lahat ng tao nasa-SM para manood. Hindi lahat may Watchpad o cable. Although, marami na ang may TV, nguni't dahil wala pa ang laban ni Pacquiao, pinagbigyan muna ang mga nanay na manood sa kabilang channel. 'Yun nga lang, nawala na ang excitement dahil sa ginawa ng Kapamilya. Marahil, wala silang puso =).

Siguro, sa susunod na magkaroon ng pelikula ang Star Cinema panonoorin ko agad at sasabihin ko sa madlang pipol kung ano ang ending.

Pero, mabalik ako kay Pacquiao.

Sa totoo lang, medyo na-bore ako sa laban. Siguro, dahil alam ko na nga ang ending. O, siguro, sobrang nadomina ni Pacquiao and laban. O baka dahil na rin masyadong umiiwas si Cotto.

Sa ikatlo't ikaapat na rounds tumumba si Cotto. 'Kala ko katapusan na n'ya. Ay, hindi pala. Kasi, sabi ng ABS-CBN, umabot ng twelve rounds ang laban. Kaya't alam ko na babangon pa ulit si Cotto upang lumaban.

May mga malalakas na suntok din si Cotto. Halata 'yun kung, pagkatapos masuntok, parang susuntukin ulit ni Manny ang parte kung saan s'ya tinamaan. Para bang 'yung may hang-over; iinom (o susundutin) ng beer ang kalasingan para mawala ang sakit ng ulo.

Pero, pagdating na ng kalahatian, parang wala na ang lakas ni Cotto. O sadya lang talagang matibay si Pacquiao. Kasi, parang hindi na iniinda ang mga tama sa kanya ni Cotto. Parang sinasabi ni Manny, "Sabayan na lang tayo ng suntok, tignan natin kung sino ang mas matibay."

'Pag dating nga ng mga huling rounds, nagpapasuntok na si Pacquiao, lumapit lang sa kanya si Cotto. Masyado kasing tumatakbo ang huli.

Sa kalaunan, itinigil na ng referee ang laban. May mga nagsasabing huli na nang ginawa ng referee 'yun. Sa aking palagay, hindi pa naman lupaypay sa suntok si Cotto. Siguro, naisip ng referee na hindi na mananalo si Cotto. Una, ayaw na ring lumaban ni Cotto. Ibinababa na nga ni Pacquiao ang kanyang mga kamay, o kaya'y tatayo at tatakpan ang mukha't sikmura, lumapit lang at sumuntok ang kalaban. Ikalawa, kahit lucky punch, hindi mapapatulog ni Cotto si Pacquaio. Naibigay na lahat ni Cotto, pero parang bale-wala kay Pacquiao. Ikatlo, masyadong malayo na sa score si Pacquiao. Kahit maka-dalawang ulit pang bumagsak si Manny sa round na 'yun, hindi pa rin mananalo si Cotto sa laban. Parang 'yung mercy rule sa baseball: 'pag ang isang koponan ay lamang ng sampu o mahigit na runs sa kalaban, uwian na.

Ngayon, hindi na nalimutan ni Pacquiao ang pumunta sa isang kanto, lumuhod at magdasal. 'Di gaya noong laban n'ya kay Hatton. Sinabihan pa s'yang lumuhod bago n'ya ginawa 'yun. Siguro, nagulat din si Manny dahil natapos agad ang laban nila ni Hatton. Kaya, hindi n'ya tuloy alam kung ano ang gagawin n'ya.

Pero, ngayon, nagdasal talaga s'ya. Medyo matagal-tagal din s'yang nakaluhod. Alam n'ya kung ano ang ibig sabihin ng pagkapanalo na 'yun. At hindi 'yun tungkol sa pera. Sigurado ako, nagpapasalamat s'ya dahil hindi n'ya nabigo muli ang mga Pinoy.

At tayo naman, tuwang-tuwa.

Ngayon, kung sana, 'yung mananalo sa darating na eleksyon ay tutularan si Manny.

Na inuuna muna ang mga kababayan bago ang perang kikitain n'ya.

Thursday, November 12, 2009

Speculation

Minsa'y may pinuntahan akong isang site, tungkol kay Chiz. Doon, ako'y nag-comment, karamihan tulad ng isinulat ko sa isang post. Nagtatanong o naghahaka-haka sa kung ano ang maaaring mangyari sakaling tumakbo't manalo si Chiz sa pagkapangulo. May sumagot naman, si Hyden Toro (I like the name) sa aking kumento, at sinabing 'wag ko raw punuin ang aking utak ng mga ispekulasyon.

Napag-isip tuloy ako. Marahil nga, panay ispekulasyon lang ang aking isinulat doon. Hindi nga siguro ako talagang nagtatanong, kun'di'y ipinapakita ko kung ano ang aking palagay kay Chiz at sa kanyang ginawang pag-alis sa NPC.

Pero, naisip ko rin. 'Di ba, sa mga panahon ngayon, panay ispekulasyon lang ang ating ginagawa, dahil hindi pa naman talaga nagsisimulang mangampanya ang mga kumakandidato?

"Susuportahan ko si Noynoy!"

"Kay Erap ako!"

"Iboboto ko si Villar!"

Ano ba ang basehan ng mga ito?

"Kasi, si Noynoy, hindi kurakot."

"Kasi, si Erap, makamasa."

"Kasi, si Villar, aksyon. Isa pa, kapangalan n'ya si Pacquiao."

Gaano kasigurado ang mga supporters na ito sa kanilang mga dahilan? Ano ang mga plataporma ng mga kumakandidato at mga balak nilang gagawin kung sakaling manalo sila? Sana, hindi lang 'yung "susugpuin ko ang kahirapan", o "edukasyon ang aking pagbubuhusan ng pansin", o "tatanggalin ko ang corruption sa gobyerno". Panay mother statements lang ang mga 'yan, 'ika nga. Magandang pakinggan, pero, walak payak na mga hakbang upang matupad ang mga 'yan.

Kaya nga, sa ngayon, panay ispekulasyon lang ating ginagawa kung sasabihin nating iboboto natin ang isang kandidato. Panay haka-haka lang kung ano ang gagawin ng ating paborito. Ang dapat, pagdating ng kampanya, ating pag-aralang mabuti at kilalanin ang mga tumatakbo. Nang sa ganoon, sa araw ng eleksyon, alam na natin ang mga hakbang na gagawin n'ya 'pag siya ay naupo na sa pwesto.

Pero, sana, ang mga kumakandidato, ipa-alam talaga nila ang kanilang plataporma ang mga hakbang nila na konkreto at magagawa.

Kun'di, pagdating ng araw ng eleksyon, baka panay ispekulasyon pa rin ang gagawin nating mga botante.

Monday, November 9, 2009

Hindi Ka Nag-iisa - The Video

Napanood ko, sa wakas, ang infomercial(?) ni Noynoy. Noong una, hindi ko alam tungkol saan 'yun. 'Ni hindi ko napansin na si Regine pala ang kumakanta. 'Kala ko nga, bagong pakulo ng ABS-CBN, parang 'yung mga dati nilang advertisements. Inumpisahan ba naman ni Boy Abunda. Tapos, biglang lumabas si Ogie A. At nang narinig ko kay Regine 'yung mga katagang "Hindi ka nag-iisa", at "Ipagpatuloy natin ang laban nina Ninoy at Cory" (or something like that) alam ko na kay Noynoy ito. Siyempre, hinintay ko kung kelan lalabas si Kris.

Ang gusto kong parte doon ay 'yung nasa burol si Noynoy, maraming nakapaligid, may mga dalang sulo, at sa likod ay nagbubukang-liwayway. Kung sino man ang cinematographer noon, dapat mabigyan siya ng FAMAS award.

Kaso, medyo na-disturb ako sa infomercial na 'to. Natanong ko tuloy sa aking sarili, "Game na ba?"

Ang ibig kong sabihin, umpisa na ba ang campaign season?

Dati, gusto ko si Villar. Galing kasi s'ya sa Las Piñas.

Hindi ko po pinaiiral ang regionalism. Sa katunayan, taga-Parañaque po ako, na kung i-abbreviate ay P'que.

Gusto ko lang kasi ang ginagawa ng mga Aguilar at Villar sa Las Piñas. Kung nagawa nila ang mapalinis at mapaayos ang lugar na 'yun, baka, kako, magawa din nila sa 'Pinas. 'Yung parang sinasabi ng infomercial ni Binay, na tungkol naman sa Makati.

Pero, nalilihis ako. Balik tayo kay Villar.

Nawalan ako ng gana kay Villar, hindi noong dumikit siya ay Willie Revillame, kun'di noong naglabas siya ng infomercial - na akala mo'y coño, 'yun pala'y laking-Tondo - na hindi pa simula ang campaign period.

Hindi electioneering 'yun, at bawal ang mangampanya kung wala pa sa panahon? Hindi ba ang penalty noon ay disqualification?

Maaaring sasabihin ni Villar na hindi naman s'ya nangangampanya, dahil hindi pa naman n'ya isinasaad ang kanyang plataporma (meron kaya s'ya, kahit sa tamang panahon na ng pangangampanya?) o kaya'y hindi pa n'ya sinasabing, "Iboto n'yo ako!" Kaya, kung tutuusin, hindi pa siya nangangampanya.

Eh, para saan ba 'yung kanyang infomercial na 'yun? Bakit ipinalabas 'yun? Wala lang? 'Di ba, ultimately, ang objective noon ay para iboto siya?

O, 'di ba pangangampanya 'yun?

"Hindi nga," madiing sasabihin ng taga-suporta ni Villar. Sige, legally, hindi 'yun pangangampanya. Pero, in essence?

Kumbaga, parang 'yung tanong na, "It is legal, but is it moral?"

Kaya ako na-disturb sa infomercial ni Noynoy. Bakit 'yun ginawa? Para ipakita na siya lang ang nakapag-unite sa mga Kapuso't Kapamilya? Na kung nagawa n'ya 'yun sa showbiz, magagawa n'ya 'yun sa Pilipinas?

O, baka, natatakot siya na maunahan siya ng ibang kandidato para sa suporta ng mga artista, tulad nina Dingdong at Marianne? Buti pang makuha na ang suporta nila bago pa may makakuhang iba.

Kaso, gan'un pa rin ang aking tanong, "Is it moral?"

Kung ang isang maliit na law, tulad n'yang electioneering, na nalulusutan, at parang walang konsiyensyang lusutan, paano kaya ang mga iba pang mga batas?

Kung ang isang maliit na bagay ay binale-wala, paano pa kaming maliliit na tao? At hindi 'yung kulang sa tangkad ang ibig kong sabihin dito.

'Ika nga ni Kristo, kung hindi ka mapagkakatiwalaan sa mga maliliit na bagay, paano ka mapagkakatiwalaan sa mga malalaking bagay?

Tuloy, ngayon, parang hindi na ako nagsisisi na hindi ako nakapagpa-rehistro para sa darating na eleksyon.

Saturday, November 7, 2009

Family Minute - What will your kids remember about their childhood?

NOTE: Subscriber ako sa isang newsletter, Family Minute, kung saan may mga maiikling mensahe, nguni't puno ng insights. Isa dito ay ang sumusunod na artikulo. Nawa'y magustuhan n'yo, at mag-subscribe na rin kayo.

What will your kids remember about their childhood?

Will they cherish the trip to the theme park, the Xbox360, PS3, or the cell phone you bought them? Or will they remember dad cooking pancakes for them, wrestling with them on the floor... and mom writing those special notes for their lunchboxes, or cheering for them at their games? Our children won't reminisce about big events and big-ticket items. Rather, their hearts will be warmed by memories of the love, caring and companionship you showed them day-to-day. Those are the things that will make a lasting impression they will carry with them into the future.

Wednesday, November 4, 2009

Rhetorics 101 by Chiz

Tumiwalag si Chiz sa NPC, Nationalist People's Coalition, at hindi National Power Corporation, although parehong naghahangad sa power, noong isang linggo. Kagulat-gulat ang ginawa nito ni Chiz. Ang isang dahilan, ayon sa kanya, dapat daw ang isang presidente ay hindi kaanib ng isang partido, nguni't ang "partido lamang dapat nya ay Pilipinas at ang kanyang mga kapartido ay lahat ng Pilipino".

Waw! Hebi, mein! Hindi ko alam kung naiintindihan ni Chiz ang kanyang sinasabi, much less ang kanyang ginagawa. At hinahamon pa n'ya ang kanyang mga kalaban na tumiwalag din sa kani-kanilang partido.

Bakit naman sila susunod kay Chiz? Parang sinabi mong naghamon si Bin Laden kay Obama na itapon ang kanilang mga armas at magsuntukan na lang sila. Sa pelikula lang nangyayari 'yun. At kadalasan, 'yung mga naghahamon ng ganoon ay may nakatagong maliit na baril sa kanilang sumbrero.

Kaya hindi ko maintindihan ang dahilan kung bakit ginawa ni Chiz 'yun.

Una sa lahat, ano ba ang ginawa ng partido para sa isang nakaluklok na sa pwesto? Meron bang nangyari na kinampihan ng isang presidente ang kanyang ka-partido kung wala namang ganansya para sa pangulong ito? May partido bang sinalungat ang nakapwesto, at sinundan naman ng huli? Si Marcos, nang hindi sumunod sa kanya ang Nacionalista Party, nagbuo ng panibago, ang KBL.

O, sige, wala pa ngang presidente ang naging beholden sa kanyang partido. Baka, iniisip ni Chiz na siya ang magiging una, kung saka-sakali. Kaya, sumibat na siya sa NPC at baka hindi siya maka-hindi sa kanyang ka-alyansa. Kumbaga, alam mong magkakasala ka kung panonoorin mo ang video nina Hayden at Katrina kaya magpupunta ka na lang sa canteen habang ang mga ka-opisina mo'y nanonood noon. Iwas temptation, 'ika nga.

Ikalawa, sinasabi naman ni Chiz na kahit noon pa man ay hindi siya na-impluwensiyahan ng partido tungkol sa mga desisyon n'ya habang s'ya ay nasa Konggreso.

Ngek! Ibig ba n'yang sabihihn na kung magiging presidente na siya't kasapi pa rin siya sa isang partido, madali na siyang ma-i-impluwensiyahan nito? Ano pinagbago? 'Yung posisyon? Na hindi na siya ang Chiz na kilala ng bayan noong nasa Konggreso siya sa sandaling maging presidente na siya ng bansa?

Marahil tama si Patricia Evangelista, na hindi naniniwala si Chiz na magkakaroon siya ng malakas na conviction kung siya'y naging presidente na, o kaya hindi naman kailangan ng ganung kalakas na conviction habang nasa Konggreso siya.

At paano naman ang perang gagastusin n'ya para sa kanyang pangangampanya? Saan manggagaling 'yun? Sa kanyang bulsa? Kaya n'ya?

At kung hindi n'ya kayang tutustusan ang gastos mula sa sariling bulsa, saan s'ya kukuha? Sa mga donasyon? Mga kaibigan? Mga volunteers?

Paano 'yan? Hindi s'ya tatanaw ng utang na loob sa mga ito? Eh, sigurado namang maniningil ang mga ito.

Lalim, 'pre. Maganda kung magagawa n'ya 'yun. Kaso, ayaw ko 'atang ipagsapalaran ang anim na taon para lang malaman kung tunay na hindi s'ya matatali sa mga taong tumulong sa kanya.

Tungkol naman sa pagkikipagsapalaran, isang malaking sugal ang ginawa ni Chiz. Bagong pulitika ang kanyang inihahain. At isinasama pa ang buong Pilipinas sa kanyang adhikain. Nguni't kailangan nating suriing mabuti ang kanyang sinasabi. Baka retorika lang ang ating naririnig, salita lamang, walang laman, walang aksyon dahil hindi ma-a-aksyonan.

Ang problema, marami ang mag-aakalang tama s'ya.

Sunday, November 1, 2009

Undas

Araw ng Patay ngayon, o 'yung tinatawag na Undas. Sa totoo lang, kamakailan ko lang narinig ang salitang 'yun, Undas. Parang "Hudas". Noong mga nakaraang taon kasi, 'pag dumarating ang November 1, ang naiisip kong salita ay "Bakasyon".

Bihira na akong dumalaw 'pag araw ng Undas. Masyadong ma-trapik, 'di lamang papunta ng sentimeryo...sertemenyo...sermentenyo...pantyon, kun'di maging sa loob nito. Ang hirap pang humanap ng paradahan; baka mabaril lang ako, tulad ng nangyari doon sa buntis, may ilang taon na ang nakakaraan.

Hindi rin ako nakakauwi ng probinsiya. Kaya, ang huling dalaw ko sa libingan ng aking mga lolo't lola ay noong inilibing sila.

Kadalasa'y 'yung susunod na linggo na lang kami dumadalaw. Okay, naman daw 'yun; makakatanggap pa rin kami ng plenary indulgence.

Naalala ko noong bata pa ako nang sumasama ako sa aking Nanay para maglinis ng pantyon ng aking lolo. Sobrang init 'pag nagpupunta kami doon. Sa katunayan, sa sobrang init ng araw, natutunaw at bumabaluktot ang mahahabang kandila na itinitirik namin.

'Pag sumasama naman ako sa aking lola sa Chinese Cemetery, nakikita ko ang mga pagkaing iniiwan ng mga dumadalaw doon. Alam ko namang para sa mga patay nila 'yun, at hindi para sa kanila. Lechon at Tanduay kasi ang kinakain at iniinom ng mga dumalaw.

Ngayon, 'di na kailangang magdala ng pagkain sa senti...pantyon. Marami na'ng fastfood restaurants ang nagtayo ng kanilang mga ad hoc branch doon, tulad ng McDo, Jollibee, Shakey's, atb. Dati kasi, mga maliliit na stalls lang ang makikita mo, kung saan ang ibinebenta'y mga sandwich, softdrinks, chicheria, at kendi. Ngayo'y natabunan na sila ng mga naglalakihang food chains.

Maganda talaga ang ugali nating dalawin at alalahanin ang ating mga yumao. Pero, sana, 'wag lang minsan isang taon, o kung kanilang kaarawan, o kung kanilang kamatayan, o kung bago tayo ikasal. Kailangan nila ang ating dasal. At kung umakyat naman sila sa langit, tayo naman ang kanilang ipagdarasal. Very effective ang kanilang mga dasal pagnagkagayon, gaya ng effectiveness ng mga intercession ni Saint Jude.

Pero, siyempre, mas maganda kung habang buhay sila, inaalala na natin sila, dinadalaw, inaalagaan, nililinisan, pinapaganda, at kung ano-ano pa na ginagawa natin sa mga libingan. 'Wag lang natin silang tirikan ng kandila, maliban na lang kung bertdey nila.

At kung mamatay na sila, hindi tayo manghihinayang sa mga nagdaang panahong pagsasama natin sa kanila. At hindi 'yung parang tayo'y naghahabol-habol.

Saturday, October 31, 2009

Santi

Isang malakas na bagyo na naman ang dumaan sa Pilipinas, ang bagyong Santi. Buti't sandali lang dumaan dito sa 'Pinas.

Noong nasa Cebu ako, may nabibiling gamot, Santi ang pangalan, na ang nagagawa'y tulad ng Viagra.

Hindi ko naman ito nasubukan kaya hindi ko alam kung gan'un kalakas, at kabilis mawala, ang epekto.

Thursday, October 22, 2009

Ondoy Ng Buhay Ko

'Saktong isang taon ngayon nang ako'y na-exile sa Cebu. Bakit ako napadpad doon? May haka-haka ako, pero, dahil nabalik na ulit ako dito sa Maynila, hindi na mahalaga ang malaman pa kung ano talaga ang naging dahilan, o malaman kung tama ang aking hinala. Ang importante'y kasama ko ulit ang aking pamilya.

Noong ika-1 ng Oktubre ako bumalik sa Maynila, kaya hindi ako nakapag-isang taon sa Cebu. Bago pa man doon, akala ko'y hindi na rin ako magtatagal sa kumpanyang aking pinagtratrabahuhan pagdating ng Oktubre. Naging masalimuot ang buhay ko noon. Sa katunayan, nagkaroon ako ng mataas na high blood. At hindi exaggeration o redundant ang aking kasasabi lamang. Sadyang mataas siya, 150 over 100.

Binigyan ako ng gamot ng aming clinic. Nag-exercise ako, kasabay ni Jackie Lou Blanco. Nag-meditate pa nga ako, pero hindi ako nagsasabi ng "Ohmmmmm". Umiwas na ako sa mga paborito kong tsitsirya, tulad ng Chippy (bakit kaya tinanggal nila 'yung sweet corn flavor?), Big Catch, at salted mani. Hindi na ako kumain ng inihaw na chorizo at CnT Lechon. Gabi-gabi umiinom ako ng red wine, although sobra siya sa nirerekomenda ng duktor na isang baso kada gabi. Mura lang naman ang binibili ko; sa dami ng aking iniinom lumalabas na mas mahal siya ng konti sa Red Horse. Lumagok din ako ng garlic gel, 'yung reduced odor, para hindi ako magka-bad breath. Sabagay, okay lang naman 'yun; wala naman akong hinahalikan sa Cebu.

Suwerte naman dahil mga ilang araw pa bago magtapos ang buwan ng Septyembre may mga himalang nangyari na naging dahilan upang ako'y manatili sa aming kumpanya at mabalik pa sa Maynila.

Matapos kong malaman 'yun, nagpakuha ulit ako ng blood pressure. 120 over 80 na siya. Ang problema, hindi ko tuloy alam kung ano ang nakatulong sa pagbaba nito. Pinagsabay-sabay ko kasi ang mga paraan. 'Pag nagpasukat ulit ako dito at tumaas na naman, hindi ko alam kung ano ang bibigyan ko ng pansin upang bumaba ulit.

Pero, palagay ko, ang pinaka-nakapag-contribute sa aking high blood pressure ay ang tensyon. 'Yung hindi ko alam kung pagdating ng Oktubre ay kailangan kong gumising ng maaga upang pumasok sa trabaho, o 'yung kailangan kong gumising ng maaga upang maghatid ng bata sa paaralan at pagkatapos ay uuwi sa bahay upang matulog ulit.

Sabi ko nga, tapos na 'yun. 'Wag nang pag-aksayahan ng panahon at pag-iisip, kun'di'y baka tumaas pa ang aking presyon ng walang katorya-torya.

Ang naiisip ko lang ngayon ay talagang kung minsa'y may mga unos na dumarating sa ating buhay. At sa mga pagkakataong 'yun, lagi naman tayong may choice, kahit hindi tayo ladies. Madalas nga lang, halos wala kang mapagpilian. Parang choosing the lesser evil, at wala kang makitang lesser.

'Pag ganyan, babaling ka na lang sa mga malalapit sa iyong buhay, mga kaibigan at pamilya. Pero, kung minsan, iniiwan ka rin ng iyong mga kaibigan. At wala rin namang magawa ang iyong pamilya. Kaya, sino na lang ang iyong pupuntahan?

Marahil, may mga nagbabasa ngayon na magsasabing napaka-preachy ko naman, o kaya'y duwag at hindi lumaban. At may magsasabing isa ako sa mga nagpapatotoo sa sinabi ni Karl Marx na ang relihiyon ay opyo ng masa.

Hindi ko naman sinasabing napakasanto ko. Sa katunayan, kung malakas ang aking faith, tataas ba ang aking presyon? Hindi siguro. Basta, ang ginawa ko lang ay ang pasalamatan Siya, gabi-gabi, para sa lahat ng tao: ang aking pamilya, ang aking kasalukuyang staff sa Cebu, at pati mga dati ko sa Maynila (na s'yang mga staff ko ulit ngayon), ang aking mga bossing, at kung sino mang may-galit sa akin. Na'ng sa ganoon, mawala ang galit sa aking loobin.

Kung hindi baka umabot pa ng 200 over 150 ang high blood pressure ko.

Monday, September 28, 2009

How To Ensure Our Politicians Will Be Corrupt

Bumalik na naman si Willie Revillame sa "Wowowee" noong nakaraang linggo. Hindi ko po sinusubaybayan ang palabas na ito; nagkataon lang na ito ang ipinapalabas sa kinakainan kong turo-turo malapit sa opisina.

Alam n'yo na marahil na na-suspinde si Willie sa kanyang palabas dahil isinisingit ng ABS-CBN ang libing ni Pang. Cory Aquino habang ipinapalabas ang "Wowowee". Ewan ko ba naman at kung ano ang pumasok sa isipan ni Willie. Nagreklamo siya, at sabing nagsasaya sila sa istudyo at magpapalabas ng isang bagay na malungkot. Kaya't hiniling n'ya na 'wag nang ipalabas ang libing.

Ngayon, kung mataas ang pagtingin n'yo kay Willie, at ina-idol n'yo siya, siguro naman, bababa na ang paggalang n'yo sa kanya matapos ang pangyayaring 'yon. Kung hindi naman bumaba, at idol na idol n'yo pa rin siya, sana kayo na lang ang inilibing n'ung araw na 'yun.

Eniweys.... Pagkabalik ni Willie, nagpasalamat siya sa mga tao, este, pulitiko pala, na dumalaw sa kanya habang siya ay nasuspinde. Alam naman ni Willie na pagdating ng kampanya, aasahan ng mga pulitikong ito na tutulungan sila ni Willie.

Nagsalita rin si Willie. Sabi n'ya, 'pag itinaas n'ya ang kamay ng isang pulitiko, nasisiguro ng mga manonood na malaki ang pagtitiwala n'ya sa tao, este, pulitiko pala, na 'yun. Kaya, dagdag ni Willie, kung nagtitiwala ang mga tao sa kanya, dapat magtiwala din sila sa kanyang pinagkakatiwalaan.

At, wika n'ya, siya raw ang magiging tulay ng mga mamamayan sa mga pulitikong ito. Manghihingi raw siya ng pera.

O, sige, 'wag na nating isipin na nagpaparinig s'ya sa mga pulitiko, na kung susuportahan n'ya ang mga ito, siguradong maraming boboto sa kanila. Pero, ang manghingi ng pera?

Ewan ko lang, pero, para sa akin, parang sinasabi mo na sa mga politiko na maghanda na sila ng pera at siguradong marami silang ilalabas sakaling mapwesto na sila.

Ngayon, saan naman nila kukunin ang perang 'yun? Kahit si Mikey Arroyo, 'yung naipon n'ya sa kanyang kampanya, inangkin na n'ya. Hindi naman n'ya 'yun ipinamigay.

Maliit din naman ang sweldo ng mga 'yun. Baka kapantay lang ng isang manager sa isang call center. Pero, ang mga politikong ito'y nakakabili ng naglalakihang bahay, 'di lamang sa Forbes Park sa Makati, kun'di pati na rin sa Beach Way Park sa US of A.

At ang mga politikong 'yan ay walang Noontime Show upang kumita ng isang milyong piso isang araw. Kahit na ba sabihin mong katawa-tawa't kainis-inis din tulad ng "Wowowee" ang kanila palabas sa Konggreso, wala namang kumpanya na magpapa-advertise, o magbibigay ng premyo sa kanilang mga sessions. Teka, meron din nga palang magbibigay ng mga premyo, hindi nga lang naka-advertise.

Kaya, saan pa kukuha ng pera ang mga politikong hihingan ni Willie?

Saan pa, eh 'di, sa atin din!

Siguro, sa loob-loob ni Willie, tutal, mangungurakot din naman ang mga politikong ito, makahingi na para hindi naman nila masolo ang nakuha nila. At least, nakapagbahagi sila sa mga mamamayan.

Ewan ko. Kung ganoon ang reasoning, dapat ako rin manghingi. Tutal, galing rin naman sa akin ang kinurakot nila.

Kaso, paano natin mapipigilan ang pangungurakot kung tayo mismo ang gagawa ng dahilan para gawin nila 'yun?

O, baka naman may porsiento rin si Willie sa hihingin n'ya?

Nagtatanong lang po.

Sunday, September 27, 2009

My Dancing Skill

NOTE: Ito ang ika-limang speech ko sa Toastmasters' Club. Hindi ko nailathala ang ika-apat dahil hindi ko 'yun masyadong napaghandaan (kaya't nasa utak lang lahat), at hango rin ang speech na 'yun mula sa isa kong post dito ('yung "Lengguwahe").

Ang pamagat ng
assignment na ito ay "Your Body Speaks". Nangangahulugang kailangang samahan ng body language ang aking talumpati.

Sayang nga lang at hindi n'yo makikita ang aking
body language, na kadalasa'y pagsasayaw. Pinaghandaan ko pa naman siya ng todo. Kahit ngayong isinusulat ko ito sa Blogger, naiiisip ko ang aking ginawa at natutuwa pa rin ako.

(entrance background song: "I want nobody, nobody, but you! I want nobody, nobody but you...!")
My dear fellow Toastmasters and friends. Good evening!

That sure was a very enjoyable induction last Saturday. I would like to congratulate everybody for working hard to make the event very successful. We all deserve a round of applause!

While practicing for the presentation, a lot of people thought that I was a natural dancer. That wasn't so many years ago. I , then, had three left feet, which makes me clumsier than someone who had two. I would stumble on my partner, or, worse (action: as if stepping on partner's foot) ...OOPSSS! Sorry.

I didn't learn those “in” dances in my younger days. I cannot dance the Hustle ("Do The Hustle! Doot dit doot di root di rit doo rit...."), El Bimbo ("El Bimbo! Bailamos El Bimbo, Bimbo, Bimbo...."), or even the “Maski Paps” ("Said, Looking fer' job in a city. Said, Working for a man every night and day...."). “Maski Paps” is short for “Maski Papano”, meaning, just move your body and you're already dancing. So, I just concentrated on learning two styles: the Sweet ("Wise men say, looks like rain today...."), and the Very Sweet ("Let her cry for she's a lady....").

(Background: "Last Dance")
I remember when I was in 4th year High School, our school had a dancing party. There was a batchmate whom I had a big crush. All through the night I was so shy going to her and asking her to dance. On the other hand, she would dance to whoever asked her, even those in the lower years.

I realized that the night was getting late. My father is about to arrive and fetch me. A slow music was played and I thought that this could be my last chance to dance with her.

I glanced to her left, then to her right. No guy within ten feet was approaching her. That's good. I slowly went to her. She was looking at the dance floor, where many couples were now dancing. Her gaze did not even go to my direction. She is like a Toastmaster while I'm the Table Topic Master.

I glanced around her. No guy within twenty feet was approaching her. And that's very good. But before I can say, “May I have this dance?” when...SNAP ("So let's dance to the Last Dance....") ...the pace of the music went fast. Oh no! I could not dance to that! I backed off, turned around and walked away. I looked back and saw a swarm of guys walking fast towards her.

However, I believed that I had the genes of a dancer. My grandfather was once a Dance Instructor. Actually, he was the third husband of my grandmother so I cannot claim any blood relation with him. But two of my uncles became DI's. I watched them during family reunions as they danced so gracefully with my aunts. I imagined I could do the same.

They also earned good money. I thought that being a DI was a healthy and profitable second career. If only I can convince my wife...!

A few years back, my boss, who also liked to dance, hired a DI so we can learn ballroom dancing in the office. I learned the cha-cha ("Oh la ruz, Cha-cha-cha, Oh la ruz, Oh la la...."), the Salsa ("Tall and tan and young and lovely, the girl from Ipanema goes walking...."), and, my favorite, the tango ("La Cumparsita" - "Pam pa ra ram, pam pa ram pam pa ram, pam pa ram pa ram, pam pam!" - with matching dip of partner). Luckily, she's not heavy.

I now reflected how I, once having three left feet, am now down to one an a half. I don't think I'm that good enough to dance with a sexy girl competing in Dance Sport. Still, I know that I gained some skill in dancing, and I learned that skill by observing those who danced very well, believing I could dance, visualizing myself dancing, and did dance, correcting any mistake along the way.

Then, I thought, this could be a good technique in learning a new skill, whether it is to dance, to execute a back hand, to speak in public, to lead a group, or to be honest. First, observe, and, if possible, get a mentor. Second, believe that you can attain that skill. Anyway, whether you believe that you can, or believe that you cannot, you're right. Third, visualize yourself already having that skill. Fourth, actually do it. I think it was John Maxwell who said that even if you are on the right track, you'll get run over if you don't move. Fifth, correct any mistake and remember that mistakes are not failures but are learning opportunities. Finally, repeat the process until you have mastered that skill.

And to show to you my dancing skill I would like to invite someone to dance with me right now. Anyway, I've already prepared my five pesos just in case I go on overtime.

Music please... (ending music: "Last Dance")

Tuesday, August 25, 2009

Surveys

May isang gasoline station na may karatula na nagsasabing walo daw sa sampung Pilipino ang naniniwalang ang kanilang gasolina ay nakakapagbigay ng mas mataas na mileage kaysa sa ibang brand.

Matagal-tagal na rin akong nag-graduate mula sa kolehiyo at parang pinag-aralan namin ito sa Logic 101. Turo sa amin, merong mga pananaw na kung iisipin mo ay lohikal nguni't kung iyong susuriin ay flawed naman. Isa na rito ay 'yung bandwagon thinking. Kumbaga, hindi porke't lahat ng tao ay ganu'n ang pag-iisip nangangahulugan na sila ay tama. Pero, lalo na sa advertisements, parang sinasabi na dahil marami ang naniniwala sa isang bagay, tama ang paniniwalang ito.

Gaya na lang itong ipinaglalandakan ng gasolinahang ito. Parang sinasabi nila na dahil maraming Pilipino ang naniniwalang mahusay ang kanilang gasolina, mahusay nga talaga ang kanilang gasolina. "Fact or opinion?", 'ika nga d'un sa exam papers ko noong elementarya.

Nagkaroon ba ng scientific testing ito? Ano-ano ang kanilang controlled, dependent, at independent variables na ginamit? Baka naman ginamit 'yung Honda Jazz with fuel injection para sa kanilang gasolina, at Ford F-1 para naman sa iba. O baka ang walong pinagtanungan nila ay pawang mga kutsero, at 'yung natirang dalawa ay mga drayber ng ex-pats, na walang pakialam kung gaano kagastos sa gasolina ang kanilang sasakyan.

Marahil, ang isa pang halimbawa ng bandwagon thinking ay itong mga ginagawang surveys para sa susunod na eleksyon. Bakit nga ba nagkakaroon ng survey? Ano ang kahulugan ng mga survey na ito?

Halimbawa, si Manny Villar daw ang pipiliin ng karamihan ng mga botante, ayun sa isang survey. Ang ibig sabihin ba nito, si Manny Villar ang karapat-dapat na maging susunod na pangulo natin? Ito ba ang magiging basehan ng ating pagpili sa darating na eleksyon? At ang survey na ito ay may sample size na isang libo't limang daang katao. Ibig bang sabihin na dahil sa ang pinili ng nakakarami sa isang libo't limang daang na'to ay si Manny Villar, siya rin ang dapat pipiliin ng nalalabing mga anim na pung milyong botante?

"Dasalasanansens!", 'ika nga ni Pugo, mahigit tatlumpong taon na ang nakakaraan.

Ang masaklap nito, si Manny Villar ang nangumisyon sa nasabing survey. Maging ang dating pangulong si Erap ay nangumisyon din na gumawa ng parehang survey. 'Yun nga lang, ang lumabas sa ikinumisyon ni Erap ay ang nangunguna raw sa laban ng pagka-presidente ay nagngangalang Joseph Estrada.

Teka, 'di ba siya rin 'yun? Parang kung sino ang nagbayad para gawin ang survey 'yun din ang sinasabi ng survey na nangunguna sa karera sa pagka-pangulo.

At kung minsan, pareho pang kumpanya ang kinumisyon ng magkaibang tao, at magkaiba rin ang resulta.

Malabo 'ata 'yun. Kung sino ang nagbayad, siya ang nananalo? 'Di kaya para tayong niloloko ng mga politikong ito? At ang gumagawa ng mga survey, 'di lamang kasangkot sa panlolokong ito, kumikita pa sila. Para tuloy ang gandang magnegosyo ng pakuha-kuha lang ng survey. Laway lang ang puhunan. Wala namang aakuhing responsibilidad kung ano ang kalalabasan ng ginawa. Parang, "Bayaran mo ako para marinig mo kung ano ang gusto mong marinig." Ang masaklap noon, may karugtong na, "At paniniwalaan ako ng marami!"

Alam ko, may sinulat si Ms. Winnie Monsod tungkol dito sa mga surveys, at anong kahibangan ang paniwalaan natin ang mga ito. Sayang, 'di ko naitago 'yung naisulat n'ya.

Kaso, kahit mailathala muli ni Ms. Monsod ang dati n'yang artikulo, ang mga survey pa rin naman ang paniniwalaan ng mga tao.

Dasalasanansens!!!!

Saturday, August 22, 2009

Why Tithe?

NOTE: Ito ang ikatlo kong speech sa Toastmasters' Club. Ang pamagat ng assignment ay "Get To The Point". Kailangang may general purpose, tulad ng to inform, to persuade, to inspire, o to entertain. Kailangang meron ding specific purpose at ma-achieve ang mga purpose na ito. Sa pag-deliver ng speech na ito, kailangang mag-project ng sinseridad at conviction, walang pangamba, at hindi nagbabasa ng notes. Siyempre, malalalaman lang ang huli kung nandun kayo't nakita akong nagsalita. At least, makikita n'yo kung naabot ko 'yung malaman ng mga tao kung ano ang aking general at specific purposes. Nakita n'yo ba?

ISA PANG NOTE: May grammatical error dito. Kita n'yo kung saan?

Two dollar bills, one was a hundred while the other was a one-dollar bill, were about to be put out of circulation by the Treasury Department. As they were awaiting to be shredded, the hundred dollar bill said, "Life has been very good. I've been to different places all over the world, like Paris, London, Tokyo, Sydney, and that most beautiful city of all, Cebu. Yes, I've no regrets; life has been good to me."

"How about you," it asked the one-dollar bill. "What places have you been to all your life?"

The one-dollar bill replied, "Church, church, church...."

Tithing is one of the more controversial issues in churches. There are those that say God has never commanded us to tithe, while others claim that tithing is a biblical law. Then there are others who say that giving ten percent of our income is not applicable anymore since St. Paul, in his second letter to the Corinthians, removed such a limit. This way, giving to churches is not called tithing anymore, but called love offering.

I will not delve on the legality of tithing, or how much percentage of one's income should be given. Rather, I will show the benefits of giving. I will also use the words “tithing”, “offering” and “giving” interchangeably.

The first benefit is that I believe tithing helps us to avoid "serving mammon".

Consider this. If something is very precious to you, would you just give it away? Won't you rather hold on to this precious something?

Now, consider another. If something is very precious to you, and you freely gave it away, what then do you cherish more, the thing that you gave away or the recipient of that thing?

Jesus warned us of having to choose between God and mammon (Matthew 6:24 / Luke 16:13). By parting with our material goods, we are also choosing which is more important.

The second benefit is that tithing helps the church to continue with its functions.

We may not be of this world, but we are in this world. That means we have to follow the rules of the world, and one of that is economics.

Our places of worship use electricity. Our ministers and missionaries have their basic needs. All these cost money, and our offerings help to defray these costs.

With our tithes, we become a part to bring into reality that petition "Thy kingdom come".

Third, we are blessed when we tithe.

In Malachi 3:10, God dares the Israelites to bring the whole tithes into His storehouse, and see so much blessings poured onto them. It is as if God had made a game with them, to see who can give more. Of course, it is a game which, fortunately, the Israelites will never win, for they can never out give the Giver.

Although some may question the interpretation of this passage, I, for one, have experienced so much blessings when giving to the church. I may still have problems, especially financial ones, but, whenever there is a very pressing need for money, somehow help always comes.

Of course, it is self-defeating if we give because we expect to receive. We'll just go back to the question "which is more important, God or mammon?" And I'm sure Manny Pacquiao will agree with me when I say, “It is better to give than to receive”.... You know!

Tithing, then, is more of a spiritual act than an economic one. Some say that there should be a sense of sacrifice when we give. I heard one priest say, "Give until it hurts."

Of course, God can provide to His ministers and missionaries. Just as He gave manna to His people as they crossed the desert, He, too, can give to the needs of His workers. So, why tithe?

No, God does not need to receive, but we need to give.

Tuesday, August 4, 2009

Tita Cory (Part 2)

Ang isang pangarap ko sa buhay ay 'yung 'pag ako'y namatay, maraming mga kaibigang dadalaw sa aking burol. Lahat sila'y malungkot, nag-iiyakan, at nagsasabing, "Sayang at wala na siya."

Itinigil ko na ang pag-iisp sa pangarap na ito. Nagiging vivid na kasi. Baka, ayon sa Law of Attraction, ma-attract ko ang aking kamatayan. At, palagay ko, iilan lang ang malulungkot sa aking pag-alis.

Kanina, napanood ko ang Necrological Service para sa dating Pangulong Cory Aquino. Tulad ni Kris, napaiyak din ako. Pero, 'di tulad n'ya, hindi naman ako napahagulgol. Buti na lang at nag-iisa akong nanonood ng TV; nakakahiya naman kung marinig nila ang aking singhot.

Mas lalo kong nakilala si Tita Cory sa mga pahayag ng mga kaibigan. Higit doon, mas lalo kong nalaman, at namangha, sa mga nagawa n'ya.

Ilang ulit nabanggit ang kanyang pagiging matapang, and kanyang pagkakaroon ng integridad, ang kanyang mabuting pamamalakad noong siya ay nasa pamahalaan, ang kanyang paniniwala at pag-asa sa mga Pilipino, at ang ang kanyang malakas na pananalig sa Diyos.

Nabanggit din na dahil ibinigay n'yang ehemplo ang kanyang sarili, na dati'y isa lamang na housewife, nguni't naging presidente, ang isang kaibiga'y maniwala sa sarili at naisakatuparan ang kanyang potensyal.

Ang kanyang duktor naman ay nagsabi na nagtitiwala si Tita Cory sa mga Pilipinong duktor, at gusto n'ya na sila ang tumingin sa kanya.

Ang isang makabagdamdamin sa akin ay noong nagsalita ang kanyang security aide. Sa lahat ng mga nagsalita, siya ang may pinaka-mahinang Inggles. Nguni't, ang kanyang mensahe ang pinaka-"galing sa puso". Sinabi n'ya na binigyan ni Tita Cory ng dangal ang mga "maliliit" na taong naglilingkod sa kanya.

Marahil, hindi lang para sa security aide n'ya ginawa 'yun ni Tita Cory, kun'di para sa buong bayang Pilipino. Ipinakita n'ya sa atin ang ating dangal. Sabi nga, ayon kay Ninoy, "The Filipino people is worth dying for." Nguni't para kay Tita Cory, "The Filipino people is worth living for."

Meron ding nagsabi na dahil kay Tita Cory, naging proud siya na maging Pilipino.

At sa aking palagay, ito ang mas higit na legacy na kanyang iniwan, kesa sa demokrasyang naibalik sa atin.

Habang pinanonood ko ang service, naisip ko, paano kaya ang mangyayari kung sina FVR, Erap, o GMA na ang pumanaw. Marami rin kaya ang magsasabi kung gaano sila kabait at katapat sa kanilang posisyong pinaglingkuran? O matutulad ba sila ni Marcos na hanggang ngayo'y naka-display pa rin, naghihintay may magsabing maaari na siyang ipahinga't ilibing ng walang kahihiyan.

Paano kaya ang aking sariling libing?

Sabi nga nila, noong ipinanganak ka, ika'y umiiyak habang ang lahat ay nakangiti. Sana, sa iyong pagkamatay, ika'y nakangiti habang ang lahat ay umiiyak.

Kay raming nagpapakita ng pagmamahal at pasasalamat kay Tita Cory. Marahil, ang mas mahusay na paraan ng pasasalamat ay iyung ipagpatuloy ang mga nagawa niya: ang pagiging tapat sa tungkulin, ang pagmamahal at talagang paggawa upang makaangat sa buhay ang nakararami sa ating bansa, ang hindi pagwawalang bahala lalo na kung ang ating kalayaan ang nakataya, ang pagtitiwala sa mga Pilipino, at ang malakas na pananalig sa Diyos, 'di lamang sa salita, o sa panlabas na gawa, kun'di na rin sa kalalim-laliman ng puso.

Hindi ako ipananganak sa greatness tulad ni Tita Cory. Hindi ko maaabot ang kanyang naabot, at maging mabuting impluwensiya sa napakarami nating kababayan. Nguni't, kahit sa maliit na paraan, maisakatuparan ko sana ang dasal ni Tita Cory para sa atin, na ang Pilipino ay magkaisa, magtulungan, at umunlad.

Sa ganoon, magiging tunay ang aking pasasalamat sa kanya.

Saturday, August 1, 2009

Tita Cory

Mahirap at malungkot ang mamatayan, lalo na kung ang taong iyon ay malaki ang nagawa para sa'yo. Yan ang naramdaman ko nang mamatay ang aking tatay at ang aking lola. Ang huli ang siyang nag-alaga sa 'kin, nagpalaki, at nagturo.

Ngayong araw, isang tao ang malaki rin ang nakagawa, 'di laman para sa akin, kun'di para sa bansang Pilipinas at, marahil, para sa buong mundo. At yan ay ang dating presidente, Corazon Aquino, o sa mas malambing na ngalan na "Tita Cory". Mga alas-tres ng umaga nang siya ay pumanaw, at isang bayani ang nawala na naman.

Bilib ako kay Tita Cory. Marahil, hindi n'ya naisip na mangyayari sa kanyang buhay ang mga karanasang naganap sa kanya. Isang tahimik at pribadong tao, napasok siya sa pampublikong buhay, sa pulitika, at naging presidente pa ng bansa. Siguro, nakatala na sa buhay n'ya na ganun ang kanyang tatahakin. Hindi naman n'ya plinano ang mga ito. Ito 'yung "ibinigay sa baraha" na kanya, at nilaro naman n'ya sa abot ng kanyang makakaya. At, sa palagay ko, naging mahusay ang kanyang "paglalaro".

Bakit ako nabilib sa kanya? 'Eto ang mga dahilan:

1. Siya'y nasa-background lamang habang ang kanyang asawa'y sikat-na-sikat.

Isang tahimik na maybahay ang ginampanan ni Tita Cory habang ang kanyang asawa'y inaakalang magiging susunod na pangulo ng Pilipinas. Hindi siya "sumakay" sa kasikatan ni Ninoy, at, sa halip, hinayaan ni Tita Cory na magningning ang kanyang asawa sa larangan ng pulitika. Nakilala ko lang si Tita Cory nang mamatay na si Ninoy.

2. Nangampanya siya para kay Ninoy.

Kalakasan ng kapangyarihan ni Marcos noon, nakakulong si Ninoy, nguni't hindi inintindi ni Tita Cory ang kanyang kapakanan nang nangampanya siya para sa kanyang asawa. Kay dali-daling ipahuli ni Marcos si Tita Cory at ipakulong, pero hindi ito ikinatakot ni Tita Cory.

3. Tumakbo siya sa pagkapangulo.

Kalaban ni Tita Cory si Marcos, isang bihasang pulitiko, sanay sa mga dayaan, hawak ang militar at mga taong magpro-proklama ng nanalo, hawak ang mga local officials na kayang-kayang baguhin ang resulta ng mga boto. Nguni't dahil sa tindi ng dasal, at paghimok ng isang milyong lagda, pumayag na siya'y tumakbo. Isang malaking kalokohan, pero lumaban pa rin.

Dito rin ako nabilib kay Doy Laurel upang pumayag na gamitin ang kanyang itinayong partido, at pumayag na tumakbo bilang bise-presidente, upang magbigay daan para kay Tita Cory. Kung hindi n'ya ginawa 'yun, siguradong matatalo sila, kahit hindi na mandaya si Marcos.

4. Itinatag n'ya ang pundasyon para sa mga susunod na mga pangulo.

Sabi ni Ninoy na kawawa ang susunod na pangulo pagkatapos ni Marcos. Siguradong mahihirapan iyun. Ironic, dahil ang sumunod kay Marcos ay ang kanyang asawa.

Hindi nga madali ang sundan ang dalawampung taon na rehimen ng diktatura. Anim na taon lang ang ibinigay kay Tita Cory. Anim na taon, laban sa dalawampung taon? Hindi lang 'yun, may kasama pang coup attempts na lalo lang nagpabagal upang tayo ay makaahon muli. At marami sa ating mga kababayan ang nainip. Ano ang gusto nilang gawin, maging diktador din si Tita Cory upang sa isang iglap ay mabago ang takbo ng bansa? 'Di ba, 'yun ang kanyang kinalaban? 'Di ba, 'yun ang inayawan ng ating mga kababayan?

Noong pahanon ding 'yun nakaranas tayo ng mga walong oras na brown outs araw-araw. Pero may ginawa pa rin si Tita Cory upang maiwasan ang mga 'yun.

Sa aking palagay, si Ramos ang pinakamaswerte dito. Siya ang nagtamasa sa lahat ng mga ginawa ni Tita Cory. Naging maunlad ang Pilipinas sa panahon ni Ramos. Nguni't, sa aking palagay, kun'di dahil sa mga ginawa ni Tita Cory, malamang hindi naging matagumpay ang termino ni Ramos.

5. Naging matatag siya sa kabila ng kanyang sakit.

Mas maraming hirap ang pinagdaanan ni Tita Cory, at isa na marahil dito ang malaman n'yang may taning na ang kanyang buhay. Nguni't, sa kabila noon, hindi nanghina ang kanyang pananalig sa Diyos. Marahil, 'yun ang nagbigay lakas sa kanya, 'di lamang noong nagkaroon siya ng sakit, kun'di na rin noong mga panahong nakakulong si Ninoy at, kalaunan, napatay siya, noong mga coup attempts, at noong kay raming bumabatikos kay Tita Cory, isa na rito na sinasabing wala siyang utak.

Hindi ko sinasabing perpekto si Tita Cory, o naging perpekto ang kanyang pamumuno. Marami rin namang mga nangyari na nakakalungkot, tulad ng pagkamatay ng ilang magsasaka sa Mediola, ang hindi pagbawi ng mga yamang-nakaw ng mga Marcos at ng kanyang mga alagad, ang kulang sa pagpapatupad ng Agrarian Reform lalo na sa sarili nilang hacienda. Ganun pa man, si Tita Cory ay nasa gitna ng kritikal na panahon ng ating bansa, at ginawa n'ya, sa abot ng kanyang makakaya, na walang iniisip para sa sariling kapakinabangan, upang mai-ahon ang ating bayan. At, hanggang sa huling sandali, naniniwala pa rin siya na darating ang panahon na makakabangon din ang Plipinas sa pagkalugmok nito sa kahirapan.

Sabi ni John Maxwell na ang tanging batayan ng isang lider ay kung ma-i-impluwensiyahan n'ya ang kanyang mga tagapasunod o hindi.

Naaala ko noon, isang linggo pagkatapos ng snap elections, at kadedeklara lamang ng Batasang Pambansa na si Marcos ang nanalo, nagkaroon ng isang rally si Tita Cory. Nanawagan siya na i-boycott ang mga kumpanyang tumulong kay Marcos. Bumagsak ang halaga ng mga stocks ng mga kumpanyang ito, ang isa na ay ang San Miguel Corporation. Akala ko hindi magagawa ng mga Pilipino, pero bumagsak din ang benta ng San Miguel beer.

Buti na lang, pagkaraan ng ilang araw, inumpisahan na nina Ramos at Enrile ang kanilang pagrerebelde. Kun'di, baka tuluyang nauhaw ang mga Pinoy sa beer.

Sa pagpanaw ni Tita Cory, ipinagdarasal ko na makita ang mga magagandang nagawa n'ya para sa bayan, kahit hindi n'ya ginusto na malagay siya sa pwesto. At kung ano mang pagkakamali na nagawa n'ya, nawa'y mapatawad siya ng ating kasaysayan.

Salamat, Tita Cory, sa lahat ng iyong nagawa, at sa lahat ng mga aral na iniwan mo sa aming mga Pilipino at sa buong mundo.

Thursday, July 2, 2009

Wow! Wow! We Are A Sad Nation!

Kung kayo'y nasa abroad at wala kayong TFC (The Filipino Channel), malas ninyo; hindi n'yo napapanood ang isang napakasikat na noontime show ever, ang Wowowee. Kay rami n'yo ring mga aral na 'di n'yo mapupulot.

1. Wow, sexy!

Ang unang ma-mi-miss ninyo ay ang opening number ng ASF Dancers, mga naggagandaha't seksing-seksing mga babae. Naka-two piece sila, at may mga banderitas sa kanilang kasuotan. Seksi rin ang kanilang pagsasayaw, at ang mga nakakabit na burloloy ay nagwawagayway habang sila'y nangingnig na tila may sakit na epilepsy. Feeling ko para 'yung pagsasayaw ng mga babae sa bar bago tuluyang hubarin ang kanilang suot.

May mga nag-i-split din. Sabi nga ng isang nakapanood, ang huhusay naman nila. Sabi ko, kasama talaga 'yan sa talent nila. Marahil, isa yan sa pinag-aralan nila sa kanilang trabaho bago sila naging ASF Dancer.

Naalala ko tuloy 'yung kantang Help nina Lennon at McCartney, pero babae ang kumanta, at mabagal ang estilo ng pagkanta. Ang tawag namin sa kantang 'yun ay "Kablag". Kasi, 'pag isinayaw 'yun ng sexy dancer, pag-split n'ya, isang malakas na dabog ang iyong maririnig: "Help (Kablag!) me if you can I'm feeling dooooown."

Minsan nang na-suspend ang palabas na ito dahil daw sa kalaswaan. May nangyari kasi na nahubaran 'yung isa nilang dancer kaya lumitaw 'yung nips. Wala na ngang nahuhubaran ngayon pero para sa akin malaswa pa rin ang nakakahumaling na sayaw ng ASF Dancers. Ewan ko kung bakit sila nakakalusot; baka Eat, Bulaga ang pinanonood ng mga taga-MTCRB.

2. Wow, ang swerte!

Ang ikalawa nama'y hindi ninyo matututunan na kailangan ng swerte upang umunlad ang buhay ng isang tao. Isang tamang hula lang, maka-jackpot lang, aasenso na ang isang contestant. Hindi mo kailangang maghanap-buhay, magbanat ng buto, magtrabaho. Basta, pag-swerte ka, solb lahat ng problema mo.

Siyempre, sa dami-dami ng mga nais sumali, maliit din naman ang iyong tsansa para maging kalahok. Pero, kung makasali ka naman, hindi mo pa rin nasisiguro na mag-uuwi ka ng maraming pera. 'Pag minalas-malas ka, baka isang ulo ng bawang o dalawang itlog lang ang mauwi mo. Okey lang din, basta't may tsansa kang manalo ng limampung libong piso.

Kung 'di mo napanalunan, malas mo lang talaga.

3. Wow, pasok ako!

Ang ikatlo nama'y hindi mo malalaman na hindi mo kailangang magbenta ng katawan upang magpaka-pUt@. Basta't marunong ka lang sumunod sa lahat ng ipapagawa sa'yo, kahit na ika'y magmumukhang tanga, gagawin mo, kumita lang ng pera. Dapat mahusay kang gumiling, na parang stripteaser ang dating, o kaya'y magkandalito sa "Hep, Hep, Hooray!", ayos lang. Malay mo suwertehin ka ngayon.

4. Wow, kay bait ko dahil ako'y galante!

Alam ko na ang pangunahing objective ng isang variety show ay magbigay saya. Nguni't ang pangunahing bentahan ng palabas na ito ay ang magbigay ng pag-asa sa mga manonood upang sila'y guminhawa. Kaya, hindi lang sila nakakapagbigay ng aliw, nakakatulong pa sila sa nakakarami.

Balita ko isang milyong piso ang kinikita ng host kada araw mula sa palabas na ito. Naisip ko, kung talagang gusto niyang tumulong, bakit hindi na lang n'ya ipamigay ang kanyang kinikita? Magkano lang ba ang napapalanunan ng mga kalahok, wala pa sigurong isang daang libong piso bawa't palabas, at ang perang iyon ay nanggagaling pa sa mga sponsors.

Mahaba-haba rin ang palabas na ito. Mga ala-una ng hapon siya nagsisimula, at pagdating ng alas-tres ay palabas pa rin siya. Hindi pa ako nakakapanood ng buong palabas; napapanood ko lang ito habang kumakain sa karinderyang aking pinupuntahan. Minamadali ko nga ang aking pagkain upang makaalis na sa lugar na 'yun.

Kay rami ring taga-hanga ang palabas na ito. Sa katunayan, kahit na halos isang daan ang namatay at may tatlong daan ang nadisgrasya noong mag-selebra sila ng kanilang unang anibersaryo sa ULTRA, sige pa rin ang pagdagsa ng tao upang makapasok sa palabas na ito. Ang pag-asang makapag-uwi ng malaking pera ang nag-uudyok sa kanila upang makipagsiksikan, at suungin ang ano mang sakuna na maaari nilang abutan.

Nanalo na rin ng ilang awards ito. Siguro, ang tinitignan ng mga award-giving bodies na ito ay kung gaano kasikat ang palabas, at kung gaano karaming ipinapasok na pera para sa mga producers.

Sayang nga lang at pasukan na ng mga bata. Hindi na nila makukuha ang mga values na ibinibigay ng palabas na ito.