Saturday, December 25, 2010

Paskong Pangaral ng Pelikulang "Babe"

Isang paborito kong pelikula ay ang "Babe", tungkol sa isang biik na umarteng aso. Nominated s'ya sa Oscars bilang Best Picture noong taong 1995. Hindi nakakawasang panoorin; nakakapagpatulo pa rin sa akin ng luha kahit maka-ilang beses ko na s'yang napanood.

Bakit ko ba nabanggit ang pelikulang ito? Naalala ko lang kasi ito dahil sa homily ng pari kanina sa misang pinuntahan namin. Naalala ko 'yung dalawang eksena sa pelikula.

Stupid flock


Ang una'y nang ikinuwento ni Fly, 'yung babaeng aso, kay Babe tungkol sa pagkabingi ng asawa n'yang si Rex, isang sheepdog na malaki sana ang pag-asang maging national champion.

Kuwento ni Fly, isang gabi'y may dumating na malakas na ulan, na s'yang ikinataas ng tubig sa lugar nila. Si Rex at ang kanyang amo'y sinagip ang karamihan sa mga tupa, nguni't may mga naiwan. Binalikan ni Rex ang mga ito.

Pinilit ni Rex na iahon ang mga tupa, iakyat sa mataas na lugar. Tinahulan n'ya ng tinahulan ang mga ito upang sumunod sa kanya. Sa kasamaang palad, hindi s'ya pinakinggan ng mga naiwan at ang mga ito'y nalunod at namatay.

Paki-usap ni Maa


Ang ikalawang eksena nama'y nang si Babe ay nagtangkang maging "sheepdog", at ipastol ang mga tupa.

Noong una'y pinagtatawanan lang ng mga tupa si Babe, pero, naki-usap ang biik sa parang lider ng mga tupa, si Maa, na sana'y sumunod sa kanyang pagpapastol. Kinausap ni Maa ang ibang mga tupa, at sumunod ang mga ito kay Babe.

Parang may-aral ang mga ito


Ang naisip ko agad ay parang ang tao ay tulad ng mga tupang iyon. Una, kahit na para sa ating kapakanan, ayaw nating makinig. Ikaliligtas na natin sa ating kamatayan pero kay tigas pa rin ng ating mga ulo't hindi tayo sumusunod. Lalo na nga't ang nagsasabi ay hindi "katulad natin".

Pero, ang ikalawa, kung ang magsasabi naman sa ati'y isang kaibigan, katoto, o kakampi, tiwalang-tiwala tayo sa kan'ya.

Eh, kung ikaw kaya ang maging tupa?


Kunwari, gusto ng magsasaka na kung maulit ang baha, ang pag-aari n'yang mga tupa ay makakapag-isip at makakatakas.

Biglaan, kinausap s'ya ng Diyos.

"Kung gusto mo talagang silang tulungan, kailangang maging tulad ka nila upang sila'y makinig sa 'yo.

"Ipapanganak ka na bilang tupa, lalaki at tatanda. Matututunan mo ang kanilang mga ugali, ang kanilang pananalita, at paraan ng kanilang pag-iisip. Tapos, kakausapin mo sila upang huwag silang manatili sa mababang lugar kapag tumaas ang tubig. Sasabihan mo silang maliligtas sila kung pakikinggan nila ikaw. At ang sinumang makinig sa'yo ay mabubuhay."

"Sige, game ako d'yan!" sagot ng may-ari.

"Pero, may isang problema," wika ng Diyos.

"Ano po 'yun?"

"Mananatili ang iyong kamalayan bilang tao kahit na ang iyong anyo ay tupa."

"Ano po ang ibig N'yong sabihin?"

"Na sa magiging buong buhay mo bilang tupa, alam mo na ikaw ay tao talaga. Ang isip mo'y tulad ng tao, pero ang kilos mo ay tupa. At makakasalamuha mo ang mga kapwa mo tupa, samantalang ang mga tao'y tratratuhin kang isa ring tupa."

"Makikinig po ba ang mga tupa sa akin?" tanong ng may-ari.

"Nasasa-iyo na 'yan. Kaya ka magiging tupa ay upang makumbinsi mo sila na maaari silang makaligtas."

"Magiging tao po ba muli ako?"

"Oo, pero, bago noon, ikaw muna ay pipiliin mula sa ilang daang tupa, kakatayin, at iaalay bilang isang sakripisyo."

"Masakit po ba ang aking kamatayan?"

"Malungkot dahil nag-iisa ka lamang sa altar, at iiwan ka ng mga kaibigan mong tupa. Masakit dahil dahan-dahan ang iyong pagkamatay. At pagkatapos noo'y maaaring malimutan ka na."

Kung ikaw kaya 'yung magsasaka, papayag ka sa ganitong arrangement?

Siguro, kung talagang mahal na mahal mo ang iyong mga tupa, papayag ka. Isipin mo, iwan mo ang anyong tao at magpalit ng anyong tupa. At gagawin mo 'yun para lang makaligtas ang iyong mga alaga.

Eh, kung tutuusin, kung mamatay man ang mga iyon, madali namang bumili ng kapalit. O kaya'y maghintay ka na lang na may manganak.

And the Word was made flesh.


Parang ganyan ang sermon ng pari kanina.

Ang Anak ng Amang Diyos ay nagkatawang tao upang mayroon, na katulad nating tao, na magsasabi na maaari tayong maligtas mula sa kamatayan.

Palagay ko, 'yan ang diwa ng Pasko: na sa sobrang pagmamahal ng Diyos sa atin, pumayag S'yang maging tao, at, sa kalaunan, maging isang sakripisyo para sa atin.

Kung minsan, ang hirap isipin. Kahit magkaroon na tayo ng isang example para maintindihan natin ang ginawa nito ng Diyos, ang hirap pa rin i-take. Pero, 'yan ang katotohanan. Nagkatawang tao S'ya para mai-akay N'ya tayo sa mas "mataas na lugar", at nang sa gayon, hindi tayo malunod at mamatay.

Ang tanong, pinakikinggan ba natin S'ya?

Mula sa akin at sampu ng aking pamilya, isang Maligayang Pasko sa inyong lahat!!!!

Wednesday, December 1, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 30 + 1

Tapos na ang National Novel Writing Month. Nakapagsulat ako ng limampung libong mga salita, na s'yang target sa mga sumali rito. Noong ika-29 ng Nob ko pa s'ya naabot, kaya may isang araw pa akong naging palugit.

Ngyon, tawag na nila sa akin "novelist".

Para 'atang 'di ko matanggap 'yun.

'Di pa kasi tapos ang aking nobela. At ang siste pa, matapos kong maabot ang aking target, hindi na ako nakapagsulat ulit.

Sayang naman. Nag-i-imagine pa naman ako na 'pag natapos ko ang nobela, i-se-self-publish ko s'ya sa Lulu. Tapos, may dalawampung libo na ang bumibili ng aking aklat. At sa expected net ko na US$ 5.60 kada benta, may halos US$ 120k na ako. Tay-mis 45, aba! Fayb po-int por milyon pesoses din 'yun! Tama na pambili ng bahay at bagong kotse.

At naiisip ko rin na may magkakagusto na Hollywood producer sa aking nobela at bibilhin n'ya ito. May paunang bayad na wan milyon dolyares, US, na tumataginting. Tapos, hihingin ko na ang aking royalty sa pelikula ay 10% ng gross, kasama na rito ang mga benta sa DVD (kaya sisiguraduhin kong walang DVD ng pelikula ang maibebenta sa Quiapo).

Eh, kumita s'ya ng US$ 500M. "M", hindi "k". Kaya, 10% noon, eh...pipti milyon dolyares, US!

Talo ko pa si Pacman!

Mukhang magandang pangitain 'yun, ah. Sige, pag-iigihan ko ang aking pag-imagine. Baka makuha ko s'ya sa Law of Attraction.

Kaso, kailangang matapos ko muna 'yung nobela.

Tuesday, November 30, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 30 ; Lessons Learned

Sa pagsali sa NaNoWriMo 2010, may mga natutunan din naman ako:

1. Never over-estimate week-ends and holidays. If you plan on writing 10k words on each of those days, chances are life will have other plans for you.

2. Even if you're using the Internet, such as Wordpress, to write your novel so you can write anywhere in the world, it is still a good practice to often click the "Save" button. The "automatic save" setting does not work. If it did, it will save your work only after you clicked Ctrl-A, then mistakenly clicked Ctrl-V (instead of Ctrl-C), replacing your 2,500-word chapter with a short paragraph on Ecology.

3. Your MLs are there to help you, not to intimidate you. Participate in the activities!

4. Write whatever that comes into you mind. Thus, it is best that a paper and pen is always handy, even if you only have a bus ticket and a Bensia pencil. Just don't write while you drive.

5. It is better to write than to play Solitaire. It is not true that if you win a game your crush also has a crush on you.

6. Scheduling is important. Never watch Harry Potter and My Amnesia Girl both on the same day.

7. Don't sweat the small stuff. There are things less important than NaNoWriMo. And one of them is 'work'.

8. Writing 50 words in 3 minutes is easy. Writing 50k words in 30 days is difficult.

9. It is okay to be down by 12k words. Just be sure you are still in the second week of the month.

10. You don't have to be perfect; you only have to enjoy.

Looking forward na ako sa susunod na taon! Sana, sumali rin kayo.

Monday, November 29, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 29


"I won! I won!"

Umabot ako ng 50,248 words sa nobelang aking isinusulat, although hindi pa talaga s'ya tapos. Mga mahigit two-thirds na ng nobela ang aking nasusulat, o, to be exact nasa 41 / 57th na ako.

Ngayon, may bragging rights na ako para makapagyabang na nakapagsulat ako ng isang nobela.

Ay, hindi pa nga pa pala. Kailangan ko pang isulat 'yung 16 / 57th part.

Wednesday, November 24, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 24 ; Good News, Bad News

Bad News: Nag-overheat ang aking sasakyan.
Good News: Magagamit ko ulit ang aking Wheelers' Club. Sulit!

Bad News: Leave ako ngayon sa trabaho.
Good News: Leave ako ngayon sa trabaho.

Bad News: Sa Sta. Ana pa ang aking talyer.
Good News: Malapit ang talyer sa Robinson's Manila.

Bad News: Kailangang hintayin ko na maayos ang kotse dahil kailangan ko siya bukas.
Good News: Malapit ang talyer sa Robinson's Manila.

Bad News: Hindi ko nakain ang aking baon dahil wala akong magamit na microwave oven sa mall.
Good News: May napaligaya ako dahil ipinamigay ko na lang ang aking baon.
Prayer: Sana, hindi sumakit ang kanilang tiyan.

Good News: May Netopia sa mall.
Good News: Nakapagsulat ako ng 4,985 words.
Good News: Off ako ng less than two days na lang sa aking target.
Bad News: Gumastos ako ng P 192.

Good News: Natapos na ang pagpapaayos ng kotse.
Bad News: Natigil na ang aking pagsusulat.
Good News: Natigil na rin ang aking paggastos sa Netopia.

Over-all, kahit malaki-laki ang gastos ko, sa pagbigay ng tip sa drayber ng Wheeler's, sa pagkain ng pananghalian sa labas, sa paggamit ng PC sa Netopia, at sa pagpapaayos ng kotse, naging maganda ang takbo ng aking araw.

Prayer: Thank You, Lord, for this day!

Sunday, November 21, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 21

Total count as of today: 32,660

Waw! Mahigit pitong libong salita ang naisulat ko ngayong weekend. Nakahabol ako! Bago sumapit ang Sabado, nahuhuli ako ng limang araw, o mga 8,500 na salita. Nakakapanglumo. Kung minsan, iniisip ko kung kaya ko pang ipagpatuloy ang ginagawa ko.

Ang sinasabi nga nila, mga sira lang ang ulo ang mga sumasali sa NaNoWriMo. At mga luko-luko ang nananatiling magsulat hanggang katapusan ng buwan.

Maganda nga lang ang support system, lalo na kung sasali ka sa isang region. Siyempre, sa Philippine region ako kasapi.

Merong dalawang Municipal Liasons o MLs, na siyang tumutulong sa mga Pinoy Wrimos makatapos ng kanilang mga nobela. Mahirap din ang trabaho nila bilang MLs. Nagususlat na sila ng kani-kanilang nobela, nag-pla-plano pa ng mga parties, write-ins,at kung ano-ano pang pakulo na kanila ring pinupuntahan, nagpapadala ng mga emails sa mga miyembro ng rehiyon, nagsusulat at sumasagot sa forum, at meron ding mga pa-contest para lang makatulong sa ibang mga kasali na makapagsulat ng marami. Galing nila!

Kaya, hats off ako sa kanila: sina Tina at Liana.

Salamat sa inyong dalawa. Kun'di dahil sa inyo, baka nag-give up na ako noong isang linggo pa.

Sunday, November 14, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 14

I am down by 12,000 words. Sobrang dami!

Ang hirap kasi 'yung alam mong may piyesta opisyal, 'yung isang araw na walang pasok. Magpapabaya ka kasi alam mo namang may panahon ka upang makahabol.

Kaso, sobrang dami na ang araw na hindi ako nakakapagsulat.

Kaya, ngayon, iniisip ko na makakapagsulat ako ng 5,000 words itong Sunday, dalawang libo bukas, at walong libo sa Martes.

Iniisip ng mabuti, 'yung vivid at realistic. Isama pa ang lahat ng senses habang ini-imagine ko 'yung dami ng salitang aking isusulat ngayon at sa mga susunod na araw.

"Law of Attraction," 'ika nga.

Ang kaso, hindi pala epektib ang Law na ito kung wala ka ring gagawin.

Hindi awtomatikong magkakaroon ako ng labing-apat na salita kung hindi ko ito isusulat. Dapat umaksyon din ako.

Yup, at least, may natututunan ako sa kalokohang kong ito.

Sunday, November 7, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 07

Total word count as of Day 07: 11,290.

Yes!!!


Halos apat na libong salita rin ang naisulat ko ngayon. Kahit papano, medyo nakahabol ako. Kulang pa ako ng mga anim na raang salita para sa aking target, pero okay na rin. At least, hindi masyado akong malayo.

Akala ko talaga bibigay na ako. Mga alas-otso na rin ako nagsimulang magsulat. Alas-onse na.

Masyado akong busy this week. Kaya, malamang, puyatan ito araw-araw.

Para na naman akong nasa-college nito, ah.

Saturday, November 6, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 06

Patay, nanganganib na ang nobela ko.

Kahapon, wala akong naisulat.

Ngayon, tatlong daang salita lamang.

Kapag hindi ako nakapagsulat ng limang libong salita bukas, mahuhuli na talaga ako.

Tagos, sisingit pa itong blog na ito.

Yari!!!!

Wednesday, November 3, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 03

Alam ko na. Para madaling mag-compute ng target number of words, ang aking i-e-aim ay makapagsulat ng 1,700 words per day. Mas madali 'yun kesa ang isipin ko'y makapagsulat ako ng 1,666.67 words per day. Paano ko naman gagawin 'yun? Siguro, ang huling isusulat ko sa isang araw o writing session ay "import" sa halip na "important" , o kaya'y "te" sa halip na "ten".

Bitin lagi, pero dapat 2/3 lang ng salita ang aking isusulat. Ibig sabihin, ang huling salitang isusulat ko ay may bilang ng titik na divisible by 3. Kung hindi, mas mahirap makuha 'yung 0.67 words.

Halimbawa, ano ang 67% ng salitang "antagonized". Hindi lang alanganin ang bilang ng letra ng salitang iyon, ang hirap pang magbilang, kasi napakahaba. Buti sana kung ang huling salitang isusulat ko ay "me". Alanganin pa rin, pero, ngayon, mas madali na'ng magbilang.

Kaya, kung gagamitin ko 'yung bilang na 1,700, matapos ang tatlong araw, dapat ay nakapagsulat ako ng 1,700 words per day x 3 days = 5,100 words.

The good news, nakaka-mahigit 5,200 na salita na ang naisusulat ko.

Kaya't 44,800 na lang ang kailangan kong isulat sa loob ng dalawampu't pitong araw na nalalabi sa buwan ng Nobiyembre.

Kaya ko kaya ito?

Kakayanin ko! Todo na ito!!!!

Monday, November 1, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 01

Sabi nila sira ulo lang ang mga sumasali sa NaNoWriMo. Mahigit isang taon din akong naghintay para makasali, at, ngayon, 'eto, kasali na ako.

Ang ibig sabihin ng NaNoWriMo ay National Novel Writing Month. Tuwing buwan ng Nobiyembre ginaganap ang "pagligsahang" ito. Sa loob ng tatlumpung araw, ang mga kasali ay kailangang makapagsulat ng isang nobela na binubuo ng limam-pung libong (50k) salita. Kung ito'y iyong magagawa, ikaw ay "mananalo" ng isang certificate at web badge. Aba, bragging rights din 'yun.

Upang manalo, kailangang ko'ng magsulat ng 1,667 words per day.

Buti na lang at piyesta opisyal ngayon, kaya't may isang araw ako para magsulat.

2290 words ang aking naisulat.

Hah! Lamang pa ako!

Kaso, paano 'pag may pasok na sa opisina?

Abangan na lang ang susunod na kabanata.

Tuesday, October 5, 2010

Kailangan Nga Ba Ng Homework? (No Homework On Fridays, Part 2)

Nabanggit ko na noong ako'y nagtuturo pa, hindi ako nagbibigay ng homework tuwing Biyernes. Hindi ko ginawa ito para magkaroon ng bonding ang mga bata't magulang. Kaya ko ito i-nim-plement ay upang mahayaan kong "maging bata ang mga bata".

Kamakailan lang, tumawag ang aking tiyahin dahil hindi n'ya masagot ang homework ng kanyang apo. Lumalabas na ang tanong ay isang Math word problem na kailangang ng Algebraic expression. 'Yung let x equals, at solve for x. Tinanong ko kung anong grade na ng aking pamangkin. Grade 4 pa lang daw.

Waaaattttt!!!! Greyd por? 'Yun na ang assignment nila?

Hindi ako kumuha ng Child Psychology o may credits sa Teaching, pero, sa aking experience, kailangan ng maturity ng isang tao upang mas maintindihan n'ya ang mga konsepto sa Math.

At hindi isolated case ang aking pamangkin. Marami pa, sa pag-aakala ng mga guro na makaka-advance ang kanilang mga estudyante kung bibigyan nila ng mga lesson na maraming grade ang angat sa kanila.

Tama ba naman 'yun?

Trained Teachers

'Ika ng ilang guro, trained daw sila, at hindi nila sasadyaing pahirapan ang mga bata.

Sabihin nila kaya 'yan sa mga guro ng aking anak, na magpapadala ng clay sa araw ng Huwebes, at sasabihin sa kanila ng guro sa araw ng Martes.

O sa titser ng aking pamangkin na nabanggit ko kanina.

Kung minsan kasi, ang mga guro'y nagbibigay ng mga mahahaba't mahihirap na mga gawaing-bahay kung Biyernes. Ang dahilan, may mas maraming oras ang bata upang gawin 'yun.

Kaso, in the end, ang mga magulang na ang gumagawa ng mga homework na 'to. Kung minsan kasi, sobra na s'yang hirap na hindi na kayang gawin ng bata mag-isa.

Dapat Nga Bang May Homework?

Ayon kay TDC spokesperson Emmalyn Policarpio, ang homework ay kinakailangan upang hindi malimutan ang lesson.

Ewan ko kung bakit n'ya nasabi 'yun. Meron kaya s'yang pagsusuring ginawa? Kasi, noong nag-aaral ako, hindi homework ang nakatulong sa akin, kun'di practice. Pinagtiyagaan kong sagutin ang mga tanong sa libro kahit hindi ito naka-assign sa amin. Nagkataon lang na marami akong oras ng mga panahong iyon.

Sa ngayon nga, kay dali-dali nang gumawa ng homework. Punta ka lang sa Google, ilagay ang ilang key words, tapos, cut and paste na lang.

Matututo ba ang mga bata ng ganoon? Mapipigilan ba ng titser 'yun?

Ang kaso, paano kung walang access ang bata sa Internet? Paano kung walang librong mababasa? Paano kung hindi naintindihan ng estudyante ang lesson? Paano kung ang mga magulang nila'y hindi alam kung paano tutulungan ang kanilang anak sa kanilang homework? May saysay pa ba ang pagbibigay ng homework kung nagkaganito?

Sa aking palagay, kung mahuhusay magturo ang mga titser, kung mailalahad nila ang mga lesson na very interesting para sa mga bata, kung maipapakita nila ang kahalagahan ng bawa't lesson sa buhay ng mga estudyante, madali nang maaalala ng mga mag-aaral ang mga itinuro nila.

Kung magkagayon, baka hindi na nila kailangang pang magbigay ng homework.

Friday, October 1, 2010

Bonding (No Homework On Fridays, Part 1)

Isang announcement ng DepEd kamakailanman, at naging kontrobersiyal, ay ang pagbabawal ng pagbibigay ng homework sa mga estudyante kapag Biyernes. Ito raw ay para magkaroon ng bonding sa pagitan ng mga bata't kanilang mga magulang.

Para sa akin, laudible ang patakarang ito. Sa katunayan, noong ako'y nagtuturo ng Grade 7, ang rule ko ay "No assignment on a Friday, no exam on a Monday."

Hindi ko ito ginawa para magkaroon ng bonding ang mga bata't magulang. Sa katunayan, kung gustong may bonding sa bahay, ang paggawa ng assignments ay isang epektibong paraan.

'Yan ang aking experience. Gabi-gabi'y tinutulungan ko ang aking anak sa kanyang assignment. Wala siyang tutor dahil, una, hindi ko kayang magbayad, at, ikalawa, ayaw din ni Anak.

Sa pagtulong ko sa aking anak, marami rin akong natututunan, hindi tungkol sa kanyang mga lessons, kun'di tungkol sa kanya at sa aking sarili na rin.

Napansin kong honest s'ya; gusto n'yang ang mga sagot n'ya'y "in her own words." Kahit hindi s'ya mahusay mag-drawing, pinag-aaralan n'ya ito, at masasabi kong napakalaki na ng kanyang improvement dito. Mas may confidence s'ya sa Math, resulta marahil sa pagpasok n'ya ng ilang taon sa Kumon.

Ang sa akin naman, napansin kong kahit ganito na ako katanda, madali pa ring mag-init ang aking ulo; mabilis pa rin akong mawalan ng pasens'ya. Saka, feeling ko, makakagawa ako ng magandang textbook. Kung ang mga librong ginagamit ni Anak na may mga mali, o hindi malinaw, o halos imposibleng sagutin ang mga tanong, ay lumulusot sa isang pribadong paaralan, kaya ko ring gumawa ng ganoon. Siyempre, wala nang mali, maliwanag ang mga eksplanasyon, at kayang sagutin ng mga bata...pati na rin ng mga magulang.

Hindi nangangailangang magpunta ang pamilya sa mall upang makapag-bonding. Hindi kailangang gumastos upang maging close sa isa't isa ang pamilya. Ang kailangan lang ay ang simpleng pagsasama, pagtulungan ang isang gawaing-bahay, at siguraduhing ina-acknowledge ang presensiya ng bawa't isa.

Ang importante lamang ay ang magkaroon ng oras sa bawa't miyembro ng pamilya.

Sunday, September 26, 2010

Brain Rule Number One

Ang mahirap 'yung babangon ka ng maaga, mga alas-singko, lalo na't malamig ang hanging nanggagaling sa electric fan habang katabi mo ang mahal mo sa buhay.

Hindi ang pagbangon sa umaga upang pumasok sa trabaho ang aking ibig sabihin. Ang aking tinutukoy ay ang paggising ng maaga upang mag-exercise.

Although, mahirap rin naman talagang bumangon ng maaga upang pumasok sa opisina. Daragdagan mo pa ng pag-e-ehersisyo. Kaya ang karamihan sa ati'y ipinagpapaliban na lang ang pag-e-exercise upang madagdagan ng ilang minuto sa higaan.

Naiintindihan ko 'yun.

Sa kaso ko nga, lagi akong naghahanap ng dahilan upang manatili pang nakahiga:

"Tanghali na, mataas na ang araw. Marami nang taong nasa daan at ayaw kong makita nila akong tumatakbo."

"Masyado pang maaga, wala pang araw. Delikado, baka hindi ako makita ng mga nagmamaneho't masagasaan pa ako."

"Madilim sa labas, mukhang uulan." (Kahit alam kong hindi pa sumisikat ang araw.)

"Puyat ako. Mas importante ang tulog kesa exercise."

At kung ano-ano pang pumapasok sa isip ko para lang manatiling nakadikit ang aking ulo sa unan.

Kelan lang ay narinig ko sa isang audiobook, Brain Rules, kung saan ang unang "batas" ng utak ay nakaka-boost ng brain power ang pag-e-exercise.

Ang ibig sabihin lang, kung gusto mong maka-Dean's Lister o makapagbigay ng intelihenteng sagot kapag tinanong ka ng iyong bossing, makakatulong ng malaki kung ika'y nag-e-ehersisyo.

Nakakabawas din daw ang ehersisyo, by as much as 50%, sa risk na magkaron ang isang tao ng dementia.

Talagang kailangang kong mag-exercise, lalo na nga't ako'y mahirap makatanda ng mga mukha. Madali na rin akong makalimot ng mga bagay-bagay. Biruan nga sa opisina, 1 MB na lang ang aming RAM sa utak. Kaya nga nagtataka ako kung bakit sa gobyerno ng Hongkong unang ibinigay ang ulat ng IIRC, at hindi sa ating mga Pilipino. Kaya tuloy....

Teka, tungkol saan nga ba 'yung isinusulat ko?

Ah, oo nga pala, tungkol sa ilang benepisyo ng exercise.

At pagtitiyagaan ko na ang gumising ng maaga para tumakbo. Sa dami ng benepisyo, and isang taong hindi nag-e-ehersisyo lamang ang hindi makakakuha nito.

Saturday, September 18, 2010

Lotto

Nangangailangan ako ng malaking pera ngayon. Kay laki na ng utang ko sa credit cards. Ibinebenta rin ang bahay na aming inuupahan, at gusto ko itong bilhin.

Kaya, naman, minsang nagpunta kami ni Bunso sa SM, naisip kong tumaya kami sa lotto.

Alam n'yo, malakas si Bunso sa Itaas. Kapag kami'y naghahanap ng mapaparadahan, sasabihin ko s'yang magdasal s'ya para makahanap kami. Sure enough, makakakita kami agad, at sa magandang pwesto pa.

Madasalin at malakas ang faith ni Bunso sa Diyos. Sa katunayan, may pamantayan na siya sa lalaking mapapangasawa n'ya: dapat ay may pananalig ang lalaki sa Diyos.

Kaya naman naisip kong tumaya sa Lotto at s'ya ang pipili ng mga numero. Baka sakaling manalo kami't matanggal na ang lahat ng aking mga problema.

Kaya't nang sinabi kong tataya kami sa Lotto, sumagot s'ya na aking ikinabigla.

"When did you start doing that?"

Siyempre, hindi ako nakasagot. Kay tagal na rin nang tumaya ako sa Lotto, at 'yun at isang numero lang. Alam ko rin namang hindi mananalo 'yun kasi panay petsa ng aming mga birthdays, kaya't walang numerong lalampas sa trenta'y uno.

Ang ginawa ko na lang ay tanungin s'ya kung gusto n'yang tumaya. Tumanggi s'ya. Kaya naisip ko na sa ibang paraan na lang ako hahanap ng pera.

Napag-isip-isip ko, ano kaya kung pinilit kong tumaya noong araw na 'yun? Tapos matalo. Eh, 'di, na-reinforce lang na hindi talaga wise ang magsugal. Kaso, alam na n'ya 'yun. Bakit kailangan pang ipakita sa kanya?

Ang iniisip ko ngayon ay paano kung manalo ako? Maganda ba 'yun?

Parang hindi. Kasi, anong value ang maiituro ko sa aking anak kung sakali ngang manalo ako? Na ang tagumpay ay isang tsamba lamang, na kailangan mo lang maging masuwerte upang makuha mo ang iyong gusto, at hindi mo na kailangang pagtrabahuhan ito? Na pera ang makaka-solve ng lahat ng iyong problema? Na OK lang magsugal kahit na alam mong ang iyong tsansang manalo ay mas maliit pa kesa tamaan ka ng kidlat maka-limang beses, sa iisang lugar?

Buti na lang at kasama ko si Bunso noong araw na 'yun. Siya ang aking anghel para ipaalala sa akin na hindi maganda, at hindi tama, ang tumaya sa Lotto.

Sayang din naman 'yung isandaang pisong balak ko sanang gastusin. Isang linggong meryenda na rin 'yun.

Wednesday, September 1, 2010

Major, Major Mistake (Part 2)

Nakakalungkot talaga ang nangyaring pang-ho-hostage ni Rolando Mendoza noong nakaraang linggo. Nakaka-disappoint din na hindi nanalo si Venus Raj sa Ms. Universe, ang haka-haka'y isang major, major mistake ang kanyang sagot.

Ang kaso, mas nakakalungkot at mas nakakadismaya ang mga reaksyon ng ating mga kabababayan sa mga nangyari. Para bang sila ang magaling.

Naalala ko tuloy ang sinabi ni Jesus, "Ang panukat na ipinansukat mo ang s'yang ipangsusukat sa'yo." At, "Bakit mo tinatanggal ang puwing mula sa iyong kapatid samantalang may troso naman sa iyong mga mata?"

Marahil nga, ako naman ang humuhusga sa kanila ngayon. Kaso, naaasar talaga ako.

"I'm ashamed of being a Filipino."

"Only in the Philippines will you see such bumbling cops."

"We have voted a retarded president."

"Her answer was a major, major mistake."

Hindi ko rin maintindihan 'yang mga Tsino na galit na galit sa ating mga Pilipino. Siguro, dahil tinanggihan nating inumin ang kanilang melamine, o kaya dahil hindi natin pinapasok sa 'Pinas ang kanilang SARS kaya gumaganti sila sa galit ngayon.

Hindi naman natin isinisi sa bawa't Tsino ang mga pangyayaring iyon. Sana nama'y mali akong isiping isinisisi nila sa bawa't 'Pinoy ang nangyari sa hostage-taking.

Well, kung kayo'y Pinoy at ikinahihiya n'yo ang maging Pilipino, inaasahan kong wala na kayo dito sa 'Pinas, sampu ng inyong kamag-anak. Kahit magsalita ng Pilipino, o Tagalog, o Cebuano, o anumang lengguwahe ng 'Pinas ay hindi n'yo gagawin. Mag-i-Inggles, mag-i-Intsik, mag-a-Arabo, o anumang banyagang salita ang inyong gamitin. Kayo't tumira na lang sa US of A, o sa Yuropa, o, mas mabuti, sa Hong Kong. At siguraduhin ninyong uminom kayo ng katakot-takot na glutathione pills at oras-oras ay gumamit kayo ng papaya soap, para magmukha na kayong forenjer, at mawala na ang bahid ng inyong pagka-Pinoy.

And if you're a non-Pilipino who hates our country, our leader, and our people very much, I hope you will never set foot in our beautiful islands. For if you do, you just might wet your pants.

Tuesday, August 31, 2010

Major, Major Mistake (Part 1)

Dalawang balitang ikinasikat (naging notorious?) ang 'Pinas ay ang pag-hostage ni Rolando Mendoza at ang pagpwesto ni Venus Raj sa Ms. Universe.

Hindi ko na dadagdagan ang mga usapin tungkol sa mga nangyari, kung ano ang mga dapat ginawa ng pulis at ni Venus. Una, wala ako roon noong nangyayari ang mga ito. Hindi ko kayang magdesisyon sa buhay (o pagkamatay) ng mga tao. Wala rin ako sa entablado upang sagutin ang hinayupak na tanong ni William Baldwin.

At ikalawa, hindi ako isang heneral na sanay magplano kung paano atakihin ang isang kalaban, at lalong-lalo nang hindi ako isang beauty contestant.

Ang reklamo ko lang ay ang naging reaksyon ng mga tao, lalo na ng ating kapwa-Pilipino. Para kasing ang huhusay nila, na alam nila ang gagawin kung sila ang nasa katayuan ng mga pulis o ni Venus.

"We elected a retarded president." My golay! Please, move on! Walang halong salamankang tinambakan ni Noynoy ang inyong kandidato. Walang daya 'yan, 'di tulad noong 2004.

"Major, major mistake 'yung sagot n'ya." Kayo kaya sumagot noon, sa harap ng maraming tao, and with very limited time. Extemporaneous. Eh, kung 'yung mga job applicants, alam na nila na itatanong sa kanila 'yun, hindi pa rin nila masagot ng maayos, 'yun pa kayang biglaang itatatanong sa'yo at biglaan mo ring sasagutin. Biruin mo, dalawampu't dalawang taon ang kanyang gugunitain para makasagot ng maayos.

Ngayong iniisip ko ang sagot ni Venus, lalo na sa mga interviews, nakita ko ang wisdom ng kanang sagot. Marahil, hindi nga lang n'ya naipaliwanag o maipaliwanag ng maayos.

Noong baguhan pa ako sa kumpanyang pinagtratrabahuhan ko ngayon, may isang senior engineer ang nagsabi sa akin, "Kung magkamali ka, ok lang. Kung uulitin mo ang iyong pagkakamali, iumpog mo ang ulo mo sa pader."

Throughout the years, natutunan ko na ang isang pagkakamali ay hindi pagkakamali kung may natutunan ka dito at hindi mo na uulitin. Ang tawag na dito, "learning experience".

'Yan din ang sinasabi ko sa aking staff. Feeling ko, mas empowered sila dahil doon.

Kaya nagtataka ako sa ibang managers na may patakarang "Do it right the first time." Tuloy, ang mga tauhan nila'y parang takot kumuha ng responsibilidad. Ayaw gumalaw kung walang payak na utos. At kung ano lang ang sabihin sa kanila, 'yun ang gagawin nila.

Walang initiative kumbaga.

Marahil, 'yun ang ibig sabihin ni Venus. Kung meron mang "pagkakamali" s'yang nagawa, dahil may natutunan s'ya't hindi na n'ya inulit 'yun, at sa halip ay naitama n'ya, hindi n'ya itinuturing na isang pagkakamali ang kanyang nagawa. Sa halip, isa itong challenge sa kanya.

Marahil, 'yun din ang ating isipin sa nangyaring pang-ho-hostage ni Mendoza. 'Di ba't lalo nating nakita ang kakulangan ng ating pulisya? Hindi ba "learning experience" sa atin lahat ito?

Kung nakinig kayo sa sinabi ni Noynoy noong kanyang inagurasyon, sinabi n'yang "[p]alalakasin at palalaguin natin ang bilang ng ating kasundaluhan at kapulisan."

Ang kaso, s'ya'y na-overcome of events na.

Dalawang buwan laban sa ilang taong pagkaka-pabaya sa ating pulisya. Hindi fair.

At least, may dahilan na kung bakit kailangang gumastos ng malaki para sa ating mga sundalo't pulis.

Kaya, sa mga kapwa ko Pinoy na bumabatikos kay Noynoy, sa ating kapulisan, at kay Venus, nawa'y 'wag kayong malagay sa sitwastyong kailangan n'yong gawin ang kanilang ginawa.

Monday, August 23, 2010

"Enzo...Santo" the play

Required si Panganay manood ng "Enzo...Santo" para sa isa n'yang subject. Dahil ito'y isang musical, at maganda naman ang tema, ipinas'ya naming mag-asawa na sumabit sa panonood.


May discount ang nabili naming mga ticket; sa school ito binili. Kaso, walang nakasulat kung kelan ang play at kung anong oras ito ipapalabas. Sinabi na lang ng titser sa Aug 22 ang palabas. Noong una'y alas-dos daw, pero nabago ito't sinabing alas-kwatro na. Maaga na lang kaming nagpunta sa SM North Mall, para rin hindi ako mahirapang mag-park.

Mga alas-tres pa lang nang magsimulang magkaroon ng pila, kaya sugod agad ako para makapuwesto na. Ang kaso, bigla kaming pinababa. Sa labas ng mall ang pila. Takaw-singit ang gagawin nilang ito.

Anyway, maganda-ganda rin naman ang naupuan naming mag-anak. Malapit sa stage, kaya naman kitang-kita namin, kahit malalabo ang aming mga mata, ang bawat kilos, facial expression, at galaw ng bibig ng mga aktor. Importante sa akin ang huli dahil bukod sa mahina ang aking mga mata, mahina na rin ang aking tenga.

Ang dula ay sinimulan ng isang narrator, o Saksi. S'ya ang isa sa mga major characters, naroon sa bawa't eksena, nagpapaliwanag, o 'di kaya'y sumasama sa aksyon. Isinalaysay n'ya ang kuwento ni San Lorenzo Ruiz, mula nang siya ay ipinanganak, sa kanyang paglaki, sa kanyang pag-fall in love, sa pagkakaroon ng pamilya, sa pagpaparatang sa kanya na isa s'yang kriminal, sa kanyang pagsama sa misyon sa bansang Hapon, sa kanyang pagpapakasakit at pagkamatay, at hanggang sa kanyang pagiging santo.

Hindi ko naman masasabing perpekto ang play. May mga "germs" din ito. Ang una'y masyadong na-highlight ang pagka-Pilipino ni Enzo, na, sa feeling ko, nag-bo-border na s'ya sa racism. Pero, may dahilan naman ito, na malalaman sa katapusan ng dula.

Malaking parte ng dula ay komedya. Maraming beses din akong natawa. Kaso, maraming beses din na ang basehan ng pagpapatawa ay ang pag-aarteng bakla ng ilang aktor, lalo na't pari ang karakter. Hindi 'yung pagpapakitang baklang pari ang aking kinaaayawan; ang hindi ko gusto ay 'yung gawing katawa-tawa ang pagiging bakla. Isang form of bigotry din 'yun, 'di ba?

Isa pang basehan ng pagpapatawa ay ang slapstick. Hindi siguro talaga mawawala sa ating Pilipino 'yun.

Hindi rin masyadong convincing ang pagsama ni Enzo sa bansang Hapon. Alam ng lahat na lubhang mapanganib ang pagputa doon, at mas nakasisigurong magdurusa't mamamatay ang mga pupunta. Si Enzo ay may asawa't tatlong anak, kaya, bakit n'ya gustong makasama? Hindi naman dahil sa pagpaparatang sa kanya, dahil hindi naman napatunayan na s'ya nga ang pumatay sa kanyang pinsan. Sa aking palagay, dapat pa lalong naipaliwanag ang desisyon ni Enzo tungkol dito.

Maliban sa mga ito, masasabi kong napakaganda, nakatutuwa, at kapupulutan ng aral ang palabas. Ang mga aktor ay mahuhusay kumanta, wala akong narinig na sintunado. Ang mga kanta, although hindi sila tumiim sa aking isipan, hindi dahil sa kakulangan ng kumpositor kun'di sa akin na ring kahinaang makaalala ng simpleng bagay, lalo pa ang kumplikadong mga kanta, ay lalong nakakapagbigay damdamin sa mga eksena.

Ang isang awit ay nakatulong magbigay tension sa eksena kung saan ang mga Intsik ay pinaghuhuli ng mga Kastila dahil sa balak na mag-aklas ang mga nauna.

May kantang tungkol sa pag-iibigan nina Enzo at Rosario, samantalang, in contrast, ay kinanta rin ng sawing pag-iibigan ni Lazaro, isang Hapong nagkaroon ng sakit na ketong at ipinatapon dito sa 'Pinas, at ng kanyang asawa na si Aikira. Pagpapalit lang ng ilang wordings ang kanta'y nagiging romantic o tragic.

Mayroon namang kanta, na matapos mapagbintangan si Enzo, ay ipinakita ang kanyang pagdurusa.

Gustong-gusto ko rin ang mga numerong kung saan may mga duweto. May point at counterpoint ang mga kanta, na parang nakikinig ka ng dalawang awit. Nguni't, sa halip na mag-clash ang mga ito, lalo pang na-e-enhance ang musika.

Kahit ang setting ay panahon ng Kastila, hindi naman naging makaluma ang dula; may mga makabago ring galaw o jokes, tulad ng jejemon, 'pag banggit kay Angelica Panganiban, at galaw ng isang anime character. Meron ding katutubong sayaw, ang Sayaw Sa Banko, na sinaliwan ng makabagong moves.

Sa huli'y kinanta ng Saksi ang dalawang moral lessons ng dula. Ang una'y sinabi n'yang nasaksihan n'ya ang buong buhay ni Enzo. Bilang audience ng dula, kami ay naging saksi na rin sa buhay ni Enzo, kung kaya't alam na rin namin ang kanyang pagkatao, at ang mga aral sa kanyang buhay.

Ang isa pa'y si Enzo ay Pilipino at ordinaryong tao. Hindi n'ya plinanong maging santo; ito ay sadyang dumating na lamang. Ang audience, bilang mga tao't Pilipino, kaya rin namin (natin) ang kanyang nagawa. Tayo rin ay maaaring maging mga santo, marahil hindi sa paraan na ma-torture at mamatay dahil sa ating pananampalataya, kun'di sa araw-araw na buhay, tayo rin ay maaaring mamatay, piliin lamang ang Diyos kesa sa sariling kapakanan.

Gusto ni Bunso na panoorin ulit ang palabas. Ako rin. Hanggang Disyembre ngayong taon pa naman ito ipinapalabas. May panahon pa tayong panoorin ito.

Kaya, tayo na!

Sunday, July 11, 2010

Sex Education Program

"Nay, paano ako ginawa?", tanong ng pitong gulang na si Totoy.

"Ha? Ah, eh, itanong mo sa tatay mo."

"Tay, paano ako ginawa?"

"Ha? Ah, eh, isang ibon ang nagdala sa'yo sa amin."

"Hindi naman ganyan ang nakita ko sa magazine na nakaipit sa kama n'yo, eh."

Isa sa pinakamainit na isyu ngayon ay ang pagtuturo ng Sex Education sa paaralan.

Sang-ayon naman ako dito, para naman malaman ni Totoy na hindi lang ang mga stork ang marunong gumawa ng babies. Baka kasi hindi marunong magpaliwanag ng maayos ang mga magulang.

Pero, hindi naman dapat ipaubaya lahat ng pagtuturo sa titser. Malay mo, single pa si Miss.

Sa aking palagay, ang Sex Education ay 'di lamang tungkol sa pagtatalik, o sa mga paraang hindi mabubuntis si babae.

Sino nga ba ang nagsabi noon, parang si James Dobson, isang author ng maraming libro tungkol sa pamilya. Nasabi na ang pagtuturo ng Sex Education sa mga bata na walang kasamang pagtuturo ng moralidad at values ay parang binibigyan mo sila ng baril, may bala, nakakasa, at hindi mo itinuturo ang tamang paggamit nito.

Kaya, bilang isang ama ng dalawang dalagita, 'eto ang limang kursong nais kong makita sa programa ng gobyerno, at limang kursong ayaw ko.

Five Sex Education Courses I'd Like To See


Course No. 5:
S. E. 101: Body Anatomy

Course No. 4:
S. E. 102: Look What's Happening To My Body (Females only)

S. E. 102: Look What's Happening To My Body (Males only)

Course No. 3:
S. E. 221: Responsible Parenthood

Course No. 2:
S. E. 401: Basic Sexual Intercourse

At ang pinakagusto kong makita sa programa:
S. E. 201: Morals and Values

Five Sex Education Courses I'll Hate To See


Course No. 5:
S. E. 112: How To Have A Sexy Body
Instructor: Dr. Vicki Belo

Course No. 4:
S. E. 321: Paano Makaiwas Magkaroon Ng Anak Sa Labas
(Taught in Filipino)

Course No. 3:
S. E. 320: When Love Cannot Wait

Course No. 2:
S. E. 421: Advanced Sexual Intercouse
Textbook: "How to Drive Your Man Wild in Bed"

At ang pinakaayaw kong makitang kurso:
S. E. 422: Advanced Sexual Intercourse
(laboratory)
Fridays, 1 - 6 pm
Room: Sampaguita Room, Victoria Court, Baclaran (Behind Heritage Hotel)

Monday, July 5, 2010

Top Ten Punishments To Those Who Will Abuse Their Wang-Wangs

Isang malaking usap-usapan noong nakaraang linggo ay ang pahayag ni P-Noy na "walang wang-wang" na dapat gamitin para lang makasingit sa trapiko. Paano naman kung may mahuling nang-aabuso ng kanilang wang-wang? 'Eto ang aking mungkahing mga parusa para sa mga abusadong ito:

Punishment Number 10
Pababalikin s'ya sa hulihan ng trapiko.

Punishment Number 9
Ipapasok ang kan'yang ulo sa hood ng kotse at tapos ay paiingayin ang wang-wang.

Punishment Number 8
Pasusunurin s'ya sa prosisyon ng patay, at pagbabawalang mag-overtake.

Punishment Number 7
Papanoorin sa kanya ng isan-daang beses ang pinakasikat na karera na naisapelikula - Ben Hur. At huwag s'yang bibigyan ng popcorn.

Punishment Number 6
Pahuhugasan sa kan'ya ang lahat ng windshields ng mga kotseng naiipit sa trapiko.

Punishment Number 5
Sa loob ng isang linggo, paiingayin ang kan'yang wang-wang sa loob ng kan'yang kwarto. Walang katiyakan kung anong oras o ilang beses ito patutugtugin kada gabi.

Ilalagay ang wang-wang sa ulunan ng kan'yang kama, at ang control upang ito'y mapatay ay ilalagay sa kanyang kotse.

Punishment Number 4
Pakakantahin s'ya ng My Way sa isang karaoke bar, nguni't ang gagamitin n'yang lyrics ay pawang "wang-wang" lamang ("Wang-wang, wang-wang wang-wang....")

S'yanga pala, ang mga customers ng nasabing bar ay walang pasensya sa mga taong binababoy ang kanilang paboritong kanta.

Punishment Number 3
Isasakay s'ya sa hood ng ambulansya o trak ng bumbero at sisigaw s'ya ng "WANG! WANG! WANG! WANG...!"

Punishment Number 2
Tatakpan ng mga 'di-matatanggal na stickers ang kan'yang kotse na nagsasabing "Inabuso ko ang aking wang-wang!"

At ang pinakamalupit na parusa para sa mga umaabuso ng kanilang wang-wang:
Puputulin ang kan'yang wang-wang.

Saturday, July 3, 2010

Walang Wang-Wang (Driving in Metro Manila, Part 6)

Ang kagandahan na ang ang isang lider ay galing "from the ranks" ay naiintindihan n'ya ang damdamin ng mga nasa ilalim n'ya dahil naranasan din n'ya ang mga nararanasan ng mga ito. 'Di tulad ng mga taong pinalad sa "gene pool lottery" at ipinanganak na mayaman; ang mga ito'y binigyan ng mga leadership positions nguni't masyadong out-of-touch sa kanilang pinamumunuan. Ang kanilang pamamalakad ay napaka-insensitibo sa nakararami.

S'yempre, meron din namang mga galing sa ibaba na super-ambisyoso. Sila 'yung tulad ng mga langaw na nakatuntong lang sa kalabaw ay akala nila na nakahihigit sila sa iba, na natapos na ang mga araw na s'ya ay naninilbihan kaya't dapat s'ya naman ang pagsilbihan.

Kaya naman nakakatuwa ang mga binanggit ni P-Noy noong nakaraang katapusan.

"Kayo ba ay nagtiis na sa trapiko para lamang masingitan ng isang naghahari-hariang de-wang-wang sa kalsada? Ako rin," wika ni P-Noy. "Walang lamangan, walang padrino at walang pagnanakaw. Walang wang-wang, walang counterflow, walang tong. Panahon na upang tayo ay muling magkawanggawa."

Ilang beses marahil na s'ya'y naipit sa trapiko sa Quezon Blvd patungong Senado, tapos may isang aide ng isang congressman ang biglang pa-i-ingayin ang kanyang sirena na parang nagsasabing "humabi kayo d'yan at may isang importanteng tao ang daraan".

O kaya'y naka-abang s'ya sa Tandang Sora, tapos may mga naglalakihang SUV na nag-counter flow dahil maluwang naman ang kabilang lane. Pagdating n'ya sa kanto ng Visayas Ave, 'yung mga nag-ka-counter flow ay bumabalik sa dapat n'yang lane, at pagkataos ng intersection ay maluwag na. Marahil naisip ni P-Noy na kung hindi nag-counter flow ang mga ito, hindi makakabuhol-buhol ang trapiko sa intersection.

Hindi rin naman s'ya isang ambisyosong tao; hindi s'ya nag-apply bilang standard bearer ng LP. Sa halip, ito'y inialok sa kanya, at ilang araw pa n'yang pinagdasal bago s'ya pumayag.

Kaya ang kanyang pahayag na walang wang-wang ay mula sa isang taong tunay na nagdusa, at ngayong may oportunidad na s'ya, nais n'yang mabago ang pag-aabuso ng mga taong nakatataas, o ng mga langaw na nakatuntong sa taas.

Mababaw para sa isang presidente? Hindi po, dahil sa mga maliliit na bagay na ito, na malaki para sa aming mga maliliit na tao, nagsisimula ang malalaking maaari pang gawin ni P-Noy.

Kaya naman nagtataka ako ay Binay kung ano ang ikinaiinis n'ya sa pahayag nito ni P-Noy. Dapat, tinignan n'ya kung ano ang konteksto nang sinabi ni P-Noy na walang wang-wang. Hindi ang paggamit ng wang-wang, per se, ang pinupuntirya ni P-Noy, kun'di ang pang-aabuso ng mga nasa itaas, na, sa halip manilbihan ay sila pa ang nag-de-demand na pagsilbihan.

Siyempre naman, kung may dalang naghihingalong pasyente ang isang ambulansya, hindi ba dapat gumamit ng wang-wang?

Kung may sunog at nag-re-responde ang isang bumbero, hindi ba dapat gumamit ng wang-wang?

At kung may nagbabarilan sa isang bar sa Makati at nais pumunta ni meyor, hindi ba dapat gumamit ng wang-wang?

Tuloy, naging parang wang-wang si Binay -- hindi dapat patunugin dahil wala namang emergency. Ingay lang ang lumabas.

Sunday, June 20, 2010

Top Ten Reasons Why Father's Day Should Be Celebrated

May nabasa ako na ang pinaka-popular na greeting card daw sa US of A ay ang sa Father's Day. Siyempre nga naman, kasi 'yun lang ang ibinibigay ng mga anak sa kanilang ama. At sa aking palagay, ang mga greeting cards na ito ay binili pa't sinulatan ng ina, at ipinalabas na lang na galing sa bulsa ng mga anak ang ipinambili, at galing sa kanilang mga puso ang isinulat.

Ngayon, kung ganu'ng sapilitan pala ang pag-celebrate ng Father's Day, bakit pa natin pinagdiriwang? 'Eto, sa tingin ko, ang sampung dahilan kung bakit:

Reason Number 10:
Kailangang kumita ang Hallmark.

Reason Number 9:
Kailangang kumita ang Globe, Smart, Sun, at iba pang network mobile operators.

Reason Number 8:
Kinaawaan ang mga tatay.

Reason Number 7:
Sa US, ito ang panahon ng bakasyon. Sino pa nga ba ang magbibigay sa kanila ng pera lalo na't wala silang allowance?

Reason Number 6:
Ngayon din ang panahon ng pagpapalit ng style ng neckties.

Reason Number 5:
Muli, sa US, walang special occasion sa buwan ng June.

Reason Number 4:
Kung wala ang mga tatay, wala rin tayo. At hindi naman pwedeng ang ating mga ina'y mag-ampon na lang.

Reason Number 3:
Lumalabas ang insecurity ng mga tatay t'wing Mother's Day.

Reason Number 2:
Ang gusto talagang ipagdiwang ng mga tao ay Grandfather's Day, kasi, mas malapit sila sa kanilang mga lolo kesa sa kanilang tatay. Ang kaso, ang mga grand papa ay inilagay sa mga retirement homes ng kanilang mga anak na lalaki, kaya hindi makapag-celebrate ang mag-lolo.

And the number 1 reason why we celebrate Father's Day:
Walang magbabayad sa kinain ng pamilya sa restoran upang ipagdiwang ang Father's Day.

Sabi nga ni Fr. Jerry Orbos, SVD, sa kanyang column sa Philippine Daily Inquirer, "A father is one who used to have money in his wallet, but now only has pictures of his loved ones."

Sa lahat ng mga ama, "Happy Father's Day"!!!!

Sunday, June 13, 2010

Disenfranchised! (Musing)

Nasa BDO kami kaninang hapon. Kahit Linggo, bukas ito sa SM.

May karatula na nagsasabing sarado sila bukas dahil sa selebrasyon ng "Independence Day". Opo, may quotations sa kanilang karatula.

Alam n'yo naman marahil kung ano ang ibig sabihin ng may quotations -- hindi literal ang ibig sabihin ng nasa loob ng quotes.

Kaya, parang sinasabi ng BDO na wala naman talaga tayong Independence. Lokohan lang ang pagdiriwang na ito.

Napag-isip-isip ko ito, lalo na 'yung araw ng eleks'yon. Halos lahat ng nakausap ko ay walang authority para gumawa ng desisyon. Kung ano lang ang sinabi sa kanila, 'yun lang ang gagawin nila.

Kaya inis na inis ako. Panay lang sila satsat, kulang naman sa gawa. Pawang mga walang "b".

Pero, kasalanan ba nila 'yun? Is it just a matter of attitude? O, baka naman, gan'un ang turo o utos sa kanila?

Baka naman hindi lang isolated case ang nangyari sa paaralang iyon, kun'di sa buong 'Pinas. Na walang maglalakas-loob gumawa ng desisyon; lahat ipapasa sa mas nakakataas sa kanila.

Kawawa naman tayo, kung gan'un. Parang wala na tayong kapangyarihan para pagandahin ang ating buhay. Aasa na lang tayo sa kung sino ang nakaupo sa gobyerno.

At kung hindi tayo pagsisilbihan ng maayos, hihintayin na lang nating matapos ang kan'yang termino at iboboto ang kalaban.

Napaka-passive naman. Hindi naman siguro 'yun ang ibig sabihin ni Kristo nang sinabi N'yang "Blessed are the meek, for they shall inherit the earth." Kasi, kung gan'un, tayo na sana ang nagma-may-ari ng mundo.

Sabagay, sa daming Pinoy na nagkalat sa balat ng lupa, baka nga ma-angkin na natin na daigdig.

Pero, mabalik tayo sa eleks'yon.

Ngayon, alam ko na kung sino ang iboboto ko sa darating na halalan -- 'yun 'yung taong makakapag-empower sa ating mga Pinoy. 'Yung makakatulong sa ating magkaroon tayo ng tiwala sa ating sarili. 'Yung s'ya mismo'y naniniwala sa atin.

Kaya, buti na lang at hindi nanalo si Villar. S'ya raw ang tatapos sa kahirapan. Parang knight in shining armor. Parang hero. Parang X-men.

At ang mga kababayan naman nati'y naniniwala sa kanya. At paano n'ya tatapusin ang kahirapan? Ang akala ng mga tao'y mamimigay s'ya ng limpak-limpak na pera.

Ayun! Ginagawa lang tayong pulubi.

Actually, tingin ko maraming taong naging empowered; sila 'yung mga umaalis ng bansa. At dahil doon, kita mo naman ang resulta -- very productive sila. Asenso na rin ang kanilang buhay.

Kung may maimumungkahi ako kay PE Noy (President-Elect Noy), ang sasabihin ko'y gumawa s'ya ng hakbang para ma-empower tayong mga Pilipino sa araw-araw nating buhay.

Gaya ng ginawa ng kanyang ina, lalo na noong tapos na ang kanyang termino.

At kung magawa ni Noynoy 'yun, mas magiging makabuluhan ang pagdiriwang ng ating Independence Day.

Monday, May 10, 2010

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 4

11:50 am
Isang babae ang lumapit sa amin.

"Paki-tignan nga ang problema nito?"

Ah, s'ya 'yung taga-COMELEC.

Kaso, bakit ganoon? Naka-T-shirt at jeans lang s'ya. Mukhang wala rin s'yang kapangyarihang magdesisyon.

"Miss," sabi ko. "Wala 'yung pangalan ko sa listahan kaya nagpunta ako sa COMELEC upang tignan kung maaari akong makaboto. 'Eto, binigyan nila ako ng papel na nagsasabing pinapayagan akong makaboto."

Actually, hindi ko maintindihan 'yung nakasulat sa papel. Panay mga letra lang. Assumption ko lang 'yun.

Sigurado akong 'yung ibang nakakita sa sulat ay hindi rin naintindihan ang ibig sabihin. At dahil sinabi kong pinapayagan akong makaboto, nag-assume din marahil sila na 'yun ang ibig sabihin ng nakasulat sa papel ko.

"Taga-bantay lang po ako dito."

Sabi ko na nga ba, eh. Wala rin itong magagawa.

"Wala bang p'wedeng magdesisyon?"

"Samahan ko po kayo."

Ngayon naintindihan ko na kung bakit sila matulungin. Naghahanap sila ng mapapasahan ng aking problema.

Lumipat kami sa ibang building at may hinanap s'yang kasamahan. Isang bading na naka-sando ang kanyang kinausap.

Patay, ito ba ang pinaka-bossing ng COMELEC watchers dito? Hindi ko s'ya minamaliit dahil s'ya ay bading, pero hinuhusgahan ko s'ya dahil napaka-casual ng kanyang suot.

"Wala kasi ang pangalan ko sa listahan...." Dapat pala nag-record na lang ako ng aking kuwento at patutugtugin tuwing may bagong tao akong nakakausap.

"Itanong mo na lang kay Ate...." Hindi ko maalala ang pangalang sinabi n'ya. Pero, at least, ate ang tawag n'ya. Ibig sabihin, mas may ranggo sa kanya.

12:05 pm
Lumabas kami at lumapit sa isang tent, kung saan mukhang central HQ ng mga titser.

May isang nilapitang babae ang kasama kong taga-COMELEC. Lapit din ako.

"Wala po ang pangalan ko sa listahan...." Kung nasa-1970's lang kayo, maiintindihan n'yo ang kasabihang "parang sirang plaka".

May pumapel na namang lalaki.

"Hindi ka talaga makakaboto kung wala ka sa listahan. Tinanggal na ang pangalan mo."

"Maaari n'yo po bang isulat n'yo na hindi ako nakaboto dahil wala ang pangalan ko sa listahan, tapos ay inyong pirmahan?"

"Hindi kami authorized gawin 'yun."

Kung may anak lang ako sa paaralang ito baka na-i-pull out ko na.

"Ang hinihingi ko lang po ay isulat n'yo ang inyong sinabi at pirmahan."

Nanginging na ang mga tuhod ko dahil sa inis at gutom. Pero, nangingibabaw ang gutom.

"Halika, sumama ka sa akin," sabi ni Ate Something.

12:15 pm
Umakyat kami, kasama 'yung taga-COMELEC, sa isang hagdan at nagtungo sa isang opisina. Naka-air con! Sarap ng lamig.

"May problema po ito," sabi ng titser sa isang babaeng may edad na.

S'ya ang principal ng school. Sa wakas, a person of authority.

"Kasi po wala ang pangalan ko sa listahan...." Siguro naman ito na ang huling pagkakataong ikukuwento ko ito.

Kinuha n'ya ang papel ko at may inutusan. "Paki-dala nga ito sa PPCRV."

Meron pala noon dito? Sana, doon agad ako nagkonsulta.

Pinapasok n'ya ako sa kanyang opisina at pinaupo sa silya. Samantala, nagpaalam na 'yung taga-COMELEC, dala ang packed lunch nila ng kaibigang badaf. At least, hindi n'ya ako iniwan.

Bumalik 'yung taong inutusan n'ya.

"Wala na nga raw po ang pangalan n'ya sa listahan. Ang ibig sabihin ng nakasulat sa papel ay 'failed to vote'."

So, 'yun pala ang ibig sabihin noon. Parang hindi ko 'yun mahuhulan dahil hindi naman tugma sa initials noong nakasulat as against sa mga katagang "failed to vote".

Sabi ko nga ba. Kung dumiretso ako sa PPCRV naintindihan ko 'yung nakasulat, at nalaman ko ang aking gagawin. Nasa bahay na sana ako ngayon, nag-i-Internet.

"Naiintindihan ko naman po na hindi ako makakaboto dahil 'sakto lang ang mga balota. Ang hinihingi ko lang po ay 'yung may magsulat sa isang papel ang dahilan na hindi ako makakaboto at pirmahan."

"Kailangan mo ba 'yun?"

"Opo."

"Sige, gagawa ako ng kasulatan."

Kaya siguro s'ya ang principal, at 'yung iba'y mga guro lang, kasi may "b" s'ya. 'Yung kasabihang "the buck stops here" ay buhay na buhay sa kanya.

Sa wakas ay hindi ko na uulit-ulitin ang aking kwento.

Kinuha ko ang papel, nagpasalamat at umuwi na.




Tatapucn

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 3

11:05 am
Pumila na rin ako, bahala na kung saang kuwarto ako makarating. Bigla kong naisip, tanggapin kaya ng titser itong munti kong papel? Buti pa itanong ko muna.

"Miss," tawag ko sa babaeng nakausap ko kanina, 'yung tumutulong sa mga boboto. "Wala kasi 'yung pangalan ko sa listahan, tapos nagpunta ako sa COMELEC sa munisipyo, at binigyan ako ng papel na pinapayagan akong bumoto. Tanggapin kaya sa loob itong papel ko?", sabay pakita sa maliit kong papel.

"Hindi ko po alam. Paki-tanong na lang sa loob."

"Eh, miss, paano kung 'di n'ya tanggapin? Nasayang lang ang oras ko sa pagpila."

"Oo nga po. Sandali lang po't ipapatanong ko."

Kinuha n'ya 'yung papel ko at pinatanong sa isa n'yang kasamahan.

Mabilis-bilis din ang takbo ng aming pila, pero mabagal ang pagbalik ng may hawak ng aking papel. S'yempre, concerned na ako.

"Miss, may balita na?"

"Sandali lang po."

Lumabas din ang taong pumasok.

"Hindi raw po kayo makakaboto. 'Sakto lang daw ang balota sa mga taong nakalista."

"Paano na ngayon 'yan? Sabi ng COMELEC p'wede akong bumoto."

"Tanong n'yo na lang po sa baba."

"Galing na ako kanina doon, wala 'yung pangalan ko sa Master's List, nagpunta ako sa COMELEC, at, 'eto, pinapayagan akong bumoto."

"Hindi ko kayo masasagot d'yan. Mabuti pa magtanong na lang po kayo sa baba."

Tumutulong naman s'ya kaya 'di ko na s'ya inaway.

"Miss, 'pag balik ko, dito ulit ako sa pila, ha?"

11:15 am
Nakarating muli ako sa mahabang mesa sa may gate. Nakita ko 'yung titser na sumama sa amin papuntang COMELEC. Hindi naman s'ya nagalit dahil iniwanan ko sila kanina.

"Pano po ito, hindi raw ako p'wedeng bumoto kasi wala ang pangalan ko. Nagpunta na po ako kanina sa COMELEC at ok naman daw akong bumoto."

"Paki-tignan nga ang pangalan nito sa Master's List," utos ng parang bossing nila sa isang guro.

"Tinignan ko na po kanina 'yan at wala ang pangalan ko po d'yan. Kaya nga po nagpunta ako sa COMELEC, at pinayagan naman akong bumoto. Siya nga po ang kasama namin kanina," sabay turo sa titser sa sumama sa amin.

"Oo nga, kasama namin 'yan," pero ayaw n'yang tumingin sa akin, na parang sinasabing, "tapos na ang trabaho ko sa'yo; sinamahan na kita. Iba naman ang mamroblema sa'yo."

Pinakita ko ang kaprasong papel galing sa COMELEC. Panic sila.

"Ano ang sabi sa taas?", tanong ni bossing.

"Pinapunta po ako dito sa inyo. Tapos, 'sakto lang daw po ang balota nila. Pa'no na po 'yan?"

May isang lalaking pumapel. "Hindi ka nga nila pabobotohin kasi, kung wala ang pangalan mo sa listahan, wala kang balota."

"Ok," sabi ko. Kung talagang hindi puwede, bakit ko pa ipagpipilitan ang sarili ko.

"Paki-sulat na lang po dito sa papel 'yung sinabi n'yo, at paki-pirmahan," sabi ko sa lalaki.

"Hindi ko gagawin 'yan!"

"Bakit po? Ang hinihiling ko lang ay isulat n'yo lang po ang sinabi n'yo at inyong pirmahan."

"Hindi kami authorized gawin 'yan!?

Hah? Eh, sino naman kaya ang nag-authorize na pumapel s'ya?

Mukhang naawa naman sa akin si bossing at may tinawag s'yang lalaki. "Paki-samahan na nga s'ya sa itaas."

11:30 am
Pumunta ako sa dating pwesto ko sa pila. Wala namang umangal. 'Yung lalaking sinamahan ako'y pumasok sa kuwarto upang kausapin ang nagbabantay na guro.

Maya-maya'y lumabas s'ya.

"Halika po kayo," sabi n'ya.

Pumasok ako sa kuwarto't pinalapit sa taga-bantay.

May bumoboto pa kaya hindi ko ginagambala 'yung titser. Matagal-tagal ding nag-thumb mark, naglinis ng mga daliri, at pumirma 'yung hinihintay ko. May isang mama, nakaupo sa isang desk, ang nagreklamo sa nagbabantay ng pinto. Nilapitan naman ako ng huli.

"Boboto po ba kayo?"

"Hindi, may itatanong lang ako dito." Kung sa kalye, inis na inis ako sa mga drayber na sumisingit, gagawin ko pa kaya ang laktawan ang pila?

"Makakaboto po ba ako?" tanong sa titser, nang umalis na 'yung taong kakaboto lamang.

"Nasa listahan po ba ang pangalan n'yo?"

"Wala po. At wala din po sa Master's List sa baba. Kaya po pumunta kami sa COMELEC at, 'eto," sabay pakita sa papel, "pinayagan nila akong bumoto."

Teka, parang nabasa ko na itong ganitong scenario sa email. 'Yung kwento ng kawawang taong gustong kumuha ng TIN, at kung saan-saan s'ya pinapunta. Tawang-tawa ako habang binabasa ko 'yun.

Pero, ngayon, hindi ako natatawa.

"Paki-tignan d'yan sa folder kung nad'yan ang pangalan mo."

Iba ito. Nakalagay ang orihinal na form na pi-ni-fill-up kapag nagpaparehistro. Baka sakali, dito ako makakita ng pag-asa.

Hanap. Hanap. Hanap.

Kaso, wala rin.

"Wala po, eh."

"Kelan ka huling bumoto."

"Noon pong 2001."

Hindi ako bumoto noong 2004. Sino ba naman ang pipiliin mo? Si GMA o si FPJ? Tapos, noong 2007, wala rin akong mapili.

"Ah, tinanggal na ang pangalan mo. Kaya, hindi ka makakaboto."

"Eh, bakit sinabi ng COMELEC na pu-pwede akong bumoto."

"'Di ko alam."

"Pwede po ba paki-sulat na lang dito sa papel na hindi ako nakaboto kasi wala ang pangalan ko sa listahan?"

"Hindi kami authorized gawin 'yan."

Bakit hindi? Ang hinihingi ko lang ay i-dokumento ang kanilang pinagsasasabi. Bawal ba 'yun?

"Teka, nasaan ba 'yung taga-COMELEC?" sabi ni Ma'm.

Aba, may big shot pala dito. Baka, ito, makakapag-desisyon.

Hindi ko naman ipagpipilitan na ako'y makaboto. Kung makaboto man ako, paano naman 'yung taong "kinunan" ko ng balota? Problema din 'yun. Ang hinihingi ko lang ay 'yung magkaroon sana ng lakas ng loob ang mga tao na panindigan nila ang kanilang sinabi.

Ang problema, parang walang "b" ang mga ito. 'Yan ba ang gusto nilang ituro sa kanilang mga mag-aaral?

E-2-2-loy

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 2

9:15 am
Sa wakas ay nakita ko rin ang pangalang "Baltazar". Lima pala ang nakarehistro doon. Kaso, walang "Danilo". Problema yan!

Ilang beses naming tinignan ang listahan. Pati na nga sa listahang may markang D-E-F-G ay tinignan na rin namin, baka may "Danilo" doon. Pero wala talaga ang pangalan ko.

Marami ring ganoon ang sitwasyon. May isang guro doon na nagsabing magpunta raw kami sa COMELEC, sa munisipyo, at doon magtanong kung may record kami.

Ayan, mukha talagang uuwi na ako.

"Sasamahan ko kayo doon," sabi ng isang titser na nagprisinta.

Parang ayaw pa akong pauwiin.

Pumunta kami sa Barangay Hall upang magpalista bago sumakay sa sasakyan ng barangay.

9:30 am
Sumakay kami sa isang sasakyan ng pulis, 'yung open na open sa likod, at nakaupo kami sa magkabilang bench.

"Ano ba namang sasakyan ito. Nakakahiya! Sana, walang makakita sa akin sa opisina," wika ng isang babae. 'Di ko naman nakita kung sino 'yung nagsasalita, pero, alam ko, wala kaming nakasabay na maganda. Feeling n'ya siguro'y para s'yang isang kriminal na nahuli.

Hindi ko naman problema 'yun. Ang inaalala ko lang, baka isipin ng mga kalaban ni meyor na mga supporters n'ya kami at kami'y ma-ambush.

9:40 am
Nakarating kami sa munisipyo ng Las PiƱas. Marami-rami na ring tao ang naroon.

May isang mesa sa labas ng opisina ang inuupuan ng ilang tao. Sa mesa ay may mga maliliit na papel kung saan doon mo isusulat ang iyong pangalan, prisinto, cluster, at polling place. Siyempre, hindi ko matandaan 'yung huling dalawa.

Pagka-fill up ng papel, ibibigay ito sa COMELEC, na nasa loob ng isang maliit na kwarto.

Pero, sa totoo lang, naisip ko lang ito. Wala naman kasing nagsasabi kung ano ang dapat namin gawin. Buti na lang nga't tama ang naisip ko.

Maraming nais magbigay ng papel at nagsisiksikan sa pintuan ng opisina.

Meron na ring mga nauna sa amin at naghihintay na lang ng resulta. Pero, naroon pa rin sila sa bungad, kaya kumpulan sa pinto.

"Gumawa po tayo ng dalawang pila para maging maayos ang pag-asikaso sa inyo," sigaw ng isang pulis, mula sa loob ng kwarto.

Kaso, maraming ayaw makinig. Palibhasa, naroon na sila sa may pinto, at kung pipila pa sila ay malalayo sila.

Meron namang mga gumawa na ng pila, at kasama ako doon. 'Yun nga lang, iisang pila lang ang nagawa.

"Dalawang pila lang po," sabi muli ng pulis.

Hindi na nadagdagan 'yung isang pila; ayaw tuminag ng mga taong malapit sa pinto.

"Dalawang pila po. Hindi po kayo maaasikaso hangga't hindi kayo nakapila."

"Unahin n'yo na kaming nakapila para mapilitang pumila rin ang iba," sagot ko naman.

"Gumawa po tayo ng dalawang pila," sigaw pa rin ng pulis.

Hindi ko alam kung hindi n'ya ako narinig o hindi n'ya naintindihan ang logic ng sinabi ko.

Sa medyo malayong lugar, may mga pulis na nakaupo lamang, tinitignan kami. Siguro, hindi nakatiis 'yung isa't lumapit sa amin.

"Pila lang po tayo," sabi n'ya.

"Kayo na lang po ang mag-ayos ng pila. Wala kasing gagawa n'yan kung hahayaan n'yo na kami-kami lang," sabi ko naman.

Lumakad-lakad ang pulis. "Pila lang po tayo."

Bingi ba ang mga pulis sa Las PiƱas? Mahina ba ang boses ko? O ayaw lang nilang umaksyon?

Kung hindi lang ako mahiyain, ako na ang mag-aayos ng pila.

"Dapat kasi kunin na lang nila 'yung mga papel, tapos tatawagin na lang 'pag tapos na, para hindi nagkakagulo d'yan sa may pinto," wika ng isang nakatayong naghihintay na lang. Maaga s'ya kaya't naipasa na n'ya ang kanyang papel. 'Yun nga lang, medyo matagal na s'yang naghihintay.

Siguro, may nakarinig sa kanya. Isang nakapila ang itinaas ang kamay at maya-maya'y ipinasa na ng iba ang kanilang papel sa kanya. S'yempre, may I abot na rin ako. Tapos, kanyang ibinigay sa loob ang mga ito.

Ayan, eh, 'di, nakaalis din ako sa pila at nakapaghanap ng mauupuan.

Mangilan-ngilan lang ay may mga taong tinawag na. May isang lalaking pumunta sa pinto, tapos umalis, umiiling-iling.

"'Di raw ako pwedeng bumoto," sabi n'ya sa walang partikular na kausap.

"Bakit daw?" tanong ng isang babae.

"Wala daw ang record ko."

"Bakit daw wala?"

"Walang sinabi."

"Aba, dapat sabihin nila! Karapatan mo ang bumoto." Siguro, kung sa babae nangyari ito, nilusob na n'ya 'yung taga-COMELEC.

"Kelan kayo huling bumoto?" Tanong ni girl.

"Noong para sa Barangay Chairman." (Kelan kaya 'yun?) May ipinakita pa s'yang voter's ID.

"Uuwi na lang ako," sabi n'ya.

Dapat 'ata sinundan ko na lang s'ya.

10:05 am
"Baltazar!" sigaw ng pulis na nagpapapila sa amin.

"Baltazar!" sigaw ko, patakbong palapit sa kanya. Baka kung kanino pa mapapunta ang aking papel.

"Pwede ka na raw bumoto."

Ibinigay n'ya ang munti kong papel na may nakasulat na hindi ko maintindihan ang ibig sabihin.

Ganoon lang ba 'yun? Ni walang pirma.

Naisip ko, kung mandadaya ako, maaari ko lang palang mag-fill up ng maraming papel, tapos sulatan ko ng tulad ng nakasulat ng sa akin. Tapos, ipakita ko lang ito sa prisinto at makakaboto na ako.


Parang may mali.

Nakita ko 'yung gurong sinamahan kami, at sinabing hintayin na namin ang iba pa naming kasamahan.

10:45 am
Kay tagal ko na ring naghihintay. Baka abutin pa ako ng pananghalian, kaya ipinasya ko nang umalis sa munisipyo. Hindi ko makita 'yung gurong kasama namin kanina para magpaalam.

Madali lang naman bumalik sa eskuwelahang aking pagbobotohan. Pitong piso lang ang pasahe. Pero, hindi rin ako nakasakay agad. Kakaunti lang ang nag-bi-biyahe patungog Pulang-Lupa.

11:00 am
Nakarating din ako sa paaralan. Nagpunta ako sa aking prisinto at pumila.

Dalawang pintuan ang kuwarto ng prisinto. May nakatayong poll watcher sa tig-isang pinto.

"Saan po ba ang pila para sa prisintong ito?", aking tanong.

"Hindi ko po alam."

"Para saan itong pilang ito?", sabay turo sa pila sa harapan n'ya.

"Yan siguro."

"Eh, 'yung pila sa kabilang kuwarto, saan ang pila?"

"Hindi ko rin alam."

Teka, teka, teka. Hindi n'ya 'ata gusto ang mga sagot n'ya. Para saan ba s'ya? Display? Hindi naman s'ya gwapo.

Tinanong ko 'yung nasa kabilang pinto, "Saan po 'yung pila para sa prisintong ito?"

"'Yan," sabay turo sa pilang nasa harapan n'ya.

"Saan 'yung pila para sa kabilang kuwarto?"

"Yan din."

"Paano malalaman noong nakapila kung papasok na s'ya sa kuwartong ito o hihintayin pa n'ya ang nasa harap n'ya kung saan ito papasok?"

Hindi na s'ya sumagot. Marahil, hindi n'ya naintindihan ang tanong ko. Tumalikod na lang s'ya na wari'y busy.

Iisa nga lang ang pila ng dalawang kuwarto. Hindi mo alam kung saang kuwarto ang iyong sinusundan. Maluwag pa naman 'yung aming prisinto at sa kabila'y masikip. Paano ko malalaman na pwede na pala akong pumasok sa aming kuwarto kung 'yung kasunod ko ay nasa labas pa?

Hirap initindihin. 'Ika nga ni Yul Brynner sa The King And I, "It's a puzzlement!"

E-2-2-loy

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 1

09 May 2010, 10:00 pm
Sabi ko na nga ba dapat noon pa ako gumawa ng listahang iboboto ko bukas. Ayan, wala nang isip-isip tuloy.

S'yempre, Noy-Mar ako.

Bakit s'yempre?

Kasi, ayaw ko kay Villar. Lalo na kay Erap. Si Gibo? Ayaw ko rin. Si JC sana, hindi dahil relihiyoso ako, na hindi naman talaga, pero parang napakabata pa n'ya. Saka, lalamunin lang s'ya sa gobiyerno kung wala pa s'yang pondo "sa loob".

Saka, noon pa, paborito ko na ang LP. Parang, kung ang laban ay Crispa versus Toyota, lagi akong kampi sa Tanduay.

Limang taga-LP ang inilista ko sa pagka-Senado. Ang mga ito'y malamang matatalo.

'Di ko naman maintindihan sa mga tao. Gusto nila si Noynoy, dahil daw para mawala ang korapsiyon. Eh, isang bahagi lang ng gobiyerno si Noynoy. Isang bahagi pa, na malaki rin ang pangungurakot, ay ang Senado.

Paanong mapapaayos ni Noynoy ang takbo ng bansa kung wala naman s'yang magiging katulong sa Senado?

Kaya, nakaka-inis lang. Siguradong Revilla, Estrada, Defensor, Enrile, at kung sino-sinong wala namang naitutulong ang mananalo.

'Yung pitong iba ay taga-Kapatiran. Hindi ko kilala sila pero alam ko namang, kahit papano, may integridad ang mga ito, kesa sa mga kandidatong iboboto ng karamihan.

Sa Las PiƱas ako boboto, kahit sa ParaƱaque ako nakatira, kaya wala akong iboboto sa pagka-konggresista at mga konsehal. Wala naman akong kilala sa kanila. Pero, baka si Nene Aguilar at ang kanyang bise pa rin ang iboto ko. Mahusay naman ang kanilang pamamalakad.

Balak kong maagang magising para maaga rin sa prisinto. Sana, bago pa mag-alas-otso, naroon na ako.

10 May 2010, 5:00 am
Tinugtog ng aking cellphone ang "Sweet Jamming" ring tone. Maaga siya para nga maaga akong makarating sa prisinto.

Kaso, tinatamad pa akong bumangon kaya't pinindot ko ang snooze.

5:05 am
Tumugtog ulit ang aking cellphone. Pinindot ko muli ang snooze.

5:10 am
Muling tumunog ang aking cellphone. In-adjust ko ang oras ng pag-alarm; mamayang alas-sais na lang ako babangon.

6:00 am
Tumunog ang aking cellphone. Kung may balak akong bumoto, dapat ay bumangon na ako. Ayaw kong abutin ng gabi sa prisinto.

7:30 am
Umalis na ako ng bahay. Malayu-layo pa ang aking biyahe.

8:15 am
Dumaan muna ako sa opisina upang iwan ang aking kotse. Baka mahirapan akong pumarada sa prisinto. Madali lang namang sumakay papunta doon.

8:20 am
Walang dumadaan na jeep patungong Baclaran. Panay may karatulang "COMELEC" ang mga dumadaan. Mukhang inarkila ng COMELEC ang mga ito, marahil upang gawing libreng sasakyan ng mga bumoboto.

Meron din namang mga jeep na may markang "Bernabe".

'Di ba bawal 'yun?

8:45 am
Hindi naman trapik patungong Pulang-Lupa, kun'saan naroon ang eskuwelahang aking pagbobotohan.

Pagdating ko sa paaralan kay haba na ng pila, lampas gate. Pero, hopeful ako na sa aking prisinto'y maikli lang ang pila. Ganoon naman madalas 'yun kaya kahit hindi na ako nakatira sa Las PiƱas ay dito pa rin ako bumoboto. Ang isa pa, hindi rin ako nakapagparehistro noong nakaraang Disyembre.


9:00 am
Hinanap-hanap ko ang aking pangalan nguni't wala doon. May isang babae, mukhang poll watcher, ang lumapit sa akin.

"Ano po ang kailangan n'yo?"

"Miss, wala ang pangalan ko dito sa listahan."

"Paki-tingin n'yo na lang po sa baba, may isang mesa malapit sa gate. May Master's List po doon at baka makita n'yo ang pangalan n'yo doon."

Akala n'ya siguro naliligaw ako ng prisinto.

9:05 am
May mga nagkukumpulan sa isang mahabang mesa. Sa aking palagay 'yun na ang dapat kong pagtanungan.

May nakita akong mga gurong nakaupo doon at tinanong ko kung naroon sa Master's List ang aking pangalan.

Hindi lang iisang listahan 'yun. Naka-staple ang mga papel, at sa unang pahina ay may mga letra (A-B-C, D-E-F-G, etc.), na ang ibig sabihi'y 'yun ang mga unang letra ng apelyidong nasa listahan nila.

Nilapitan ko ang titser na may hawak ng listahang may nakasulat ng A-B-C. Ibinigay ko ang aking pangalan.

"Paki-tingin nga d'yan 'yung 'Danilo'," sabi ng isang titser.

"Hindi po," singit ko. "'Baltazar' po ang apelyido ko. 'Danilo' ang first name."

Wala s'yang nagawa. Binuksan n'ya ang kanyang listahan.

Ang kaso, hindi pala nakaayos ang mga pahina. Kumbaga, kung ang huling pangalan sa isang papel ay Andaya, ang unang pangalan naman sa susunod na papel ay Borsoto. At walang page number ang mga pahina.

Patay! Iisa-isahin din pala ang mga papel upang hanapin ang aking pangalan. Mukhang matatagalan ako bago makaboto.

Gusto ko na sanang umuwi. Tutal, sigurado na naman si Noynoy. At 'yung mga iboboto ko sa Senado ay sigurado rin...siguradong matatalo.

Pero, naisip ko, karapatan at tungkulin ko ang bumoto. At least, nakapamili ako kung sino ang gusto kong manungkulan. Tutal, konting tiyaga lang ito. Malamang, bago mag-alas-onse tapos na ako. By twelve, nasa bahay na ako.

E-2-2-loy

Sunday, May 9, 2010

Mother Song

Linggo ng hapon. Kay rami ko pang dapat gawin para sa aking buhay, kaso, tinatamad ako. Siguro bukas na lang. Tutal, araw naman ngayon ng pahinga.

Maggigitara muna ako at baka sakaling gumaling ako't maging habulin ng chicks.

Pero, 'wag kayong mag-alala; hindi na ako umaasa pa. Sa tanda kong ito, alam ko namang hinding-hindi na ako huhusay pa sa paggigitara.

Nasa harapan ko ngayon ang isang lumang kopya ng Jingle Songbook-Magazine. Ito 'ata ang kanilang unang labas -- Chapter 1 daw ito, at nalathala noong 1970. Pero re-issued lang s'ya, kaya hindi orihinal na luma.

Maraming kanta ng Beatles ang kasama sa magazine na ito. Meron din mula sa Sly and the Family, Spiral Staircase, The Lettermen, at kay Tom Jones, mga mangangantang dinadala dito ni Steve O'neal at pinanonood ng mga taong walang oras noon makinig dahil busy sila sa pakikibaka.

Meron ding mga kanta ng aking peyborit -- si Ate Guy. At isa rito ay ang kantang "Mother Song", na naaalala ko pa.

Ito ang kanta ng aking lola (pinsan ng nanay ng aking mommy) na nagpalaki sa akin. Lagi n'ya itong kinakanta sa akin bago s'ya matulog. Marahil, dahil maaga s'yang naulila sa ina kaya ito ang kanyang panghele.

Naalala ko rin na kinanta namin ito sa aming Music class noong nasa elementarya pa ako.

Kaya naman laking tuwa ko nang makita ko ang kanta sa magazine. Maaari ko na naman siyang awitin.

Naaaliw ako sa unang stanza, although, medyo corny:

I once had a dear old mother
Who loves me tenderly
For when I was a baby
She took good care of me.

Kaso, malungkot 'yung kanta. Namatay kasi ang kanyang nanay. Kaya, sa huli, ito ang kanyang payo:

So children obey your mother
Obey her faithfully
For if you lose your mother
You lost the best of all.

Siyempre, napaka-preachy n'ya. Sabit pa sa rhyming.

Pero, may katwiran.

Ako, maswerte pa dahil meron pa akong inang nababati ng "Happy Mother's Day". Merong iba d'yan, ang binabati na lang ay ang asawa, mga kaibiga't mga kamag-anak na nanay. Wala na ang sarili nilang ina.

Pero, sa mga meron pa, pakinggan n'yo 'yung sinsasabi ng kanta, habang buhay pa, maririnig at ma-a-appreciate pa nila ang sasabihin n'yo.

Dahil kung hahayaan n'yo ang pagkakataon, ayon sa kanta, "you lost the best of all".

Happy Mother's Day sa lahat ng ina!

Sunday, April 18, 2010

The Power of Three

Sa mga how to's sa pagsusulat ng humor laging ine-emphasize ang power of three kung saan laging gagamit ng tatlong karakter, bagay, o event sa kwento. Kaya, madalas, ang mga kasama sa ating kwento ay isang Amerkano, isang Hapon, at isang Pilipino.

Hindi lang sa comedy ginagamit ang power of three, maging sa ibang bagay din. Sinasabing kung gagamit ng listahan ng mga ehemplo, maganda kung tatlong bagay ang iyong ibibigay. At sa ginagawa naming IT Policies sa opisina, kung meron lang dalawang items sa isang entry, hindi na dapat i-bullet ang mga ito. Kailangan, at least tatlo ang items.

Pati sa relihiyon, pumapasok din ang tatlo: Ang Ama, ang Anak at ang Espirito Santo.

Ano nga ba ang espesyal sa bilang na tatlo?

Kasi, nagtataka ako sa Gospel reading sa misa ngayon.

'Eto sina Pedro at ibang kasamahan, na tila malungkot pa rin sa mga pangyayaring ipinako sa krus si Kristo. At ano ang "gamot" sa pagkalungkot? Ang magtrabaho. Kaya, pati ang mga ibang apostoles ay sumama kay Pedro upang mangisda.

Tapos, umaga na, at walang nahuli, biglang nagpakita sa kanila si Hesus. Ito ang ikatlong pagkakataong magpakita si Hesus sa kanyang mga alagad.

Nang malaman ni Pedro na si Hesus 'yung nasa pampang, dali-dali itong nagbihis at lumusong sa tubig.

Ang hindi ko maintindihan ay ang mga ito:

1. Bakit malungkot pa rin ang mga apostoles sa pagkamatay ni Hesus?
2. Hindi ba sila naniniwala na nabuhay S'ya kahit na dalawang beses nang magpakita sa kanila si Hesus?
3. At bakit nagtatakbo si Pedro kay Hesus, na parang batang sinabihang may uwing pasalubong para sa kanya?

Ayan, tatlong katanungan din ang inilagay ko. Actually, pinilit ko lang na magkaroon ng tatlong tanong.

Eniweys, bakit nga ba parang bale-wala 'yung unang pagpapakita ni Hesus sa Kanyang mga alagad? At bakit, ngayong ikatlong pagkakataon, parang sigurado na si Pedro na si Hesus nga ay muling nabuhay.

Parang 'yung una, hindi nakakasiguro si Pedro na totoo ang kanyang nakita. 'Yung ikalawa nama'y tsamba lang. Pero, sa ikatlong ulit, wala nang duda, at 100% sure si Pedro na muling nabuhay si Hesus.

Balikan natin 'yung gabing itinakwil ni Pedro si Hesus ng tatlong beses. Noong una'y mahina pa ang kanyang boses. Sa ikalawa'y medyo lumalakas na. At sa ikatlong pagkakataon may conviction na si Pedro na hindi n'ya kilala si Hesus.

Kaso, tumilaok ang tandang. At ipinaalala kay Pedro na mali ang kanyang ginawa.

Kumbaga, may kasabihan nga na ang isang kasinungalingan, 'pag inulit-ulit, napapaniwalaang totoo.

Kaya nga, sa pagkakataong 'yun, nagkaroon ng reminder si Pedro na isang kasinungalingan ang kanyang pinagsasabi, paulit-ulit man n'ya itong sabihin.

Kaya naman, tatlong beses ding tinanong ni Hesus si Pedro, "Pedro, mahal mo ba Ako?" At tatlong beses ding sumagot si Pedro ng, "Alam N'yo namang mahal ko Kayo."

Alam naman talaga ni Hesus na mahal S'ya ni Pedro. Siguro, ang pagtatanong ni Hesus ay hindi naman para sa Kanya, kun'di para kay Pedro. Baka sa unang tanong, naisip ni Pedro na hindi s'ya karapat-dapat magmahal kay, at mahalin ni, Hesus. Sa ikalawang tanong, guilty pa rin si Pedro sa ginawa n'yang pagtatakwil. Pero, sa ikatlong tanong, may conviction na si Pedro. Parang "it's now or never". Kung ano ang naging sagot ni Pedro sa million dollar question 'yun na ang final answer.

Siguro nga, kailangang ulit-ulitin ang isang bagay upang makasanayan. Parang, pagdating ng January 3 doon mo pa lang tamang isusulat ang taong '2010'.

Ako, alam ko kulang ang tatlong tanong sa akin. 'Pag Linggo, tatanungin ako ng Diyos kung mahal ko S'ya, at sasabihin kong "Opo, mahal ko Kayo."

Kaso, pag dating ng Lunes hanggang Sabado, natatakpan ko ang aking tenga sa Kanyang pagtatanong.

Mali tuloy ang aking sagot.

Monday, April 5, 2010

Diary of a Pharisee (Part 4)

Saturday, 3 Apr, 10:02 am
Tumawag ako sa opisina at na-postpone daw ang dating ng shipment. Kasi, alam ng magdadala na walang tao sa opisina, dahil holiday, at walang tatanggap ng delivery.

Anak ng #%&@! Buti pa 'yung messenger nag-iisip. 'Di tulad ng aking bossing...! Talaga naman. Kung mamumura ko lang 'yung bossing ko sa harapan n'ya, ginawa ko na.

Kaso, 'eto namang magdadala, wala naman palang balak mag-deliver hindi agad nagsabi. Sana'y nasa Hongkong na kami ngayon.

Sana'y hindi nalaman ni Misis ang lugar na ito.

Saturday, 3 Apr, 3:38 pm
Bad trip ako sa araw na ito. Pero, aking pinag-iisipan, at least, hindi ako tinawag ng opisina upang biglaang bumalik ng Maynila.

Naisip ko tuloy ang mga blessings naming pamilya. Dati, 'pag ganitong Mahal na Araw, masyadong malungkot. Wala kang mapapanood sa TV o mapapakinggan sa radyo. 'Pag dating ng tanghali ng Biyernes Santo, 'yung Seven Last Words lang ang iyong mapapanood o mapapakinggan. Ang theater ay ang senakulo, kung saan mga amateur ang gumaganap.

At kung minalas-malas ka, sa tapat ng inyong bahay ay walang tigil na Pabasa.

Ngayon, may cable TV na, kaya't marami ka nang mapapanood. Meron na ring mga PS2, Wii, at Xbox. May iPod at kung ano-anong mp3 players. May PSP, at maging cell phone ay p'wede ring mapaglaruan o taga-tugtog ng mga kanta. At ngayon, sa halip na Pasyon na iyong kinakanta, makakapili ka na ng iyong kakantahin sa videoke.

Kaya naman, ang mga kabataan ngayon, blessed talaga sila. Kailangang magpasalamat sa mga ganitong dulot ng teknolohiya.

Masabihan nga ang mga anak ko mam'ya kung gaano sila ka-swerte.

Sunday, 04 Apr, 9:36 am
Ito na ang pinakamalungkot na araw sa buong taon. Kasi, tapos na ang maliligayang araw ng bakasyon, at bukas ay papasok ulit ako sa trabaho.

Saan ba 'yun, sa Canada, kung saan wala pang pasok ang Easter Monday? Buti pa sila.

P'wede naman akong magbakasyon, pero, iniipon ko ang aking bakasyon. Balak kasi naming magpunta sa US sa Pasko.

Sunday, 04 Apr, 11:52 pm
Grabe ang trapik pauwi! Ala-singko na ng hapon kami umalis ng Batangas, ngayon lang kami nakarating ng bahay. Kasi naman, sabay-sabay nagsi-uwian ang mga nagbakasyon. Dapat, 'yung iba, bukas na lang umuwi, o kaya kahapon sila umuwi. 'Di sana gan'un kasikip ang daan. May iba talagang hindi nag-iisip.

Kung natuloy lang sana kami sa Hongkong hindi ko aabutin ang ganitong trapik.

Late na, may pasok pa bukas. Asar talaga!

Monday, 05 Apr, 5:17 am
Naaalala ko ang tatay ko, 'pag ganitong panahon, sasabihin sa amin, "Pasukan na namaaaaaaaaan!" Asar na asar ako 'pag sinasabi n'ya 'yun.

Maaga akong papasok sa opisina. Sigurado akong maraming ma-le-late sa amin ngayon. Kahit si bossing uunahan ko sa pagpasok.

Pero, nakakatamad talagang bumangon.

Bwiset!

Sunday, April 4, 2010

Kahit Sa Papa Sikat Tayong Mga Pinoy

Katatapos ko lang mapanood ang misa ni Papa Benedicto XVI sa EWTN, cable TV. Patapos na nang ito'y abutan ko, kaya't hinintay ko na lang ang pagbati ng Papa sa iba't ibang lengguwahe. Siyempre, inabangan ko ang pagbati n'ya sa wikang Filipino.

Maraming tao ang nasa Piazza de Pietro upang magmisa't pakinggan ang Easter message ng Papa. Kahit umuulan, marami pa rin ang naroroon.

Galing sa iba't ibang bansa ang mga tao, at may mga dala-dalang bandila, na kanilang iniwagawayway. At 'pag binaggit ng Papa ang wika na kanyang gagamitin sa pagbati, nagsisigawan ang mga taong galing sa bansa ng wikang iyon.

Mga dalawang beses tumingin ang Papa sa mga taong pinagmumulan ng sigawan, nguni't patuloy ang kanyang pagbasa't pagbati na parang walang nangyari.

Nang sinabi n'ya ang "Filipineso" (or something like that), s'yempre, sigawan ang mga Pinoy na naroroon. Biglang napahinto ang Papa, tumingin sa pinanggalingan ng tao, tapos ngumiti. Binasa n'ya ang kanyang pagbati sa wikang Filipino, tapos ay tumingin ulit sa mga tao, at kumaway.

Imagine, sa dami ng mga taong naroon mula sa iba't ibang bansa, sa ating Pinoy lang s'ya huminto sa pagbasa, ngumiti, at kumaway. Ewan kung guni-guni ko lang ito, kaya nga gusto ko ulit mapanood ang mga pangyayari. 'Di naman kaya bumugaw lang s'ya ng langaw? Ano kaya ang pinaggagagawa ng mga Pinoy doon at napangiti s'ya? I'm sure hindi si GMA ang kinawayan n'ya.

Bakit kaya gan'un? Kaya naman nating magpasikat, famously, at hindi notoriously. Sa Earth Hour, tayo ang nangunguna sa partisipasyon, na, ang ibig sabihin lang, tayo rin ang may pinakamalaking natipid na kuryente sa oras na 'yun.

Sabi nila, ang Pinoy na lang daw ang nagpupuno ng mga simbahan sa Italy. At kung tayo lang ang pinansin ng Papa, marahil tama lang ang ginagawa ng ating mga kababayan sa Italy.

At gaya nga ng isang kumalat na Q&A, sa ating mga Pinoy ipinagkakatiwala ng ibang tao ang kanilang mga mahal sa buhay. Tignan mo nga, may mga yaya pa na namamatay mailigtas lamang ang kanilang alaga.

Kaya naman malaki pa rin ang aking pag-asa para sa ang ating bansa. Mailagay lang sana ng Pinoy ang tiwala sa sarili. Matutunan lang sana n'yang ipagmalaki ang pagiging Pinoy, 'di lamang kung nananalo si Pacquiao, kung nagiging CNN Hero of the Year si Efren PeƱaflorida, o kung nalalagay sa cover ng Time Magazine si Tita Cory.

Hindi naman tayo dapat umasa lamang sa politikong mananalo sa eleksyon, maging meyor, senador, o pangulo pa s'ya.

Kasi, bilang isang grupong nagkaka-isa, kaya naman nating umunlad.

Sa katunayan, ang mga politikong 'yan ang umaasa sa atin.

Friday, April 2, 2010

Visita Iglesias, 2010

Holy Eucharist Church Moonwalk ParaƱaque altar
Nakapag-Visita Iglesias kami kagabi. Mas gusto kong gawin ito sa gabi kasi, una, hindi mainit ang panahon, at, ikalawa, mas maganda ang mga altar. Ang kombinasyon ng dilim at mga ilaw (kandila o bumbilya) ay nagbibigay ng medyo solemnity sa lugar.

Ang problema lang 'pag gabi ay may mga pagkakataong hindi kami nakakatapos magpunta sa pitong simbahan. Limited lang kasi ang oras, hanggang alas-dose ng hatinggabi lang maaaring magpunta sa simbahan. At kung pupunta ka sa mga sikat na simbahan, tulad ng Baclaran Church, Manila Cathedral, at Bamboo Organ sa Las PiƱas, aabutan ka pa ng trapik, kaya't ubos na ang oras mo. Holy Eucharist Church Moonwalk ParaƱaqueKaya ngayong taong ito, 'yung mga malalapit na simbahan lang ang aming pinuntahan, 'yung sa paligid lang ng ParaƱaque, at isa sa Pasay. Alas-onse pa lang ng gabi tapos na kami.

Ang una naming pinuntahan ay ang Holy Eucharist Church sa Moonwalk, ParaƱaque. Noong 2008 nagpunta rin kami rito, at sa labas nila inilagay ang altar dati. Mas gusto ko 'yung sa 2008 kesa ngayon.
Our Lady of Beautiful Love Merville altar
Our Lady of Beautiful Love Merville
Sunod naman ay ang Our Lady of Beautiful Love, sa Merville. Ito 'ata ang paborito nina Bunso at Misis. Meron pang waterfall sa background at dalawang taga-Knights of Columbus na nagbabantay.

St. Therese altar
Ang ikatlong simbahang aming pinuntahan ay ang Shrine of St. Therese, sa tapat ng NAIA 3. First time ko itong napasok mula nang maayos ang simbahan. Kay laki't kay ganda ng loob. Naka-air con pa. Minsan nga'y magsisimba kami dito.
St. Therese Church
Pero ang altar din nito ang pinakasimple sa lahat ng aming pinuntahan. Marahil, kasi, katatapos lang ng washing of the feet kaya't marami pang tao't hindi pa napapatay ang mga ilaw. Ang pinatay lang ay ang air con.

Resurrection of Our Lord altar
Kakain sana kami muna ng hapunan sa katabing McDo, pero ang pila ay nasa labas na. Kaya lumipat na lang kami at tumuloy sa BF.

Sa may BF, nakiparada muna kami sa aking bayaw. Tapos, kumain ng hapunan sa KFC. Hindi siguro inaakala ng restoran na maraming kakain kasi naubusan sila ng kanin. Kaya, tuloy, maraming customer ang mainit ang ulo, inaway 'yung mga nasa counter.
Resurrection of Our Lord Church
Ilang simbahan na kaya ang napuntahan ng mga customer na 'to?

Nilakad na lang namin ang simbahan, ang Resurrection of Our Lord. Buti na lang at may naparadahan kami; sala-salabit ang trapik doon.
San Antonio altar
Sa San Antonio de Padua Church kami nagtuloy, 'yung simbahang malapit sa City Hall ng ParaƱaque. Sa kalye ang paradahan dito. Kung kami'y dumaraan sa kalyeng ito 'pag Linggo marami ang nakaparada. Kaya, 'yung una naming nakitang bakanteng lugar, parada agad kami. San Antonio ChurchMeron pa palang bakante kung umurong pa kami, mas malapit sa simbahan. Pero, okay na rin sa aming napaglagyan.
Mary Help of Christian altar
Sa Shrine ng Mary Help of Christian kami sumunod nagpunta. May dalawang pari na nagbibigay ng kumpisal, nguni't mahaba rin ang pila. Mag-schedule na lang ako. Tutal, kailangan ko ng isang oras para paghandaan ang pangungumpisal; sobrang dami na kasi ng kasalanan.
Mary Help of Christian Shrine
Huli naming pinuntahan ay ang simbahang malapit sa amin, ang Mary Immaculate Quasi-Parish Church. Doon kami nagtagal, tutal 'yun na ang last namin.
Mary Immaculate Quasi-Parish Church altar
Tanong sa amin ng aming mga anak bakit namin ginagawa ito, ang pag-Visita Iglesias.

Bakit nga ba? Hindi naman para mamasyal, although tuwang-tuwa ako sa mga tanawing aking nakikita. Para magpalamig, kasi naka-air con kami sa loob ng sasakyan? Para ipagpatuloy ang isang tradisyong Katoliko't Pilipino? Para maka-kamit ng indulhensiya?
Mary Immaculate Quasi-Parish Church Church
Sa totoo lang, hindi rin ako sigurado kung bakit namin ginagawa ito. Pero, nasisiyahan ako 'pag nakikita ko na buhay na buhay ang Katolisismo, lalo na dito sa Maynila.

At sa sama-sama naming pamilya na mag-iikot at pumumta sa iba't ibang simbahan, nawa'y 'di mamatay ang tradisyong ito, at lalong mag-alab ang aming pagmamahal sa Diyos, 'di lamang kung Mahal na Araw, kun'di araw-araw.